DALAGA 10❀
KAKASA KA BA SA GRADE FIVE?
Tuwing Sabado ay ito ang paborito kong pinanonood sa TV. Ang galing nga kasi saktong grade five ako tapos may ganitong game show.
May naglalarong matanda tapos mamimili siya ng mga bata na tutulong sa kanya sa pagsagot ng mga tanong kada subjects.
Palagi ko 'tong inaabangan tuwing Sabado ng gabi sa TV. Tapos sumasagot din ako sa mga tanong, kasi feeling ko ang galing-galing ko kapag tama 'yung nagiging sagot ko.
QUESTION: (Grade 5 Science) The Earth has 4 layers, the thickest of which is the mantle. What is the thinnest layer called?
"Sus, ang dali-dali naman ng tanong," sabi ko sa sarili ko habang nanonood. "Eh 'di Crust!"
"The correct answer is... Crust!"
Napapalakpak pa 'ko dahil tama na naman ang sagot ko.
Kaso biglang napawi 'yung ngiti ko nang mapansin kong may katunog 'yung Crust...
...
Crust. Crust.Crust.Crust. Crush?
Lumutang na naman 'yung isip ko habang nanonood ako ng TV. Hindi ko na maintindihan 'yung sinasabi ng mga tao.
Naalala ko na naman 'yung araw na nagbato-bato pik kami ni Azami.
"Si Viggo ang crush ko."
"Ikaw, Remrem? Sino crush mo? Huwag kang madaya ha! Sinabi ko 'yung akin!"
Naisip ko noon na paano kung natalo ako sa bato-bato pik? Paano kung sinabi ko na lang 'agad ng walang bato-bato pik?
Ano kayang nangyari?
"Sinong crush mo, Remrem? Daliii. Pramis hindi ko ipagkakalat."
"Ah... Eh..."
Ewan ko ba kung bakit bigla akong natakot na sabihin ang totoo.
Siguro dahil nasanay ako kay Deanna noon na hindi ko na pwedeng maging crush ang crush ng ibang tao kasi...
Kaya sa huli napalitan akong magsinungaling.
Pakiramdam ko kasi ayokong... ayokong iba 'yung isipin ni Azami sa'kin.
"Si... Si Andrei..."
Sinabi kong si Andrei ang crush ko kahit hindi naman talaga totoo.
Ang tagal na simula noong nangyari 'yong bato bato pik na 'yon. Grade na kami ngayon ni Kambal (Azami) at madalang lang naman naming pag-usapan 'yung tungkol sa mga crush crush.
"Oh, Ming, gabi na patayin mo na 'yang TV," biglang sabi ni Mamang na kakagaling lang ng kusina.
"Ehh... Mamang, linggo naman po bukas," pakiusap ko.
"Ay naku, maaga tayo gigising bukas. Sasamahan mo ako sa palengke, 'di ba?"
Sa huli wala akong naangal. Natulog kami ng maaga noong gabing 'yon dahil kinabukasan, ala sais pa lang ng umaga ay nasa palengke na kami ni Mamang.
Minsan lang naman ako sumama sa pamamalengke ni Mamang kapag marami siyang bibilhin kailangan niya kasi ng katuwang sa pagbitbit.
"Aba, Eme, 'eto na ba 'yung anak ni Judy? Ang laki na ng apo mo ah!" sabi ng isang ale na nagtatanggal ng bituka ng tilapia.
Nakatingin ako sa mga buhay na isda sa mesa at nakitang humihinga pa sila. Tumatalsik pa 'yung mga pinagkaliskisan ng ale.
"Oo, dalagingging na ang apo ko," sabi naman ni Mamang.
"Mabuti't nakuha niya ang ganda ni Judy," sabi pa ng ale.
Medyo nawirdhohan ako kasi pinag-uusapan 'ata nila 'yung nanay ko.
Wirdo lang kasi... Hindi ko naman nakilala ang nanay ko.
Pero kahit papa'no naman ay natuwa ako kasi kamukha ko pala si nanay—at maganda pala ako.
"Mamang, pauwi na po ba tayo?" tanong ko habang bitbit ko ang mga plastik na may lamang gulay.
Ako kasi 'yung nagdadala ng mga plastik na magagaan lang ang laman.
"Teka at ibibili kita ng tawas," sabi ni Mamang habang nakasunod ako sa kanya.
"Para sa'n po?" tanong ko.
"Hay nako, Mingming, dalaga ka na at hindi mo lang napapansin na nagkakaanghit ka na," sabi sa'kin ni Mamang at napaangal ako.
"Mamang, grabe ka naman sa anghit!" bulalas ko at natawa si Mamang.
"Oo, Ming, gano'n talaga kapag nagdadalaga, 'di ba pinag-aaralan n'yo 'yun sa iskul? 'Yung subject na ano... Ano nga ulit 'yon... siyen..."
"Science and Health!" pagtutuloy ko sa sasabihin niya.
Binili ako ng tawas ni Mamang para raw ipahid ko sa kilikili ko. Sabi ko bakit hindi 'yung mga nakikita ko sa commercial na deodorant na may model ng mga magagandang babae—ayaw ni Mamang kasi hindi raw totoo 'yun, mas okay daw sa'kin 'tong tawas kasi bata pa raw ako.
Noong araw din na 'yon naglagay ako ng tawas sa kilikili pagkatapos maligo.
Nakaharap ako sa salamin habang naglalagay nang mapansin ko ang maliliit na buhok.
"Mamang?" tawag ko kay Mamang habang nakaharap pa rin ako sa salamin. "Mamaaang!"
"Ano ba 'yon, Ming?" sumulpot si Mamang galing kusina at nakita 'yung pwesto ko.
"Mamang may buhok na 'ko sa kilikili," parang natatakot kong sabi.
"Ahh, naku, normal lang 'yan, hayaan mo lang at huwag na huwag mong aahitin," sabi ni Mamang at bumalik sa kusina. "Sige ka iitim 'yan."
Napakamot na lang ako sa ulo. Bakit ba kailangang tumubo ng mga buhok sa katawan?
Nakaharap lang ako sa salamin at pinagmasdan 'yung sarili ko. Hinawakan ko 'yung dibdib ko at napansing parang umuumbok na 'yon.
Medyo nakakagulat lang na ang daming nagbabago sa katawan ko bawat taon.
"Mamang, kailan mo ako ibibili ng bra?" tanong ko nang kumakain kami ng merienda.
Muntik nang mabulunan si Mamang at hindi ko mawari kung natatawa ba siya o ano.
"Ming, baby bra ka lang muna, hindi pa naman lumalaki 'yang dede mo," sagot ni Mamang sa'kin.
"Eh... Paano po kung hindi na 'to lumaki?" tanong ko ulit.
Natawa lalo si Mamang. "Ano ka ba huwag kang mag-alala dahil nasa lahi natin ang malaking dyoga," sabi ni Mamang at tumingin paibaba at natawa ulit. "Gustung-gusto pa naman 'to ng Papang mo."
Medyo hindi ko nagets 'yung sinabi ni Mamang at tawang-tawa lang siya sa sinasabi niya.
"'Yung mga kaklase ko kasi kahit grade four pa lang 'ata nakabra na sila," sabi ko.
"Teka nga bakit parang conscious na conscious ka na sa katawan mo?" biglang sabi ni Mamang. "Siguro may crush ka na ano? Nako Mingming ha, sinasabi ko sa'yo bata ka pa at tigilan mo 'yang crush crush na 'yan at bata ka pa." kung kanina tatawa-tawa si Mamang ngayon ay sinesermunan niya na 'ko.
"Luh, si Mamang parang ewan, ang daming sinabi," bulong ko.
Naituro nga sa iskul sa subject naming Science and Health ang topic tungkol sa Puberty.
Itong anghit, buhok sa kilikili, at iba pa ay normal lang pala ng proseso ng pagdadalaga.
Pati mga boys din nakakaranas ng puberty. Ayon nga lang ay sadyang nauuna ang mga girls sa puberty.
Ang sabi sa sinulat sa blackboard na depinisyon ng Puberty, Puberty is the period during which growing boys or girls undergo the process of sexual maturation.
Ayon sa Science teacher namin ito raw ang mga sumusunod na pagbabago sa puberty (for girls):
Breasts develop
Hips get bigger
Start releasing eggs (ovulation)
Periods (menstruation)
Start producing vaginal discharge
Ito naman 'yung mga pagbabago para sa mga boys and girls:
Grow taller
Skin gets oily
Acne (pimples)
Voice changes
Hair gets oily
Hair grows in underarm
Hair grows on genitals (pubic hair)
Sweat glands develop
Body starts producing sex hormones
Mood swings
Start having sexual thoughts
Start having sexual feelings
Can become interested in having a boyfriend or girlfriend
Friendship becomes more important
Sometimes feel lonely and confused
Stronger feelings of wanting to be liked and "fit in"
Want more independence
Thinking about the future
Concerned about looks
Sa dami ng nilista ng teacher namin ay karamihan doon ay hindi ko pa maintindihan.
Pero mukhang kailangan na nga 'yong ituro sa'min kasi bigla-biglang naging madugo sa klasrum.
Kung dati ang issue lang sa klasrum ay kapag may natae sa pwet—ngayon naman ay 'yung mga nadadatnan sa iskul ng unang dalaw.
"Hala, may tagos ka!" naging karaniwang linya 'ata 'yon ng mga kaklase ko.
Tapos ipapatawag 'yung guardian nila at papauwiin. 'Yung iba naman ay sumasakit ng tiyan ng sobra (pero hindi naman daw sila natatae) sabi ni teacher baka raw sumasakit ang puson at senyales 'yon ng pagkakaroon ng dalaw.
Hindi ko rin gets kung bakit dalaw ang tawag. Ang sagwa nga naman kasi kapag tinawag mong regla (ewan ko ba kung bakit parang nakakahiya)
Katulad ni Kambal, pinauwi siya isang araw dahil sobrang sakit ng puson niya.
Tapos kinabukasan sinabi niya sa'kin na mayroon na raw siyang mens.
Medyo kinakabahan ako kasi baka mamaya ako na 'yung susunod na matagusan at sumakit ang puson.
Hindi ko maiwasang mag-isip ng malala dahil hindi ko alam kung anong gagawin ko kapag nagkataon.
Paano kapag sa iskul ako naabutan?
Paano kapag natagusan din ako?
"Masakit?" tanong ko kay Kambal.
Umiling siya. "Hindi naman, masaya nga 'ko eh," nakangiting sagot niya sa'kin.
"Bakit naman?" tanong ko.
"Wala lang! Masaya lang ako," sabi niya at nawirdohan ako.
"Ang gara mo naman."
Natawa lang si Azami.
Napansin ko na mas tumangkad siya kesa sa'kin tapos parang lumaki ng kaunti 'yung dibdib niya(siguro nakasuot na siya ng baby bra)
Tila naging isang epidemya ang pagkakaroon ng regla sa klasrum namin.
Sa totoo lang kahit na kinakabahan ako ay aaminin kong naeexcite na rin akong magkaroon. Kaso parang kapag lalo kong hinihintay ay lalong hindi 'agad dumadating.
Maraming nagsasabi na bigla raw naging blooming ang Kambal ko.
Kailan din kaya ako magiging blooming?
"Kambal, may sasabihin ako sa'yo."
"Ano 'yon, Kambal?" tanong ko.
"Hmm... Parang gusto kong aminin kay Viggo 'yung feelings ko para sa kanya."
"Huh? Seryoso ka ba?" siyempre, nagulat ako. "Bakit mo naman gagawin 'yon?"
Saglit na nag-isip si Azami.
"Hindi ko muna dapat 'to ipaalam sa'yo... pero... sa tingin ko mas okay na malaman mo rin 'agad ng maaga..."
"A-Ano 'yon?" ewan ko kung bakit ako biglang kinabahan.
"Uhm... Baka kasi lumipat na ako ng school..."
Siyempre mas lalo akong nagulat.
Parang nahilo ako bigla at umikot 'yung paningin ko sa sobrang gulat. Hindi ako naging handa do'n.
Para akong maiiyak.
"Kambal? Huy, bakit ka naluluha?" nag-aalalang tanong ni Azami.
"H-Hindi ah!" sabi ko sabay punas ng luha.
Ewan ko rin kung bakit ako naiiyak.
"Kasi naman... Bakit ka lilipat ng school?!"
"Teka lang, huminahon ka lang," sabi niya. "Hindi pa sure okay, tsaka hindi naman 'agad-agad. Magkakasama pa tayo hanggang grade six! Pagdating natin ng high school... Hindi ko pa masabi kung saan ako ililipat nila mommy."
Nagawa kong pigilan 'yung iyak ko at tumulo lang ng ilang butil 'yung luha ko. Pero parang sasabog pa rin 'yung pakiramdam ko.
Nilibre ako ni Azami ng Strawberry Shake bilang pampapalubag loob, actually mahilig naman talaga siyang manlibre, nahihiya na nga ako minsan kasi pakiramdam ko palamunin niya ako.
"Kaya nga... Sana kahit papa'no gusto kong magtapat kay Viggo," sabi ni Kambal nang ituloy namin 'yung usapan namin.
"Eh... Paano kung... Paano kung hindi ka rin niya gusto?" pakiramdam ko kailangan kong itanong 'yon.
"Hmm... Okay lang! Ang gusto ko lang talaga eh malaman niya, wala namang masama ro'n," nakangiting sabi niya.
Napatitig lang ako kay Azami habang humihigop siya ng shake, parang ang saya-saya niya lang tingan at wala siyang pakialam.
Weird... Pero parang narinig ko 'yong gano'ng salita noon—hindi ko lang maalala kung kanino ko 'yon narinig.
"Kung saan ka masaya, susuportahan kita," sabi ko at nagulat ako nang bigla niya akong yakapin.
Hindi na kami nakakapaglaro kasama sila Marty, Viggo at Andrei tuwing uwian hindi katulad noong grade four kami.
Siguro dahil din sa puberty ay naiba na ang mga hilig nila.
Nahuhumaling sila ngayon sa basketball kaya madalas silang maglaro no'n.
Siyempre, hindi naman pambabae 'yung laro na 'yon kaya minsan nanonood lang kami.
Kahit na hindi na namin sila nakakalaro eh nanatili kaming magtotropa sa loob ng klasrum, lalo na tuwing may group project.
Uwian. Nagpasya si Azami na sabihin na kay Viggo ang nararamdaman niya. Siyempre, sinama niya 'ko. Parang nakakahiya kasing tumanggi at iwanan ko lang siyang mag-isa. Bilang bespren ni Azami, dapat nando'n din ako (kahit hindi naman dapat).
Ang alam namin ay captain ball na ng basketball varsity team si Viggo kaya palagi siyang may praktis tuwing uwian.
Nasa may court kami at saktong nakabreak ang mga players.
Lumapit kami ni Azami kila Marty, Viggo at Andrei.
"Uy, kayo pala," bati sa'min ni Andrei. "Nood kayo?"
Tumango lang kami ni Azami.
Kumilos ako at kaagad kong hinila si Marty at Andrei.
"Bakit ba, Remison?!" inis na sabi ni Marty nang hilahin ko sila palayo.
"Ano ba 'yang pawis mo," nandidiri kong sabi at pinahid ko sa manggas ni Marty 'yung kamay ko.
"Wow ha, nakikihawak ka na lang," sagot ni Marty.
"Ah! Gets ko na!" bulalas bigla ni Andrei habang nakatingin sa direksyon ni Viggo at Azami.
Hindi ako lumilingon—ayoko lang makita kasi parang... masakit.
"Anong meron?" sabi ni Marty na walang kamalay-malay.
"Ilayo mo na nga 'tong unggoy na 'to," sabi ko.
Umakbay si Andrei kay Marty. "Sige, sige! Haha! Nice one!"
"Hoy, anong meron?!" sigaw ni Marty nang kayagin siya ni Andrei palayo.
Sinubukan kong lumingon at nakita ko silang dalawa na parang... masayang nag-uusap.
Hindi ko naririnig 'yung mga pinag-uusapan nila pero alam kong parang... parang okay lang naman sila.
Ilang sandali pa'y kumaway na si Azami at bumalik si Viggo sa paglalaro.
Ang sabi sa'kin ni Azami—nagpasalamat lang daw si Viggo sa kanya sa pagiging matapat niya.
'Yon lang? Ang tanong ko.
Hindi na nagkwento nang malalim si Azami. Ewan ko ba't hindi ko na rin siya pinilit.
Nang mga sumunod na araw ay kumalat ang balita sa buong klasrum. Kahit walang berbalan—parang may umihip na hangin na nagsasabing may samting kay Viggo at Azami (kahit wala naman)
Biglang nagkaroon ng mga 'love team' sa klasrum at kasama sila ro'n.
"Ayieeeee!" at kahit labag man sa kalooban ko na maki-ayie, nakiki-ayie ako.
Ang saklap lang.
Kaya no'n, sinimulan ko nang burahin si Viggo sa puso ko. (Wow Mingming, puso talaga? Kapag nalaman 'to ni Mamang siguradong papaluin ako)
Ang ibig kong sabihin... Ina-uncrush ko na si Viggo.
Mabilis talaga ang pagtakbo ng oras, pati ang pag-iba ng ihip ng hangin.
Ang dating mahiyain at loner na binansagang kuto girl ay siya na ngayong pinakamaganda sa classroom, at pinakamabait, pinakamatalino. (Proud ako na bespren siyempre!)
Ang dati ring nagrereyna reynahan—ayon siya na ang loner. Si Deanna.
Dumating na lang bigla 'yung oras na si Alex at Kendra mismo ang lumapit sa'min para makipagkaibigan ulit.
"Paano na si Deanna?" tanong ko.
"Bahala na siya, hindi na namin talaga matiis ugali ng malditang 'yon!" sagot ni Alex.
"Sorry talaga sa mga nagawa namin noon, kung hindi ka namin pinapansin," sabi naman ni Kendra na mukhang sincere naman.
"Sorry din sa'yo, Azami."
"Sorry."
At siyempre tinanggap naman namin sila ni Azami.
Kung dati dalawa lang kami ni Azami—ngayon naging apat na kami.
Masaya naman siyempre kasi parang may bago ulit kaming friends.
Kaso may pagkakataong natatahimik ako pag nakikita ko silang tatlo—parang pakiramdam ko minsan naiiwan ako.
Akala ko noon hindi kami mag-aaway ni Azami, pero dumating 'yung punto na nagtampo ako sa kanya.
Kasi hindi sinasadyang nasabi niya kila Kendra at Alex—kaya kumalat sa buong klasrum...
Na crush ko raw si Andrei.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro