Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

DALAGA 30❀


ANG alam ko, matanong lang ako na bata noon, hindi naman ako sobrang bibo o aktibo dahil may mga pagkakataong takot akong makihalubilo sa ibang tao, dahil siguro wala akong mga magulang at ibang kapatid. Curious ako na bata, iyon ang sure ako. Kaya naman ni hindi ko sukat akalain na magagawa kong umarte at magtanghal sa harapan ng maraming tao.

Kahit halos dalawang linggo na kaming nagpapractice ay pinanghihinaan pa rin ako ng loob. Hindi pa rin nawawala 'yung hiya at kaba sa dibdib ko kahit na ilang beses kong naririnig mula kay Quentin sa tuwing magkakamali ako na, "It's okay."

Mabait naman si Quentin, palagi lang siyang nakaalalay kapag nakasalang kami sa stage. Sa tuwing magkakamali ako ay nakangiti lang siya nang matipid. Hindi siya katulad ng iba niyang schoolmate na medyo mapangmata.

Nalalapit na ang play, ang mas nakakakaba pa ay sa auditorium ng Silvestre Academy gaganapin ang play namin. Nalaman 'yon nila Azami, Deanna, Olly, at Alex nang makita nila ang poster sa bulletin board, nakatanggap ako ng text sa kanila na manonood daw sila. Ayun, bigla akong napressure.

Hindi pa rin alam ni Mamang ang pinaggagawa ko sa school, ang alam niya lang kaya ako late umuuwi ay dahil sa 'project', basta pagsinabing project automatic may ginagawa sa school. Hindi ko naman pinaliwanag nang maigi kay Mamang na aktres lang naman ang apo niya sa isang palabas.

"Remi gurl, halatang-halatang kinakabahan ka na," komento ni Aiza habang naka-break time kami.

Nakaupo kami malapit sa may stage at pinanunuod 'yung mga propsmen na nag-aayos na ng mga props sa stage, halos kumpleto at makulay na ang lahat. Ang galing nga nila kasi gawa lang halos sa recycled materials 'yung mga iba't ibang design.

Mas nakafocus si Mam Cass sa production at si Sir Patrick ang nag-aasikaso sa pag-arte namin, parehas silang magaling at sa totoo lang ay walang-wala itong ginagawa namin ngayon sa ginawa ng mga senior last year kaya kahit papaano ay nakaka-excite.

"Sino bang hindi kinakabahan, guys?" sabi ko sa kanila.

"Don't worry dahil kami naman ang mga fairy godmother mo," kampanteng sabi ni Burma.

Sa kabutihang palad nga ay silang tatlo ang nakakuha sa role ng tatlong fairy godmother ni Aurora kaya kapag may eksena na magkakasama kaming apat ay hindi ako naiilang at nahihiya (pinipigilan ko lang matawa kasi mga tropa ko kaya 'yon).

Nang matapos ang break ay pinabalik na kami ni Sir Patrick sa stage para ipagpatuloy 'yung practice, eksena namin ni Quentin. Dinidiscuss sa'min ni Sir Patrick 'yung ending, 'yung part na hahalikan ng prinsipe si Aurora at magigising ito.

Guniguni ko lang 'ata na narinig ko na tinanong ni Quentin kay Sir Patrick kung hahalikan daw ba ako sa lips kaya sa gulat ko'y napaatras ako. Saktong may nabangga akong crewmember kaya nabangga niya 'yung hagdanan, tila nagkaroon ng domino effect nang matumba ang hagdanan, nagsilaglagan 'yung mga nakatayong props na kastilyo, mga puno at iba pa.

Mabuti na lang ay karton lang 'yon dahil natabunan kami sa stage. Pagkatapos ng komosyon ay galit na galit 'yung Silverian member na artist na siyang nagpintura ng mga designs.

"Eh kasi binunggo niya ako!" bigla ba naman akong tinuro nung crew na nabangga ko. Ang sama tuloy ng tingin ng lahat sa'kin.

"S-Sorry," mahinang sabi ko kahit hindi ko sure kung kasalanan ko ba pero feeling ko kasalanan ko nga.

Nakita kong parang batang nagtantrums 'yung artist at kinausap si Sir Patrick. Ang sama pa rin ng tingin ng mga babaeng may crush kay Quentin sa'kin. Sa sobrang hiya ko ay pumunta ako sa backstage at naabutan si Mam Cass sa sulok na may inaayos.

Lumapit ako sa kanya at kaming dalawa lang naman 'yung nandito kaya nilakasan ko 'yung loob ko.

"M-Mam Cass?" tawag ko sa kanya.

"Yes?" sagot niya nang hindi tumitingin sa'kin.

Gusto ko na po magquit. Pero hindi 'yon lumabas sa bibig ko. Natuod lang ako sa harapan niya hanggang sa tumingin siya sa'kin at napansin ang nag-aalangan kong itsura.

Tinanggal ni Mam Cass ang salamin niya at saka sinabing, "I know you wanted to ask me why I chose you since day one."

"Po?"

"Nanood ako ng play n'yo last year. I must say that Chantal is way better than you,"prangkang sabi ni Mam sa'kin.

"Kung gano'n bakit po..."

"Your attitude is better, Remison," sabi ni Mam sabay ngiti nang matipid. "I prefer working with people who are humble enough than those who are talented but arrogant. Let's just say na lesson ito para kay Chantal."

Ewan ko kung bakit bigla naman akong naawa kay Chantal nang marinig ko 'yon.

"Magaling po si Chantal, sana po sa kanya n'yo na lang binigay 'yung role," sabi ko na para bang hindi naintindihan 'yung sinabi niya.

"I know you wanted to quit," sabi niya. Grabe, may powers ba ang mga teacher para alamin ang ma nasa isip ng estudyante? "Trust me, you're doing well. As for Chantal, don't worry, she'll have her spotlight soon, mas bagay sa'yo ang lead role na 'to."

Bago umalis si Mam ay may iniwan pa siyang mensahe sa'kin, "Just don't mind the haters, okay?" sabi niya sabay kindat at saka umalis. Aware din naman pala si Mam Cass sa mga insekyorang Silverian sa'kin dahil kay Quentin.

Pero hindi pa rin ako napanatag kahit narinig ko 'yon kay Mam Cass. Pakiramdam ko kasi madali lang na sabihin ng mga matatanda 'yung gano'n kasi... kasi matanda na sila? Ang ibig kong sabihin... Kapag kasi nasa tamang edad ka na katulad ni Mam Cass, parang ang strong mo ng tao. Eh ako? Fourteen pa lang ako. Ang dami ko pa ring takot sa isip.

Like... Paano kung magkamali ako? Anong sasabihin nila? Pagtsitsismisan nila ako? Pagtatawanan? At 'yung pakiramdam na hindi ko deserve 'yung ganito. Pakiramdam ko na hindi naman ako magaling. 'Yung gano'n.

Pagkatapos ng practice ay as usual uwian na naman. Naghiwa-hiwalay na kami nila Burma dahil magkakaiba kami ng jeep na sasakyan pagdating ng stoplight.

Naghihintay ako ng jeep sa waiting shed nang biglang may tumapik sa'kin. Pagtingin ko sa gilid ay biglang may tumusok na daliri sa pisngi ko.

"Poknat!" bulalas ko nang makita ko siya..

"Do you miss me, Mingming my labs?" nakangisi niyang sabi.

"Huh? Mukha kang holdaper diyan!" bato ko sa kanya na kinakunot niya.

"Sa kinagwapo kong 'to sasabihan mo lang akong mukhang holdaper?" yamot niyang sabi. "Ano? Ayaw mo pa aminin na namiss mo ako."

"Tsss...Ang dami mong satsat, saan ka ba nanggaling para kang kabute dyan?"

"Kanina holdaper ngayon naman kabute," nakakamot sa batok niyang sabi.

"Tumira ka na 'ata sa computer shop kaka-DOTA mo," sabi ko.

"Wuuuh, masyado mo naman akong namiss, ayaw pang aminin!"

Piniit ni Poknat na ihatid niya 'ko sa'min kahit na ayaw ko. Wala naman na 'kong nagawa nang sumakay din siya sa jeep na sinakyan ko. May bungguan daw sa isang kanto kaya nastuck kami sa traffic, pagkakataon para makapagdaldalan kaming dalawa sa jeep.

"Huwaaaat?! Ikaw ang leading lady ng play n'yo?!" mangha at hindi makapaniwala niyang sabi. "Bakit ni hindi mo man lang ako tinext?!" nakanguso niyang sabi.

"Wala ka namang selpon, 'di ba?" sabi ko. "Absent ka ng school ng ilang araw? Ang akala namin tumira ka na sa computer shop."

Napabuntong hininga si Poknat na para bang pagud na pagod siya sa buhay niya.

"Hays, dumating kasi bigla 'yung hukluban kong lolo kaya hindi ako nakapasok sa school ng maraming araw," pagod niyang sabi.

Huh? May lolo si Poknat? Bakit ngayon ko lang narinig sa kanya na may lolo siya? At saka tinawag niya talagang hukluban 'yung lolo niya?

Itatanong ko pa lang 'yung tungkol sa lolo niya nang bigla ba naman niyang pinakita sa'kin ang isang dituping selpon na kulay blue! Akala ko laruan 'yon pero nagulat ako nang kumislap 'yon!

"Tsaran! Tingnan mo ang bago kong selpon! Ang ganda ano!" sabi niya sabay pakita sa'kin ng picture kong stolen na halos nakanganga.

"Hoy, burahin mo 'yan," sabi ko pero ayaw niya. "Ang ganda niyan ah!" hindi ko maiwasang purihin 'yung selpon niya dahil nakikita ko 'yon sa commercial, 'yung bagong labas na selpon na may camera at TV!

"Regalo ni tanda sa'kin," sabi niya.

"Sinong tanda?"

"Ah, 'yung lolo ko."

Loko-loko talaga 'to. Umusad na rin ang jeep at tuwang-tuwa siya na nagpalitan na kami ng selpon number.

"Huwag mo lang akong tatatadtarin ng text at tawag," sabi ko.

"Baka naman may load?" sagot naman niya sabay tawa.

Hindi na nagpakita si Poknat kay Mamang dahil daw baka mabato lang daw siya nito ng hanger. Mainam naman at natututo na si Poknat na mag-ingat kay Mamang. Kahit papaano ay gumaan ang kalooban ko nang makausap ko si Poknat, aaminin ko na namiss ko rin ang makulit niyang presensya.

Noong gabing din 'yon ay tila ba may nakain ako at nagkaroon ako ng lakas ng loob na sabihin kay Mamang sawakas na may play sa school at ako ang bida.

"Dios mio kang bata ka bakit ngayon mo lang sinabi sa'kin 'yan?!" hindi ko mawari kung galit ba si Mamang o ano at kung anu-ano na ang pinagtatatalak. Na dapat daw pinapabalita niya sa buong barangay namin na bibida ang apo niya, naiisip na niya kung magpapaparlor daw ba siya sa araw ng play ko.

Kahit na ang daming sinasabi ni Mamang ay alam kong tuwang-tuwa siya sa nalaman niya. Na sawakas ay 'yung kaisa-isa niyang apo ay bibida na rin. Ang tagal niya na kasing kinukulit ako na rumampa ako sa Santa Cruzan, willing pa nga si Mamang mangutang para sa ipanggagown at makeup ko, ako lang talaga ang may ayaw.

Pinakalma ko si Mamang at sinabing hindi naman niya kailangang gumastos dahil sagot ng school ang ipagpapaayos sa'kin, at saka hindi niya na dapat kumbidahin ang buong barangay dahil limitado lang ang ticket sa outsiders.

Nang mga sumunod na practice namin ay para bang naimmune na ako sa mga 'haters' ko, katulad nga ng ipinayo ni Mam Cass na huwag silang pansinin. Tinuon ko 'yung atensyon ko sa pagpapraktis nang maigi, lalo pa't ngayong alam kong manunuod si Mamang (sana nga ay makanood din si Auntie Emily kaso masyadong busy si bruha sa trabaho niya kaya 50/50 kung makakapunta siya).

Ginagalingan ko na kasi gusto kong maging proud si Mamang sa'kin. Siyempre pati na rin ang mga kaklase at kaibigan ko sa Tanso, para ipakita sa mga echoserang Silverians na 'to na may ibubuga rin naman kaming tiga-public school.

Hanggang sa dumating ang last day ng practice!

Speaking of last. 'Yung last scene namin na true love's kiss, mabuti't sinabi na hindi naman ako hahalikan ni Quentin sa lips dahil didilim na raw 'yung stage kapag akma akong hahalikan nito. Mabuti na lang kung gano'n.

Pero sa tuwing pinapraktis namin 'yung eksena na 'yun, 'yung part na lalapit 'yung mukha niya sa mukha ko... Kahit na nakapikit ako damang-dama ko 'yung lapit ng mukha niya. Hindi ko maiwasang dumilat ng bahagya para masilip ang mala-anghel niyang mukha. (⁄ ⁄•⁄ω⁄•⁄ ⁄)⁄

Bahala na si batman talaga.

Pinaiwan kami ni Quentin para sa huling sukat ng mga costume na susuotin namin. Nauna nang umuwi sila Aiza, Burma, at Honey. Nagtext na rin ako kay Mamang na mas male-late akong umuwi at in fairness ay sobrang supportive naman ni Mamang.

Ala siete na natapos ang sukatan ng damit kaya ako na lang ang mag-isang naglalakad palabas ng Silvestre Academy.

"You don't have a service?" napahinto ako sa paglalakad nang makita ko si Quentin.

"Ah... Mahirap lang kasi kami," sagot ko. Ano ba 'yan bakit iyon 'yung sinagot ko?

Medyo madilim na kaya nakita ko ang bahagyang pagngiti niya. "You did a great job. Good luck to us."

Hindi ko maiwasang mapangiti dahil sa tinagal ng pagpapraktis namin ay ngayon niya lang ako pinuri ng gano'n.

"I-Ikaw din," sabi ko. "Thank you kasi mabait kang partner."

Nagkibit balikat siya at nagulat ako nang sabay kumulo ang tiyan namin parehas. Parehas kaming natawa kasi wala kasi kaming kain-kain kanina dahil sa pagpapraktis.

"Gusto mong magkwek kwek?" tanong ko. Kung saan ako humugot ng kakapalan ng mukha para yayain siyang kumain ng kwek kwek, hindi ko alam. Kung nandito sila Burma for sure pinalipad na 'ko no'n sa outer space.

"Uhmm... What's a queck queck?"

"Hala? Hindi ka pa nakakain no'n?"

Parang bata na umiling siya. Pumayag si Quentin na kumain kami ng kwek kwek sa labas. May service siya pero sabi niya na late naman 'yon dumadating kaya okay lang sa kanya. Wala na 'yung mga nagtitinda sa harapan ng school namin kaya nagpunta kami ro'n sa may plaza kung saan may mga nagtitinda pa rin.

Halatang ngayon lang nakapunta rito si Quentin dahil nililibot niya 'yung tingin niya sa paligid, parang batang curious na curious sa paligid.

Tinuruan ko siya na tumusuk-tusok sa kawali at maglagay ng sauce sa baso. Ako na 'yung nagbayad kasi paano ba naman barya lang 'ata sa wallet niya ang five hundred. Iba talaga pag rich kid. Kaso medyo natakot ako na baka magkasakit siya sa pagkain nito, siyempre hindi sanay sikmura niya sa streetfood.

"Hmm... It's tasty," sabi niya habang ngumunguya. Halatang nagustuhan niya 'yung kwek kwek at bumalik pa siya kay manong para tumusok ulit.

"Sarap no?" sabi ko naman sa kanya habang kumakain din. Nakakatuwa siya, para siyang bata talaga, nakakagigil pisilin no'ng pisngi niya. Bumili rin kami ng panulak na sago't gulaman na bago rin sa panlasa niya.

Pagkatapos ng food trip ay naglalakad na kami ngayon pabalik sa pinanggalingan namin kanina, baka nando'n na raw 'yung sundo niya sa tapat ng school nila. Nasa may tawiran kami.

"Thanks for the treat," sabi niya habang sapo ang tiyan. "I'll treat you next time."

"Kahit hindi na, pero sige, ikaw bahala." Wuh, kunwari ka pa, Mingming.

"I—" may sasabihin pa sana si Quentin nang biglang may humintong sasakyan sa harapan namin at bumukas ang van.

Hinila ng isang lalaki si Quentin papasok sa loob ng van. Sa sobrang gulat ko'y hindi ako kaagad nakatakbo nang mahila rin ako ng isa pang lalaki sa loob ng van.

Bago pa kami makasigaw ay natakpan na 'yung bibig at mata namin. Diyos ko lord! Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko. Umandar na 'yung van nang magsalita 'yung isang lalaki.

"Nakatiyempo rin ng Silverian! Magkano kaya halaga nitong batang 'to!" sabi ng lalaking kidnaper.

"Eh, 'etong isa mukhang tiga-Tanso?" sabi ng isa..

"Gerlpren niya 'yan kaya makakadagdag halaga rin 'yan sa ransom!"

Tinatawag ko na lahat ng mga santo nang mga sandaling 'yon dahil sa sobrang takot. Nanlalamig na 'yung buo kong katawan, gusto kong maiyak!

Hinawakan bigla ni Quentin 'yung kamay ko, sobrang higpit no'n. Pero naramdaman ko na... hindi siya kinakabahan, mainit lang 'yung kamay niya..

Saan nila kami dadalhin?


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro