Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

DALAGA 18❀


"UHM... guys... Ito nga pala si Poknat, kababata ko. Poknat, si Aiza, si Burma, at si Honey nga pala," medyo nahihiyang sabi ko.

Sawakas, nagawa ko na rin silang ipakilala sa isa't isa! Tiningnan ko si Poknat at nakita kong kampante lang siyang nakahalukipkip habang ngumunguya ng bubble gum.

"Hi, Poknat!" sabay-sabay bati ng tatlo kong mga kaibigan.

Medyo nagulat ako nang makita kong sumimangot si Poknat.

"Si Mingming lang ang pwedeng tumawag sa'kin ng Poknat," nakakunot-noong sabi ni Poknat sa mga kasama ko. "Kiel na lang itawag n'yo sa'kin." Napawi rin ang pagkunot na 'yon, tapos isa-isa niya silang kinamayan. Ang pormal naman niya masyado.

"Uhm... Hehe sige, Kiel," sabi ni Burma na nakangiting alanganin.

"Ikaw nga ulit 'yung ano ni Remsky..." si Aiza.

"Ako? Ako lang naman ang boypren—"

"Hindi ko siya boypren!" kaagad kong kontra.

Tumikhim si Poknat. "Future boypren!"

Nagkatinginan ang tatlo kong mga kaibigan, hindi ko malaman kung aasarin ba nila ko o ano pero sa huli ay wala silang sinabi.

"Oh siya, kitakits na lang tayo mamayang uwian, bye Mingming ko," sabi ni Poknat sabay flying kiss sa'kin, at pagkatapos ay kumaripas ito ng takbo palayo sa'min.

Nang maiwan kami ng mga kasama ko ay bigla ba namang hinila ni Aiza 'yung buhok ko.

"Aray, Aiza!" reklamo ko. Palagi niya kasing ginagawa 'yon kapag nang-aasar.

"Mingming ko?!" pang-aasar ni Aiza.

Naupo kaming apat sa may bench habang hinihintay ang flag ceremony, may natitira pa kasing ilang oras bago tumunog ang bell.

"Sana lahat may childhood sweetheart 'di ba?" sabi naman ni Burma na nakanguso.

"Sweetheart?" ulit ko. "Hindi kami sweetheart."

"Ah, ewan, dami mong say, Remsky," sabi ni Honey na himalang hindi na nale-late. "Halata namang patay na patay sa'yo 'yung kababata mo."

"Huh? Ang weird lang kasi... Parang alam n'yo 'yun lumaki kami dati tapos..." hindi ko alam kung ano 'yung sasabihin ko kaya hindi ko makumpleto.

"Eh kasi iba ang gusto mo, 'yan lang ibig sabihin no'n, sus!" sabi ni Burma.

"Ang tanong, gusto ka ba ng gusto mo?" nakapamewang na sabi ni Aiza na tumayo sa harapan ko.

"Hoy, Aiza, grabe ka mang-atake sa frenny natin," pagtatanggol ni Burma sa'kin. "Malay mo naman, 'di ba? Nagtapat ka na ba kay Viggo?" tanong niya bigla sa'kin.

"Ha?" gulat kong reaksyon. "Bakit naman ako magtatapat sa kanya?"

"Kung gusto mong maging kayo, dapat ikaw na ang unang gumawa ng move!" sabi naman ni Honey.

Napangiwi ako. "Alam n'yo, bakit ba ganito na lang lagi nating topic? Ang bata-bata pa—"

"Sshht! Shhht!" si Aiza. "Kaya kung ako sa'yo, Remsky, piliin mo 'yung taong mahal ka kesa sa taong hindi ka naman mahal!" sabi niya na parang hindi narinig 'yung sinabi ko.

Mas lalo akong napangiwi.

"Kakaloka ka, Remsky, puro na lang love life mo pinoproblema namin. Paano naman kami? Gusto rin namin ng boylet, ano?" inarte ni Burma habang nakatanaw sa malayo.

"Hindi ko naman sinabing problemahin n'yo 'yun," kakamut-kamot kong sabi.

"Hays, kailan kaya ako mapapansin ng crush kong fourth year? Kaso gagraduate na rin siya, kailangan ko nang humanap ng iba," sabi ulit ni Burma, hindi 'ata narinig 'yung sinabi ko.

"Alam ko na!" bulalas ni Honey tapos may hinalukay sa bag niya.

"Ano 'yan?"

"Kailangan nating magpaganda para mapansin tayo ng mga crush natin!" sabi ni Honey at saka ipinakita sa amin ang hawak niyang pouch na naglalaman ng mga makeup.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay natutunan kong maglagay ng liptint at blush on dahil kay Honey. Simula noon ay naging laman ng usapan namin ang pagme-makeup dahil kay Honey.

At siyempre hindi 'yon nakatakas kay Poknat.

"Aba, aba, bakit namumula 'ata ang lips mo at pisngi?" sabi ni Poknat noong uwian.

"Huh? Guniguni mo lang 'yon," palusot ko sabay mas binilisan ko ang paglalakad.

Pero naabutan niya ulit ako at kinulit pa rin 'yung mukha ko. "Wuuhhh, nagpapaganda ang Mingming ko sa'kin?" ( ^◡^)っ ♡

"H-Hindi ah!" tanggi ko pero inulan pa rin niya ako ng asar. Tumakbo ako palayo sa kanya.

"Mingming ko, weeeeyt!" ⊂(♡⌂♡)⊃

Hays, may mga pagkakataon na napipikon at nabubwisit na rin ako kay Poknat, grabe kasi siya mangulit at mang-asar. Kahit hindi ko siya pansinin ay hindi pa rin siya tumitigil. Kaya dumating 'yung punto na tinataguan at tinatakasan ko siya tuwing uwian.

Gusto ko lang naman ng katahimikan kahit minsan.

Mas naging busy na rin nga pala ako sa eskwela. Naging sabay-sabay bigla 'yung mga pinagagawa ng mga teachers linggo-linggo. Project dito, research diyan, groupings doon. Natrip-an pa ng mga kaklase ko na gawin akong leader sa sabayang pagbigkas, masipag daw kasi ako kaya palagi nila akong pinipiling maging leader, pati sa research!

Siyempre, ayoko rin namang mangulelat kami at gusto ko na napupuri kami ng mga teacher kaya palagi kong ginagalingan. Kahit nga ako na 'ata ang lahat nang gumagawa sa research eh okay lang. Basta kaya ko naman.

At ayun, tinutulungan ko na rin pala si Viggo sa mga notes at assignment niya kasi palagi na siyang busy sa pagpapractice. Kapag talaga athlete ay panay practice lang ang buhay, magaling din naman kasi si Viggo. Ayun nga lang din ay bihira na lang kaming magkatext.

"Mingmingggg!" malayo pa lang ay narinig ko na 'agad 'yung boses na 'yon.

"Nakow, andiyan na naman ang iyong sundot," sabi ni Aiza nang lumingon. "Himala 'atang hindi ka nagtatago sa labidubs mo?"

"Pinagsasabi mo, Aiza?" lutang kong sagot.

"Mingming! Akala ko hindi na naman kita makikita!" ilang sandali pa'y nasa nakahawak na si Poknat sa bag ko sa likuran. ♥(ˆ⌣ˆԅ)

"Ahm... Sige, una na kami," sabi ni Honey tapos nauna na silang naglakad nang mabilis. Kesyo ayaw daw nilang maging abala sa'min.

Naiwan kaming dalawa ni Poknat, sinasabayan niya ang mabagal kong paglalakad.

"Ming? Bakit parang pagud na pagod ka?" tanong niya. "Ang laki-laki na ng eyebags mo!"

Humikab lang ako kasi inaantok na talaga ako, kinulang ako ng tulog kasi tinapos ko lahat ng dapat kong tapusin na assignment kagabi (kahit next week pa 'yung pasahan ng iba, sabi kasi ni Mamang daig daw ng maagap ang matalino).

"Siguro napuyat ka kakaisip sa'kin?" daldal ni Poknat. ♡'・ᴗ・'♡

"Hindi ka ba napapagod?" tanong ko sa kanya.

"Basta ikaw kasama ko napapawi ang pagod ko! Hehehe."

Nakalabas na kami ngayon ng gate at naglalakad na kami papuntang sakayan ng jeep. Hindi ko na nakita sa labas sila Burma, mukhang dumiretso 'ata sa computer shop. Hays, hindi na 'ko nakakasama sa kanila—palagi kasing nakabuntot 'tong si Poknat eh.

"Kambal!" napahinto ako nang marinig ko 'yung tawag na 'yon. "Kambal!"

Nakita ko sa kabilang kalsada si Azami, nakasungaw sa bintana ng kotse nila. Kumaway siya sa'kin at kaagad akong kumaway pabalik sa kanya. Pupuntahan ko sana siya kaso mabilis nang nakaalis 'yung kotse nila na kakalabas lang pala ng iskul nila.

"Sino 'yon?" curious na tanong ni Poknat sa'kin.

"Si Azami, bespren ko no'ng elem, ang ganda niya, no?" sabi ko tapos naglakad na ulit kami papuntang sakayan ng jeep.

Hays. Namiss ko tuloy bigla si Kambal, hindi na ulit kami nagkita-kita simula noong reunion namin pero paminsan-minsan ay nakakausap kami sa text. Napansin ko kasi sa mga GM ni Kambal na marami na ulit siyang friends sa bago niyang iskul, at saka minsan 'yung mga topic namin ay nagiging paulit-ulit na lang.

"Hmm... Oo, maganda naman siya," sabi ni Poknat. "Pero mas maganda ang Mingming ko ro'n. Sus! Lalo na pag naayusan ka."

Hays. Ayan na naman siya.

Pag-uwi ko sa bahay namin ay balak kong matulog na kaagad pag nakapaglinis na ako ng katawan. Gusto ko lang bumawi ng tulog.

Kaso nang humiga na 'ko sa kama ay nawala bigla 'yung antok ko nang makatanggap ako ng text galing kay Viggo.

'Hi, R3mskY! KuNin K0 ung N0t3s buK4$ n6 Uwi4n. Me3t tay0uh s4 My GyM, my bbg4y m3 xau. J'

Nagliwanag 'yung mukha ko nang mga sandaling 'yon. Para akong nagkabulate sa pwet dahil hindi ako mapakali. Hindi na tuloy ako makatulog sa kakaisip kung anong ibibigay sa'kin ni Viggo. Rereplyan ko sana siya kaso wala na pala akong load! Hays! Bakit naman kung kailan siya nagtext doon ako nawalan ng load?

Kinabukasan, umaga pa lang ay hinihiling ko na 'agad na mag-uwian. At siyempre, hindi na naman 'yon nakatakas sa matalas na paningin ni Poknat. Hindi ko na nga mabilang kung ilang araw o linggo na kaming magkasabay palagi.

"Bakit parang ang saya-saya mo?" tanong ni Poknat.

"Huh? Bakit? Bawal na ba maging happy?" sagot ko.

"Hmm... Dahil ba kasama mo na naman ako?" biro niya pero kaagad din ulit siyang sumeryoso. "Alam mo, kayong mga babae ang hirap-hirap niyong tantiyahin eh. Parang kahapon lang ang sungit-sungit mo tapos ngayon ngiti-ngiti ka riyan."

"Huh? 'Mga babae'?" ulit ko sa sinabi niya. "Sabi ko na nga ba chikboy ka eh."

"Huh? Ako chikboy? Mingming naman, alam mo namang loyal ako sa'yo kahit nilalandi nila ako!" giit niya at nailing na lang ako.

"Hmm... Siguro mas magaganda sila, bakit hindi na lang sila ang kulitin mo?" suhestiyon ko sa kanya.

"Mingming naman! Tinataboy mo na ba ako? Huwag ka namang ganyan," nakanguso niyang sabi. "Ikaw, selos ka naman 'agad!" sabi niya tapos tinusuk-tusok tagiliran ko. ( ̄ε ̄)

"Ano ba!" saway ko sa kanya. "Tumigil ka nga, Poknat!"

"Ikaw lang ang pinapayagan kong tumawag sa'kin ng Poknat, alam mo ba 'yon?" tila panunumbat niya pa. (* >ω<)

"Eh, 'di tatawagin kitang Ezequiel!" sigaw ko sa kanya.

"Kiel 'yon—teka! Poknat nga ang itatawag mo sa'kin eh!"

Bakit kaya totoo 'yung sinasabi nila na kapag naghihintay ka o kaya ay excited ka ay tila bumabagal lalo ang oras? Pakiramdam ko ito 'yung pinakamahabang araw na naranasan ko dahil sa kakahintay sa uwian.

Normal naman ang lahat noong araw na 'yon. Pasok sa mga subject, magsulat ng mga notes, magseatwork, quiz, recitation, lunch, recess. Siyempre hindi rin nawawala 'yung daldalan at tsikahan kasama ang mga kaibigan ko.

Hindi ko sinabi kila Burma 'yung usapan namin ni Viggo dahil sure na sure akong kakantiyawan nila ako at baka mamaya panuorin pa nila kami, may pagkastalker pa naman 'yun. Kaya noong uwian (sawakas!) sinabi ko sa kanila na magpapaiwan ako saglit sa library para tumakas kuno kay Poknat (pero totoo din 'yon).

Nang mawala na sila Aiza ay kumuha ako ng timing na pumunta sa may gym nang hindi ko maramdaman ang presensiya ni Poknat (para kasing kabute 'yon eh, bigla na lang sumusulpot).

Malayo pa lang ako sa gym ay natanaw ko na si Viggo na nakatayo sa may entrance. Nakasuot ng jersey at halatang kakagaling lang sa practice. Pero kahit na pawis-pawis—ang presko niya pa rin talagang tignan.

Habang palapit ako sa kanya ay inayos ko 'yung sarili ko. Nilagyan ako ni Honey kanina ng liptint, tapos nagpulbo ako sa library kaya okay naman 'yung itsura ko (Ngayon lang talaga ako naging conscious sa itsura ko).

"Yoh, Remsky!" bati niya sa'kin nang makita ako.

"H-Hello," bati ko sa kanya. Natulala ako sa kanya saglit at nang matauhan ako ay kaagad kong kinuha sa bag ko 'yung apat niyang notebook. "I-Ito na pala 'yung mga notebook mo."

Inabot ko sa kanya 'yun tapos ngumiti siya.

"Thank you, hulog ka talaga ng langit!" sabi niya.

"Ah... Eh... hindi pa pala tapos 'yang sa AP," sabi ko sabay bawi sa isang notebook. "Sorry, may kulang pa pala."

"Huh? Okay lang talaga?" tanong niya.

"Oo naman," sabi ko.

Nakita ko na may hawak siya sa isang kamay at itinago ko 'yung pagkatuwa ko nang ilahad niya sa'kin ang kamay niya na may laman na isang parihabang bagay na may balot na kulay pink.

"Pasensiya ka na, ito lang ang nakayanan ko para sa effort mo," sabi ni Viggo.

Dahan-dahan kong kinuha 'yun sa kanya.

"Chocolates lang 'yan, binalot ko pa para cute," sabi niya. "Next time, babawi ako."

"O-Okay lang, Viggo," sabi ko.

Narinig namin parehas na may pumito mula sa loob ng gym kaya lumingon doon si Viggo.

"Oh siya, kitakits na lang," sabi niya sabay pasok sa loob ng gym.

Naiwan akong nakatulala. Nang tumalikod ako ay halos mapunit ang labi ko sa lapad ng ngiti ko, kulang na lang ay magtatalon ako at magtititili sa kilig.

Naglakad na ko para umuwi pero natigilan ako nang lumiko ako ay nakita ko si Poknat na nakasandal sa pader at nakahalukipkip, para siyang nanay na masungit sa itsura niya.

"U-Uy, ikaw pala," patay malisya kong bati sa kanya.

Maglalakad na sana ulit ako nang humarang siya. Bigla ba naman niyang hinablot sa kamay ko 'yung bigay ni Viggo (hindi ko napagtanto na hawak-hawak ko pa pala).

"Bakit ka binigyan ng kolokoy na 'yon nito?"

"Regalo niya sa'kin 'yan," sagot ko naman.

"Bakit? Birthday mo ba?"

"Akin na 'yan, Poknat!" sinubukan kong agawin sa kanya 'yung regalo pero dahil mas matangkad siya sa'kin ay hindi ko 'yon naabot.

Bigla niya 'yong binuksan. "Chocolate?!" bulalas niya. "Bawal 'to sa'yo! Junk food 'to ah!"

"Ano bang pake mo! Akin na nga 'yan!"

"Bakit ka muna niya binigyan ng chocolate?"

"Poknat!"

"Bakit muna?"

"Kasi tinutulungan ko siyang magsulat ng notes at assignment!" sigaw ko sa kanya. Parang sumasakit 'yung lalamunan ko sa sobrang inis. Natigilan siya nang marinig 'yon at dahan-dahan niyang binaba 'yung kamay niya.

Hinablot ko naman sa kanya 'yung chocolate, sira na 'yung balot na pink. Galit akong tumingin sa kanya.

"Bakit mo siya ginagawan ng notes at assignment? Alalay ka ba niya? Siguro may gusto ka ro'n no? Kaya sunud-sunuran ka? O baka inuutusan ko tapos hindi ka makatanggi. Tch! Kakausapin ko 'yon—" hindi ko na napigilan 'yung inis ko kaya natulak ko siya.

"Nakakainis ka! Bakit ba ang pampam mo?! Nanahimik ako palagi ka na lang pampam!" sigaw ko sa kanya. "Ang pampam pampam mo!"

Tinitigan niya lang ako at imbis na sumagot ay iniwanan niya ako. Bahala siya kung saan niya gustong pumunta. Dali-dali akong tumakbo paalis doon. Nang makalabas ako ng iskul ay doon lang sumabog 'yung luha ko. Nakakainis, nakakainis talaga.

Hindi ko napagtanto 'agad na ang higpit nang hawak ko sa chocolate kaya tuloy napipit 'yon. Nang makauwi ako sa amin at pagpasok ko sa kwarto ko ay saktong nakatanggap ako ng text galing kay Viggo.

'S0rry R3msky, b4kt d m0 cnabI n4 nhi2rapan k4 pLa. Kin4uSAP 4k0 ng fri3nd m0, s0RRy khT D M0 n4 k0 tUlun64n. S4l4mt s4 l4hat. S0rry uLit.'

Naiyak na naman ako nang mabasa ko 'yon at ni hindi ko na magawang kainin 'yung chocolate na binigay niya.

Kinabukasan. Walang Poknat na lumitaw. Natutuwa ako na hindi siya nagpakita kasi sa totoo lang ay ang bigat-bigat pa rin ng kalooban ko sa ginawa niya kahapon—sa lahat ng kinikimkim kong inis. Ayoko na muna talaga siya makausap.

Wala akong gana buong araw. Naramdaman naman ng mga friends ko na parang may problema ako pero hindi nila ako pinilit magkwento. Sabi ni Aiza handa raw silang makinig kapag okay na raw ako, hindi naman daw nila ako pipilitin.

Iyon 'ata 'yung unang pagkakataon na halos buong araw akong hindi nagsalita, maliban na lang kung sobrang importante ng sasabihin ko katulad nang pagpara sa jeep.

Pag-uwi ko ay sinalubong ako ni Mamang.

"May bisita ka, Ming," sabi ni Mamang at may inginuso sa loob.

Pagpasok ko sa loob ay nadatnan ko roon si Poknat sa may sala. Tumayo siya bigla nang makita ako.

"Hi, Ming," bati niya.

Hindi ko siya pinansin at diretso akong pumasok sa loob ng kwarto. Narinig kong kumatok si Mamang, tapos pumasok siya sa loob.

"Ming?" tawag ni Mamang. "Nag-away ba kayo ni Poknat?" tanong niya.

Tumango ako. "Mamang, naiinis po ako sa kanya, pauwiin n'yo na po siya."

Wala namang nagawa si Mamang, lumabas siya ng kwarto ko. Hindi kaagad ako nakapagpalit ng damit, naupo lang ako sa may kama at natulala.

Akala ko nakaalis na si Poknat. Nakarinig ako bigla ng tunog ng gitara sa labas. Lumapit ako sa may pinto at nakinig. Biglang may kumanata.

"Lift your head, baby, don't be scared🎶
Of the things that could go wrong along the way
🎶
You'll get by with a smile
🎶
You can't win at everything but you can try
🎶
Baby, you don't have to worry
🎶
'Cause there ain't no need to hurry
🎶
No one ever said that there's an easy way
🎶
When they're closing all their doors
🎶
They don't want you anymore
🎶
This sounds funny but I'll say it anyway
🎶"

Namalayan ko na lang nakikinig ako sa paggitara at pagkanta ni Poknat. Aaminin ko na kahit papaano ay gumaan 'yung kalooban ko kasi... ang gaan sa pakiramdam ng boses niya.

Napaatras ako nang maramdaman kong lumapit siya sa may pinto.

"Ming?" tawag niya. "Sorry sa ginawa ko."

Hindi ako sumagot.

Hindi pa rin siya umaalis.

"Usap tayo sa may Duluhan."

Ilang segundo lang akong nakatitig sa may pinto. Hindi rin ako nakatiis at lumabas ako, saktong paalis na pala siya.

"Ming?" nagliwanag 'yung mukha niya nang makita ako.

Nagpunta kami sa may Duluhan at umupo sa malalaking bato malapit sa sapa. Ngayon na lang ulit ako lumabas at pumunta rito, medyo matataas na kasi 'yung mga talahib dahil wala nang naglilinis palagi rito.

Tahimik lang kaming dalawa habang siya ay binabato ang sapa.

"Alam mo simple lang naman 'yung gusto ko sa buhay," sabi niya bigla.

"Alam mo rin, nakakainis na lahat nang ginagawa mo," sabi ko naman.

"Alam ko 'yun, na naiinis ka," sabi niya habang nakatalikod sa'kin. Bigla siyang humarap. "Mahirap ba 'yun, Ming?"

"Ang alin?" kunot-noo kong tanong.

"'Yung maging tayo!"

"Huh? Poknat, ang bata-bata pa natin, hindi mo naman alam 'yang mga sinasabi mo," sabi ko sa kanya. Akala ko sasagot siya pero tumikom siya sabay tingin sa lupa.

"Hindi 'yon," sabi niya tapos tumalikod ulit sabay bato sa may sapa. "May iba ka lang talagang gusto kaya hindi mo 'ko matanggap."

Hay nako, hindi niya naiintindihan 'yung pinupunto ko eh.

"Oo na nga, may gusto akong iba. Pero gusto lang 'yun, hindi ibig sabihin no'n gusto ko na nung gano'n, kasi bata pa 'ko," mahinahong paliwanag ko sa kanya.

Hindi siya kumibo.

"Gusto rin naman kita, Poknat," sabi ko ulit. "Halos sabay na tayo lumaki, palagi tayong magkakalaro, ang saya-saya natin no'n. Hindi ba pwedeng gano'n na lang?"

Humarap siya sa'kin ngayon. Walang bakas ng pilyong ngiti ang kanyang mukha, hindi rin siya malungkot o ano. Blangko lang.

"Gets ko na," sabi niya sabay buntong hininga. Tapos bigla siyang tumawa, 'yung pilit. "Ang kulit-kulit ko talaga. Sorry, Ming, kung sobrang pampam ko."

Bago pa kumagat ang dilim ay hinatid niya ako pabalik sa'min.

"Bye, Ming," paalam niya.

"Bye, Poknat." Matipid siyang ngumiti bago tumalikod at naglakad paalis.

Kinabukasan, walang Poknat ang sumundo sa'kin. 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro