DALAGA 26❀
SABI nila habang tumatanda ka raw ay unti-unti mo nang makakalimutan 'yung mga alaala ng kabataan mo.
May mga naalala pa rin naman ako, lalo na 'yung kahapong alaala na paglalaro namin sa Duluhan. 'Yung bawat hapon na pagsundo sa'kin ni Detdet, ang kalaro kong bungal.
Hindi ko man alam kung bakit pero hindi ko pa rin makalimutan 'yung ngiti niya sa tuwing susungaw siya sa bintana para yayain akong maglaro, hindi alintana ang nanggigitata niyang itsura at maluwag na damit, kahit kailan yata'y hindi k nakitang hindi ngumiti si Detdet.
At ngayong lumipas na ang ilang mga taon, hindi na kami gano'n kabata at unti-unti na naming nakikita ang pagbabago sa mga katawan at isip namin...
Hindi ko tuloy maiwasang maisip na paano kaya kung katulad namin ay lumaki rin si Detdet, ano na kaya ang itsura niya ngayon? Siguradong hindi na niya hahayaang dugyot ang sarili niya kapag naging dalaga siya, magiging kikay nga kaya siya o magiging boyish?
Alam ko na hanggang pag-iimagine na lang lahat ng mga naiisip ko dahil hindi 'yon mangyayari, matagal nang patay si Detdet.
Dahil sa sinabi sa'min ni Miggy ay napaisip kami parehas ni Poknat. Dahil musmos pa ang mga isip namin noon ay hindi namin nagawang kuwestiyunin ang mga bagay-bagay noon. At ngayong nasa hustong pag-iisip na kami para makaunawa ng ilang bagay, pumayag kami sa gusto ni Miggy.
"Huwag n'yong sabihin sa kahit na sino." Iyon ang bilin sa'min ni Miggy. Sabi niya secret lang daw ang gagawin namin at hindi kailangang malaman ng matatanda.
Hindi rin naman namin alam ni Poknat kung ano bang dapat gawin kaya sumunod lang kami kay Miggy. Kahit na deep inside ay kating-kati kami parehas na tanungin kung bakit. Hindi ba aksidente ang nangyari? Bakit pinalalabas ni Miggy na may iba pang dahilan kung bakit namatay si Detdet. Pero hindi namin 'yon tinanong, siguro dahil takot kami sa sagot.
At kahit na takot sa sagot at katotohanan, heto kami.
Unang araw ng pag-iimbestiga, pagkatapos ng klase ay magkasabay kaming pumunta ni Poknat sa tagpuan namin kay Miggy. Sa estero sa may kanto ng barangay namin.
Nakapamulsa si Miggy habang nakatanaw sa malayo, malalim ang iniisip, preskong-presko tingnan si Miggy sa suot niya habang nakapamulsa. Balak sana siya gulatin ni Poknat pero naramdaman agad ni Miggy na palapit kami sa kanya. Kumaway siya sa'min at kumaway naman ako pabalik.
"Yoh, Miggy," bati ni Poknat nang makalapit kami sa kanya.
Ngumiti si Miggy sa'min sabay tingin ulit sa malayo.
"Naalala n'yo pa ba?" sabi ni Miggy. "Dito natagpuan si Detdet na lumulutang."
Tila lumamig ang ihip ng hangin nang sabihin 'yon ni Miggy, gano'n talaga 'yung pambungad niya sa'min, direkta, walang halong pasubali.
Tumingin na lang din kami ni Poknat sa kawalan habang inaalala ang kahapon. Naalala ko na minsan lang kaming maglaro sa gilid ng estero dahil wala pang harang noon hindi katulad ngayon, at kung ikukumpara dati'y 'di hamak na walang kaamuy-amoy ang estero.
Napaliligiran na kasi ngayon ng mga bagong factory sa malayo ang ilog kaya sa tubig bumabagsak ang mga dumi kaya tuloy hindi na gano'n kaganda ang amoy.
"Ang narinig kong sinabi ng nanay ko..." biglang nagsalita si Poknat. "Naglalaro raw si Detdet dito at nahulog."
Ayon nga rin ang narinig kong kwento noon. Natatandaan ko pa na kalat na kalat ang tsismis noong araw nang gumimbal sa buong barangay namin ang nangyari kay Detdet.
"Ang sabi sa kwento... na naririnig ko noon..." naglakas loob na rin akong magsalita. "Sa totoo lang hanggang ngayon ay pinagtsitsismisan pa rin ang pamilya nila... Lalo na ang nanay ni Detdet."
Kahit na matagal nang lumipat ng ibang lugar ang pamilya ni Detdet ay hindi namatay ang tsismis tungkol sa kanila. Lalo na sa nanay ni Detdet, na pabaya raw na ina. Na kung hindi niya hinayaang lumabas ang anak niya noong gabing 'yon para maglaro ay hindi raw mapapahamak—may iba pang mga kwento at sa dami ay hindi mo na malalaman kung ano ba ang totoo.
Hanggan sa ang kwentong tsismis ay tila naging isang alamat sa barangay namin na nilimot na ng panahon.
"Miggy," dinig kong tawag ni Poknat, seryoso 'yon. Humakbang siya palapit kay Miggy at hinawakan ito sa balikat. "Sa tingin mo ba hindi lang aksidente ang nangyari?"
Sawakas ay nasabi na rin ni Poknat ang matagal nang tumatakbo sa isip ko simula nang sabihin ni Miggy na gusto niyang imbestigahan ang pagkamatay ni Detdet.
"Oo, Poknat," diretsong sagot ni Miggy. "Hindi n'yo ba natatandaan 'yung nangyari noon bago matagpuan kinabukasan si Detdet?"
Nagkatinginan kami ni Poknat nang parehas kaming mapaisip. Ano nga ulit 'yung nangyari noon?
Duluhan
Lutu-lutuan
Bahay kubo
Umuuga
Lumilindol?
Kakaibang mga tinig
Nanlaki ang mga mata ko nang maalala ko ang tagpong 'yon! Mukhang gano'n din si Poknat at parehas kami ng nasa isip.
Sabay kaming tumingin kay Miggy.
"Sa tingin mo ba may kinalaman 'yon... sa nangyari kay Detdet?" dahan-dahan kong tanong sa kanya.
Imbis na sumagot ay muling tumingin sa malayo si Miggy.
Hanggang ngayon pa rin pala ay nakaukit pa rin sa mga isip namin ang eksenang 'yon—isang eksena na hindi namin sinabi sa kahit na sino.
Natapos ang una naming meeting nang lumubog ang araw. Sa totoo lang ay hindi ako makatulog sa mga pinag-usapan namin kanina. Isabay pa na hindi ako makapaghintay sa susunod na araw.
Ikalawang araw ng imbestigasyon, walang kaalam-alam si Mamang na may pinuntahan kaming tatlo. Hindi ko alam kung paano nakutsaba ni Miggy 'yung driver nila, inihatid kami sa isang hindi pamilyar na barangay.
Ang sabi ni Miggy dito raw nakatira ang pamilya ni Detdet. Nagulat kami ni Poknat.
"Talagang dadalawin natin sila?" tanong ni Poknat. "At saka paano mo naman nalaman na rito na sila nakatira?"
Sumulyap si Miggy sa driver nila, mukhang magkakutsaba nga talaga sila. Alam kaya ng daddy ni Miggy 'tong ginagawa namin ngayon.
Sa huli'y wala kaming ibang nagawa kundi sumunod kay Miggy na dumalaw sa bahay nila, may bitbit din kaming mga pasalubong na prutas, na siyempre si Miggy ang naghanda.
Gulat na gulat si Aling Bebe, ang nanay ni Detdet, nang makita kami, nakilala niya 'agad kami kahit na nagdalaga't binata na kami. Malugod kaming pinatuloy ng nanay niya sa loob ng maliit nilang bahay at unang hinanap ng paningin ko ang iba pang mga kapatid ni Detdet.
"Napadalaw 'ata kayo," sabi Aling Bebe nang makaupo kami.
Si Miggy lang ang hinayaan naming makipag-usap dahil nagulat kami ni Poknat sa kung paano makipag-usap si Miggy sa mas nakatatanda.
Nagulat kami dahil ang galing makipag-usap ni Miggy! Magalang na magalang at alam na alam niya kung anong sasabihin (hindi niya inopen 'yung topic kung anong pakay namin at kahit na anong related kay Detdet ha). Kinamusta niya si Aling Bebe na para bang matagal na magkamag-anak na hindi nagkita.
Dahil kasi kung ako 'yon parang ang awkward makipag-usap sa dati n'yong kapitbahay na hindi n'yo naman ka-close.
Pero si Miggy... Si Miggy ba talaga 'to?
Ang Miggy na kilala ko ay 'yung nerd nerd na mahiyain na lampa na hindi lumalabas ng bahay.
"Hoy, laway mo tumulo," bulong sa'kin ni Poknat nang mapansing nakatulala lang ako kay Miggy.
"Tse," saway ko sa kanya.
"Hanep 'tong si Miggy, parang politiko," sabi ni Poknat. Kilala ko 'tong si Poknat, kapag siya pumuri totoo 'yon kasi prangka siya at mayabang eh. "Kapag ako nakikipag-usap sa matanda palagi akong nababatukan eh."
Palihim akong natawa at naalala si Mamang dahil palagi siyang napipikon sa mga banat ni Poknat, pilosopo kasi.
Dahil sa husay nang pakikipag-usap ni Miggy ay napag-alaman naming may panibagong asawa at pamilya na si Aling Bebe ngayon, dalawa ang anak nila. 'Yung mga kapatid ni Detdet ay nasa puder daw ng dati niyang asawa at ang ilan ay nasa magulang niya.
Itinanong ni Miggy kung nasaan si Ate Marla, ang pinakamatandang kapatid ni Detdet. Si Ate Marla...
"W-Wala na si Marla," malungkot na sagot ni Aling Bebe. "Matagal na siyang naglayas at hindi na namin alam kung nasaan siya."
Ang buong akala ko'y nagpunta kami rito para kumalap ng impormasyon o ano pa man tungkol sa insidente pero hindi. Matapos ang kwentuhan at kamustahan ay umuwi na kami.
Bago kami umalis ay isa-isa kaming hinawakan ni Aling Bebe at sinabing, "Kasing laki n'yo na sana ang Detdet ko..."
Sa loob ng sasakyan ay walang umiimik sa aming tatlo, winawari ang mga narinig mula kay Aling Bebe at kung ano ba talagan saysay nito.
"Miggy," tawag ni Poknat kay Miggy na nasa tabi ng driver. "Wala ng trace tungkol sa ate ni Detdet, paano na natin matutukoy ang totoo?"
Bihira kong makitang seryoso si Poknat kaya sa tingin ko'y talagan siniseryoso niya rin 'tong ginagawa namin. Pero sa ngayon kasi parang ang hirap maghanap ng sagot.
"Bukas." Iyon lang ang sinagot ni Miggy.
Ikatlong araw.
Hindi ko alam kung saan ulit kami pupunta habang nakalulan sa sasakyan nila Miggy.
"Sementeryo?"
Dito kami dinala sa pampublikong sementeryo sa may bayan, kasama namin ang driver nila Miggy nang ihatid kami patungo sa puntod ni Detdet.
May dala-dalang bulaklak si Miggy at nilapag niya 'yon habang nakatayo lang kami sa likuran niya.
Bernadette C. Alibay
"Detdet"
Iyon pala ang tunay na pangalan ni Detdet. Hindi ko kasi alam...
At sa totoo lang ngayon lang ulit ako nakapunta rito, at hindi ko naman na natatandaan 'yung libing noong pumunta kami kasama sila Mamang at Papang.
Napatingin ak kay Miggy. Alam niya ang buong pangalan ni Detdet, alam niya kung nasaan ang puntod, at alam niya rin kung saan nakatira si Aling Bebe. Ibig sabihin talagang nag-effort siya ng malaki, ibig sabihin hanggang ngayon hindi niya pa rin makalimutan si Detdet at mga pinagsamahan namin noon.
Miggy...
"Salamat sa inyong dalawa," sabi ni Miggy habang nakatalikod pa rin sa amin. "Sa totoo lang hindi naman na talaga kailangan ng imbestigasyon. Kailangan ko lang talaga ng karamay."
"Huh? Anong ibig mong sabihin?" tanong ni Poknat.
Dahan-dahang lumingon si Miggy sa'min, hindi ko mabasa kung anong nasa isip niya dahil sa blangko niyang itsura.
"Kasalanan ko kung bakit namatay si Detdet."
Parehas kaming nabigla ni Poknat nang marinig 'yon.
"Hoy, Miggy, masamang magbiro—" pero kaagad niyang pinutol si Poknat.
"Noong araw na nakita natin si Ate Marla at Mang Ben sa kubo, noong gabing 'yon... biglang kumatok si Detdet sa bintana ko, umakyat siya ng puno," nagsimulang magkwento si Miggy. "Pinipilit niya na makitulog sa kwarto ko."
'Miggy! Sige na please, diyan muna ako matutulog sa kwarto mo! Pramis hindi ako mag-iingay!'
"Pero tinaboy ko siya kasi..."
"Miggy..." nagulat kami ni Poknat nang makitang tumulo ang mga luha sa mata ni Miggy.
"Tinaboy ko siya kasi sabi kko ayoko sa mabaho. Kung may isip lang ako noon, kung naunawaan ko sana 'yung takot sa mukha niya kung bakit gusto niyang makitulog, sana pala... sana pala pinapasok ko siya."
"Miggy, wala kang kasalanan," sabi ko. "Hindi mo kasalanan kung bakit namatay si Detdet—aksidente 'yon!"
"The murderer confessed," sabi ni Miggy. "It's Mang Ben. When he saw Detdet wandering around near the river that night, he got his chance."
Parang biglang sumakit 'yung ulo ko. Si Mang Ben? Paano? Hindi naman kumalat ang tsismis—dahil bigla na lang siyang nawala sa barangay namin, bigla na lang siyang lumayas sabi ng asawa niya na si Aling Neneng. Walang pumutok na balita.
"Kung si Mang Ben talaga ang pumatay e di sana pati tayo dinamay?" biglang sabi ni Poknat na hindi rin makapaniwala.
"Since it happened he's been always watching us," kalmadong sagot ni Miggy. "But he knew we won't tell what happened because we don't understand. We're just kids."
Naalala ko nga 'yung mga panahon na 'yon, matapos mamatay ni Detdet ay madalas pa rin kaming maglaro sa Duluhan. Palagi naming nakikita si Mang Ben, palaging napapadaan at kinakamusta kami.
"Pero paano?" tanong ko, naguguluhan.
"The memory didn't fade away, I guess," sagot ni Miggy. "It haunted me when I finally understood what happened. My family sent me to a therapist because I stopped talking on my fifth grade. Then one day I finally told them the truth."
Kung gano'n matagal nang kinikimkim ni Miggy lahat, hindi siya nakalimot.
"Si dad ang gumawa ng paraan kung paano mapapaamin si Mang Ben," sabi ni Miggy. "Then dad just told me that Mang Ben just disappeared without a trace."
Naalala ko na mayaman nga pala ang pamilya ni Miggy, kaibigan din ng magulang niya ang mayor ng bayan namin kaya hindi na ako magtataka na nangyari 'yon. Pero saan na kaya napunta si Mang Ben?
"Kung umamin nga si Mang Ben, bakit hindi pa rin alam ng mga tao 'yung totoo?" tanong ni Poknat.
Hindi sumagot si Miggy. Siguro iyon din ang tanong na nasa isip niya.
"I don't know if what I did was right," sabi ni Miggy. "Because of my guilt, my dad forced to find the truth even we're away. But... it doesn't feel right, I don't know why."
Hindi ko maintindihan kung anong ibig niyang sabihin.
Pero napaisip din ako kung tama ba 'yon, kung tama ba na bigla na lang nawala si Mang Ben kahit na siya ang totoong salarin pero hindi naman nalaman ng mga tao ang katotohanan.
"Bakit walang nakaisip na pwedeng hindi aksidente ang nangyari kay Detdet?" tanong ko bigla.
"It's because I didn't speak up," sagot ni Miggy na nakayuko.
"Miggy!" si Poknat. "Hindi lang ikaw ang dapat sumalo ng kunsensya, lahat tayo hindi nagsalita!"
"Pero... pero mga bata pa lang tayo no'n, hindi natin alam ang mga nangyayari," sabi ko nang hawakan ko si Poknat sa balikat. "At saka... At saka hindi tayo nagsalita dahil walang matandang nagtanong!"
Nagkuyom ng palad si Poknat. "Kung nakita lang ng mga matatanda noon... Kung may nakapansin lang... Kung hindi lang nila sinisi 'agad si Aling Bebe."
Nakukuha ko ang punto ni Poknat. Kung sanang hindi nabulag ang mga tao noon at hindi lang isang tao ang sinisi nila, sana nahuli 'agad ang salarin, sana may hustisya kay Detdet, sana hindi mabigat ang dinadalang kunsensya ni Miggy at Aling Bebe.
"Let's go home," yaya bigla ni Miggy.
Umuwi rin kami noong hapong 'yon. Palagay ko nga'y alam ng daddy ni Miggy ang ginagawa namin dahil may ginawa rin siyang hakbang para malaman ang totoo.
Bago ko pumasok sa loob ng bahay namin ay narinig kong may kausap si Mamang na lalaki, nakatalikod sa'kin kaya hindi ko makita kung sino.
"I see, sayang at hindi kami nagkaabutan ni Emily dito," sabi ng lalaki.
"Oo nga eh, sakit pa rin sa ulo ang batang 'yon," sagot ni Mamang na biglang tumingin sa'kin. "Ming! Andiyan ka na pala! Mag-bless ka!"
Lumingon sa'kin ang lalaki, naalala ko 'yung picture na nakita ko noon, 'yung lalaking katabi ni Auntie Emily na nagngangalang Miguel, ang daddy ni Miggy. Maitsura at makisig pa rin ito kahit na tumanda na.
"Ito na pala si Mingming? Dalaga ka na," puri nito sa'kin at saka inabot ang kamay.
Tinanggap ko 'yon para magmano kahi na nag-alangan ako, may kakaibang aura ang taong 'to. Kahit na nakangiti siya ay parang may something. Hindi ko ma-explain kung ano.
"Kamukha niya talaga si Judy habang lumalaki," sabi ni Tito Miguel kay Mamang. "Sinasali n'yo pa rin ho ba ang apo n'yo sa Santa Cruzan, Aling Eme?"
"Ah naku, walang hilig ang batang 'yan sa mga gano'n, at saka kapos na rin sa budget kaya hindi ko na naisasali tuwing Mayo," sagot ni Mamang. "Siya nga pala't may ginawa akong leche flan."
Nagpunta si Mamang sa kusina at naiwan kami ni Tito Miguel. Hindi naman masyadong obvious na tuwang-tuwa siya sa'kin dahil tinapik niya 'yung ulo ko habang ngiting-ngiti.
"Ilang taon ka na, Mingming?"
"Fourteen po."
"May boyfriend ka na ba?"
Sunud-sunod akong umiling. "Baka po palayasin ako ni Mamang kaya hindi po pwede 'yung gano'n."
Natawa si Tito Miguel.
"Bueno, kapag nasa tamang edad ka na paniguradong papayag na ang Mamang mo. Sana pagbalik namin ulit dito ay wala ka pa ring boyfriend, hija."
Hindi ko maiwasang mawirdohan. "Po?"
"Because I am hoping you to marry my son, Miggy."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro