DALAGA 15❀
TUWING uwian ay animo'y palaging may fiesta sa may harapan ng eskwelahan namin. Hangga't hindi pa kasi pumapatak ang alas kwatro (minsan depende sa schedule n'yo, mga higher year lang 'yung iba-iba schedule ng uwian eh) eh hindi kayo palalabasin ng gwardiya.
Kaya tuloy kapag pwede nang umuwi ay akala mo'y mga hayop na nakakawala sa koral ang mga estudyante.
Tuwing uwian din sumusulpot sa labas ng iskul ang mga nagtitinda ng kung anu-ano, karamihan ay mga pagkain (street foods), tapos may mga kariton din na parang maliit na perya ('yung pwede kang tumaya) tapos ang premyo ay sisiw na makukulay, akala mo'y may tiangge.
Samantala, 'yung kaharap naming private school ay mga sasakyan lang ng kotse ang pumapasok at lumalabas, walang mga naglalakad sa labas (sobrang bihira lang), wala ring nagtitinda, sobrang linis.
"Tara magtusuk-tusok tayo!" Yaya ni Burma sa'min at nagpunta kami ro'n sa nagtitinda ng fishball na pinagkakaguluhan.
Pinanood ko sila Burma, Aiza, at Honey na tumusok sa kawali na nalulunod sa nangingitim na mantika.
"Ayaw mo, girl?" tanong sa'kin ni Honey na nagsasawsaw sa suka nang mapansing nakatulala lang ako.
"Ah... May pupuntahan din kasi akong kainan eh," sabi ko. "Kaya hindi rin pala 'ko sa inyo makakasabay sa jeep."
"Wow, may date ka?" tanong ni Burma habang puno ng pagkain ang bibig.
Sasagot pa lang ako nang makita ko 'di kalayuan sila Viggo na naghihintay, saktong nakita ako ni Marty, kinalabit niya ang mga kasama at tinuro ko. Naglakad sila palapit sa kinaroroonan ko.
"Tara lets, Remsky!" si Andrei, ngayon ko na lang ulit siya nakita, katulad ni Viggo ay tumangkad din siya at medyo nag-iba ang boses.
Halos mabulunan si Aiza nang makita si Andrei. Naiintindihan ko naman siya kasi noong elementary pa lang ay 'crush ng bayan' na 'tong si Andrei.
"Sila kasama mo?!" bulong sa'kin ni Burma na halos tumulo ang laway.
Napakunot lang ako at nawirdohan. Tumango ako kay Burma.
"Kitakits na lang bukas," paalam ko sa kanila dahil kinukulit na naman nila ako. Hays, bakit ba pagdating sa mga boys hindi sila magkandaugaga?
Habang naglalakad kami papuntang sakayan ng jeep ay tahimik lang na nasa likuran nila. Pakiramdam ko nga ang liit-liit ko kasi lumaki na sila.
Lumingon sa'kin bigla si Marty. "Kaibigan mo 'yung tatlong 'yon?" tanong niya. Napansin niya siguro na ang tahimik ko.
Tumango lang ako. Kung anu-ano tinanong sa'kin ni Marty at Andrei, ayaw lang siguro nila na ma-OP ako. Medyo nanghihinayang ako na hindi namin sila naging kaklase, pero mukhang close pa rin sila kay Viggo kahit nakahiwalay sila ng section.
Isang sakay ng jeep mula sa kanto ng eskwelahan namin ay bumaba kami sa Mcdo.
Si Azami kasi ang may pasimuno nito, sabi niya namimiss na raw niya ang elem friends kaya nagtext siya sa aming lahat na magkita-kita naman kami para raw magbonding.
Pagpasok namin ng Mcdo ay umakyat kami sa second floor at doon nakita namin sila.
"Kambal!" bulalas ni Azami nang makita ako.
Lumapit kami sa kanila, kasama ni Azami sina Olly, Deanna, at Alex (ang cute talaga ng uniform nila).
"Wuyyy, Remskyyyy, musta na?" masiglang bati sa'kin ni Olly.
Medyo maingay kami dahil ang lakas kasi ng mga boses nila sa pangangamusta. Kaagad nagpasiklaban ng kwento si Olly at Marty (mortal enemies talaga sila kahit kailan).
Si kambal ay nagiging blooming lalo, si Olly naman ay mas tumaba, at si Alex naman ay maiksi na ang buhok at tila nangingibabaw ang kanyang boyish na kilos.
Si Deanna ay halatang mataray pa rin, nang tumabi ako sa kanya ay nahihiyang ngumiti ako sa kanya at tinaasan niya ako ng kilay.
"Anyare sa'yo, girl?" tanong ni Deanna sa'kin. Mukhang mas umarte pa 'ata siya.
"Ganito pa rin naman," sagot ko sa kanya.
At dahil likas na galante si Azami ay siya ang nagprisinta na manlibre, ayaw nga sana namin, lalo na ni Viggo, kaso ayun pinilit ni Kambal.
Habang kumakain kami'y kanya-kanya kaming share kung ano na 'yung nangyayari sa amin sa mga bago naming school.
Base sa mga kwento ni Olly ay mukhang nag-eenjoy naman sila kahit papaano dahil maganda 'yung school nila. Iyon nga lang daw ay kakaunti lang sila sa classroom kasi nga kaunti lang naman 'yung nag-aaral sa Silvestre kumpara sa'min sa Tanso.
Nakakamiss din pala at nakakalungkot na hindi na namin sila kasama. Ang dami nilang ikinuwento at madalas ay nakikinig lang ako.
Habang nakikinig ako sa kanila at kumakain ako ng spaghetti ay naramdaman kong may nakatitig sa'kin kaya kaagad akong napatingin sa kabilang direksyon.
Bigla akong nasamid nang makita ko sila Burma, Aiza, at Honey sa kabilang table.
"Kambal, okay ka lang?" nag-aalalang tanong ni Azami sa'kin na hinihimas 'yung likuran ko.
Si Alex naman ay binigyan ako ng tubig.
"T-Thank you," sabi ko at sumulyap ako kila Burma at nakita ko na pinagtatawanan nila ko. Hays, mga loka-loka talaga 'yung mga 'yon, bakit naman nila 'ko sinundan dito?
Dalawang oras din kaming tumambay sa Mcdo dahil sa kwentuhan. Sila Burma ay pasimpleng umalis at kumaway pa sa'kin, akala ko nga lalapitan nila 'ko eh.
Lumabas na kami ng Mcdo dahil pauwi na kaming lahat. Hays, hindi pa naman ako nakapagpaalam kay Mamang, wala akong pangload para magtext kila Ate Melai.
May kanya-kanyang sundo sila Olly, Deanna, Alex, at Azami.
"Wala kang sundo, Remsky?" tanong ni Andrei sa'kin.
"Wala eh," sagot ko.
"Boss Viggo, hatid na natin 'to," sabi ni Andrei na kinagulat ko.
"Ha? Sige," sagot naman ni Viggo.
Naku po! Baka malintekan ako kay Mamang kapag nakita niyang may tatlong lalaki akong kasama, baka mamaya isipin no'n lumalandi na 'ko!
"Ako na lang ang maghahatid kay Kambal," biglang sumingit si Azami. "Nandiyan na 'yung driver namin. Gusto n'yo rin bang sumabay?" tanong niya sa kanila.
"Wow, sige—" sasabihin sana ni Marty pero hinampas siya ni Viggo.
"'De, okay lang kami," sabi ni Viggo at nagthumbs up pa kay Azami.
"Sure kayo?"
"Oo, thank you na lang," sabi ni Viggo. Natawa ko ng kaunti kasi parang nanghihinayang si Marty. Oo nga pala, mga gentleman sila.
Medyo nakahinga ako nang maluwag dahil si Kambal ang maghahatid sa'kin sa bahay, hindi rin ako gano'n mapapagalitan ni Mamang dahil si Azami naman ang kasama ko.
Kinabukasan ay hindi pa rin ako tinantanan nila Burma tungkol sa nangyari kahapon.
"Good morning—" babatiin ko pa lang sana sila kaso bigla akong hinampas ni Aiza. "Aray!"
"Girl! Bakit ka ganiyan?!" gusto kong takpan 'yong tenga ko sa tinis ng boses ni Aiza.
"Huh? Bakit? Anong ginawa ko?" tanong ko.
Hinila ako ni Burma para umupo sa batong upuan. Dito sa mahabang hallway malapit sa student plaza ang palagi naming tambayan tuwing umaga bago mag-flag ceremony.
"Bakit ang dami mong poging boylet!" sabi ni Burma habang kumakain ng tinapay.
"Ah, grabe kayo, bakit nasa Mcdo rin kayo kahapon?" sabi ko sa kanila. "Teka, nasaan si Honey?"
"As usual, late na naman si gaga," sagot ni Aiza na umupo sa tabi ko. "Siyempre! Sinundan ka namin kasi baka mamaya kung saan ka nila dalhin." Pagkasabi no'n ni Aiza ay tumawa ito na parang baliw.
"Elem friends ko kasi sila," sabi ko. "Pero thanks sa concern ha."
"You're welcome!" si Burma. "In fairness sa mga elem friends mo halatang mga rich kids! Pero mas magaganda kami, noh!" sabi niya tapos nag-apir sila ni Aiza sa harapan ko.
"True ka diyan!" dagdag ni Aiza.
Napangiti ako dahil kung tutuusin malayung-malayo sila sa mga elem friends ko pero okay naman sila. Ilang minuto na lang ay malapit nang mag-flag ceremony, dumating si Honey na halatang kakatakbo lang.
"Wew! Umabot pa 'ko!" sabi ni Honey.
"Congrats!" bati ni Aiza sa kanya. "Huhulaan ko," nag-isip kunwari si Aiza, "nag-away kayo ng jowa mo kagabi kaya napuyat ka kaya ka na-late magising."
"Break na kami," maiksing sagot ni Honey na parang wala lang. "May bago na 'kong MU."
"Wow, ganda!" reaksyon ni Burma at Aiza.
Hindi ko ring maiwasang mapabilib dito kay Honey eh, parang ang tanging pinoproblema lang 'ata niya sa buhay niya ay love life. Para lang siyang nagpapalit ng damit kung magpalit ng boypren.
Tumunog na ang bell at parang mga tupa ang mga estudyante na nagpunta sa court para sa flag ceremony.
Habang nakapila ay maraming nagdadaldalan, siyempre kasama kami ro'n.
"Uy, open na pala 'yung mga clubs. Dapat magkakasama tayo ha!" sabi ni Burma. Nakataas 'yung mga kanang kamay namin ngayon para sa panatang makabayan.
"Saan tayo sasali?" tanong ko sa kanila.
"Mag-oaudition tayo sa drama club!" sabi ni Aiza sa'min.
"Drama club?" ulit ko.
At doon na nga nag-umpisa ang pagpapraktis namin para sa audition.
Gusto ni Aiza sa Drama Club kami sumali dahil masaya raw do'n, marami kaming mga makikilala tapos basta... ayun basta masaya raw!
Siyempre ako... Ayoko ring mahiwalay sa kanila kasi wala naman akong iba pang ka-close sa school.
Si Viggo for sure magta-try out 'yon sa varsity kasama sila Marty at Andrei.
Tsaka sabi pa ni Aiza palagi raw nagtatanghal ang Drama Club kaya maraming manonood sa'min. Likas akong mahiyain pero sige na nga.
Akala ko aarte kami pero sabi ni Aiza na mas okay daw na mag sing and dance kami para sa audition. Kaya naman nagyaya si Aiza noong mismong araw na 'yon na pumunta kami ng mall pagkatapos ng klase.
First time kong pumunta ng mall na walang kasama na matanda. At nakakagulat na ang dami ring mga tiga-Tanso ang narito, kaso nagkukumpulan sila sa may labas ng entrance.
"Bakit sila nasa labas?" tanong ko habang naglalakad kami.
"Wala pa kasing five," Sagot sa'kin ni Honey.
Iyon pala, bawal pala pumasok ang mga hayskul students sa mall ng wala pang ala singko ng hapon. Kaya ayun tuloy tumambay din kami sa gilid at naghintay ng halos isang oras bago kami papasukin sa loob ng mall.
Nagmamadali si Aiza na pumunta kami sa karaoke hub dahil baka raw maunahan kami ng iba, palagi raw kasing napupuno 'yon.
Halos naubos 'yung baon ko sa pag-ambag sa babayaran pero okay lang dahil ang saya pala magkaraoke.
Kalahating oras nga 'ata ang lumipas na puro kantahan lang kami bago isipin ni Aiza 'yung gagawin namin sa audition. Tapos nag-extend pa kami dahil kailangan naming matapos 'yung steps.
At ayon, gabi na naman ako nakauwi (mas gabi kesa noong nakaraang gabi).
"Mukhang ginagabi ka 'ata palagi ha, Remison," salubong sa'kin ni Mamang pagpasok ko sa loob ng bahay. Nagmano ako sa kanya.
"Nagpraktis lang po kami, Mamang," sabi ko.
"Saan naman kayo nagpraktis?" tanong ni Mamang na nakahalukipkip. Si Mamang naman dalawang araw pa lang ako ginagabi parang galit na 'agad.
"Sa mall po," mahina kong sagot. Ayoko naman kasing magsinungaling.
"Ano?! Sa mall?!" At ayon niratrat na 'ko ng sermon ni Mamang. Siyempre pinaliwanag ko kung bakit sa mall, ta's ayun mas lalo lang akong pinagalitan.
Kung anu-ano sinabi ni Mamang, kesyo raw baka raw makidnap ako ganyan ganyan, huwag daw akong gala nang gala.
Mga isang oras bago tumigil si Mamang sa panenermon, pagkatapos naming kumain at makapaglinis ako ng katawan ay natulog na 'ko. Hindi ko na nga nagawa 'yung assignment ko eh. Kokopya na lang muna ako kila Burma bukas.
Ayon lang, late ako nagising!
Pagud na pagod 'ata ko kagabi at hindi ko namalayan ang sarap ng tulog ko.
"Mamang naman eh bakit hindi mo ko ginising!" reklamo ko kay Mamang habang nagmamadali akong mag-ayos.
"Aba, kanina pa kita ginigising pero hindi ka naman nagigising!" sagot ni Mamang sa'kin na badtrip pa rin.
"Male-late na 'ko!" naiiyak kong sabi habang tumitingin sa orasan.
Pakiramdam ko inulan ako ng malas.
First time kong nasaraduhan ng gate at kasama sa mga estudyanteng tinipon sa labas bago papasukin sa loob. Lagpas alas otso na nang makapasok kami para magflag ceremony ng second batch, nabigyan pa 'ko ng ticket at kinuha 'yung ID ko!
Kalahating oras akong late at higit sa lahat hindi ko pa nagagawa 'yung assignment ko!
"Miss Berbena, maaga ka pa para sa next subject," bati sa'kin ni Mrs. Villaluz, Science teacher namin, nang pumasok ako sa loob.
"Good morning po, sorry po," nahihiya kong sabi.
"Pass your notebook," iyon na 'ata ang pinakanakakatakot na mga salitang narinig ko.
Medyo terror pa naman 'tong si Mam Villaluz. Labag sa kalooban na pinasa ko 'yung notebook ko na walang laman.
Ang dami kong pagsisi, sana pala hindi na 'ko tinamad kagabi at ginawa ko 'yung assignment ko kahit napuyat ako.
At boom, napagalitan ako sa kauna-unahang pagkakataon ng teacher ko.
"Sa susunod kung hindi kayo gagawa ng assignment huwag na kayong papasok ha. This is tardiness, Miss Berbena!"
Pagkatapos ng klase. Umiyak ako.
"Uy, Remsky," kaagad na lumapit sa'kin sila Burma, Aiza, at Honey. Nasa may corridor kami at hindi ko na mapigilan 'yung sarili ko na umiyak.
"Okay lang 'yun, bruha talaga 'yung si mam," sabi ni Aiza habang hinihimas 'yung likuran ko.
"Oo nga, assignment lang 'yon ano ka ba," sabi pa ni Honey.
"Iyak mo lang friend, mamaya na 'yung audition natin," sabi naman ni Burma.
Umiyak lang ako pero wala akong sinabi na kahit ano. Tumahan din ako bago kami pumunta sa susunod naming subject.
Buong araw lang akong tahimik at hindi naman ako kinulit nila Burma. Nang sumapit ang uwian ay papunta na kami sa auditorium kung saan gaganapin 'yung audition ng Drama Club, bago kami pumasok sa loob ay kinausap muna nila 'ko.
"Okay ka na, friend?" tanong ni Aiza.
Kung ano-ano tinanong nila para siguraduhing okay na talaga ko.
Kaya naman ngumiti ako sa kanila. "Thank you, okay na talaga ko."
Papasok na kami sa loob nang makita ko si Viggo na palapit sa'min.
"Una na kami," bulong ni Burma at hinila niya ang dalawa papasok sa loob.
Naiwan ako at si Viggo.
"Mag-oaudition pala kayo," sabi ni Viggo nang makalapit.
"Bakit nandito ka?" tanong ko. Manonood kaya siya?
"Ah... Papunta kasi akong court para sa try out, napadaan lang ako," sabi ni Viggo at biglang may inabot. "Nakita kita kaninang umaga na umiiyak, hindi kita nalapitan kasi kasama mo naman sila Burma."
Pakiramdam ko nangyari na 'yung ganito noon.
"Okay na 'ko, Viggo," nakangiti kong sabi nang hindi kong tanggapin 'yung panyo niya.
"Ah, sige, good luck," sabi niya tapos umalis na siya.
Mas gumaan na 'yung pakiramdam ko at pumasok na ko sa loob ng auditorium.
Panglima kami sa magpeperform. Medyo kinakabahan ako kasi may mga ilan ding nanunuod.
"Okay, next." At dumating na 'yung moment namin.
"Shittt, this is our moment na!" si Aiza.
"Tae, kinakabahan ako," si Honey.
Nagsign of the cross si Burma. "Para sa mga crush natin 'to."
May isang teacher na kalbo ang nakaupo sa may mesa malapit sa stage. Mukhang siya 'ata ang adviser ng Drama Club.
"Introduce yourselves, girls," sabi ng teacher.
"Hello, I'm Aiza!"
"I'm Burma."
"I'm Honey."
"A-And I'm Remison."
"And we are... the BuReZaNey!" sabi ni Aiza.
Matagal naming pinag-isipan kung ano ang magiging pangalan ng grupo namin. Mas maganda raw kasi kung may pangalan kami.
BuReZaNey kasi galing 'yon sa mga pangalan namin.
Tumugtog ang music at halatang nagulat ang audience sa tugtog namin, nagkatinginan sila sa isa't isa at medyo natawa.
"Sing with us, every badeh!" masiglang sabi ni Aiza siya kasi ang kakanta ng unang lyrics. "🎵Ano ang gagawin para lang mapansin dahil sa iba ka pa rin nakatingin. Kaya laging nagtatanong sa harap ng salamin.🎵"
"🎵Ok naman ah. bakit kaya?🎵" Si Honey.
"🎵Ginawa nang lahat, nagpa-cute na sa'yo. Pati shampoo ko pinalitan ko na rin. Tignan mo ang buhok ko, pansin na pansin.🎵" Si Burma.
"🎵O, napatingin ka rin. pretty ko na noh?"🎵si Honey ulit.
Pagdating ng chorus ay sabay-sabay kaming kumanta at umindak.
"🎵Sumusunod sa galaw mo
Sumusunod sa galaw mo
Pag wala ka, ikaw ang hinahanap ko
Sumusunod sa galaw mo
Sumusunod sa galaw mo🎵"
Ito 'yung pinaghirapan naming praktisin sa karaoke, ewan ko ba kay Aiza kung bakit ito ang napili niya na kantahin at sayawin namin, eh pang commercial ng shampoo 'tong kanta na 'to. Masaya raw eh.
Ako na 'yung susunod na kakanta ng lyrics kaya mas lalo akong kinabahan pero pinilit kong ngumiti.
"🎵Sa indak ko't galaw, agad mong natanaw, ang aking buhok na parang sumasayaw. Dati dedma mo ko, ngayo'y humahabol ka.🎵"
Muling dumating ang chorus at sabay-sabay ulit kaming kumanta at sumayaw.
Nakita ko na nakatitig lang 'yung audience sa'min tapos 'yung teacher na kalbo ay hinahawi-hawi rin 'yung buhok niya, ibig sabihin natutuwa siya sa'min!
Nang matapos 'yung performance namin ay sabay-sabay kaming nagbow.
Halos kumuliglig 'yung buong auditorium.
Nagkatinginan kami ng mga kasama ko. Magsasalita pa lang 'yung teacher nang biglang may pumalapakpak nang napakalakas na sinundan ng sigaw.
"ANG GALING NG MINGMING KO!"
"H-Huh?"
Nakita ko sa gitna ng audience na may nakatayo sa upuan.
"MINGMING KO 'YAN!!!"
T-Teka...
"Poknat?!"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro