Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

DALAGA 35❀


SA isang iglap ay natapos na ang summer vacation. At ngayon sumapit na naman ang pasukan, ang ikatlong taon ko sa hayskul. Papasok pa lang ako sa loob ng eskwelahan namin ay damang-dama ko na ang mataas na energy ng mga estudyante, akalain mo't sa susunod na taon ay graduating na ako, tapos sa susunod na taon naman ay college na ako—whaaaat?!

Teka, teka, bakit ba first day na first day ng eskwela ay advance kaagad akong mag-isip?Kalma lang, Ming! Inalis ko muna 'yung mga iniisip kong 'yon at saka ako pumasok sa loob ng gusali.

Narinig kong sinabi ng lady guard na dumiretso na raw kami 'agad sa court dahil malapit nang magsimula 'yung program.

Kaagad naman akong nagtungo sa court at sinikap na huwag makabunggo, paano ba naman kasi ang daming estudyanteng nagkalat, mas dumami 'ata ang mga estudyante ngayon kaysa noong nakaraang taon.

Doon ako sa tambayan namin pumunta sa pagbabakasakaling nandoon sila Aiza at tama nga ako.

"Remskyyyy!" masiglang bati sa'kin ni Aiza na bigla ba namang dumamba sa likuran ko. Mabuti na lang magaan lang siya.

Wala pa si Honey, mukhang late na naman 'ata. Parang hindi ko naman sila namiss kasi nga hindi naman naputol 'yung komunikasyon namin noong summer, lalo pa't usong-uso na 'yung Facebook, dahil doon ay nakakapagchat kami at nakikita ko 'yung mga kaganapan nila sa buhay. Uso na kasi 'yung mag-uupload ka ng mga pictures kung anong nagaganap sa buhay mo.

"Picture tayo, binili ako ng bagong cellphone!" sabi ni Burma sabay labas ng bago niyang phone na mayroong camera. Nagpicture-picture kaming tatlo, hindi pa naman kasi nagsisimula 'yung program at kanya-kanyang lisawan din 'yung mga estudyante. "Ano ba 'yan sayang wala pa si Honey, nasaan na ba 'yon?"

"Girl, what's new? Queen of late 'yun," sagot naman sa kanya ni Aiza.

Ilang sandali pa'y pinapila na ang lahat, mas umingay nang magsama-sama ang bawat year and section. Ang pinakatahimik nga lang ay 'yung mga freshmen. No'ng nadikit kami sa mga iba naming kaklase ay kanya-kanya pa rin kaming mga daldalan.

Kahit papaano naman kasi naging ka-close ko na rin 'yung iba kong mga classmates dahil sa mga group project at activities.

Nagkatinginan kami bigla ni Viggo na nakikipagkulitan sa barkada niya, nabalitaan ko noon kay Azami na kasama ng family nila si Viggo sa out of town. Mukhang going strong naman silang dalawa at mukhang masaya naman si Azami.

Nakuha ang atensyon ng lahat nang magsalita ang teacher sa stage para simulan ang programa. Doxology, opening prayer, pagkanta ng national anthem, panunumpa sa Watawat, at ang pagkanta ng school hymn. Pagkatapos ay nagbigay ng mensahe ang mga guro.

Ang akala namin magwawakas na ang programa at papupuntahin na kami sa mga classroom namin nang biglang magsalita 'yung president ng student council at ianunsyo na mayroong mag-iintermission number bago magclosing remarks ang vice-principal.

"Hoy, sila Pokpok 'yon!" sigaw bigla ni Burma sabay turo sa stage.

Nakita ko si Poknat na inaayos 'yung mikropono, tapos 'yung mga kaibigan niya sina Veji, Colt, at Ramsey naman ay inaayos 'yung mga music instrument nila.

Mabilis na nag-iba 'yung mood ng lahat nang biglang tumugtog ang banda nila Poknat, isang pamilyar na OPM na kanta na kaagad namang pumukaw sa atensyon ng mga estudyante. Nang magsimulang kumanta si Poknat ay tila nabuhay ang mga natutulog na kaluluwa ng karamihan at namalayan ko na lang na halos sumasabay na sa kanya sa pagkanta.

"Kanina pa kitang pinagmamasdan
Mukha mo'y hindi maipinta
Malungkot ka na naman
Kanina pa kitang inaalok ng kwentuhang masaya
Parang sa'yo'y balewala
Sandali nga...
Teka lang...
May nakalimutan ka
'Di ba't pwede mo 'kong iyakan?
Sige lang, sandal ka lang at huwag mong pipigilan
Iiyak mo lang ang lahat sa langit
Iiyak mo lang ang lahat sa akin
Sige lang, sandal ka lang at huwag mong pipigilan
Iiyak mo lang ang lahat sa langit
Iiyak mo lang ang lahat sa akin..."

Maging 'yung mga kaibigan at kaklase ko ay nakikisabay sa pagkanta. Hindi ko maiwasang mapangisi dahil mukhang may future nga si Poknat sa pagiging rock star, natural na natural lang kasi 'yung stage presence at confidence niya sa stage. Hindi siya mahiyain at mataas 'yung energy niya, hindi na ako magtataka kung isang araw na lang...

Nang matapos ang kanta ay malakas na naghiyawan ang mga estudyante na halatang sobrang nag-enjoy sa intermission, ang ilan ay nagrerequest ng isa pa.

"Yoh sa inyo madlang Tansonians!" sigaw ni Poknat sa mikropono, hindi pa rin tumitigil 'yung pagtugtog ng mga kasama niya, mukhang may susunod pa silang kanta. "Ang susunod na kantang ito ay inaalay ko para sa taong palagi kong hinahanap-hanap... Sa girlfriend ko, Honey!"

Umugong ang sigawan nang muling kumanta si Poknat. Isang mas pamilyar na kanta na minsan niya ring kinanta sa'kin noon...

"Adik sa'yo... Awit sa akin... Nilang sawa na sa'king mga kwentong marathon..."

Naramdaman ko 'yung pagkalabit sa'kin ni Burma at Aiza, nakita kong may tinitingnan sila at nakita namin si Honey na nasa pinakalikuran ng pila na halos mapunit ang labi sa pagngiti. Hindi sila kumibo kaya hindi na rin ako nagsalita. Pero pakiramdam ko alam ko 'yung mga tumatakbo sa isip nila pero ayaw lang nila sabihin.

Muli kong binalik 'yung tingin ko sa harapan at tumingin kay Poknat. Parang noon lang ay sa'kin niya inalay ang kanta na 'yon, binata na nga si Poknat. Kung masaya sila ngayon, masaya naman din ako para sa kanila.

Natapos ang programa at pinapunta na kami sa mga kanya-kanya naming classroom para mameet 'yung bago naming class adviser. Gano'n pa rin naman 'yung mga kaklase ko, mas dumoble lang ang ingay dahil tatlong taon na kaming magkakasama.

May narinig ako noon sa mga seniors ko sa Drama Club na third year life daw ang pinakamasayang parte ng hayskul life. Hindi ko alam kung paano at bakit nila 'yon nasabi.

Mabilis lang ulit na tumakbo ang oras, same pa rin ang routine ko sa araw-araw pero may mga ilang pagbabago. Gigising, papasok sa school, mag-aaral, uuwi, gagawa ng assignment, project, idagdag pa 'yung mga practice para sa mga activities, tapos mga contest sa event ng school kada buwan.

Hindi pa rin nagbago si Quentin, kahit na naging bihira 'yung pagyaya niya sa'kin sa labas dahil mas naging busy siya sa school nila ay hindi pa rin siya nakakalimot magtext at tumawag.

Sila Aiza at Burma naman ay gano'n pa rin, panay pa rin ang paghahanap ng mga gwapo sa campus pati sa ibang school pero hanggang do'n lang naman sila, hindi naman sila literal na maharot. Si Honey naman ay nagquit na rin sa Drama Club at sumali sa club nila Poknat, kasama naman namin siya pero tuwing lunch ay humihiwalay na siya para sumama kila Poknat, mukhang gano'n 'ata talaga kapag nagkakaboyfriend.

Samantala, sa kabila ng pagiging busy namin sa eskwela ay may isang namumukod tanging subject ang nagbibigay ng stress sa aming lahat, ang Filipino subject, kung saan ay itinuturo na sa'mi ang unang nobela ni Dr. Jose Rizal na Noli Me Tangere.

Kilalang kilabot at terror ang third year Filipino teacher na si Ginang De Jesus, matanda na ito at malaking bulas, katangi-tangi rin ang kanyang nunal at malaking pamaypay na lagi niyang dala. Mahusay naman talaga at beterano si Mam De Jesus sa pagtuturo, 'bibliya' na 'ata sa kanya 'yung Noli Me Tangere. Papasok siya sa classroom na pamaypay lang ang dala tapos kabisado niya 'yung page number at lahat ng mga kaganapan sa kabanata! Gano'n siya kabagsik.

Literal din sa kabagsikan 'yung pagtuturo ni Mam, ayaw niya no'ng hindi ka handa kapag nagrecitation, tapos araw-araw kailangan may buod kang ginagawa ng bawat kabanata ng Noli.

May time nga naging busy 'yung section namin sa Nutrition Month dahil gustong manalo ng section namin sa Nutri-Jingle, eh ang nangyari na-late kami sa pagpapraktis tapos first subject namin kinabukasan 'yung Filipino, tapos kakaunti lang sa'min 'yung nakagawa ng buod. Alam n'yo na ang nangyari, siyempre nagkopyahan ang lahat, 'yung iba ay madaling nakakopya sa internet.

Bukod sa beterano ang hindi narealize noon ng mga kaklase ko ay sobrang talas pa rin pala ng memorya ni Mam De Jesus, matalas din ang pang-amoy niya sa mga kumopya ng buod ('yung buod na tapos ibubuod mo pa ulit), at mga nagplagiarize galing internet.

Nakakatawa na nakakatakot, naubos ang isang buong meeting namin na dinadakdakan kami ni Mam De Jesus, 'yung tipong maririnig mo sa buong floor 'yung pagbibeast mode niya habang tameme kami. At ang mas malupit do'n sa sobrang galit ni Mam ay pinalipad niya mula sa third floor 'yung mga notebook namin na may mukha ni Dr. Jose Rizal, nagmistulang confetti sa isang fiesta.

Ang siste pala ay hindi na bago ang flying notebooks sa mga third year dahil taun-taon na palang nagpapalipad ng mga notebook si Mam De Jesus. Nang matapos ang period ay naiwan kaming natrauma sa mala-armalite na bunganga ng Filipino teacher namin. Naging instant celebrity tuloy 'yung klase namin nang magpulot kami ng mga notebook.

Nang sumapit ang lunch break ay kanya-kanyang nagpawala ng stress ang mga kaklase ko, kami nga nila Burma ay napabili ng mamahaling shake, 'yung pinakamalaki at pinakamahal ang binili namin.

"Grabe, ka-stress talaga si Madam," sabi ni Burma nang makaupo kami.

"Mas okay na rin 'yung naubos 'yung meeting kakasermon kesa naman nagrerecite na naman tayo ng kabanata ng Noli Me Tangere," sagot sa kanya ni Aiza at pagkatapos ay luminga-linga. "Teka, nasaan na naman si Honey?"

"Friend, ano pa ba bago eh 'di kasama niya si Pokpok," sagot ni Burma.

"Huy, hindi man lang nagpaalam sa'tin si Honey girl, kaunti na lang magtatampo na 'ko," nakangusong sabi ni Aiza.

Pasimpleng tumango si Burma at ako man din ay sang-ayon, minsan kasi sa tuwing sasapit ang break time ay parang bula na maglalaho si Honey, parang ninja na tumatakas, hindi man lang siya nagpapaalam sa'min kung saan siya pupunta. Tapos malalaman na lang namin na kasama niya pala sila Poknat.

"Anyway, masaya naman na siya kay Poknat kaya dapat happy tayo for her," sabi ni Aiza habang nagmemake face. Hindi ko mapigilang matawa. "At bakit mo naman ako pinagtatawanan, Remison?"

Halos mabulunan ako nang sabihin niya 'yon. "Ah, ano, wala. Kasi naman parang hindi ka naman masaya sa kanya," sabi ko.

"Paanong hindi ako magiging masaya?" nakangusong sabi ni Aiza sabay turo sa sarili. "Friend natin si Honey pero bakit 'di man lang niya sinabi sa'tin 'yung real feelings niya kay Pokpok, 'di ba? Ikaw? Wala ka man lang bang naramdaman na parang betrayed? Or parang selos?"

Muntik ko nang mabuga 'yung shake.

"Selos? Hindi ah—"

"Weh! Huwag ako! Ngayong na-open na rin ang topic, finally! Tell us the truth, pretty please?" seryosong sabi ni Aiza.

Napahinga naman ako nang malalim. "Oo na, may naramdaman akong kaunting tampo kasi wala man lang sinasabi sa'tin si Honey pero hindi naman ako nagseselos. Tama si Honey, sinasaktan ko lang si Poknat kaya masaya ako kasi nagagawa niyang ibalik 'yung pagmamahal kay Poknat na hindi ko kayang ibigay."

Halos malaglag naman sa lupa 'yung mga panga nila sa sinabi ko.

"Alam mo, Remi girl, bihira ka lang magsalita pero kung magsalita ka talaga as in boom pak ganon!" sabi ni Burma na may kasama pang hand gesture.

"So, dapat na ba talaga nating tanggapin na hindi na tayo BuReZaNey?" malungkot na sabi ni Aiza habang hinihiwa 'yung tocino.

"The show must go on, frenny," sabi naman ni Burma sa kanya.

Lumipas ulit ang maraming araw at mukhang tama nga sila Aiza at Burma dahil tuluyan nang humiwalay sa'min si Honey. Mukhang sa Music Club talaga siya nababagay dahil mas nakahanap siya ro'n ng mga tropa, lalo pa't kasama niya naman do'n si Poknat. Ewan ko nga kung sinasadya niya na talagang humiwalay sa'min o sadyang hinihiwalay siya sa'min dahil tuwing may groupings naman ay tatluhan palagi kaya automatic na kami nila Burma ang magkakasama. Kapag naman walang seating arrangement ang klase namin ay sa mga gc at nerd na siya tumatabi sa unahan, samantalang kaming tatlo ay palaging nasa likuran.

The show must go on, sabi nga ni Burma. So far, okay naman ang third year life namin ng hayskul. Gano'n pa rin naman. Ang mabuti nga't hindi katulad noon na palagi nilang pinag-iinitan 'yung 'love life' ko, ngayon ay hindi na nila ako kinukulit. Alam naman kasi nila Aiza at Burma na nanliligaw sa'kin si Quentin, alam din nila na hindi ko pa ito sinasagot.

Hanggang sa dumating 'yung araw ng fieldtrip namin. Oo, may fieldtrip din naman kaming mga tiga-Tanso, mura lang 'yung bayad sa fieldtrip namin kaya hindi rin naman gano'n kabongga 'yung pupuntahan namin—sa Maynila, pupunta kaming Luneta, tapos National Museum, at Intramuros.

Magkakatabi kaming tatlo nila Aiza at Burma, ako ang nasa bintana. Ang ingay ng biyahe namin hanggang sa makarating kami ng Maynila. First-time kong makakapasyal dito kasi hindi naman mahilig mamasyal noon sila Papang at Mamang.

Nakakamangha rin naman kahit papaano dahil ngayon lang ako nakarating dito. Una kaming dinala sa Luneta, ang laki pala ro'n, 'yung dating monumento ni Dr.Jose Rizal na sa libro ko lang nakikita ay nakikita ko na ngayon.

Puro mga third-year lang din 'yung mga kasabay namin sa fieldtrip, pero kahit gano'n ay parang may fiesta sa ingay kapag nagkakasama-sama lahat.

Binigyan kami ng isang oras para maglibut-libot sa Luneta, tapos may meeting place kami para sa susunod naming pupuntahan. Siyempre hindi kami naghihiwa-hiwalay nila Aiza at Burma, habang naglalakad kami'y wala kaming ibang ginawa kundi mantrip ng ibang tao—I mean ang dami kasing mga couple sa paligid namin na magkaholding hands tapos pinagtitripan namin.

"Naku, 'eto baka bukas break na 'yan," sabi ni Burma nang makakita ulit kami ng couple sa damuhan. Natawa lang kami.

"Sana talaga lahat may jowa," sabi ni Aiza sabay nguso kay Honey at Poknat na magkaholding hands na naglalakad malapit sa mga bench. "Pramis, Remison, hindi ka man lang nagseselos?"

Napakunot ako.

"Hindi naman daw siya magseselos kasi may Quentin naman siya," sabi ba naman ni Burma.

"Hi, girls."

"Ahhhh!" sabay na tumili sila Aiza at Burma nang makita namin si Quentin na bigla ba namang sumulpot. Maging ako'y gulat na gulat.

"Hi, Remi," nakangiting bati niya sa'kin.

"Anong ginagawa mo rito?" gulat na gulat kong tanong. Nakasuot siya ng civillan, wala ba siyang klase ngayon?

"Hmm... Just passing by,"sagot niya pero hindi ako nakuntento.

"Don't tell me..."

"Nope, hindi ako nagcutting, talagang napadaan lang ako rito, tapos saktong naalala ko na may fieldtrip nga pala kayo ngayong araw," putol niya sa sasabihin ko. "Hindi mo ba ako namiss?"

"Ehem, ehem, nandito pa kami," biglang sumingit si Aiza.

"Girl, huwag kang panira sa moment nila!"saway ni Burma at pilit na hinila si Aiza palayo.

Nang maiwan kaming dalawa ni Quentin ay bigla akong naubusan nang sasabihin.

"Pupunta kaming National Museum... Ikaw?" iyon ang naisip kong itanong sa kanya na para bang niyayaya ko siya na sumama sa'kin.

"Sure, I'll come with you," sagot niya.

"Kaso... Baka pagkuguluhan ka ng mga kaklase ko," sabi ko naman dahil naimagine ko bigla 'yung senaryo, kilala nila si Quentin dahil noong play last year, at baka mamaya magkaroon ng issue.

"Alright, I know gusto mo lang akong ipagdamot," pilyong sagot niya.

"H-Hindi ah, ang ibig kong sabihin—"

"Fine, I'll be there but hindi ako manggugulo sa tour niyo." Hays, nakakasilaw 'yung ngiti niya. Kung hindi ko pa narinig 'yung mga boses nila Burma hindi ko pa mamamalayan na oras na pala para pumunta kami sa susunod naming tour, sa National Museum.

Bigla na lang ulit naglaho si Quentin, mukhang sineryoso niya nga 'yung sinabi ko na huwag siyang magpakita dahil baka pagkaguluhan siya.

Walking distance lang naman 'yung museum mula rito sa Luneta, tagaktak kami sa pawis dahil tirik na tirik ang araw. Mabuti na lang ay pagpasok namin sa museum ay malakas ang aircon.

Bumungad sa'min ang malaking painting ni Juan Luna Spoliarium, nakaka-amaze! Sobrang laki pala nito sa personal! Ibang-iba sa picture na nakita ko noon sa Sibika at Kultura namin!

Bago magsimula 'yung pagtour namin sa loob ng museum ay pinaupo muna kami sa bulwagan sa harapan ng Spoliarium para makinig sa tour guide tungkol sa kasaysayan ng nasabing painting ni Luna.

Nakita ko si Quentin na nakatayo sa isang gilid, alam kong siya 'yon kahit na nakahoodie siya, tumingin siya sa'kin sabay kindat. Tinuon ko ulit 'yung atensyon ko sa pakikinig pero hindi ko maiwasang mapangiti.

Pagkatapos ng discussion ay naglibut-libot na kami sa loob ng museum habang ginagabayan pa rin kami ng tour guide. Binigyan kami ng sariling oras para makapag-explore ng sarili sa loob ng iba't ibang gallery.

Sa sobrang crowded sa loob ng isang gallery ay lumabas ako kaso hindi ko na makita sila Aiza at Burma! Nagtanung-tanong ako sa mga kaklase kong nakakasalubong kaso hindi rin nila nakita 'yung dalawa.

Hanggang sa makapasok ako sa isang gallery na walang ibang tao kaso natigilan ako sa naabutan ko.

"Isa lang naman ang gusto kong ipangako mo sa'kin," sabi ni Poknat sa kaharap niya. "Ipangako mo na hindi mo sasaktan si Remison."

Nakita kong ibinaba ni Quentin 'yung hoodie sa ulo niya at ngumisi. "Don't worry, even if you don't say it I will never hurt her."



-xxx-


A/N: Yung scene dito na pinalipad ang mga notebook... kung nabasa nyo yung Abnkkbsnplk ni Bob Ong ay makikita niyo ang similarities, the reason why I shared it kasi halos lahat tayo nakaranas ng "Confetti notebook" moments noong hayskul kung saan pinalipad ng mga teacher natin yung mga notebookd dahil sa sobrang galit, kaya ayon naisip kong idagdag na scene dito kasi it reminds me of my Filipino teacher too. Hahaha, shout out to all our teachers, Happy teachers' day kahit medyo late! <3 

\( ̄▽ ̄)/

Kaunting kembot na lang season 3 na!!!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro