Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

DALAGA 34❀


"WILL you go out with me?"

Noong una'y hindi ko maunawaan kung anong ibig sabihin ni Quentin nang itanong niya sa'kin 'yon. Akala ko nga'y literal niya akong niyayayang lumabas kaya medyo nakakatawa at nakakahiya 'yung sinagot ko.

"Go out? Lalabas tayo ng mall?" isa 'yon sa mga araw na tila naging normal na lang sa'kin, ang pagkikita namin ni Quentin tuwing uwian, minsan sa plaza kami pupunta para kumain ng kwek kwek, minsan naman ay sa lugawan, minsan naman ay nagpupunta kami sa mall, napapapayag niya ako kasi kasama niya na madalas si Ate Gabi kaya tatlo kaming kumakain.

Pero noong hapong 'yon, naroon kami ulit sa ice cream store kung saan niya ako unang dinala. Wala si Ate Gabi kaya dalawa lang kaming magkasama habang ang driver naman niya na si Mr. Roy ay nasa parking lot.

Halos mawala ang mga mata ni Quentin nang bahagyang matawa siya sa sinagot ko.

"No, Remi, I'm asking you to be my girlfriend."

Mas namilog lalo ang mga mata ko nang diretsahin niya ako. Hindi ko man nakita 'yung sarili ko noong mga oras na 'yon ay tiyak na halos malaglag sa sahig ang aking panga sa tinuran niya dahil sa sobrang gulat.

Kung iisipin ay maraming beses na kaming magkasamang nagbabonding tuwing uwian, para sa'kin ay isa lamang 'yong gawain ng isang normal na magkaibigan—pero kung titingnan sa mga mata ng iba ay parang gano'n na nga kaming dalawa.

Damang-dama ko noon ang pag-init ng aking pisngi at hindi ako makatitig ng direkta sa mga mata niya.

"H-Hindi ba't masyadong mabilis?" nahihiya kong sinabi. "At saka hindi pa ako pwedeng magkagano'n dahil bata pa ako, tapos 'yung lola ko kasi..." tila nagkabuhul-buhol noon 'yung dila ko dahil 'di malaman ang sasabihin.

Imbis na madismaya, malungkot, o mahiya ay ngumiti pa noon si Quentin na tila naginhawaan. Nagtataka ko siyang tiningnan.

"It's okay, alam ko naman na ganyan ang sasabihin mo," sabi niya. "But I'm glad you said it."

"H-Huh?"

"It means you'll wait for me at the right time."

Right time... Tamang pagkakataon.

Speaking of oras, kamukatmukat mo'y natapos na ang ikalawang taon ko sa hayskul. Natapos ng gano'n lang, 'yung normal lang.

At ngayong summer vacation ay bigla kong naalala 'yung huling kain namin sa labas ni Quentin, kung kailan tinanong niya ako na maging girlfriend niya. You'll wait for me ang sinabi niya, hindi ko narealize noon na pinangangahulugan niya rin na gusto ko rin siya kahit na hindi rin ako sigurado sa kung anong nararamdaman ko.

Ewan ko ba kung dala lang ng boredom 'tong pag-iisip ko tungkol sa bagay na 'yon, kung gusto ko ba siya—kung gusto ko ba 'yung ideya na maging girlfriend niya. Winasiwas ko sa aking isip 'yung huli, ano ba naman, bakit ko iniisip 'yon?

"Ming! Tulungan mo nga ako rine!" nagbalik ako sa kasalukuyan nang marinig ko ang boses ni Mamang. Dali-dali akong tumayo at pumunta sa labas, nagtitinda kasi ulit si Mamang ng merienda tuwing hapon, naisipan niyang magtinda ng Halo-Halo kasi tag-init na ang panahon.

"Po?"

"Tulungan mo akong magkadkad ng yelo," utos sa'kin ni Mamang na busy sa pagtatakal ng mga sahog sa baso, may lima kasing customer na naghihintay. In fairness naman ay mabentang-mabenta ang special Halo-Halo ni Mamang.

Habang tumutulong ako kay Mamang ay narinig kong nagsalita 'yung isa naming babaeng kapitbahay.

"Aba, Eme, dalagang-dalaga na pala ireng anak ni Judy? Kay gandang bata!" nagpatuloy lang ako sa pagkadkad ng yelo sa likuran ni Mamang, kunwari hindi naririnig na nag-uusap sila. "Ilang taon na ba 'yang apo mo?"

"Kuuu, magkikinse na 'yan," sagot ni Mamang.

"Wala pa bang boypren?" sumabat ang isa naming kapitbahay.

"Aba, hindi pa pwede't unahin niya muna ang pag-aaral niya." Damang-dama ko 'yung katarayan ni Mamang, kung malalaman niya lang na muntikan na ay tiyak na hahambalusin niya ako ng walis tambo.

"Asus, iba na ang panahon ngayon, Eme," sawsaw ng isa pang kapitbahay. "Malilihim pa naman ang mga kabataan ngayon."

Sawakas ay natapos din 'yung topic nila tungkol sa'kin nang abutin ko kay Mamang 'yung isang bowl ng kinadkad na yelo. Nagpaalam na ako na babalik muna ako sa kwarto, ang awkward kasi ng mga tingin nila sa'kin, alam mo 'yung medyo mapanghusgang tingin, na parang hindi sila naniniwala na sa edad kong 'to ay wala pa akong boyfriend.

Pagpasok ko sa loob ay narinig ko ulit 'yung usapan ng mga matatanda sa labas, narinig kong nabanggit ang nanay ko, na eighteen pa lang ay nabuntis na ito. Ewan ko nga kung paanong wala na lang kay Mamang sa tuwing nabubuksan ang usapan tungkol sa nanay ko.

Pumasok ako sa kwarto ko at muling humiga. Tama naman 'yung kapitbahay namin, na malilihim na ang mga kabataan ngayon—o ako lang 'yon? Hindi na rin talaga ako komportable magkwento kay Mamang tungkol sa mga nangyayari sa'kin sa school, kasi nga... ayoko ring maging paranoid si Mamang, para iwas sermon na rin.

Wala akong ibang pinagkaabalahan ngayong bakasyon kundi magtext at tulungan si Mamang sa pagtitinda ng merienda. Paminsan-minsan ay nagpupunta ako sa computer shop para magfacebook at maglaro ng mga online games, madalas ay nanunuod ako ng mga drama sa TV tuwing hapon, 'yung mga palabas na tungkol sa kabet at agawan ng asawa, gustong-gusto 'yon ni Mamang.

'Di kalaunan ay nabored na rin ako sa paulit-ulit kong ginagawa tuwing bakasyon, ang palagi ko lang katext sa tuwing may load ako ay sila Aiza, Burma. At si Honey naman...nagkakausap din naman kami katulad ng dati, madalas ay topic namin ang Korean drama pero may times na tinatanong niya ako tungkol kay Poknat.

Speaking of Poknat, hindi kami nagkakatext kaya wala akong balita sa kanya, pero palagi ko siyang pinapadaanan ng GM, sadyang hindi lang siya nagrereply. Ang huling balita ko sa kanya mula kay Honey ay palagi raw busy sa paglalaro ng computer games. Mukhang nagkaka-usap sila.

Si Olly at Deanna nakakatext ko pa rin. Si Kambal? Actually, nag-uusap na ulit kami dahil nalaman niya 'yung tungkol sa'min ni Quentin, kaya ayun si Quentin ang topic namin palagi.

At si Quentin, dahil sobrang yaman nila, hindi uso sa kanya ang text, tinatawagan niya ko dalawang beses sa isang linggo. Napag-alaman ko kasi na palagi siyang may lessons tuwing summer, katulad ng swimming, music, at martial arts. Iba talaga kapag mayaman. Ang higpit pala ng daddy niya, kaya palusot lang niya ko tinatawagan tuwing gabi.

"Mamang, ipaghahanda mo ba ako sa birthday ko?" tanong ko isang hapon kay Mamang. Ilang araw na lang kasi magpi-fifteen na ako.

"Siyempre naman, ipagluluto ulit kita ng spaghetti at shanghai."

Awtomatikong nasura 'yung itsura ko, paano ba naman ay taon-taon 'yon na lang palagi ang handa sa'kin ni Mamang. Nag-eexpect pa naman ako na may pakulo si Mamang, eh kaso naalala ko na hindi na nga pala ako bata, ano pa bang aasahan ko? Tumatanda na ako.

"Aba, Ming, pasalamat ka nga at may maipanghahanda pa 'ko sa'yo, 'yung pension ng Papang mo sakto lang sa atin, tumatanda na rin ang Mamang mo blablablabla..." At ayan na nga't nasermunan na ako ni Mamang.

"My god mother dear bakit hindi mo man lang i-level up na may cake si Remi?" sabay kaming napalingon ni Mamang sa bagong dating na boses.

"Auntie Emily!" bulalas ko nang makita ko siyang nakatayo sa pintuan, as usual ay japorms na naman ang pormahan ni Auntie na animo'y galing sa abroad dahil may hila-hila siyang maleta.

"Emiliana! Anong ginagawa mo rito? Nakakagulat ka!" bulalas ni Mamang at halos umikot ang mga mata ni Auntie.

"Hindi pa ako multo, mother dear, para magulat ka ng bongga. Ako lang 'to," sabi ni Auntie sabay turo pa sa sarili.

Kaagad akong tumayo at sinalubong ng yakap si Auntie. Akalain mo't na-miss ko talaga ang bruhang ito. Ang dami niyang pinasalubong! Iyon pala'y nagtatrabaho pala talaga siya sa abroad, ngayon lang namin nalaman ni Mamang kaya siyempre gulat na naman kami.

"Hanggang kailan ka naman dito, Emiliana?" tanong ni Mamang habang tinitiklop 'yung mga t-shirt na pasalubong ni Auntie.

"Aba, kakarating ko lang gusto niyo na ba ako 'agad umuwi?" sagot ni Auntie at akma siyang babatuhin ni Mamang ng hanger. Natawa na lang ako sa kanilang dalawa. "Actually, isang linggo lang ako, nataon lang na pinauwi ako rito para mag-asikaso ng ilang papeles kaya pinapabalik din ako."

Medyo nalungko ako nang marinig 'yon dahil akala ko matagal-tagal ko siyang makakasama. Pero at least, nandito si Auntie sa araw ng birthday ko, kahit spaghetti at shanghai ang handa, okay lang.

Ang kaso, naging busy si Auntie noong mga sumunod na araw dahil nga nag-aasikaso siya ng mga dokumento para sa kung saan man 'yon (sa trabaho niya 'ata). Kaya halos gabihin na siya sa pag-uwi, nagkukwentuhan kami ni Auntie bago matulog, dito sa kwarto ko na siya natutulog at hindi na sa sala, naglalatag lang siya ng banig at doon humihiga.

"Auntie?" tawag ko sa kanya kasi kanina pa ako nagkukwento ng kung ano tungkol sa school kaso wala nang sumasagot sa'kin kaya sinilip ko siya sa ibaba.

Ayon, humihilik na pala ang bruha, siguro dala ng pagod niya sa paglalakad ng mga papel sa munisipyo ay nakatulugan niya na ang kwentuhan namin. Hinayaan ko na at matutulog na lang din ako.

Kaso kung kailan papikit na 'yung mata ko ay biglang tumunog 'yung cellphone ko, kaagad ko naman 'yong nasagot.

"H-Hello?" pabulong kong sabi.

"I'm sorry, did I interrupt your sleep?" bakas ang pag-aalala sa boses ni Quentin sa kabilang linya.

"Hindi naman, hininaan ko lang 'yung boses ko hehe," sagot ko sa kanya at sumulyap ako sa wallclock at nakitang pasado alas gis na ng gabi. "Napatawag ka?" palagi kong tinatanong 'yon sa tuwing tumatawag siya.

"I just wanted to know how's your day," sagot niya. Kahit na hindi ko siya nakikita ay naiimagine ko na 'yung ngiti niya.

"Ayon, gano'n pa rin naman. Ikaw? Kamusta ang lessons?" tanong ko. Narinig ako ang pagbuntong hininga niya, mukhang pagod rin siya. "Uy, baka masama sa'yo ang pagpupuyat."

"Not really, you know how strict my dad is. Kahapon niya lang binalik 'yung phone ko."

"Grabe naman ang dad mo, pero alam mo, para rin naman sa'yo 'yan," sabi ko.

"By the way, malapit na ang birthday mo." Nanlaki 'yung mga mata ko kasi hindi ko naman natatandaan na sinabi ko sa kanya kung kailan 'yung birthday ko.

"P-Paano mo nalaman?" pinilit kong mas hinaan 'yung boses ko.

"Of course, I asked your friends," sagot niya. "Anong wish mo?"

Hindi ako nakasagot 'agad.

"Ah... Kahit ano." Putekl, bakit gano'n 'yung sagot ko? Parang feeling ko ba reregaluha niya ako sa gano'ng sagot na 'yon!

"Oh, okay." So, reregaluhan niya nga ako!

Kalma ka lang, Ming. Teka... Iimbitahan ko ba siya sa birthday ko? Teka, teka, nakakahiya naman! Hindi naman ako magpapaparty eh!

"Hello?" namalayan ko na lang ulit 'yung boses niya kasi ang tagal kong hindi nagsasalita.

"Sorry, ang bangag ko, wala akong maisip hehe," palusot ko.

"Ako nga dapat ang magsorry kasi palagi kitang pinupuyat," sabi niya at napangiti naman ako.

"Wala namang pasok sa school—"

"Don't you miss me? Kasi ako miss na kita," bigla ba naman niyang sabi. Gusto kong takpan 'yung unan ko tapos gusto kong tumili ng as in tili talaga.

"I-I miss you din naman."

"I'll call again soon. Good night, my princess."

"W-Wait lang, Quentin." Shems!

"Yes?"

"Sana... Makapunta ka sa birthday ko."

Binaba ko bigla 'yung tawag sa kagagahan na ginawa ko. Nanatili lang akong nakatulala sa kisame habang nakalagay pa rin sa tenga 'yung cell phone ko. Lechugas ka, Ming, bakit mo sinabi 'yon sa kanya?

Kakapain ko sana 'yung dibdib ko nang may maramdaman ako. Pagtingin ko sa kanan ko ay nakita ko ang isang mumu na nakatitig sa'kin—mali! Si Auntie Emily nakatitig lang sa'kin habang nakapangalumbaba sa may gilid ng kama ko.

"Ahhhh!" hindi ko mapigilang mapasigaw sa sobrang gulat. Halos mabato ko 'yung cell phone ko sa kanya. Anak ng cotton candy!

"Anong I miss you?" pokerfaced na tanong ni Auntie habang nakatingin sa'kin. "May boyfriend ka na—"

Bigla akong napabangon sa kama at halos sunggaban siya kaso nakaiwas si Auntie kaya nahulog tuloy ako.

"Auntie, hindi! Ah... Eh... Ano 'yun!"

"Sino 'yung kausap mo? Lalake 'yun ano?"

"A-Ano kasi, Auntie—"

Biglang bumukas 'yung pinto at niluwa no'n si Mamang na pupungas-pungas, mukhang nagising sa ingay na nilikha ko.

"Gabi na hindi pa ba kayo matutulog?" nakasimangot nitong tanong.

"Mother dear, 'yung apo mo lumala—hmfffffff." Bago pa ako masumbong ni Auntie ay natakpan ko na 'yung bibig niya.

Mabuti na lang ay antok na si Mamang. "Naku, tumigil-tigil kayo sa mga harutan n'yo ah! Maaga pa kong gigising bukas!" pagkasabi no'n ni Mamang ay umalis na 'to. At saka ko binitawan si Auntie.

"Auntie naman! Huwag mo akong isusumbong kay Mamang!" pagmamakaawa ko sa kanya pero tiningnan niya lang ako na parang demonyita. "Hindi ko talaga boyfriend 'yun..."

"Eh, ano mo 'yon?" pumanewang si Auntie. Mahina na 'yung mga boses namin.

"M-Manliligaw?" tumaas ang kilay ni Auntie, mukhang nawala na 'yung antok niya. Sa huli'y kinuwento ko sa kanya ang buong detalye tungkol sa amin ni Quentin. "Please, Auntie, huwag mo naman akong isusumbong kay Mamang, wala namang something sa'min eh."

"Tungak, anong walang something, gano'n na rin 'yon, doon din kayo papunta," sagot ni Auntie. "Hmm... Madali lang naman akong kausap, iyon ba ay kung magiging masunurin kang bata."

Binabawi ko na 'yung sinabi ko na natutuwa ako na nandito si Auntie. Dahil bruha talaga siya, para hindi niya ako isumbong kay Mamang ay sinusunod ko ang lahat ng mga inuutos niya sa'kin. Pinaglaba niya 'ko ng mga damit niya, hinihilot ko siya, palihim na binibili ko siya ng yosi at beer (at siyempre ako rin ang naglilinis ng 'krimen' niya sa kwarto ko).

Hanggang sa dumating 'yung araw ng fifteenth birthday ko. Sa totoo lang hindi ako nag-eexpect ng something pero nagulat ako nang biglang may dumating na maraming pagkain sa bahay! Limang box ng pizza, dalawang bilaong pansit palabok, may lechon din, at bilog na cake!

"Mamang, ano 'to?" tanong ko nang maabutan ko sila ni Ate Melai sa kusina. Napansin ko rin na hindi spaghetti at shanghai ang niluluto nila kundi Afritadang Manok at Pastel!

"Magthank you ka sa Auntie mo," nakangiting sabi ni Mamang sabay nguso, napalingon naman ako at nakita ko si Auntie na nakahalukipkip.

"Siyempre, papayag ba si Mr. E na spaghetti at shanghai lang ang handa ng pamangkin niya sa fifteenth birthday niya?" mataray nitong sabi. Sa tuwa ko'y niyakap ko si Auntie, ito naman pala ang kapalit ng lahat ng pagpapahirap niya sa'kin! "Oh, ano pang hinihintay mo't mag-invite ka na ng mga friends mo!" kumindat pa si Auntie.

Ngayon ko lang gagawin na on the spot akong mag-iimbita ng mga kaibigan sa araw ng birthday ko kaya naman medyo kabado at excited ako. Siyempre inimbitahan ko sila Aiza at gora lang silang lahat. Inimbitahan ko rin 'yung elem friends ko na nasa Silvestre kaso sa kasamaang palad ay nasa out of town sila Deanna, Olly, at Azami. Inimbitahan ko rin sa text si Poknat at mga kabanda niya. At siyempre huli kong pinadalhan ng text si Quentin.

'I rlly want 2 go, but my dad won't allow me bcoz of my training. I'm wishing you all the best. Imy! –Q'

Parang expected ko na na hindi makakapunta si Quentin dahil nga sa mga extracurricular activities niya.

"Happy birthday, Remskyyyy!"

Noong hapon ay sabay-sabay na dumating sa bahay sina Aiza, Burma, Honey, Colt, Ramsey, Veji, at si Poknat. Nagulat ako kasi may dala silang cake! Nag-amabagan pala sila para mabili ako nito, mayroon ding dedication sa akin. Nakakatouch naman!

Hindi ko ma-explain 'yung tuwa ko dahil ngayon ko lang talaga 'yung maranasan 'yung magpapunta sa bahay. At 'yung makantahan ng happy birthday! Parang noong bata ako ay naiinggit ako sa mga kaklase kong nakakantahan ng happy birthday sa school!

Siyempre, hindi pwedeng mawala ang videoke. Nagkantahan lang kami maghapon (sila lang pala). Parang ayoko na nga matapos 'tong araw na 'to eh. Nakakatuwang makita na nakikipagkulitan sila Aiza kay Mamang at Auntie.

At si Poknat? Hindi pa niya ako kinakausap, siguro hindi siya makalapit sa'kin dahil nandiyan si Mamang at Auntie Emily na minsang pumingot sa tenga niya. At least, nandito siya.

Noong uwian na ay akala ko talaga hindi na niya ako kakausapin. Nauna nang lumabas sila Burma matapos magpaalam kila Mamang. Naiwan kami ni Poknat sa may entrada.

"Regalo ko pala," sabi ni Poknat sabay abot sa'kin ng isang maliit na kahon.

"Uy, nag-abala ka pa." tinanggap ko 'yung isang maliit na kahon mula sa kanya.

"Ming?" tawag niya. "Pasensiya ka na sa mga inasal ko noon ha."

"Ano ka ba, sanay na sanay na ako sa'yo," nakangiting sagot ko sa kanya. Gusto ko sanang sabihin na ang seryoso naman niya masyado.

"Magpapaka-good boy na ako." Bahagya siyang ngumiti at saka sinabing. "Kami na kasi ni Honey." 




Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro