Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

DALAGA 37❀



MAGKAHAWAK kamay kaming nagpunta ni Poknat sa dance floor habang tumutugtog pa rin ang mabagal na musika. Marami na rin ibang mga estudyanteng magkakapares ang sumasayaw sa paligid, nang huminto kami ay hindi ko na alam ang susunod kong gagawin kasi... kasi ngayon ko lang naman gagawin 'yung ganito.

"Ganito." Nagulat ako nang biglang kuhanin ni Poknat 'yung isang kamay ko at nilagay 'yon sa balikat niya, pagkatapos hinawakan niya ako sa bewang at tapos hinawakan naman niya 'yung isa kong kamay. "Ayan." Ngumiti siya sa'kin tapos inalalayan niya ako na sumabay sa indayog ng musika.

Unti-unting humupa ang kaba at takot sa dibdib ko nang sabay na kaming umuugoy ni Poknat, normal lang, hindi naman pala gano'n kahirap, akala ko kasi maapak-apakan ko 'yung paa ng kasayaw ko.

Hindi ko maiwasang ilibot 'yung tingin ko at nakita si Viggo na parang naestatwa 'di kalayuan, nang magtama ang paningin namin ay ngumiti na lang siya at muling umupo. Nakita ko si Aiza at Burma, komportable rin naman sila tapos nakikipagkwentuhan pa sa mga kasayaw nila. Ang mga teachers din ay nagkalat at nagmamanman sa mga estudyante, kapag masyadong magkalapit ang katawan ay pilit itong pinaghihiwalay.

Muli akong tumingin sa kaharap ko, ayon nga lang ay halos tingalain ko na siya dahil sa tangkad niya. Mukhang bawat araw 'ata'y napag-iiwanan na ako ng height. Nakatitig lang sa'kin si Poknat habang hindi pa rin naaalis 'yung ngiti sa mukha niya. Bigla akong nag-iwas ng tingin, sandamakmak na tanong ang pumasok sa isip ko.

"Naalala mo pa ba..." pero napatingin ulit ako sa kanya nang magsalita siya. "palagi kang pinipilit ng Mamang mo sa pagsali noon sa Santa Cruzan."

"Naalala mo pa rin 'yun?" manghang sabi ko at napatango siya.

"Dapat sasali ka na eh, kaso ayaw mo talaga—" bago pa niya matapos 'yung sasabihin niya ay naunahan na siya ng pagtawa, nahawa tuloy ako.

"Loko-loko ka kasi," sabi ko. "Kung alam lang ni Mamang kung bakit, siguradong hahampasin ka ng hanger no'n."

"Eh kasi naman, naniwala ka sa sinabi ko."

"Sabi mo kasi mukhang clown 'yung mga babae sa Santa Cruzan, sabi mo clown lang ang minemakeup-an kaya natakot tuloy ako, ayokong magmukhang clown kaya ayokong sumali noon sa Santa Cruzan."

Tandang-tanda ko pa rin 'yun. Isang hapon sa duluhan, magkakasama kami, ako si Poknat, Detdet, at Miggy, naglalaro kami malapit sa sapa nang hindi mapigilan ni Detdet magkwento. Sinabi ni Detdet na sasali ako sa Santa Cruzan, na naiinggit daw siya sa'kin kasi mabuti pa raw kami may pera. Tapos biglang nang-asar si Poknat.

"Sasali ka ro'n? Eh mukhang clown naman mga nag gaganun."

"Hoy, hindi kaya, memeyk-apan si Mingming do'n tapos magmumukha siyang princess!" pagtatanggol ni Detdet sa'kin.

"Sus, pang clown lang 'yung makeup, gusto mo ba maging clown, Mingming?" tanong noon ni Poknat sa'kin tapos sunud-sunod akong umiling. Pagkauwi ko no'n sa bahay, sinabi ko kila Mamang at Papang na ayoko nang sumali sa sagala, hindi nila alam kung bakit.

Tumigil sa pagtawa si Poknat at bahagyang sumeryoso. "Sorry kung sinabi ko 'yon dati."

"Tss... Ano bang malay natin no'n?" sagot ko naman.

"Ngayong nakita kita ng nakaayos, hindi ka naman pala mukhang clown kapag may makeup," sabi niya. Hindi ko alam kung sisimangutan ko ba siya dahil halatang nang-aasar siya. Hahaba palang 'yung nguso ko nang magsalita siya ulit. "Sana pala noon ka pa sumali sa Santa Cruzan, sana pala hindi ko sinabi napangclown ang makeup."

"Ha?" napamaang ako bigla.

"Bagay sa'yo."

"Ha?" ('・_・`)

"Hindi ka ba naglinis ng tenga?" (・_・) tanong niya. "Sabi ko, ang ganda mo lalo kapag may makeup ka."

Wala akong masabi sa compliment niya kaya natikom lang 'yung bibig ko.

"Kilig ka naman," bigla niyang pang-aasar.

"Hindi no." (⁄ ⁄•⁄ω⁄•⁄ ⁄)

"Namumula ka kaya."

"Makeup 'yan, baliw." Tinawanan niya na lang ako, pero sumeryoso ako bigla nang mahagip ng paningin ko na may nakatingin sa'min. "Poknat..."

"Oh, bakit?"

"Si Honey? Hindi ba ano... Ah... Ano..."

"Ah, nagpaalam ako sa kanya, siyempre gusto ko na ako ang first dance mo," sagot niya na parang nagets naman kung anong gusto kong iparating.

Napangiti na lang ako habang malapit nang magwakas 'yung unang tugtog. Bumitiw ako sa kanya nang maiba ang kanta.

"Thank you sa pagsayaw sa'kin, Poknat," sabi ko.

"Walang anuman," nakangiti niyang sagot. Bumitaw na rin siya sa'kin pero hindi pa rin siya umaalis. Tumutugtog na 'yung ibang kanta pero para kaming natuod sa dance floor.

"May sasabihin nga pala ako," sabi niya bigla. Talagang ngayon at dito pa sa gitna?

"Ano 'yon?"

Tila mas umapaw ang mga tao at lahat ay may kanya-kayang kasayaw, hindi sinasadyang may nakabangga sa likuran ko kaya naman sumubsob ako sa kaharap ko. Mabuti na lang ay mabilis siyang nakaalalay.

"Poknat?" tawag ko sa kanya dahil kinuha niya 'yong pagkakataon para mayakap ako. Parang hindi ako makahinga dahil sa dami ng tao sa paligid namin, nangingibabaw 'yung lakas ng tugtog pero nararamdaman ko ang pintig ng puso niya. "Okay ka lang?" Nanlalamig siya dahil nakahawak 'yung isang kamay niya sa balikat ko.

Ilang sandali pa'y bumitaw siya sa'kin nang biglang may sumulpot sa gilid namin.

"Pwede ko na ba siyang isayaw?" si Viggo!

"Tch! 'Di ka makapag-intay, ano?" nakasimangot na sabi ni Poknat pero ngumiti ulit siya nang tumingin sa'kin. "Sige, Ming, ipapaubaya na kita rito kay varsity boy na ex-crush mo."

Bwisit talaga 'to!!!

"Bye, Ming!" kumaway pa si Poknat bago tuluyang naglaho sa paningin ko.

Mas naging awkward ang atmosphere nang maiwan kaming dalawa ni Viggo. Okay na eh, kung hindi lang malaki ang bunganga ni Poknat hindi na ako mahihiya bigla!

Inalok ni Viggo 'yung kamay niya at nahihiyang tinanggap ko 'yon.

"Pagpasensyahan mo na 'yon, loko-loko talaga 'yon since birth," sabi ko nang magsayaw na kami ni Viggo.

Ngumiti si Viggo sa'kin, sa totoo lang ay dumoble 'yung pagkaconscious ko dahil may mga tumitingin na iba sa'min ngayon. Famous kasi si Viggo sa school, siyempre dahil varsity player siya at hindi naman talaga maikakaila na gwapo siya.

"Gusto ko nga palang magsorry, Remsky," sabi niya. Ah, gano'n pa rin talaga tawag niya sa'kin, medyo nakakamiss.

"Sorry saan?"

Tiningnan niya ako na para bang hindi ko alam kung anong tinutukoy niya.

"Sorry sa lahat ng bagay?" parang hindi pa siya sigurado ah. "Galit ka pa rin ba sa'kin?"

"Hindi naman na," sagot ko. Totoo naman 'yun kasi lumipas na rin siguro, past is past sabi nga nila.

"Kung okay lang sana sa'yo na... gusto kong maging friends ulit tayo."

Friends... Hindi ko tuloy maiwasang mapaisip na parang kailan lang ay todo umaasa ako kay Viggo, pero mabilis ang oras at mabilis din talaga ang pagbabago. Noon ay dinibdib ko ang ilang bagay-bagay, ewan ko kung bakit pero bigla akong nagkaroon ng tapang na sabihin sa kanya ang totoo.

"Sa totoo lang nasaktan ako noong naging kayo ni Azami," sabi ko nang hindi nakatingin sa kanya ng diretso. "Pero siguro sadyang gano'n talaga, destiny? Pero okay naman na ako ngayon, masaya naman ako."

"Nakikita ko naman."

"Don't worry, friends pa rin tayo, Viggo." Mas lumawak ang ngiti niya nang sabihin ko 'yon. "May isang favor nga lang ako sa'yo."

"Ano 'yon?"

Pagkatapos naming magsayaw ni Viggo ay sinayaw din ako ni Andrei at Marty, nakakatuwa nga kasi naalala pa rin pala nila ako. Pagkatapos nila ay may dalawang kaklase ako na nagyaya na sumayaw sa'kin.

Pagkatapos ng halos isang oras ay bumalik ako sa pwesto namin kanina at umupo, gusto ko ngang hubarin 'yung sapatos ko kasi sumakit ng bahagya 'yung paa ko.

"Hays, sana lahat talaga katulad ng kaibigan natin," dinig kong sabi ni Aiza na may hawak-hawak na baso, juice 'ata pero kulay blue.

"Oo nga, kahit sa prom talaga hindi nagpapatalo ang ganda," sabi naman ni Burma na may hawak na isang stick na puro marshmallow na may chocolate.

"Aiza, saan mo nakuha 'yan, gusto ko rin ng juice—"

"Secret, sabihin mo muna kung anong sikreto mo," sabi ba naman ni Aiza, napakunot lang ako.

"Huh? Anong sinasabi mo?"

"Mukhang may mapapagod ngayong gabi," sabi naman ni Burma at tumawa silang dalawa ni Aiza.

"Pinagtitripan n'yo na naman ako," nakanguso kong sabi. "Aiza! Gusto ko ng juice!" parang bata na nagtantrums kong sabi.

"Oh, 'eto na, mahal na prinsesa," sabi niya sabay abot sa'kin ng baso niya. Hindi naman kami maseselan at maaarte kaya okay lang na magshare-share kami ng baso.

"Don't worry, hindi ka namin isusumbong kay Papa Q na ang daming boylet ang nagkakagulo sa'yo ngayong gabi," sabi ni Burma. "Gusto mo marshmallows?" Sinubuan niya ako nito.

"Mga lukaret," sabi ko sa kanila. "Anong kasalanan ko—"

"Oo nga naman, Burma, kasalanan ba ni Remison kung sadyang mahaba ang buhok niya?" si Aiza.

Nagkulitan at nagtsismisan kami ng isang oras bago ulit may nagyaya sa'ming mga kaklaseng boys na sumayaw. Pagkatapos ng mga sweet songs ay muling bumalik ang masisiglang kanta at mas napuno at mas naging magulo ang dance floor.

Parang mga nakakawala sa koral at mas hindi na nakontrol ng mga teachers ang mga estudyante dahil maging ang mga teachers namin ay nagwawala sa dance floor. Nagpaalam muna ako sa mga friends ko para magCR, at pagpasok ko roon ay may sumunod sa'kin.

"H-Hi, Chantal?" bati ko sa kanya. As usual, mas naging mataray ang itsura niya dahil sa makeup, idagdag pa ang revealing niyang suot na red dress.

Sumandal siya sa pintuan at humalukipkip. "Huhulaan ko, ikaw nagsabi kay Viggo na magsorry sa'kin, ano?" Kahit kailan talaga ay napakaprangka ng babaeng 'to.

"Oo," direktang sagot ko.

"Tch! Hindi mo naman kailangang gawin 'yon, mas lalo akong nagmukhang pathetic, alam mo ba 'yon?" galit niyang sabi. Hays, hindi naman talaga ako nag-eexpect ng pasasalamat sa kanya, alam ko naman na magiging ganito ang reaksyon niya pero sinabi ko pa rin 'yon kay Viggo. "Pero... Salamat."

Hindi ko sure noong una kung nabibingi lang ba ako pero malinaw kong narinig na nagpasalamat siya. Namamalikmata lang ba ako ngayon na nakangiti siya sa'kin?

"Salamat kasi... nagkaroon ng peace sa puso ko nang mag-usap kaming dalawa," sabi niya. "Gumaan 'yung kalooban ko. Salamat."

Umiling ako. "Wala 'yon."

Siguro kung hindi ako nagquit sa Drama Club ay magiging close din kami ni Chantal, pero okay na rin 'yung ganito. Pagkatapos kong mag-CR ay bumalik ako kila Aiza at sama-sama kaming sumayaw.

Sobrang memorable at masaya pala 'tong JS prom, medyo hindi ko ineexpect. Habang nagsasayaw kaming tatlo kalapit din 'yung iba naming mga kaklase ay pilit hinagilap ng mga mata ko si Honey... Pero hindi ko siya nakita.

Hindi ko pa rin maiwasang malungkot, sana man lang sumama siya sa amin ngayong gabi, sana sabihin niya naman sa'min kung may problema ba—kung tungkol ba 'to sa'min ni Poknat kung bakit siya umiiwas. Kaya minsan nagiguilty ako kahit na kung tutuusin ay wala naman akong ginagawang masama.

Pero 'di bale, may oras para ro'n. Ang mahalaga masaya ako ngayon, kasama sila Aiza at Burma.

Natapos ang JS Prom na masaya at matiwasay. Masaya na nakakapagod kasi magdamag kaming nagsayawan, nagkulitan, nagtsismisan, nagpicture-picture, at kumain. Bandang ala singko ng madaling araw nagtapos ang party, nagtext na ako kay Auntie para magpasundo.

Tumatak sa isip ko 'yung balak ko hanggang sa dumating ang araw ng Christmas Party namin, ang kahuli-hulihang araw na pagpunta sa school bago opisyal na magsimula ang Christmas vacation.

May pakulo na larong amazing race ang mga kaklase ko at nahati ang section namin sa dalawang grupo. Team Blue at Team Red, hindi kasali ang class officers dahil sila ang facilitators ng laro.

"Remskyyyyyyy bakit hindi ka namin kasama!!!" ngawa nila Aiza at Burma dahil napunta sila sa Team Blue.

Nasa Team Red kasi ako at kasama si Honey. Kanina ko pa siya gustong makausap pero parang sinasadya niya talagang umiwas sa'min.

Nang magsimula ang laro ay unang task ang maghanap ng mga tinagong flag, dapat mahanap namin 'yung color ng flag ng team namin. Kinalat ba naman ng class officers namin 'yung flag sa buong school kaya ayon naghiwa-hiwalay ang team namin sa lawak ng school.

Nakita ko si Honey na naghahanap sa may halamanan, walang ibang tao kaya sa tingin ko ito na 'yung tamang pagkakataon para kausapin siya.

"Honey," tawag ko sabay lapit sa kanya, "mag-usap naman tayo, please? Bakit hindi ka na sumasama sa'min? May problema ba?" direkta kong tanong dahil ayoko nang paliguy-ligoy pa.

Lumingon siya sa'kin at walang emosyon 'yung mukha niya. Totoo... Nag-aalala ako.

"Ikaw ang problema, Remison," direkta niyang sagot na sa totoo lang ay hindi ko napaghandaan. Kahit na may kutob na talaga ako na ako 'yung problema, at hindi ko alam...

"Bakit?" tanong ko. "Bakit, Honey? Anong nagawa ko? Sorry... Sorry kung may nagawa ako!"

Mas lalong lumaki ang pagkadisgusto ng itsura niya nang sabihin ko 'yon, siguro dahil masyado na 'ata akong desperado.

"Ayoko na kayong maging kaibigan." Akma siyang aalis nang sumigaw ako.

"Bakit?! Dahil lang ba kay Poknat kaya ayaw mo nang makipagkaibigan sa'min? Bakit dinamay mo pa rito sila Aiza at Burma, wala naman silang ginagawa!"

"Remi!" namalayan ko na lang na tumatakbo papalapit sa'kin sila Aiza at Burma dahil saktong dumating sila. "Honey, bakit mo siya pinaiyak!" At huli na rin para mapagtanto na basa na ang pisngi ko.

Tinalikuran lang kami ni Honey pero damang-dama ko pa rin ang malamig niyang pakikitungo, wala siyang intensyong bawiin ang mga sinabi niya. Naramdaman ko ang pag-alo ng dalawa kong katabi.

"Break na kami ni Kiel." Iyon ang huli niyang sinabi bago niya kami iwanan.

Mas lumala ang paghikbi ko, niyakap ako nila Aiza at Burma at hindi ko na mapigilan 'yung sarili ko. Hindi ko pa rin maintidihan.

"Bakit ayaw niya na... makipagkaibigan sa'tin?"

"Remi..." narinig ko 'yung boses ni Aiza. "Hindi ko alam kung alam mo... Nasagap ko lang ang tsismis mula kay Colt... Nagdrop na si Poknat ng school." 


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro