DALAGA 23❀
"A-ACHOO!"
"God bless you," bulong ni Honey na nasa tabi ko.
Pinilit kong idilat 'yung mga mata ko nang maayos. Parang pinupukpok ng martilyo 'yung ulo ko sa sobrang sakit.
Kahit anong pilit kong magfocus ay parang alien na nagsasalita 'yung teacher namin sa harapan.
"Girl, okay ka lang?" tanong ni Aiza na nasa kabila ko.
Mabuti na lang sila ang katabi ko ngayon sa AP subject, kahit saan kasi kami umupo ay walang pakialam ang teacher. Mabuti na lang din at hindi terror 'yung teacher namin ngayon, nagtuturo ito sa kaharapan kahit maraming hindi nakikinig.
Suminghot muna ako at pinunasan ko 'yung tumulo sa ilong ko.
"Sobrang sakit ng ulo ko," sagot ko kay Aiza.
"Naku, kailangan mong pumunta sa clinic," sabi naman ni Burma at sabay pa silang nagtaas ng kamay at nagsalita.
"Sir! Sasamahan lang po namin si Remison sa clinic!"
At dahil wala ngang pake 'yung teacher namin ay tumangon lamang ito. Inalalayan nila kong dalawa papuntang clinic, naiwan si Honey.
Pagdating ko sa clinic ay kaagad akong sinukatan ng temperature.
"Inaapoy ka ng lagnat," sabi ng school nurse.
"P-Pwede na po ba ako umuwi?" tanong ko.
"Sige, tatawagan ko 'yung guardian mo," sabi ng nurse at akmang aalis.
"W-Wala po 'yung lola ko. Sasakay na lang po ako ng tricycle pauwi," sabi ko. For sure hindi naman ako susunduin ni Evil Auntie, wala namang pake 'yon sa'kin eh, at saka malay ko ba kung anong number niya.
Sa huli'y walang nagawa ang nurse at sinulatan ako nito ng medical certificate at excuse letter para makauwi na ako sa bahay.
Hinatid talaga ako nila Aiza sa sakayan ng tricycle, hindi ko na kasi kayang magcommute ng jeep dahil feeling ko hihimatayin ako sa sakit ng ulo ko. Labag man sa kalooban kong magbayad ng sixty pesos na pamasahe mula iskul hanggang sa bahay, wala akong magagawa.
Pagdating ko sa loob ay naabutan ko si Auntie na nakahiga sa sofa at nanunuod ng TV. Hindi ko na siya pinansin at diridiretso akong pumasok sa loob ng kwarto ko.
"Hoy, ang aga mong umuwi, nagcutting classes ka, ano?" dinig kong sabi ni Auntie pero dinedma ko lang siya. "At dahil diyan ikaw na ang magluto ng tanghalian."
Sa inis ko'y pabagsak kong sinara ang pinto at yumanig 'yung mga pader, kahoy lang kasi 'yon eh.
Dali-dali akong nagpalit ng damit at sumalampak sa kama at nagtalukbong. Nilalamig ako kahit na tanghaling tapat.
Narinig ko 'yung boses ni Auntie at 'yung sunud-sunod niyang pagkatok pero hindi ko 'yon pinansin. Ilang sandali pa'y bumukas ang pinto.
"Hoy, Remison, ano 'yang dinadrama mo?" mataray niyang tanong sabay hinila 'yung kumot na nakatalukbong sa'kin.
Natahimik si Auntie nang makita akong namamaluktot.
"Anong nangyari sa'yo?"
Kinuha ko 'yung unan at tinakip ko sa ulo ko. Kapag naririnig ko 'yung boses ni Auntie ay mas kumikirot 'yung sakit ng ulo ko.
Pilit niya ulit tinanggal 'yung unan na nakatakip sa'kin at sunod ko na lang naramdaman 'yung malamig niyang kamay sa noo at leeg ko.
"Nilalagnat ka?"
Hindi, Auntie, acting lang 'to. Gusto ko sana siyang barahin kaso walang wala na talaga akong energy.
"A-Auntie, gusto ko na po itulog," mahinang sabi ko.
"Kailangan mong uminom ng gamot."
"Nakainom na po ako sa clinic."
Biglang umalis si Auntie. Tapos ako ipinikit ko na lang 'yung mga mata ko hanggang sa makatulog ako.
Madilim na sa labas nang muli akong dumilat. Mukhang gabi na 'ata.
Naramdaman kong may malamig na nakapatong sa noo ko, bimpo 'yon na basa na binabad sa yelo.
Bumukas 'yung pinto at nakita ko si Auntie na lumapit, may dala siyang tray.
"Gising ka na ba?" sabi ni Auntie na umupo sa gilid.
Hindi, Auntie, tulog ako. Pambabara ko ulit sa kanya.
Tinanggal niya 'yung bimpo sa noo ko at pinunasan niya ng tuyong towel 'yung noo ko.
"Kumain ka na," sabi ni Auntie sabay alalay sa'kin na makaupo ng maayos. Nakita ko 'yung laman ng tray, may soup at tinapay tapos may isang baso ng gatas.
Hala, baka may lason 'to.
"Walang lason 'yan," sabi ni Auntie na para bang nabasa kung ano 'yung nasa isip ko. Kukuhanin ko pa lang 'yung kutsara nang bigla niyang kunin 'yon. "At wala ring ipis 'yan."
Makahulugan siyang tumingin, kung gano'n aware nga siya sa mga kalokohang ginawa ko sa kanya. Sorry, Auntie, huwag mo sana akong pakainin ng ipis.
Tinulungan ako ni Auntie Emily na kumain. Kahit na ang awkward na sinusubuan niya ako ng pagkain.
Totoo ngang himala o sadyang malapit na ang end of the world dahil hindi nagsungit si Auntie, hindi rin siya uminom at kumanta ng Zombie sa videoke noong gabing 'yon kaya matiwasay akong nakatulog.
Kaso kinabukasan hindi pa rin nawawala 'yung lagnat ko.
Pumuti na 'ata ang uwak nang maghanda si Auntie ng agahan. Nagluto siya ng sinangag, tapsilog, may hotdog pa at pancake.
Marunong ka naman palang magluto, Auntie, bakit pinahirapan mo pa 'ko at saka pinagtiyagaan mo 'yung sinangag kong walang lasa at itlog na ubod ng alat.
Hindi ko alam kung maiiyak ba ako sa sarap ng kinakain ko o sa sakit ko.
Sinukatan ako ng temperature ni Auntie at napailing siya.
"Ang taas pa rin ng lagnat mo," sabi niya habang hawak-hawak 'yung thermometer, tinaktak niya 'yon pagkatapos. "Dadalhin kita sa doktor."
"Po? Doktor? A-Ayoko pong maospital, ayoko po sa injection—" angal ko pero pinandilatan niya lang ako ng mata.
"Huwag matigas ang ulo mo, bata ka. Kasalanan mo kung bakit ka nagkasakit," sabi niya habang nakapamewang.
Sa huli'y dinala nga ako ni Auntie sa doktor. Kinuhanan ako ng dugo dahil baka raw na-Dengue ako pero mabuti na lang ay negative 'yung result.
Napilitan akong sabihin sa doktor na nabasa ako ng ulan kaya ayun. Narinig ko 'yung mga nireseta nitong gamot, inuubo na rin kasi ako at hindi nawawala 'yung sipon ko.
Pagkatapos mabili ni Auntie 'yung mga gamot ay umuwi na kami. Narinig ko rin na sinabi ng doktor na kailangan ko lang magpahinga ng ilang araw para gumaling ako, kailangan ko rin daw kumain ng mga masusustansyang pagkain.
'G3t w3Ll s0on, RemSsky! W3 m1sz YoU!' GM 'yon mula kay Aiza, nakatanggap tuloy ako ng text sa iba ko pang kaklase na magpagaling daw ako. Kung mayroon lang akong load rereplyan ko sila.
'H! R3ms, pgLing ka.' Isang text galing sa unknown number, pero alam ko kung kanino 'yon galing.
Kay Viggo.
Kahit may load ako hindi ko naman siya rereplyan. Dinelete ko 'yung text niya.
"Hoy, 'di ba sabi ng doktor magpahinga?" nabitawan ko tuloy 'yung selpon ko kaya ayun bumagsak sa mukha ko.
Aray ko po...
Kinuha ni Auntie 'yung selpon ko.
"Walang gagamit nito," sabi niya at hindi na ako nakaangal pa. Nakasuot ng apron si Auntie, mukhang nagluluto na siya. Mabuti naman at ako naman ang pagsilbihan niya ano?
Noong hapong 'yon ay nakaratay lang ako sa kama nang maalimpungatan ako sa narinig kong boses sa labas.
"Tao po?! Tao pooo?!"
Babangon sana ako dahil kilala ko 'yung boses na 'yon.
"Sino ka? Anong kailangan mo?" narinig ko 'yung mataray na boses ni Auntie.
"Hindi po ako sinuka, niluwal po ako ng nanay ko."
Hindi ko mapigilang matawa nang marinig kong sinagot na 'yon.
"Aba, pilosopo ka, lumayas ka! Tsupi!" pantataboy ni Auntie sa kanya.
Natutuwa ako na dumaan siya rito siguro para... para dalawin ako? Nabalitaan niya siguro kila Aiza na nagkasakit ako kaya hindi ako nakakapasok sa iskul.
Kaso ayun lang, hindi siya uubra kay Auntie.
Pumikit na lang ulit ako para matulog ulit, gigisingin na lang ulit ako ni Auntie mamaya para kumain.
Pero nagulat ako nang marinig ko 'yung bintana ko na biglang bumukas. Napabalikwas ako nang makita ko siyang sumunga.
"Pok—"
"Sshhh!" saway niya sa'kin tapos maingat siyang sumampa at pumasok sa loob ng kwarto ko. Dahan-dahan siyang lumapit sa gilid ko.
"A-Anong ginagawa mo rito? Baliw ka ba?!" pabulong kong sabi.
"Huwag kang maingay," sabi niya. "Sino ba 'yung bago n'yong katulong? Parang dragon, grabe."
Natawa lang ako, tiyak kong matatadyakan siya ni Auntie papuntang Mars kung narinig nito ang sinabi niya.
"Ano, bakit ka nandito?" tanong ko ulit.
Maingat niyang hinatak ang silya at saka umupo. Huminga siya nang malalim.
"Siyempre nag-aalala ako sa'yo na hindi ka na pumapasok," sabi niya habang nakayuko.
"Oh? Akala ko ba wala ka nang pake sa'kin?" tanong ko.
"Ha? Kelan ko sinabi 'yon?" maang-maangan pa siya. Napasimangot ako.
"Sino kaya 'tong hindi na namamansin tapos may nalalaman pang, 'Wala na si Poknat, Remison'." Nagmake face ako na kinairita niya.
Napakamot siya sa ulo.
"Oo na, oo na," sabi niya na parang sumusuko, hindi makatingin ng diretso sa akin. "Sorry na kung nag-inarte ako."
Ngumiti lang ako sa kanya nang tumingin siya sa akin.
"S-Sorry, Mingming..."
"Namiss ko 'yan..." sabi ko.
"Huh? Ako?"
"Namiss ko 'yung pagtawag mo sa'kin ng Mingming."
Ngumiti na lang din siya sa'kin.
"Sorry din kung ang immature ko," sabi niya pa. "Promise ko sa'yo, magtitino na 'ko."
"Huh? Matino ka naman ah—may saltik ka nga lang."
"Mingming naman," sabi niya. "Hindi na rin ako maghaharot... Gusto ko maging disente 'yung magugustuhan mo—"
"Aha!" sabay kaming nagulat at halos mapatalon si Poknat nang bumukas ang pinto at niluwa nito si Auntie na nag-uusok ang ilong. "Akyat bahay kang bata ka!"
May hawak na sandok si Auntie at akmang ihahampas 'yon kay Poknat nang makailag siya. Pero sa huli ay nahuli ni Auntie si Poknat nang mapingot nito ang tenga niya.
"A-A-Aray ko po!"
"Auntie!"
"A-Auntie mo 'tong dragon na 'to?!" bulalas ni Poknat.
Mas piningot lalo ni Auntie ang tenga ni Poknat.
"Anong dragon?! Loko-loko ka ah!"
Walang nagawa si Poknat nang mahila siya paalis ni Auntie habang nakapingot pa rin sa tenga nito. Lalabas din sana ako kaso natakot akong mapingot din ni Auntie kaya sumilip na lang ako sa pinto.
Nakita kong lumabas sila, hindi na hawak ni Auntie si Poknat tapos seryoso silang nag-uusap. Ano naman kayang pinag-uusapan nila?
'Di bale, at least, okay na kami ni Poknat.
Pakiramdam ko tuloy gagaling na 'agad ako.
Kaso... Parang nabinat ako noong gumabi na. Siyempre si Auntie panay sermon lang, bakit daw ba kasi ako nagpaulan, bakit daw ba kasi ang hina-hina raw ng resistensya ko, baka raw hindi ako kumakain kasi ng gulay, blablablabla.
Pero ewan ko ba hindi na ako naiinis sa kanya siguro dahil sanay na sanay na 'yung tenga ko at immune na ako sa machine gun niyang bibig. Kung hindi pa talaga ako magkakasakit ay hindi siya titigil sa pagpifeeling rockstar niya sa videoke at paglalasing niya.
Hays. Namimiss ko na si Mamang.
"Come stop your crying
It will be alright
Just take my hand
Hold it tight
I will protect you
From all around you
I will be here
Don't you cry..."
Narinig ko 'yung boses ng kumakanta habang natutulog ako kaya pasimple akong dumilat.
Madilim 'yung kwarto ko at patay ang mga ilaw, itim lang na pigura ni Auntie 'yung nakikita ko.Nakaupo lang siya sa may malayo tapos parang natutulog na ewan 'yung pwesto niya pero siya 'yung kumakanta.
"'Cause you'll be in my heart
Yes, you'll be in my heart
From this day on
Now and forever more
You'll be in my heart
No matter what they say
You'll be here in my heart, always"
"A-Auntie?"
Tumigil siya sa pagkanta nang marinig 'yung pagtawag ko. Hindi siya gumalaw sa kinaroroonan niya, hindi ko rin makita 'yung mukha niya.
"Auntie... Pinuntahan ko si... Pinuntahan ko 'yung tatay ko," mahinang sabi ko. "Si Eliam Fraga."
Nakita ko na napapitlag siya nang marinig 'yong huli kong sinabi.
"Itatanong ko sana sa kanya... Kung siya ba ang papa ko... Kung siya ba si Mr. E na palaging nagpapadala sa'kin ng regalo noong elementary ako. Kaso..." pahina nang pahina 'yung boses ko dahil pakiramdam ko iiyak ulit ako. "Kaso... Hindi ko nagawa eh."
Tumayo si Auntie, hinila niya 'yung upuan niya para lumapit sa gilid ko at saka umupo ulit kaya nagpatuloy ako sa pagkukwento.
"May iba na pala siyang pamilya. Parang ang saya-saya nila...Parang hindi naman niya ako naalala kahit kailan," sabi ko. "Parang wala naman talaga siyang pakialam sa'kin."
Naaninag ko na 'yung mukha ni Auntie. Blangko 'yung itsura niya.
"Saan mo nalaman ang pangalan niya?" malumanay niyang tanong.
"Sa'yo po," sagot ko. "Lasing ka kasi, Auntie eh."
Napapikit si Auntie nang mapagtanto ang pagkakamali niya. Tapos humugot siya nang malalim na hininga.
"Huwag mo nang isipin ang gagong 'yun," sabi niya. "Ang mahalaga mahal na mahal ka ng Mamang mo, pati ni Papang."
Hindi ko ineexpect na sasabihin niya 'yon.
"Auntie? Bakit hindi ka po pumunta sa libing ni Papang? Bakit... ngayon ka lang po umuwi?"
Hindi siya nakailag sa tanong na 'yon kaya nahuli kong umagos ang tubig sa pisngi niya na pasimple niyang pinahid.
"Ah, mahabang kwento," sagot niya.
"Galit ka po ba sa nanay ko?" tanong ko ulit.
Napatitig si Auntie nang itanong ko 'yon. Winawari kung bakit ko 'yon tinanong.
"K-Kasi... ang salbahe mo sa'kin, wala naman akong ginagawang masama sa'yo," dagdag ko pa.
Yumuko si Auntie, ang tagal din bago siya ulit nagsalita.
"Mahal na mahal ko 'yon... Si Judy."
Tumingin siya sa'kin.
"Kahit na kahit kailan hindi siya pinahawak ng walis nila Mamang at Papang, okay na okay lang sa'kin na ako ang gumawa ng lahat ng gawaing bahay. Si Judy? Prinsesa 'yon eh."
Ngayon ko lang 'ata siyang narinig magsalita na walang halong pang-uuyam o kasungitan.
"Ang ganda-ganda ni Judy, alam mo ba ang pangarap ko para sa kanya? Makapangasawa siya ng mayaman tapos kahit kailan magiging masaya lang siya," sabi niya na bahagyang natawa. "Kaso... siyempre... Hindi mo talaga pwede ipilit 'yung gusto mo sa ibang tao. Ang totoo, ako talaga ang may pangarap no'n, 'yung may mapangasawang mayaman."
"Kaya ka po ba umalis?"
Umiling si Auntie.
"Masyado ka pang bata para maintindihan mo."
"D-Dalaga na po ako, hindi na ako bata," protesta ko.
"Akala mo lang 'yon," sabi ni Auntie sabay tayo. "Bukas na raw uuwi si Mamang, aalis na rin ako bukas."
Pagkatapos ay iniwanan na ako ni Auntie.
Ewan ko kung bakit, lumungkot ako nang marinig ko 'yun.
Kinabukasan nagising ako sa ingay ng mga boses nang mga nag-aaway.
Matutuwa na sana ako dahil alam kong nandiyan na si Mamang pero kaagad din 'yong humupa nang marinig ko nang malinaw ang pag-aaway nila ni Auntie Emily.
"Walanghiya ka, Emiliana! Bakit mo minaltrato ang apo ko?! Nang dahil sa'yo nagkasakit pa si Remison!"
"Mother, ang OA ng maltrato, kailangang matutunan ng batang 'yon kung paano gumawa ng mga gawaing bahay. At saka correction, nagkasakit siya kasi naulanan siya—"
"Ikaw lang 'tong kakarating lang dito kung umasta ka akala mo kung sino ka!"
"Hanggang kailan n'yo ibebaby ang batang 'yon? Dalaga na si Remison pero hindi pa rin marunong magluto ng itlog? Hindi marunong maglaba?"
"Hindi ka na nahiya sa mga kapitbahay! Ang lakas ng loob mong magkalat dito sa pagkakanta at pag-iinom-inom mo!"
"Ayan ang problema sa inyo, Mamang, bakit ba palagi kayong nakikinig sa kung anong sinasabi ng ibang tao? Ano bang pakialam nila?!"
Parehas silang natigilan nang makita nila akong nakatayo sa labas ng kwarto ko.
"Mingming!" kaagad na lumapit si Mamang sa'kin at sinipat ang noo at leeg ko kung mainit pa ba ako. "May lagnat ka pa ba? Bumalik ka muna sa kwarto mo."
"Okay na po ako, Mamang."
Nakita ko si Auntie na inayos 'yung maleta niya, nakagayak na rin siya.
"A-Aalis ka na, Auntie?" tanong ko.
Hindi sumagot si Auntie at tuloy lang sa ginagawa niya.
"Diyos ko, sana talaga hindi na kita iniwanan dito at pinatuloy muna kita kila Melai," sabi ni Mamang na nakahawak pa rin sa'kin.
"M-Mamang, wala naman pong ginawang masama si Auntie sa'kin," nang sabihin ko 'yon ay natigilan si Auntie. Ngumiti ako. "Okay nga po kasi magaling na ako magluto ng itlog at sinangag. Tapos marunong na rin ako maglaba, pwede na kitang matulungan. Thank you kay Auntie kasi natuto ako ng mga gawaing bahay."
"Mingming..." si Mamang na parang hindi makapaniwala.
Pero hindi man lang sumagot si Auntie at diretso siyang lumabas ng bahay, hindi na siya lumingon pa.
"Auntie!" akma ko siyang hahabulin nang mahawakan ako ni Mamang.
"Saan ka pupunta? Mabibinat ka!"
Pero pinalis ko 'yung kamay ni Mamang sa'kin at tumakbo ako palabas.
"Auntie!" sigaw ko.
Medyo malayo na siya at hindi talaga siya lumingon.
"Auntie!"
Nasa may gilid na kami ng kalsada. Ang bilis niyang maglakad!
"MR. E!!!!!" sigaw ko nang malakas. "IKAW SI MR.E!!!!!"
Nang marinig 'yon ni Auntie ay huminto siya. Nang dahan-dahan siyang lumingon sa'kin ay lumabo 'yung mga mata ko dahil sa luhang nagbabadya.
Tumakbo ulit ako palapit sa kanya.
Hingal na hingal akong huminto sa harapan niya. "Auntie... Ikaw si Mr. E, 'di ba?"
Naguguluhan 'yung itsura ni Auntie. Napangiti ako at hindi ko na napigilang umiyak. Kahit hindi siya magsalita, alam kong siya 'yun.
"Auntie Emily... Ikaw si Mr. E, 'di ba?" mas lumapit ako sa kanya. "'Di ba?"
Yumuko si Auntie at yumugyog ang kanyang balikat.
Bigla niya akong sinunggaban ng yakap at namalayan ko na lang na umiiyak siya sa balikat ko.
"Ikaw nga..." napanatag kong sabi nang maramdaman ang paghawak niya sa likuran ko. "Salamat naman at ikaw lang pala 'yun. Akala ko naman kung sino."
Mas lalong lumakas ang pag-iyak ni Auntie. Ang tagal din niyang nakayakap sa'kin, pero okay lang.
"Noong una kitang makita... Gusto na 'agad kitang yakapin ng ganito," sabi niya. "Pero... Pero wala akong lakas ng loob... Ang hirap... Ang hirap magtiis... Patawarin mo ako, Remison... Patawarin mo kung ginawa ko 'yon..."
"Okay nga lang, Auntie, kung hindi dahil sa'yo hindi ako matututo ng mga gawaing bahay—"
"Hindi... Hindi 'yon... Patawarin mo ako kung ngayon lang ako dumating... Patawarin mo ako kung natakot akong mapalapit sa'yo... Patawarin mo ako kung wala akong lakas ng loob na sabihin sa'yo... na sa akin galing lahat ng mga regalong 'yon."
Siya nga talaga si Mr. E. Nakangiti kong naisip.
Muling lumakas ang paghagulgol ni Auntie. Alam mo 'yung iyak na ang tagal mong pinigilan tapos bigla ka na lang sumabog? 'Yung iyak na nanginginig na may kasama pang sounds? Gano'n 'yung iyak ni Auntie.
"Natutuwa ako, Auntie," sabi ko. "Natutuwa ako na sa'yo lahat 'yun galing. Sobra akong natutuwa na may Auntie ako—kahit na may pagkadragon."
Natawa kami parehas tapos bumitaw siya sa'kin, pinunasan niya 'yung pisngi ko bago niya punasan 'yung luha niya. Muntik ko na naman siyang tawanan dahil nagkalat na naman 'yung maskara niya.
"Sorry po kung palagi kitang pinaprank," sabi ko tapos natawa lang siya.
"Okay lang, iyon ang senyales na nagmana ka sa'kin!"
"Auntie... Kailangan mo ba talaga umalis?" tanong ko.
Malungkot na tumango si Auntie pero sinabi niya na babalik din siya kapag natapos na niya 'yung mga trabaho niya sa malayong lugar.
Pero bago siya tuluyang umalis, may nirequest ako sa kanya bilang pambawi sa akin.
Gulat na gulat si Mamang nang bumalik kaming magkasama ni Auntie. Kahit na hindi kami mag-explain ay parang alam na ni Mamang ang nangyari, feeling ko tuloy matagal na niyang alam na si Auntie pala talaga ang nagpapadala ng mga regalo gamit ang pangalang Mr. E.
Tila nawala lahat ng bigat sa dibdib ko. Bakit ko nga ba iintindihin 'yung mga taong wala nang pakialam sa akin kung nandiyan naman 'yung mga taong totoong nagmamahal sa'kin?
Katulad ni Mamang... at ni Auntie Emily.
Ang request ko kay Auntie?
'Yung magpicture ako, siya, at si Mamang ng magkakasama. Isang family picture.
Kuntento na ako sa kung anong mayroon ako, sila ang pamilya ko.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro