Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

DALAGA 1❀


NATURAL lang naman siguro sa mga bata ang maging mapagtanong.

Katulad ko.

Ang sabi ni mamang napakakuliiiiiiiiiiit ko raw kasi. Ang dami-dami kong tanong.

Karamihan pa naman sa mga tanong ko eh hindi nila masagot, samantalang napakadali lang naman ng mga tanong ko.

Katulad na lang...

'Bakit tayo sinusundan ng buwan tuwing gabi?'

'Bakit asul ang kulay ng langit?'

At marami pang iba.

Pero ang pinakapalaging tinatanong ko noon kila mamang at papang...

'Paano ako ginawa?'

Ang palaging sagot ni papang, naging 'bunga' ako ng 'pagmamahal'. Ano 'yun? Hindi ko ma-gets.

Gusto kong malaman kung paano talaga, as in 'yung 'paano'.

Dahil nakulitan na sa'kin si mamang, sabi niya itanong ko raw sa kapitbahay naming titser, 'yung ate ni Miggy na kalaro ko.

Pumunta ako sa bahay nila Miggy, pinakamalaki 'yung bahay nila sa barangay namin, parang lumang mansion. Ang pamilya kasi ni Miggy ang may-ari ng mga lupain dito sa barangay pati 'yung mga paupahan.

Nang makarating ako sa kanila, tinanong ko kay Teacher Mika kung paano ginagawa 'yung mga tulad kong bata.

Noong una, sinagot din niya 'yung sinagot sa'kin ni papang. Ano bang meron sa pagmamahal na 'yan? Kapag ba nagmahal ako magkakaroon ako ng baby?

"Hindi, Mingming. Lahat tayo pwede magmahal pero hindi tayo 'agad mabubuntis," paliwanag sa'kin ni Teacher Mika.

May kinwento sa'kin si Teacher Mika.

Sa loob daw ng katawan ng tao may kanya-kanya raw 'palasyo', sa 'palasyo' raw ng tatay ko ay nakatira ang tatlong magkakapatid. Si Pepe, Pedro, at Pepito. Pero sa totoo, marami talaga silang magkakapatid.

Kinwento ni Teacher Mika na bata pa lang daw sila Pepe, Pedro, at Pepito ay wala silang ibang kinalakihan kundi mag-ensayo para sa isang karera.

Kailangan kapag 'sumugod' sila sa kabilang 'palasyo' ay sila ang mauuna sa 'kwarto ng prinsesa', ang mauuna raw ang siyang pakakasalan ng prinsesa at magiging hari ng bagong kaharian.

Hanggang sa dumating na raw ang pinakahinihintay na araw ni Pepe, Pedro, at Pepito. Bumukas ang malaking 'gate' ng kanilang 'palasyo' at nagpaunahan sa kabilang 'palasyo' upang maunang makarating sa 'kwarto ng prinsesa'.

Sa lahat ng magkakapatid ay sila Pepe, Pedro, at Pepito ang pinakanag-ensayo ng mabuti kaya sila ang nangunguna sa karera.

Subalit sa kanilang tatlo ay isa lamang ang pwedeng magwagi upang pakasalan ang prinsesa at maging hari.

Si Pepito ang pinakanauuna nang walang anu-ano'y hinila siya ni Pedro na nakasunod sa kanya. Nakita ni Pepe kung paano nag-away ang dalawa niyang kapatid para lang mauna.

Hanggang sa... Hindi namalayan ni Pepito at Pedro, si Pepe ang nauna sa 'kwarto ng prinsesa'

Si Pepe ang pinakasalan ng prinsesa at siyang naging hari ng bagong kaharian.

At dahil daw sa pagsasanib ni Pepe at ng prinsesa ay nabuo ang isang tulad ko.

"Ibig sabihin isa rin ba akong prinsesa?" tanong ko kay Teacher Mika matapos niyang magkwento.

"Oo, Mingming, isa kang prinsesa—"

"Ate, hindi naman ganyan 'yung tinuturo mo sa mga students mo eh," biglang pumasok sa loob ng kwarto si Miggy.

Si Miggy, bata pa lang kami, nerd na nerd na siya. Palaging nakakulong dito sa mansion nila kasi bawal siyang palabasin kasi lampa—ay sakitin pala. Kaya wala siyang ginawa maghapon kundi magbasa ng libro.

"Miggy, 'di ba sabi ko kakatok ka muna bago ka pumasok sa kwarto," panenermon sa kanya ng ate niya.

"Eh, mali naman 'yung kwento mo," sabi ni Miggy. "Alam ko kaya kung paano ginagawa ang baby."

"Huh? Eh, paano ba?" tanong ko.

"Edi nagkakantutan ang babae at lalake."

"Miggy!"

Pag-uwi ko noong hapon na 'yon sa bahay, hindi pa rin ako mapakali, kaya tinanong ko sila mamang at papang habang naghahapunan.

"Mamang, ano po 'yung nagkakantutan?"

Nagkatinginan si mamang at papang, parang mahihimatay si mamang, tapos si papang parang umusok 'yung ilong.

Iyon 'ata ang kauna-unahang pagkakataon na pinalo ako dahil nagtanong ako.

Hindi ko alam kung bakit ako pinalo ni mamang. Nagtatanong lang naman ako.

Kaya simula no'n. Hindi na ulit nagtanong. Ayoko na kasing mapalo eh.

Pero hindi ko pa rin makakalimutan ang kinwento ni Teacher Mika sa'kin. Si Pepe ang nanalo sa karera at nagpakasal sa prinsesa.

Kaya noong Mayo 1, 1997...Ipinanganak ang isang Remison May Berbena.

Isang malusog at napaka-cute na sanggol.

Sabi nila wala kang choice sa mga sumusunod kapag ipinanganak ka sa mundo:

1. Sa magiging pangalan mo

2. Sa magiging pamilya mo

3. Sa magiging relihiyon mo

Nagtataka rin ako kung bakit parang panlalake 'yung pangalan ko, iyon pala pinaghalo 'yung pangalan ni mamang at papang: Remedios at Sonny = Remison.

Napilitan lang lagyan ng 'May' kasi buwan ng May ako pinanganak.

At may isa pa palang wala kang choice... 'Yung magiging palayaw mo.

Baby pa lang ako tinatawag na nila akong 'Mingming', iyon ang pangalan na nakagisnan ko sa bahay at sa mga kapitbahay namin. Mukha tuloy akong pusa.

Pero alam mo ba, may wirdong 'powers' ako, sabi kasi ni Miggy hindi raw lahat ng tao eh kayang maalala 'yung mga pangyayari kapag baby ka pa lang.

Pero ako? May mga naalala ako noong baby pa lang ako.

Para akong bola noon na pinagpapasa-pasahan ng mga tao, tapos tuwang-tuwa sila sa'kin. Minsan kapag sobra silang natutuwa, nagsasabi sila ng, 'Pwera usog', tapos lalawayan nila 'yung tiyan ko. Kadiri.

Tapos winawari nila...

"Ano kaya magiging paglaki ng batang 'to?"

"Ah, baka artista."

"Hindi, malay mo maging doktora. Oh, kaya abogada!"

"Pwede ring maging Miss Universe!"

Pinapangunahan na kaagad ng mga matatanda kung magiging ano ako paglaki, akala 'ata nila manika ako.

Tapos dumating 'yung first birthday ko, may mga clown na inarkila sila mamang at papang ,tapos imbitado ang buong barangay. Ang saya-saya nila kahit na hindi ko sila maintindihan.

Hanggang sa matuto akong gumapang, tumayo, at maglakad.

Parang hinipan lang daw ako ng hangin, sabi ni mamang. Malaki na ako.

"Mamang, kailan po ako tatanda?" tanong ko isang araw.

Tinanong ko 'yon kasi gusto ko manood ng sine katulad ng ginagawa ng pamilya nila Miggy. Sabi ni mamang kapag matanda na raw ako tsaka lang daw ako makakanood ng sine.

"Mingming, four years old ka pa lang, malayo pa 'yon," sagot ni mamang habang abala sa paghihiwa ng gulay.

"Kapag kasing laki na kita, mamang?" tanong ko ulit.

"Mingming! Laro na tayo!" nakita ko sa labas ng bintana si Detdet, anak ng kapitbahay namin. "Hello, Aling Eme!" bati niya kay mamang nang dumungaw sa bintana namin.

Si Detdet, ang kalaro kong bungal. 'Yung suot niyang damit ay palaging pinaglumaan ng ate niya, marami kasi silang magkakapatid, kaya ayon tuloy laging lawlaw 'yung suot niya at lagi niyang tinataas 'yung manggas.

"Hay nako, Detdet, nasaan ba ang nanay mo? Puro libag ka na naman, hindi ka pa naliligo?" sunud-sunod na tanong ni mamang.

"Nasa kobrahan pa si nanay, Aling Eme. Mingming, tara na!" yaya sa'kin ni Detdet. Bilib din ako sa kanya kasi siya lang 'ata 'yung hindi natatakot kay mamang para yayain akong maglaro sa labas.

"Mamang, laro lang kami ni Detdet, sige na," pakiusap ko kay mamang.

"Sige, pero huwag magpapagabi, uuwi ka bago dumilim," sabi ni mamang.

"Yehey!"

Lumabas na 'ko at sabay kaming tumakbo ni Detdet papunta sa 'Duluhan' na nasa likuran lang ng bahay namin. Iyon 'yung malawak na bakanteng lote na puro puno. Para sa'kin para na 'tong gubat eh.

Habang tumatakbo kami biglang natamaan ng putik sa mukha si Detdet.

"Boom! Sapul!" sigaw ng isang batang lalaki 'di kalayuan na nasa puno ng bayabas.

"Poknat!" sigaw ni Detdet sabay punas sa mukha niya. "Unggoy ka talaga!"

Si Poknat, ang kalaro naming lalaki na palaging nakasuot ng sando na may logo ni Superman, paborito niya raw kasi. Napakaharot ni Poknat, hindi nauubusan ng enerhiya. Mahilig siyang umakyat ng puno tapos titiradurin niya 'yung mga dumadaan.

"Laro tayo! Taguan! Sali ka sa'min ni Mingming," yaya ni Detdet kay Poknat na nasa puno pa rin ng bayabas.

"Ayoko nga makipaglaro sa inyo, ano ko, bakla?" sagot ni Poknat.

Ayaw kasi ni Poknat na makipaglaro sa'ming dalawa ni Detdet simula nang asarin siya ng isa naming kapitbahay na 'bakla' nang makita niya kaming naglalaro ng 'Boomtiyaya' tsaka 'Pamela'.

"Yayain kaya natin si Miggy?" tanong ko kay Detdet.

"Hoy, Poknat! Samahan mo kami yayayain namin si Miggy!" sigaw ni Detdet.

"Sa mansion?"

Dahil pare-parehas kaming curious lagi sa mansion nila Miggy, pumunta kami ro'n para yayain siyang makipaglaro sa'min.

At katulad ng inaasahan, tinaboy kami ng mga katulong nila kasi mababaho raw kami at bawal daw lumabas si Miggy.

Pero pilyo si Poknat, nagpunta kami sa likuran ng bahay kung saan may puno malapit sa kwarto ni Miggy. At dahil mahusay siyang umakyat doon ay nakapasok siya sa kwarto ni Miggy.

Maya-maya'y nakita na lang namin na may kobre kama na pinagdugtung-dugtong at nakita naming bumababa si Miggy.

Pero biglang napigtas 'yon at halos mapasigaw kami. Mabuti na lang mababaw lang 'yung binagsakan ni Miggy.

"Tara na!" sigaw ni Poknat nang makababa. Sabay-sabay kaming tumakbo pabalik sa Duluhan.

Sumama si Miggy kasi alam ko na palagi siyang nabuburyo at naiinggit kapag naglalaro kami. Hindi na bago 'to na 'tinatakas' namin siya.

Naglaro kami ng taguan.

Si Detdet ang taya.

"Tagu-taguan maliwanag ang buwan, pagbilang ko ng sampu nakatago na kayo... Isa! Dalawa! Tatlo..."

Kanya-kanya kaming tago. Si Miggy nagpunta ro'n sa lumang kubeta. Ako naman hindi ko alam kung saan magtatago kaya nagpunta ako roon sa abandonadong bahay na walang bubong.

"Ssshhh..." Nagulat ako nang makita ko si Poknat.

Umupo kami parehas para magtago, tumigil na sa pagbibilang si Detdet kaya tumahimik kami.

Magkatabi kami ni Poknat. Tapos biglang may kumuluskus kaya natakot ako, hinawakan niya 'yung kamay ko.

"Huwag kang matakot, nandito ako," sabi ni Poknat.

Noon ko lang siya nakitang gano'n. 'Yung parang mabait, 'yung hindi pilyo.

Ilang sandali pa'y hindi pa rin kami nahahanap ni Detdet.

"Mingming," tawag sa'kin ni Poknat. "Paglaki ko, pakakasalan kita." 

Author's Note: The writing style of this story is intended to be simple because coming of age ang genre, ibig sabihin magsisimula sa pagiging bata ang bida kaya unti-unting magmamature 'yung POV niya habang tumatanda. :) 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro