DALAGA 14❀
"BRAZIL? Japan?"
"Brazil, teh."
Marahil ay magtataka ang mga nakakarinig sa'min kapag nagtatanungan kami ng 'Brazil o Japan?', simula kasi nang mangyari 'yung insidente sa CR ay iyon na 'yung naging code namin kapag tinatanong namin sa isa't isa kung natagusan kami.
Kapag 'Brazil' ibig sabihin berde pa rin 'yung likuran ng palda namin at kapag 'Japan' ay may tagos ka na.
Simula rin nang mangyari ang insidenteng 'yon sa CR ay hindi na kami napaghiwahiwalay.
Pakiramdam ko nga hulog sila ng langit noong mga panahong natagusan ako.
Dahil kung nagkataon ay baka pinulot na ako sa kangkungan.
Mabuti na lang kaagad akong tinulungan noon ni Burma, 'yong mataba at malaking bulas. a
Ang totoong pangalan ni Burma ay Teresa Burmada, naiinis nga siya kasi pang-lola raw 'yung pangalan niya kaya pinalayawan siyang 'Burma' noong elementary.
Tunog maton 'yung Burma, wala kasing nagtangkang mambully sa kanya noon dahil sa katabaan niya. Si Burma ang pinakamatangkad sa'min, singkit siya at makapal ang labi, medyo kulot si Burma kaya palagi siyang nakapony tail at nakasuot ng hairband na may malaking ribbon. Obyus naman na libangan 'ata ni Burma ang kumain. Pangarap daw niyang maging artista sa TV.
"Tara, kain tayo," ang paboritong linya ni Burma.
Si Aiza naman ang pinakamaliit sa'min, buong pangalan pa lang niya na Aiza Maligaya ay halatang palagi talaga siyang masaya at hyper. Malaki ang mga mata, manipis ang kilay (inaahit niya 'ata), palaging nakalipgloss na pink, at naka-bun ang buhok niya na may headband. Kahit na maliit ay halatang palaban si Aiza, matinis ang boses, at grabe kung tumawa (malaki rin kasi 'yung bibig niya). Frustrated singer at dancer daw siya.
"Pakingshetening naman!" at palamura nga pala si Aiza, sa kanya ko narinig ang mga kakaibang mura na 'yon.
At si Honeylyn Conde o Honey, tunog matamis ang pangalan niya pero sa totoo lang ay mukha siyang 'emo' na may pagkakikay. Bagsak na bagsak ang mahaba niyang buhok kaya tuloy natatakpan 'yung isa niyang mata. Makapal din 'yung eyeshadow niya at palaging madilim ang kulay ng labi niya. Madalas daw siyang puyat kakatext sa boypren niya (oo, grade six pa lang may boypren na siya na nakilala niya sa text), kaya tuloy ang laki ng eye bags niya. Hindi halata sa itsura ni Honey pero girl scout siya—laging handa.
"Miss Conde, baka naman gusto mong itali 'yang buhok mo ako ang naiinitan sa'yo!" palaging linya ng teacher namin sa values dahil naiirita siya sa buhok ni Honey.
Noong una nakakapanibago na sila ang mga nagiging kasama ko araw-araw. Ako kasi ang pinakatahimik sa'ming apat at kahit na marami kaming kaibahan sa isa't isa ay nakapagtatakang magkakasundo pa rin kami.
Mabuti na nga lang din dahil sa kanila ako nasama dahil parang alam na alam na nila ang galawan sa public school. Lahat kasi silang tatlo ay nag-aral lang sa public elementary school malapit dito sa school namin kaya kabisado na rin nila 'yung pasikut-sikot sa labas.
Katulad na lang dito sa computer shop na pinuntahan namin ngayon.
Paglabas mo kasi ng Tanso ('yon 'yung tawag sa school namin) ay maglalakad ka lang papuntang kanto at pagtawid mo'y makikita mo na ang napakaraming kainan at mga computer shop.
Isa 'tong Violet Net ang dinadagsa ng mga estudyante ng Tanso.
Oo nga pala, tuwing uwian lang kami nakakalabas dahil mahigpit ang mga guards sa mga nagkacutting classes (noong una hindi ko alam kung ano ibig sabihin ng cutting pero ipinaliwanag sa'kin 'yon ni Aiza, ibig daw sabihin no'n ay 'yung hindi ka papasok sa isang subject).
Ang laki ring kaibahan ng hayskul sa elementary, para ang dami-daming pinagagawa ng mga teachers.
May assignment kami ngayon sa English at kailangan naming magresearch sa internet. At dahil pare-parehas kaming walang internet sa bahay ay niyaya kami rito ni Burma.
First-time kong magcomputer shop, pero marunong naman ako magcomputer dahil tinuruan kami noong elementary.
Pagpasok mo sa loob ng computer shop ay bubungad sa'yo ang amoy na hindi mo maipaliwanag. Parang ang alinsangan tapos halu-halong amoy ng pawis. Extension 'ata 'to ng gubat dahil napakaraming tao—mga tiga-Tanso rin at halos mga boys ang nandito.
Bukod pa ro'n ay sumasabay din 'yung malakas na tugtog sa mga speaker, puro rap 'yung kanta na tagalog, medyo pamilyar ako sa kanta dahil napapakinggan ko 'yon sa radyo.
Hindi ko alam kung anong meron kung bakit ang iingay at nagsisigawan sila. Nakita ko na may nilalaro sila.
"Ate, one hour apat!" kinailangang sumigaw ni Aiza kay ateng nasa counter na ngumunguya ng chewing gum. "Magkakatabi po kami!"
"45, 46,47, 48. Walang headset sa 48, nasira," walang emosyong sabi nung babae habang nakatingin sa monitor. "One hour? Bayad muna mga beh."
Naglabas kami ng fifteen pesos, nakalagay kasi sa karatula na kinse pesos daw per oras ang internet.
"Ano 'yung nilalaro nila?"
"Hay nako patay na patay sila sa DOTA," sagot sa'kin ni Burma.
Si Aiza ang nanguna at sumunod lang kami sa kanya. Kanya-kanya kaming upo at ako ang napunta sa dulo, sa number 48.
"Ay! Kailangan ko pa palang i-update 'yung Friendster ko!" sabi ni Aiza na katabi ko at dali-dali siyang nag-type.
"Facebook na ang uso ngayon, teh," sabi ni Burma kay Aiza.
"Mas bet ko pa rin Friensdter kasi pwede magplay ng music," sagot naman ni Aiza kay Burma. Nagtatalo na naman sila pero hindi naman sila nag-aaway.
"Meron namang games sa Facebook, try mo kaya Farmville tsaka Pet Society. Malalaos na 'yang Friendster!" giit ni Burma.
Hinayaan ko lang sila dahil maya-maya titigil din sila.
Nilabas ko 'yung notebook ko para sana gawin na 'yung assignment namin pero namalayan ko na lang na nanunuod ako sa ginagawa ni Aiza.
Sinilip ko si Burma at Honey. Si Burma nakita ko naglalaro ng games, para siyang nagtitinda ng hotdog sa nilalaro niya. Si Honey naman ay nakita kong nanunuod ng video.
Dahil gusto ko na umuwi at ayokong magpagabi ay ginawa ko na 'yung assignment ko. Kanya-kanya kaming mundo nang biglang tumugtog nang malakas 'yung music at nagulat ako kay Aiza.
"Shet, peyborit!" bulalas ni Aiza at bumwelo para sabayan ang kanta. "Kay sakit naman isipin na sa puso mo ako'y pangalawa. Sa tuwing makikita kitang kasama siya pinipikit ko ang aking mga mata."
Nangangati na rin akong sumabay sa pagkanta nila pero pinilit kong tapusin 'yung assignment ko.
"Wow, tapos ka na? Pakopya bukas ah!" sabi bigla ni Aiza nang makita niyang nilagay ko na sa bag ko 'yung notebook ko.
"Sige," sabi ko.
Okay lang naman sa'kin kasi kinopya ko lang naman 'yung mga sagot sa kung anong lumabas sa internet.
"Ako rin!" sabi naman ni Burma at Honey.
Nakita ko 'yung oras at halos kinse minutos ko lang pala 'yung ginawa kong assignment. Kinalabit ko si Aiza, tinanggal niya muna 'yung nakasapak sa tenga niya.
"Ow, baket?" tanong niya.
"Uwi na 'ko, baka hinahanap na 'ko ng lola ko," paalam ko sa kanya.
"Huh? Ang aga-aga pa! Tsaka sayang naman 'yung binayad mo, ubusin mo na lang 'yung one hour tapos sabay-sabay din tayong uuwi," pilit ni Aiza.
Wala na 'kong nagawa kundi huwag muna umalis. Parang gusto ko ring laruin 'yung nilalaro ni Burma kaya tinanong ko siya kung pa'no 'yun, pinapunta niya 'ko sa isang website at nakita ko ang sangkatutak na laro!
Nilaro ko 'yung nilalaro ni Burma na nagluluto ng Hotdog. Ang saya rin pala nito. Inalok ako ni Aiza na igagawa niya raw ako ng Friendster kaso nagtalo na naman sila, pinipilit ni Burma na mas maganda raw ang Facebook.
"Sshhh! Huwag kayong magulo!" biglang saway ni Honey kaya natameme sila Burma at Aiza, napapagitnaan kasi siya.
"Ano ba 'yang pinanunuod mo?" tanong ni Burma.
"K-drama!" sagot ni Honey habang nakatutok pa rin sa screen.
Kanya-kanya ulit kaming mundo at mabilis lang na dumaloy ang oras. Ang dami ko ring nalaro na games kaya medyo sumakit na 'yung mga mata ko.
Nasanay na 'ata 'yung tenga ko sa sabay-sabay na ingay ng tugtog ng music at mga sigawan (na puro mura) ng naglalaro ng dota.
Paglingon ko sa likuran namin ay nakita ko ang tatlong magkakatabing lalaki at may pinapanood nila.
Nanlaki 'yung mga mata ko kasi nanunuod sila... ng bold!
Hindi ko maiwasang mapangiwi.
May lumitaw sa screen ko at sinabing time out na raw ang oras namin.
"Ang bitin naman!" reklamo ni Aiza na halatang ayaw pang umuwi, mukhang gugustuhin niya 'atang tumira rito sa computer shop eh.
Ako ang naunang tumayo at saktong tumayo rin ang nasa kabilang mesa. Nagkatinginan kami tapos sakto ring tumugtog 'yung music.
"Unang araw palang minahal na kita
Bakit ba ganito ang aking nadama
Di man kita lubusan pang kilala
Eh ano naman basta mahal kita"
"Uy, Remison ikaw pala 'yan!" masayang bati sa'kin ni Viggo na kahit pawis na pawis ay parang ang bango pa rin.
"H-Hi, Viggo..." nahihiya kong bati.
"Hello." Nagulat ako kasi nakita kong bumati rin 'yung mga kasama ko at kitang-kita ko na pumupungay 'yung mga mata nila. Tinanguan lang sila ni Viggo.
"Napa-comp shop ka 'ata?" tanong ni Viggo sa'kin.
"Ah... eh... Gumawa kasi ako ng assignment eh," sagot ko.
"Nice... Pakopya na lang ako ha," nakangiting sabi niya at tumalikod para isigaw kay ateng nasa counter na mag-eextend pa siya.
Nang lumabas kaming apat sa computer shop ay nagulat ako nang yugyugin ako ni Aiza at Burma. Si Honey naman busy sa pagtetext, palagi siyang gano'n, bawat minuto 'ata nag-aaway sila ng boypren niya sa text.
"Girl, close kayo no'n?!" tanong nila sa'kin.
"Oo?" hindi ako sure at nakita ko na lalo silang kinilig.
"Hays, alam mo ba noong first day crush ko ka'gad 'yang si Koya!" sabi ni Aiza.
"Oo, naghanap ako 'agad ng pogi at siya lang ang nakita ko sa mga kaklase natin, siguro magkaklase kayo no'ng elem, no?" si Burma.
Tumango ako at mas lalo silang nangisay sa kilig.
"Hays, lugi kami ni Burma riyan, sa'yo na siya, girl," sabi ni Aiza habang nakakapit kay Burma.
"H-huh? Anong sinasabi n'yo diyan," maang na tanong ko.
"Asusss! Huwag mo kaming lokohin, halata namang crush mo si koya!" panunukso ni Burma.
"Don't cha lie to us, girl!" si Aiza. "Magkatext siguro kayo gabi-gabi! Hays! Kakilig! Ang haba naman pala ng hair!"
Talagang ayaw nila akong tigilan, hays. Pero bakit gano'n? Nahulaan 'agad nila na may crush ako kay Viggo!
"Wala naman akong number niya," sabi ko at nanlaki ang mga mata nila.
"Edi hingin mo!" bulalas ni Aiza.
"Ha? Ano—"
"Kailangan maging textmate kayo, teh!" pilit ni Burma. "Hingin mo na 'yung number niya, now na!"
"Huwag na, umuwi na lang tayo—" akma akong aalis pero nahila nila 'kong dalawa.
"Hingin mo na!" pilit nila, ayaw talaga nila kong pakawalan.
"Honey, tulong!" tawag ko kay Honey pero parang wala siyang narinig, busy siya kakatext.
"Wala, wala kang aasahan diyan malamang nag-aaway na naman sila ng jowa niya," sabi ni Aiza. "Dali na, Remsky, hingin mo na! Hindi tayo uuwi hangga't hindi mo nahihingi!"
"Seryoso ba kayo?!" maang ko.
"Oo! Pero kung gusto mo kami hihingi para sa'yo!" si Burma.
"Hihingin ko na, 'eto na!" pagsuko ko.
Ngiting ngiti sila at halos itulak ako papasok sa loob ng computer shop. Nakasilip sila sa may bintana at sumenyas sa'kin.
Dahan-dahan akong lumapit kay Viggo na naglalaro ng DOTA... Tinapik ko siya at lumingon siya sa'kin.
Gagawin ko talaga 'to?
"Bakit, Remison?" tanong niya.
"P-Pa...Pahingi sana ng... number mo."
"Bakit? Lo-loadan mo rin ba 'ko?" tanong niya at natulala lang ako, bigla siyang ngumiti. "Joke lang! May number na kita, hiningi ko kay Azami, ako na lang magtetext sa'yo."
Para kong nablangko ako bigla at ilang segundo rin akong 'di nakapgsalita.
"Ah... Hehe... G-Gano'n ba? Sige!"
Dali-dali akong umalis at paglabas ko'y tumakbo ako.
"Hoyy!" hinabol ako nila Burma.
Nang huminto ako ay napayakap ako sa kanila at tumili sa sobrang kilig.
Tinotoo naman ni Viggo 'yung sinabi niya. Halos hindi nga 'ko makakain ng hapunan sa kakahintay ng text niya eh. Halos mapatalon ako sa gulat nang makita ko 'yung text niya.
'y0h, rEmsky, Vigg0 2.'
Parang suntok sa buwan. Isang oras din kaming nag-usap ni Viggo at mabuti na lang naka-unli ako na load. Kung wala lang pasok kinabukasan ay okay lang na magpuyat ako habang kausap siya. Parang ayaw niya pa nga mag-good night kasi kung hindi ko pa sinabing kailangan ko nang matulog ay hindi siya titigil sa kwento.
Kinabukasan ay parang lumulutang ako sa langit habang naglalakad sa may hallway papasok sa building.
Pakiramdam ko nga panaginip lang 'yung nangyari. Ang dami kong iniisip, bakit hiningi ni Viggo 'yung number ko kay Azami? Tapos talagang siya pa ang unang nagtext sa'kin.
"Tabe! Tabe! Tabe!" sa sobrang lutang ng isip ko'y hindi ko nakita 'yung tumatakbo sa likuran ko at may biglang bumunggo sa'kin.
Bigla tuloy akong nadapa at halos sumubsob 'yung mukha ko sa sahig.
"A-Aray ko..."
"Haharang-harang ka kasi!" sigaw ng lalaking bumangga sa'kin.
"Hoy! Abalos! Bumalik ka ritong lintek ka! Nakabaston ka na naman! *priiiiiitt!!!!*" hinahabol pala siya ng gwardiya.
Naputol 'yung titig namin ng lalaki at dali-dali siyang tumakbo bago pa siya maabutan.
Tumayo ako habang nakatanaw sa taong 'yon.
Bakit parang pamilyar siya?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro