Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

DALAGA 24❀


HINDI na ulit nagparamdam si Mr. E.

Ang ibig kong sabihin... Nakakatanggap pa rin ako ng mga regalo pero sa pagkakataong ito ay nakalagay na galing lahat 'yon kay Auntie Emily.

Sa totoo lang ay namimiss ko 'yung bruhang 'yon—este si Auntie Emily pala.

Nakakatuwa nga kasi dahil sa kanya natutunan kong gawin 'yung mga bagay na hindi ko ginagawa noon katulad ng mga ilang gawaing bahay.

Kaya ayun, natutulungan ko na si Mamang at saka hindi na ako palaging umaasa kay Mamang.

Tumatanda na rin kasi si Mamang at kitang-kita 'yon sa pamumuti ng buhok niya na kahit ilang beses niyang ipakulay kay Ate Melai. Hanggang sa tinigil na niya at hinayaan 'yong mamuti.

Namimiss ko si Auntie paminsan-minsan, kasi sobrang bitin noong nagbakasyon siya rito, parang hindi ako nabigyan ng chance na kilalanin siyang mabuti,

'Di bale at nagpapalitan naman na kami ng sulat. Malakas din naman ang kutob ko na babalik siya someday, pero sana hindi na mala-dragon ang ugali niya.

Hindi ko namalayan na mabilis na namang lumipas ang oras.

Akalain niyo 'yung at na-survive ko ang first year high school?

Nadagdagan na naman ako ng taon. Fourteen-years-old na ako! Parang kahapon lang ay nag-seventh birthday ako sa probinsya. Siyempre, naghanda si Mamang ng dalawang palangganang spaghetti, dalawang tray ng lumpiang shanghai, nagluto rin si Mamang ng Biko! Nabigyan pa ang mga kapitbahay namin.

Parang noon lang ay winawari ko kung anong pakiramdam ng maging teen-ager katulad ko. Parang dati ang tingin ko sa mga ganitong edad ay matanda na—pero parang hindi pala, parang pakiramdam ko twelve pa rin ako.

Ayun nga lang may nangyaring karumal-dumal.

May tigyawaaaaaaaaaaaat ako!!!

Aghhhhhhh!

May tumubong isang tigywat sa pisngi ko!!!

"Mamang! Akala ko ba hindi ako magkakatigywat?" himutok ko minsan kay Mamang habang tinitingnan ko 'yon sa salamin.

"Huwag mo lang pansinin," wala lang na sagot ni Mamang, busy siya sa pagluluto.

Pero nang mga sumunod na araw ay tila nanganak ang tigyawat ko at dumami sila! Ang dating isa ay naging anim! Tigtatlo sa magkabilang pisngi!

Ang duga talaga, sabi ni Mamang hindi ako magkakatigyawat noong pinanghilamos ko 'yung pisngi ko 'yung panty ng una kong regla. Huhu.

Mabuti na lang ay niregaluhan ako noon ni Auntie ng isang skin care kit, tapos may notes pa siya kung paano raw kuminis 'yung mukha ko. Saktong sakto talaga palagi ang timing ni Auntie.

Dahil sa tips ni Auntie ay naremedyuhan ko 'yung tigyawat ko, huwag na raw kasi ako magpupuyat. Medyo pinagalitan pa ako ng bruha sa sulat. May mga pimples pa rin ako pero parang kabute na lang silang sumusulpot tapos nawawala din pagkatapos.

Ang sabi nila Aiza kapag daw nagkakapimple ibig sabihin in love daw 'yun.

Ha? Sus, paano nangyari 'yon? Ang labo eh hindi naman ako in love.

Speaking of Aiza and my friends, ayon gano'n pa rin ang mga loka-loka.

Mabuti nga't block section kami at surebels na magkakasama kami hanggang fourth year.

Unti-unti ko nang nagegets ang rules ng hayskul. Hindi 'yong rules na nasa student handbook, 'yung mga invisible rules kung paano mo maeenjoy ang hayskul.

Number one rule na hindi mo pwedeng labagin: Huwag na huwag kalimutang magdeodorant (kahit na tawas ang ginagamit ko), para hindi ka mag-amoy tinola—este tokpu.

Kapag kasi nangamoy ka ehhh tiyak na pag-uusapan ka ng mga kaklase mo. May classmate kasi ako na palaging amoy putok tapos wala siyang ka-share sa locker kasi nga amoy tokpu siya. Pero mabuti na lang nagbago na siya kasi hindi na siya nangangamoy.

Marami pang mga hidden rules sa hayskul. Isa mga paborito ko ro'n ay ang pagbibigay ng mga codenames sa mga teachers, lalo na sa mga kinaiinisan at terror na teachers.

At ngayong second year high school na ako sa Tanso, masasabi kong gamay ko na ang paligid ko. Kumbaga, sanay na ako sa mga nagmumura, sa mga tila 'wild' na mga estudyante, sa ingay, sa lahat!

Nakakatuwa nga kasi paminsan-minsan ay nakakapasyal kami nila Burma sa mall! Palagi kaming nagkakaraoke, tamang kantahan at sayawan. Tapos hindi pwedeng hindi kami magpophotobooth, dumadami na nga 'yung koleksyon ko ng mga picture namin eh. At naging laman din kami ng Quantum, iyon 'yung punumpuno ng mga aracade games.

Medyo nagiging close ko na rin 'yung ibang classmates ko at ilan sa kanila'y nakakatext ko na rin. Pero siyempre stick to BuReZaNey pa rin ako.

'Yung mga elem friends ko? Ayun... Sad to say wala na akong gaanong balita sa kanila, hindi ko na kasi sila nakakausap o nakikita. Kahit schoolmate ko sila Marty at Andrei, bihira ko na lang sila makita at madalas tanguan na lang ginagawa namin. Wala na akong balita kila Kendra at Alex. Si Deanna at Olly naman ay gano'n pa rin, si Deanna GGSS (Gandang-ganda sa sarili) at si Olly, bonjing pa rin.

Si Azami naman ay nakakatext ko pa rin naman kaso palaging topic si Viggo. Niyayaya pa rin naman ako ni Kambal na kumain sa labas kaso palagi akong nagpapalusot kasi for sure kasama rin si Viggo ro'n. Mas okay na ring umiwas, at saka feel ko naman na super happy ni Kambal.

Samantala, si Poknat?

Ayun, in fairness ang laking improvement ng loko, nabawasan na ang pagiging hyper at maharot. Well, gano'n pa rin naman siya, pero hindi na sobrang clingy sa'kin. Minsan sumasabay siya sa'min tuwing lunch kaya medyo nagiging close niya na rin sila Aiza.

May iba na kasing pinagkakaabalahan si Poknat. Walang iba kundi ang DOTA. Oo, sobrang adik ng lokong 'yon sa DOTA, tuwing uwian palagi niyang kasama 'yung mga tropa niya para maglaro sila sa computer shop. Palagi niya ngang pinagyayabang sa'kin na super galing niya raw.

"Mamayang uwian nood kayo sa laro namin," sabi ni Poknat sa'min habang sabay-sabay kaming kumakain ngayon sa canteen.

"Anong meron?" tanong ni Burma.

"May laban kami sa kabilang section, may pustahan," sagot ni Poknat sabay subo ng malaki. Napansin ko sa kanya na unti-unti na siyang nagkakalaman dahil ang takaw-takaw na niya kumain.

"Ah, kaya naman pala tatlong rice ang inorder mo," puna ko sa kanya. "Maging baboy ka niyan eh."

"Anong baboy ka riyan? Nagpapamacho ako, no?" sabi niya sabay flex ng braso niya. "Para naman makarami ako ng chix," sabi niya sabay tawa. "Joke lang! Baka magselos ka."

"Saan banda?" pambabara ko sa kanya.

Bigla ba namang nilagyan ni Poknat 'yung plato ko ng maraming kanin galing sa plato niya.

"Huy! Ano ka ba! Hindi ko 'yan mauubos!"

"Ikaw 'tong dapat kumain nang marami, ang patpat mo na, Ming!"

"Ehem, ehem."

Tumigil lang kami ni Poknat kung hindi pa tumikhim 'yung mga kasama namin.

"Uhm... Guys, excuse me? Baka nakakalimutan n'yong kasama n'yo kami?" nakangiting sabi ni Aiza, pero kitang-kita mo sa mukha niya 'yung nang-aasar.

"Kulang na lang lumipat kami ng table," nakangusong sabi ni Burma. Si Honey, as usual busy sa pagtetext habang kumakain.

"Sus, inggit ka lang, Bulma," sabi ni Poknat.

"Burma, hindi Bulma!" pagtatama ni Burma. "Ano akala mo sa'kin asawa ni Vegeta?" Natawa kami.

"Ayaw mo no'n, sexy kaya si Bulma," sabat ni Honey.

"Ay, true ba?" biglang nagbago 'yung isip ni Burma pero kaagad ding nainis nang makita niyang tumawa si Poknat. "Bakit ka ba nandito, Pokpok?!" Nag-asaran pa ang dalawa, ewan ko ba kung bakit medyo mainit ang dugo nila sa isa't isa.

May natitira pa kaming oras nang matapos kaming kumain kaya nagpasya kaming tumambay muna sa may waiting shed malapit sa open basketball court.

"In fairness, Remsky," bulong sa'kin ni Aiza habang naglalakad kami. "Improving na talaga kayo ni Pokpok mo," napakunot ako sa tinawag niya kay Poknat.

"Huh? Ano ka ba, Aiza, friends lang kami."

"Wushu!" bigla ba naman niyang tinusok 'yung tagiliran ko.

"Dito lang ba kayo tatambay?" tanong ni Poknat sa'min.

"Oo," sagot ko. "Marami pang time eh."

"Sige, sige," sabi ni Poknat sabay alis.

Nagtaka kami kay Poknat kaya sinundan namin siya ng tingin. At ayun, nagpunta siya sa stage kung saan may mga nagseset up.

"Teka, teka..." sabi ni Aiza. "Tingnan n'yo si Pokpok!" tinuro niya si Poknat na nasa stage na ngayon, kinuha nito ang gitara.

Nag-screech 'yung microphone, dinig dinig 'yon sa mga speakers dito sa campus.

"Mic test, mic test," boses 'yon ni Poknat. "Kamusta kayo d'yan mga repapips? Ang kanta na 'to ay para sa mga... para sa mga katulad kong nananalangin."

"Anong ginagawa niya?" tanong ko sa mga kasama ko.

"Kyaaah!" bigla ba namang tumili si Aiza. "Obvious ba, eh di siyempre magpapakitang gilas siya!"

Naagaw ni Poknat ang atensyon ng mga ibang estudyanteng nakatambay dito. Lalo na nang nagsimula siyang maggitara.

"Panalangin ko sa habang buhay
Makapiling ka Makasama ka
Yan ang panalangin ko
At hindi papayag ang pusong ito
Mawala ka sa 'king piling
Mahal ko iyong dinggin"

Ewan ko pero parang pakiramdam ko ngayon ko na lang ulit napakinggan kumanta si Poknat, minsan nakakasama namin sila ng club niya sa practice pero madalas kasi puro gitara lang siya at hindi kumakanta.

"Wala nang iba pang mas mahalaga
Sa tamis na dulot ng pag-ibig natin dal'wa
At sana nama'y makikinig ka
Kapag aking sasabihing minamahal kita"

Napansin ko na ang laki na rin pala nang pinagbago ng boses niya. Parang hindi ko namalayan na mas lumalim na 'yung boses niya kaysa noong nakaraang taon, mas tumangkad siya ulit at lumapad ang balikat.

Nakita ko 'yung mga ibang girls dito na nakatambay, kitang kita ko sa kanila na namamangha sila sa pagkanta ni Poknat.

Hindi ko maiwasang mapangisi, kung alam lang nila na napakaloko-loko niyang ni Poknat.

Nang matapos kumanta si Poknat ay nagpalakpakan ang karamihan, lalong lalo na ang mga supportive kong kaibigan.

"Wooooh! Friend namin 'yan!" sigaw ni Burma habang pumapalakpak.

"Tingnan mo 'to, parang kanina lang gigil siya kay Pokpok," bulong ni Aiza sa'kin.

Kumanta pa ulit si Poknat pero sa pagkakataong 'to ay kasabay niyang tumugtog 'yung banda. Nagrakrakan tuloy 'yung mga estudyante rito kasi masaya 'yung tinugtog nila.

Ilang sandali pa'y narinig naming pumito 'yung gwardiya at nakita na lang namin na tumakbo palayo si Poknat kasama 'yung mga kabanda niya, loko-loko talaga.

Noong sumapit ang uwian ay napagpasyahan namin na manood sa laban nila Poknat, ewan ko rin kung anong nakain nila Aiza at gusto nilang manood, pumayag na lang din ako para suportahan si Poknat.

"Guys, sila nga pala ang mga friends ng Mingming ko," sabi ni Poknat sa mga kaibigan niya slash kabanda slash ka-team mate sa DOTA mamaya. Gusto ko sanang magfacepalm sa sinabi niya. "Si Aiza, Bulma, at saka si Honey."

"Hi!" bati ng mga kasama ko. Himalang hindi umangal si Burma, paano ba naman, nakatitig siya ro'n sa lalaking tusuk-tusok ang buhok, mukhang crush niya 'ata.

"Si Veji, Colt, at Ramsey nga pala," pagpapakilala naman ni Poknat sa mga kaibigan niya.

"OMG, sis, soulmate kayo ni Veji, katunog ng Vegeta," dinig kong bulong ni Aiza.

"IKR! Veji is my new bebe," bulong naman ni Burma pabalik.

"Bet ko si Colt!" si Aiza ulit. "May naisip na kong love team namin, ColZa or AiCo, oh diba, kilig!"

Gusto kong matawa at mailing sa mga kasama ko, kahit kailan talaga'y puro love life ang nasa isip nila. Ganyan naman sila, may pagkamalandi at maharot pero hanggang sa gano'n lang, hanggang ngayon si Honey pa lang din ang nagkakajowa sa'min (hindi na nga namin mabilang kung ilan eh).

Sabay-sabay kaming naglakad papuntang computer shop. Pagdating nga namin do'n akala mo'y may fiesta sa dami ng tao.

Nagulat ako nang makita ko kung sino 'yung kalaban nila sa DOTA... 'Yung mga kaklase namin... kasama si Viggo.

"OMG, the ex-crush is here," sabi ni Aiza na nanlalaki ang mga mata. Si Burma naman ay sinisiko-siko ako.

"Kambal?" nagulat ako nang makita ko si Azami na nandito rin.

"Kambal?" kaagad niya akong sinunggaban ng yakap. Ngayon na lang ulit kami nagkita. Nakita ko sila Honey na nagmemakeface habang magkayakap kami ni Azami.

"Bakit nandito ka?" tanong ko sa kanya. Nangingibabaw si Azami dahil sa suot niyang uniform.

"Ahm... Isusupport ko lang si Viggo, pagkatapos kasi ng laban nila magdedate kami," sabi niya habang nakangiti. "Ikaw, kambal?"

"Ano... Isusupport ko naman 'yung kababata ko," sagot ko.

"Talaga?"

"Game na, game na!" naputol usapan namin nang marinig naming magsisimula na ang laban.

Hindi ko na naipakilala 'yung mga kaibigan ko kay Azami kasi pumunta na siya sa tabi ni Viggo.

"Oy! Kaklase namin kayo ah? Bakit hindi kami isusupport n'yo?" sumbat sa'min ng isang kaklase namin.

Bumelat na lang sila Aiza.

Magkatapatan ng computer ang team nila Viggo sa team nila Poknat. Tapos kaming mga audience ay naktayo sa likuran habang nanonood.

Sa totoo lang hindi ko alam at hindi ko magets kung paano ba 'yung DOTA na 'yan. Ang ingay-ingay habang naglalaro. Sobrang gigil na gigil at hyper sila Aiza at Burma, todo support sa mga crush nila.

"Go, bebe ko!" sigaw ni Burma, alam niya kasing hindi naman siya maririnig ni Veji kasi busy 'to sa paglalaro.

"Honey, anong nangyayari?" tanong ko sa katabi kong normal lang na nanonood. Hindi ko kasi talaga magets kung ano na nangyayari.

"Halos tabla ang laban," poker-faced na sagot sa'kin ni Honey. "Parehas magaling ang grupo ni Poknat at grupo ni Viggo."

Nakita ko si Azami sa likuran ni Viggo na nagtsi-cheer din dito.

"Go, babe!"

Pero hindi nagpatalo sila Burma sa pagtsi-cheer.

Sa huli...

Nanalo sila Viggo, at natalo sila Poknat.

Sabi ni Honey kaunti lang daw lamang nila Viggo pero nautakan sila Poknat. Malungkot man na natalo sila Poknat, pero masaya pa rin kami kahit papaano dahil sports sila Poknat, binati nila si Viggo at sinabing, "Good game, pre."

Noong uwian nagyaya 'yung mga friends nila Poknat na kumain muna ng lugaw bago umuwi.

"OMG, sige!!!" at siyempre payag na payag naman sila Aiza. Mukhang interesado rin kasi 'tong mga tropa ni Poknat sa mga friends ko.

"Uhm..." kaso, gabi na.

Tila nabasa ni Poknat kung anong nasa isip ko.

"Sorry, guys, kayu-kayo na lang muna maglugaw date, kailangan na umuwi ni Mingming," sabi ni Poknat sabay tapik sa ulo ko. Gawin ba akong aso nito?

"Sige, pre! See you bukas!"

"Bye, Remssky!" paalam nila Burma na abot tenga ang ngiti.

Naglakad na kami ni Poknat papuntang sakayan ng jeep. Ngayon na lang ulit niya ako ihahatid sa'min, hindi na rin ako umangal na ihatid niya para siya ang mapagdiskitahan ni Mamang na pagalitan at hindi ako (mwahahaha, sorry Poknat at gagawin kitang shield kay Mamang).

"Sayang, muntik na kayong manalo," sabi ko. "Hayaan mo na, may next time pa."

"Tsss... Pinagbigyan lang namin sila, ano?" sabi ni Poknat habang nakapamulsa. "Nanghina lang 'yung mga kakampi ko kasi may mga chix na sumusupport sa kanila."

"Ah, talaga ba," kunwari naniniwala kong sabi.

"'Di ka naniniwala? Hintayin mo durugin ko sila," sabi niya. Natawa ako kasi ayan na naman siya sa yabang niya.

"May tanong nga pala ako?" sabi ko.

"Ano 'yon? Kung kailan kita sasagutin—Aray!" Hinampas ko siya kasi nagloloko na naman siya.

"Baliw ka, hindi. Naalala ko lang kasi... Kinausap ka ni Auntie noon, anong pinag-usapan n'yo?"

"Ahh..." nag-isip siya kunwari habang nakatingala. "Ewan, 'di ko na maalala."

"Maniwala ako sa'yo," sabi ko. "Ano nga!"

"Mahuli may tae sa pwet!" sabi niya sabay takbo.

Kahit anong kulit ko kay Poknat hindi pa rin niya sinabi sa'kin kung ano 'yon, dinidiin niya na nakalimutan niya na pero halatang nagsisinungaling siya. Mas lalo tuloy akong nacurious.

"Mingming!" nagulat kami ni Poknat nang salubungin kami ni Mamang sa labas ng bahay. Ineexpect ko an nag-aalburoto siya sa galit dahil late na akong umuwi pero nagtaka kami nang makita naming nakangiti pa si Mamang. "Bakit ngayon ka lang?! At mabuti't kasama mo si Poknat!"

"Po?" nagkatinginan kami ni Poknat. End of the world na 'ata. "Bakit po, Mamang?"

"Nandiyan si Miggy! Umuwi na sila galing Amerika!"

"Si Miggy?!" sabay naming bulalas ni Poknat.


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro