DALAGA 2❀
SIMULA noong maglaro kami ng tagu-taguan ay hindi na ulit 'yon sinabi ni Poknat sa'kin.
Pero ako nagtataka pa rin ako kasi hindi ko naman alam kung anong ibig sabihin ng 'pakakasalan'.
Kaya nang minsang utusan ako ni mamang na bumili ng bawang sa tindahan ni Aling Neneng ay hindi ko maiwasang magtanong.
"Aling Neneng, alam n'yo po kung ano ibig sabihin ng pakakasalan?"
Si Aling Neneng ang may pinakamalaking tindahan dito sa lugar namin, palagi siyang nakasuot ng pangkulot at kapansin-pansin ang malaki niyang nunal sa pisngi.
Nakakatakot si Aling Neneng kasi malaking bulas siya at madalas siyang magbunganga kasi maraming hindi nagbabayad ng utang sa kanya, pero sa'kin mabait siya kasi close sila ni mamang.
"Pakakasalan? Aba at bakit mo naman natanong 'yan, Mingming?" nakakunot niyang tanong habang nagpapaypay.
"Aba, at sino ang pakakasalan? May nagyayaya ba sa'yo, Mingming kulit?" biglang sumulpot si Mang Ben, ang asawa ni Aling Nena. May karga itong mga kahoy na ibinaba sa sahig, nagtataka nga 'ko kung pa'no niya 'yon nabuhat eh parang patpat sa payat si Mang Ben.
"Wala po!"
Ayokong sabihin na si Poknat ang may sabi sa'kin kasi baka mamaya isumbong nila 'ko kay mamang tapos papaluin na naman ako.
"Ibig sabihin ng papakasalan—sasakalin ka na," sagot ni Mang Ben sabay tawa nang malakas. "Aray ko!" tapos bigla siyang hinampas ni Aling Neneng ng pamaypay.
Pakakasalan? Ibig sabihin...
Gusto akong sakalin ni Poknat? Hala! Bakit niya 'ko sasakalin?
Ayoko no'n. Bad pala si Poknat.
"Pagbilan po, Aling Neneng! Pabili pong dalawang itlog, tsaka isang talong." Siyang dating ni Kuya Ronnel, ang kapitbahay naming japorms kung pumorma, idol niya kasi 'yung Salbakuta.
Ah, baka alam ni Kuya Ronnel kung ano ibig sabihin no'n.
"Oh, Mingming? Nandiyan ka pala!" puna niya sa'kin nang makita akong nakatingala sa kanya.
"Kuya Ronnel, ano pong ibig sabihin ng pakakasalan?" tanong ko sa kanya.
"Hmm..." Napaisip saglit si Kuya Ron at humalukipkip pa. "Kapag gusto kang pakasalan ng isang tao ibig sabihin gusto niyang magka-baby sa'yo."
Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ko 'yon.
Ibig sabihin...
Bukod sa gusto akong sakalin ni Poknat, gusto niya ring magka-baby sa'kin...
Tapos para gumawa ng baby... Sabi ni Teacher Mika—at ni Miggy...
"Hello, Mingming!" biglang dumaan si Teacher Mika, kakagaling lang niya 'ata ng trabaho at papauwi sa kanila. Kumaway ako sa kanya pabalik.
"H-Hello, Mika my loves!" masiglang bati ni Kuya Ronnel pero nilampasan at dinedma lang siya ni Teacher Mika. "Kita mo 'yon, Mingming? Pakakasalan ko 'yang si Mika balang araw at magkaka-baby kami."
"Oh, dalawang itlog at talong mo, Ronnel!" biglang sabat ni Aling Neneng.
Magtatanong pa sana ulit ako nang biglang...
"Mingmiiiiiiiiiing!" narinig ko ang sigaw ni Mamang.
Kumaripas ako ng takbo pauwi dahil kanina pa pala hinihintay ni Mamang 'yung bawang na pinabili niya.
Ala sais pa lang kasi ng gabi ay nagluluto na si Mamang ng hapunan. Para saktong pag-uwi ni Papang galing pabrika ay handa na ang hapunan.
Masarap magluto si Mamang ng Adobo, iyon ang kanyang specialty. Sa sobrang sarap niyang magluto ng Adobo, iyon lang ang palagi niyang niluluto tuwing hapunan.
Katwiran niya... Paborito raw kasi ni Papang at hindi ito nagsasawa.
Uuwi si Papang, mapapabulalas siya kapag nakitang Adobo ang ulam. Nagtataka ako kasi parang hindi siya nagsasawa.
Pagkatapos kumain, matutulog na kami.
Maglalatag si Mamang ng banig, tapos tabi-tabi kaming matutulog sa loob ng kulambo.
At, tinuro pala nila sa'kin na magdasal bago matulog.
Ang sabi nila Mamang at Papang, tuwing gabi raw ay nakikinig si Papa God sa mga dasal ng mga tao para sa kinabukasan.
At ang palagi kong dinadasal?
Sana makapaglaro ako bukas.
Lab na lab ko si Papa God kasi palagi niyang tinutupad ang wish ko.
Palagi akong nakakapaglaro kinabukasan.
Palagi akong susunduin ni Detdet, tapos ipapaalam niya ko kay Mamang para maglaro kami.
Tapos sasama sa'min si Poknat, tapos susunduin namin si Miggy o kapag hindi siya pinayagan ay itatakas namin siya.
Isang walang katapusaaaaang paglalaro sa Duluhan araw-araw.
Halos lahat na nga 'ata ng laro eh nalaro na namin, ke-panlalake o pambabae.
Taguan, Langit Lupa, Sili sili maanghang, bangsak, patintero, piko, Chinese garter, tumbang preso, Luksong baka, atbp.
Minsan kapag may pera kami ay bibili kami kay Aling Neneng ng Teks, Pogs, Goma, Jolen, paper dolls, jackstone, atbp.
Tinuruan din kami ni Poknat kung paano umakyat ng puno ng bayabas kaya pag sawa na kaming maghabulan ay aakyat kami roon para magpagewang-gewang doon.
Si Miggy ang may net na panghuli ng paruparo kaya natuto rin kaming humuli ng mga insekto katulad ng salagubang, gagamba, tutubi atbp.
Si Detdet naman ang nagyayaya sa'ming maglutu-lutuan gamit 'yung mga lupa at putik sa lawa kaya nagiging putik—pagkain daw namin 'yon.
Kapag sawa na kaming maglaro sa labas, aalukin kami ni Miggy na maglaro sa kwarto niya—gustung gusto naming 'yon kasi ang dami niyang laruan!
Pero may kundisyon.
Kailangan bagong ligo kami at mabango para makapasok sa mansion nila.
Masungit at istrikto kasi 'yung mayordoma nila Miggy, akala mo siya ang may-ari ng bahay.
Itse-tsek no'n 'yung mga paa namin at kuko kung malinis bago papasukin.
Para sa mga laruan ni Miggy, siyempre sumunod kami! Lalo na si Detdet na libagin at si Poknat na laging amoy araw.
Suntok sa buwan kapag nakapasok kami sa kwarto ni Miggy!
May sariling TV si Miggy sa kwarto niya kaya wan to sawa kaming nakakanood ng mga cartoons sa VHS.
Hanggang sa isang araw nakaisip si Detdet ng bagong laro.
"Laro tayo ng bahay-bahayan!" masiglang sabi ni Detdet nang maisip 'yon. Nagsawa na siya sa kakahalo ng putik.
"Pa'no 'yun?" tanong ni Miggy.
"May nanay at tatay na mag-asawa, tapos may mga anak," sabi ni Detdet. "Dahil si Poknat ang pinakamatangkad, siya ang tatay. Tapos... ako ang nanay!"
"Hindi ka pwedeng maging nanay," kontra ni Poknat. "Si Mingming dapat ang nanay kasi mas mahaba buhok niya kesa sa'yo."
"Gano'n ba 'yon?" nakakunot na sabi ni Detdet.
"Tsaka mas matangkad si Mingming," pilit ni Poknat.
"Sige na nga," sabi ni Detdet. "Ikaw Mingming ang nanay, tapos kami ni Miggy ang mga anak n'yo."
Pumayag na lang ako kasi iyon ang gusto nila.
Nagpunta kami sa masukal na bahagi ng Duluhan, 'yung na napupuntahan ng mga tao.
Kasi meron ditong lumang bahay kubo na walang nakatira.
Doon kami naglalaro ng bahay-bahayan.
Dinala ni Detdet 'yung mga lutu-lutuan niya tapos doon sa kubo kunwari kami raw ni Poknat ang mag-asawa.
"Nanay, tatay," tawag sa'min ni Detdet. "Lalaro lang kami ni Miggy sa labas."
Nang maiwan kami ni Poknat, nagtanong ako. "Ano gagawin natin?"
"Edi... 'Yung ginagawa ng mag-asawa." Sagot niya.
"Eh, ano ba 'yung ginagawa ng mag-asawa?" tanong ko.
"Edi aalagaan kita!" tapos kunwari susubuan niya ako ng kutsara na may putik.
Tapos naghiwa-hiwa kami ng mga dahon, tinutulungan ako ni Poknat na magluto.
Pagbalik nila Detdet, kakain kaming sabay-sabay pero kunwari lang. 'Yung mga plato namin ay dahon tapos isasalin do'n ni Poknat 'yung 'niluto' naming putik.
Tapos hihiga kami ro'n sa may papag ng magkakatabi, nakatingin lang kami sa kisame ng kubo ta's maghahagikgikan kami hanggang sa kunwari matutulog kaming lahat.
Naging paborito namin ang larong bahay-bahayan sa loob ng isang linggo.
Hanggang sa may makita kaming hindi namin dapat makita.
Papunta kami sa bahay kubo para maglaro ng bahay-bahayan.
Dala-dala ulit ni Detdet ang lutu-lutuan.
Papalapit na kami ro'n nang mapansin naming umuuga 'yung kubo.
Tapos may mga kakaibang ingay, parang mga boses ng nahihirapan.
"Lumilindol?" tanong ko at nagkatinginan kami.
Kaagad kaming tumakbo papalapit sa kubo pero tumigil kami sa may pintuan at sumilip sa loob.
Sa may papag nakita namin ang kapitbahay naming labandera na si Ate Marla—wala siyang suot na pantaas!
Tapos... may dinadaganan siyang lalaki.
Ilang segundo lang kaming nakatuod doon at winawari ang pangyayari.
Unang tumakbo palayo si Detdet.
Kaya tumakbo rin kami para sumunod sa kanya.
Nagkanya-kanya kaming uwi sa mga bahay namin.
Tuliro.
At takot.
Winawari kung anong ginagawa ni Ate Marla, na ate ni Detdet, at ni Mang Ben.
Wala akong pinagsabihan ng nakita namin.
Kaya noong gabi ay nagdasal ako kay Papa God na sana bukas normal lang ulit lahat.
Pero nang sumunod na araw ay nalungkot ako dahil hindi dumating si Detdet para sunduin ako.
Pakiramdam ko ay pinarusahan ako ni Papa God.
Kahit wala naman akong maling ginagawa.
Maghapon akong hindi lumabas noong araw na 'yon.
Alam ni Mamang na malungkot ako.
"Gusto mong pumunta kila Miggy?" tanong ni Mamang sa'kin. "Walang pasok si Mika. Malapit ka na magschool, 'di ba tinuturuan ka niya magsulat?"
Nagdalawang isip ako noong una.
Pero sa huli'y pumunta ako sa bahay nila Miggy.
Pinapasok naman ako ng katulong nila—sila Detdet at Poknat lang naman daw kasi ang mga dugyot.
Nagpunta kami ni Teacher Mika sa kwarto niya.
Ang bait-bait niya sa'kin kasi tinuturuan niya 'kong magsulat.
Pero hindi ko matiis magtanong katulad ng lagi kong ginagawa.
"Teacher Mika, ano po 'yung pakakasalan?" tanong ko.
"Ahm..." nag-isip sandali si Teacher Mika. "Kapag pinakasalan ka ng isang tao ibig sabihin mahal ka niya at gusto ka niyang makasama habambuhay." Nakangiting sagot ni Teacher Mika.
Bakit kaya iba-iba palagi ang sinasagot ng mga matatanda sa'kin?
Hindi ko pa rin nagawang sabihin kay Teacher Mika 'yung tungkol sa nakita namin noong isang araw, hindi rin ako kinausap ni Miggy.
Nang sumunod na araw ay hindi ulit dumating si Detdet kaya nalungkot ulit ako.
Sinubukan kong lumabas ng mag-isa nang payagan ako ni Mamang.
Nagpunta ako sa Duluhan at nakita ko si Poknat na nakaupo mag-isa malapit sa lawa, binabato niya 'yung tubig.
"Poknat! Laro tayo!" yaya ko sa kanya.
"Ano naman lalaruin natin?"
Sabay kaming napatingin sa may puno ng bayabas at nagpaunahan kaming umakyat doon.
At dahil lalaki siya at mas mahaba ang biyas, nauna siya.
Nang parehas na kaming nakapwesto sa bawat sanga ay humarap ako sa kanya.
"Poknat, gusto mo ba akong sakalin?" tanong ko sa kanya.
"Huh? Bakit naman kita sasakalin?" balik-tanong niya sa'kin.
"Eh kasi gusto mong magkababy sa'kin?" napakunot siya nang sabihin ko 'yon.
"Huh, hindi ah," tanggi niya.
"Sabi kasi nila 'yon daw ibig sabihin ng pakakasalan. 'Di ba gusto mo 'kong pakasalan?"
Napakamot siya sa ulo. "Tangeks! Kasi crush kita kaya ko 'yon nasabi."
"Crush mo 'ko?" ulit ko.
"Oo. 'Di mo ba 'ko crush?" tanong niya.
"Hindi ah!" tanggi ko.
Hindi ko naman talaga siya crush. Kasi iba ang crush ko.
"Edi okay lang," sabi niya. "Paglaki natin malay mo magbago isip mo." Sabi niya tapos bigla siyang tumalon sa baba.
Si Miggy talaga ang crush ko.
Kaso, parang hindi naman din niya ako crush.
Paano ko nalaman kung ano ibig sabihin ng crush?
Kay Kuya Ronnel, palagi niya kasing pinagkakalat na crush niya si Teacher Mika. Ibig sabihin daw no'n, gusto mo 'yung isang tao.
Parang gusto lang naman.
Wala naman masama do'n.
Pero ang gulo naman ni Poknat. Kung crush niya ako—pakakasalan niya 'agad ako paglaki?
Kinabukasan. Sumaya na ako ulit kasi sinundo na ako ni Detdet, parang hindi naman siya nagkasakit.
Naglaro kami ulit nang naglaro maliban sa bahay-bahayan.
Hindi namin 'yon tinangkang pag-usapan.
Naglaro kami nang naglaro hanngang sa mapaos kami kakasigaw, hanggang sa madumihan at magkalibag kami ng walang alintana.
Pero hindi namin alam noong mga panahon na 'yon...
Na huli na pala ang mga sandali.
Dahil kinabukasan...
Natagpuang lumulutang si Dedet sa estero sa kanto.
Wala ng buhay...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro