Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

DALAGA 25❀


HINDI na ako pinagpalit ni Mamang ng pambahay at pinilit kaming pinapunta ni Poknat sa mansion nila Miggy.

Ngayong nakatayo na kaming dalawa sa harapan ng lumang mansion, pakiramdam ko'y nagbago 'yung paningin ko. Parang dati kasi ang laki-laki ng tingin ko sa mansion na 'to pero ngayon parang katamtaman na lang.

Tahimik kami parehas ni Poknat habang pinagmamasdan ang mansion. Siguro nagflashback din sa isip niya 'yung maraming memories ng pagkabata namin dito.

At isa pa, naninibago akong maliwanag na ulit ang mansion dahil noong umalis kasi sila Miggy ay hindi na binubuksan ang mga engrandeng ilaw. Nakakapanibagong buhay na buhay na ulit ang mansion.

Ang sabi kasi ni Mamang ay nagpa-cater daw ang mga magulang ni Miggy para sa buong barangay, tapos may handaan dito sa mansion para sa mga malalapit na kaibigan ng pamilya nila.

Parehas kumulo ang tiyan namin ni Poknat, tapos naamoy pa namin 'yung pagkain sa loob.

"Tara na, Ming, tomguts na 'ko," yaya ni Poknat, bigla 'atang nawala ang hiya niya dahil sa gutom.

Sabay kaming naglakad papasok sa loob ng mansion. Unang sumalubong sa'min ang matandang mayordoma nila Miggy na si Aling Tina (sinama kasi siya sa Amerika para mag-alaga kila Miggy).

"Aba, aba! Ang mga kalaro ni Miggy! Si Mingming at Poknat!" masayang bati sa amin ni Aling Tina, napangiti ako kasi naalala niya pa pala kami. "Tuloy kayo, maraming pagkain sa loob!"

"Aba naman, Aling Tina, umaasenso na tayo ah," bati ni Poknat na parang nang-aasar, si Aling Tina kasi 'yung palaging nagbabawal sa'ming pumasok sa loob ng mansion kapag mga dugyot ang itsura namin. "May napangasawa ka na bang Kano?"

Hinampas ni Aling Tina si Poknat. "Kahit kailan talaga'y luku-loko ka!"

"Nasaan po 'yung mama at papa ni Miggy? At saka po si Teacher Mika?" tanong ko habang nnaglalakad kami papuntang kusina.

"Ay, busy pa sila mam and ser, kausap si Mayor," sagot ni Aling Tina. "Si Mika naman nakapag-asawa na sa Amerika, sayang nga at hindi siya nakasama umuwi rito dahil busy sila ng asawa niya."

Sayang naman. Gusto ko rin kasing makita si Teacher Mika dahil ambait-bait niya sa'min noong maliliit pa lang kami. Pero natutuwa akong malaman na may sarili na siyang pamilya, ang bilis talaga ng panaohon.

"Oh siya, kuha lang kayo ng kuha ng pagkain dito," sabi ni Aling Tina nang ihatid kami sa kusina.

"Wow! Ang daming pagkain!" bulalas ni Poknat, hindi na talaga siya nahiya at kaagad na sumandok. "Ming, kuha na kita ah!" hindi ko siya pinansin.

"Aling Tina, ano po... Si Miggy po?" tanong ko.

"Ay, naku, nagpapahinga na kasi si senyorito. Pero may pinapasabi nga pala siya, muntik ko nang makalimutan," sabi ni Aling Tina. "Bukas daw ng hapon sa Duluhan..."

Hindi na rin namin nakausap pa 'yung mama at papa ni Miggy dahil nando'n pa rin si Mayor, nakakahiya naman kung sisingit kami.

Bago kami umuwi ay binigyan kami ng tig-isang malaking paper bag ni Aling Tina, pasalubong daw galing Amerika.

"Wuy, may t-shirt! Ang daming tsokoleyts!" tuwang-tuwang sabi ni Poknat na binubulatlat 'yung paper bag habang naglalakad kami. Hahatid daw muna niya ako sa amin.

"Kailan ka pa naging matakaw?" tanong ko. "Hindi ka ba na-excite makita ulit si Miggy?" sa totoo lang kasi nadismaya ako na hindi namin siya nakita kanina.

"Siyempre na-excite," sagot niya sabay bukas ng isang chocolate. "May bukas pa naman, Ming."

"Hmm... Ano na kaya itsura ni Miggy?" pakiramdam ko tuloy hindi ako makakatulog ngayong gabi.

"Hmm... For sure mas gwapo pa rin ako ro'n," sabi niya habang nakatingala. Yabang talaga nito.

Matapos akong ihatid ni Poknat ay kaagad akong sinalubong ni Mamang na excited pa rin.

"Ano, Ming? Kamusta? Nakapag-usap na kayo ni Miggy?" tsismosang tanong ni Mamang pagpasok ko sa loob.

"Nagpapahinga na raw si Miggy, Mamang, bukas pa namin siya makikita ni Poknat," sagot ko sabay lapag ng paper bag sa mesa.

"Wow! Binigyan ka nila nito?" sabi ni Mamang na inusisa 'yon. "Ang akala ko'y hindi ka na bibigyan kasi binigyan na ako ni Miguel kanina." Natutuwang sabi ni Mamang habang isa-isang nilalabas ang laman ng paper bag.

"Nakausap mo 'yung papa ni Miggy?" tanong ko kay Mamang.

"Oo, dumaan talaga siya rito sa bahay para lang iabot sa'kin 'yung pasalubong. Hindi pa rin nagbabago si Miguel, nakakatuwa naman," sabi ni Mamang, halata naman sa itsura niya na masayang-masaya siya.

Umupo ako sa sofa. "Mamang, naabutan n'yo po bang maliit pa ang papa ni Miggy?" tanong ko ulit.

"Oo naman!"

"Kilala siya ni... Auntie Emily?"

"Halos sabay sila lumaki," sagot ni Mamang na busy pa rin. "Madalas naming makausap si Don Altamirez, mababait na tao ang pamilya nila." Siguro lolo ni Miggy 'yung tinutukoy ni Mamang.

Hindi nga ako nakatulog noong gabing 'yon. Winawari ko kasi kung anong mangyayari kapag nakita na namin ulit si Miggy. Ano na kayang itsura niya? Kasi sa totoo lang ang nakikita ko pa rin sa isip ko na Miggy ay 'yung nerd na sakitin na Miggy.

Sana hindi pa rin siya nagbabago. Pero ang ibig kong sabihin, sana gano'n pa rin siya, pero sana naman ay hindi na siya sakitin katulad noon.

Kinabukasan, hindi ako mapakali buong araw sa mga klase. Hanggang sa sumapit ang uwian. Naglalakad kami nila Aiza, Burma, at Honey papuntang gate.

"Tara na, Ming!" biglang sumulpot si Poknat sa gilid ko at hinila 'yung kamay ko.

"Hoy, Pokpok! Saan mo dadalhin si Remsky?!" sigaw ni Burma.

"Secret! May date kami!" sigaw pabalik ni Poknat. Loko-loko talaga 'tong abnoy na 'to.

Siguro excitd din si Poknat na makita si Miggy, kahit na ayaw man niyang aminin. Mabuti na lang maaga-aga 'yung uwian namin ngayon, alas kwatro.

"Oh, bakit nandito ka na naman, Poknat?" masungit na tanong ni Mamang nang makitang kasama ko si Poknat.

"Mamang, 'di ba sinabi ko sa'yo ngayon namin kikitain si Miggy?" sabi ko. Pumasok na kami sa loob para ilagay lang 'yung mga gamit namin.

"Ha? May sinabi ka ba?" balik tanong ni Mamang.

"Naku, Aling Eme, sign of aging 'yan," biro ni Poknat at muntikan na tuloy siyang mabato ng hanger ni Mamang.

Nagpalit ako ng pang-itaas pero hindi ko muna tinanggal 'yung palda ko. Si Poknat naman ay tinanggal 'yung polo ng uniform at nakapang-itaas na itim na t-shirt, mukha siyang rakista.

Sabay kaming pumunta sa Duluhan pero hindi namin kaagad nahanap si Miggy.

"Nasaan 'yon?" tanong ni Poknat. "Mukhang tokis 'yun ah."

Nilibot ko 'yung tingin ko, ngayon na lang ulit ako nakapunta rito. Hindi na nililinis 'yung Duluhan kaya mahaba na 'yung mga damo, tapos ang daming mga putol na sanga at tuyong dahon. 'Yung sapa naman ay umapaw na at maitim na maitim na ang kulay.

"Ming, wala naman si Miggy—ahh! Shet!" biglang sumigaw si Poknat nang may tumamang bolang putik sa mukha niya.

Napatingin kami sa pinanggalingan no'n—sa puno ng bayabas! Nasa itaas si Miggy at natatago ang mukha niya ng mga dahon.

Narinig namin ang isang marahang pagtawa. "Bulls eye."

Tumalon siya sa baba at nakapamulsang lumapit sa'min.

"Long time no see." Boses pa lang ni Miggy alam mong mamahalin na.

Nakasalamin pa rin siya, pero manipis na 'yon. Tapos 'yung buhok niya medyo mahaba na nakahawi ng maayos sa gilid. Ang tangkad-tangkad din niya, at saka ang puti! Mukhang iba talaga ang hangin sa Amerika.

Kung hindi siya nakasuot ng salamin ay hindi ko aakalaing siya nga si Miggy.

"Anong long time no see?" si Poknat sabay dakot ng lupa at binato kay Miggy.

"Huy, Poknat!" saway ko.

Naputikan tuloy 'yung puting sweater ni Miggy. Pero imbis na magalit ay natawa lang si Miggy. Tapos natawa rin si Poknat.

"Miggy boy!" si Poknat sabay lapit kay Miggy at hinampas sa likuran. "Kamusta ka na!"

Pinanood ko lang si Poknat kung paano niya kulitin si Miggy, kapag talaga mga boys madali lang sa kanila 'yung mga ganitong sitwasyon, 'yung parang wala lang. O sadyang kakaiba lang talaga si Poknat?

"Hi, Mingming," bati bigla sa'kin ni Miggy nang mapansing natuod ako. "Kamusta ka na?" ngumiti siya sa'kin.

Ang gwapo ni Migggggggggy! Iyon 'yung siniga ko sa isip ko. Kung makikita nila Aiza, Burma, at Honey ay tiyak kong magkakacrush sila rito, one hundred percent! Parang si Miggy 'yong teen-ager na mapapanood mo sa mga Korean drama! At isa pa... Para siyang Asian Harry Potter!!!

Bigla akong niyakap ni Miggy sa tuwa niya. Mas lalong hindi ko tuloy alam 'yung gagawin ko!

"Hoy!" si Poknat sabay hila sa'kin palayo kay Miggy. "Manyak ka!"

Natawa lang si Miggy at pagkatapos ay hinila niya rin si Poknat para yakapin kaming dalawa. Parang sasabog 'yung puso ko sa sobrang saya dahil hindi ko inaasahan na mangyayari 'to—na magkakasama ulit kaming tatlo.

Parang nakita ko tuloy 'yung nakaraan, may apat na batang tumatakbo sa Duluhan at naglalaro ng kung anu-ano. Parang nakita ko bigla si Detdet sa malayo, kumakaway sa'min.

Pagkatapos ng madramang reunion ay naupo kami malapit sa sapa. Nagkwento nang pahapyaw si Miggy sa naging buhay nila sa Amerika. Nakwento rin ni Miggy na nagpapalit-palit siya ng school dahil palagi siyang nabubully sa pagiging immigrant nila.

Medyo nalungkot ako dahil hindi rin pala nagin gano'n kadali ang buhay niya sa ibang bansa.

"Huh? Uuwi rin kayo sa Amerika?" ulit ko nang sabihin niya na hindi rin sila magtatagal dito.

"May inaasikaso lang sila mom and dad, actually, nagpumilit lang ako na sumama umuwi dahil..." sabi ni Miggy na binitin ang mga sasabihin.

"Dahil?"

"Dahil may gusto akong gawin."

"Ano 'yon?" tanong ni Poknat na tumayo sabay halukipkip.

Tumingin muna sa amin si Miggy, biglang sumeryoso at pumutla ang mukha niya sabay yuko.

"Gusto kong... Gusto kong imbestigahan ang pagkamatay ni Detdet." 


Poknat, Mingming, Miggy
Pegs lamang ito ng characters. Credit to the amazing artists (wala pang pangcomish eh huhu)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro