Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 23

“'WAG mong kalimutan na inumin ang gamot mo ha?” muling paalala ni Gian kay Vanessa. Tumango siya pagkatapos na isubo ang hotdog sa bibig. “Sinabihan ko na rin si Nanang Delia na ipa-remind ka baka makalimutan mo.”

“Bakit? Saan ka pupunta?” tanong niya sa asawa nang mapansing nakapanlakad ang asawa.

Pangalawang araw na niya mula nang lumabas siya sa hospital. Sa wakas ay pinayagan na rin siyang makauwi. Hindi na niya kaya na magtagal pa sa hospital, mas lalo lang siyang nakararamdam ng panghihina. Iba talaga ang atmosphere sa loob ng hospital.

“May pupuntahan lang ako, babalik ako kaagad.”

Naghihinala na talaga siya sa mga kilos ng asawa niya. Sunod-sunod na ang pag-alis nito ng bahay na walang saktong rason ang binibigay nito. Bawat tanong niya ay laging ganiyan ang ibinibigay nitong sagot sa kaniya. Palaging sinasabi ni Gian na babalik ito agad at idagdag pa ang pagbitin sa kaniya ng pinsan niya.

Totoo naman ang sinabi nitong babalik agad, wala pang dalawang oras ay bumabalik naman talaga ito. Iyon nga lang, pagsapit ng alas-dos ng hapon ay umaalis na naman ito. Ang masama pa, hindi ito nagpapaalam sa kaniya minsan.

Nakita niyang tumayo si Gian at niligpit ang plato nito. Tumingin siya sa cellphone niya na nasa mesa, alas-otso pa lang, bakit ang aga na naman nitong umalis?

“Saan ka ba talaga—”

Napatigil ang pagsasalita niya nang halikan siya ng asawa sa buhok niya.

“Babalik agad ako, promise. Mamayang ten, nandito na ako,” saad nito bago kinuha ang bag na gagamitin. Muli siyang nilingon ni Gian. “Anong gusto mong pasalubong?”

“Bumalik ka agad. ‘Yan lang ang gusto ko. Take care.”

Tumango ang asawa niya at tinungo na ang pinto.

Masamang maghinala, hindi ba? Masama rin na pag-isipan niya ng kung ano-ano ang asawa niya kung wala naman talaga siyang matibay na ebidensya. Pero ano kaya talaga ang ginagawa ng asawa niya tuwing umaalis ito? Saan kaya talaga ito nagpupunta?

Ano kaya kung sundan niya ang asawa?

Marahas siyang umiling. Masama ang iniisip niya. May tiwala naman siya kay Gian, sapat na siguro iyon para mapanatag siya.

“Ay, umalis na naman si Sir?”

Napalingon siya nang narinig niya ang boses ni Nanang Delia.

“Saan na naman iyon pupunta?” dagdag nito.

‘Yan din ang tanong niya na walang sagot na kasiguraduhan.

PANAY sulyap ang ginagawa niya sa kaniyang cellphone at panay din ang tingin niya sa oras. Malapit ng mag alas-onse pero hindi pa rin bumabalik ang asawa niya.

Kapag nadaragdagan ng isang minuto ay bumibilis ang pintig ng kaniyang puso. Isa na naman ito sa mga pangako na hindi tinupad ni Gian. May karapatan naman siyang mag-demand, diba? May karapatan siyang malaman kung saan ang mga lugar na pinupuntahan nito.

Asawa siya, kasal sila. May karapatan siya pero bakit panay lihim lang si Gian sa kaniya?

Hindi, walang kabit si Gian. Malaking kalokohan!

Muli siyang umupo sa kama at inilagay sa hita ang laptop na naging libangan niya mula nang makalabas siya sa hospital. Hindi pumapayag si Gian na gumawa siya ng mga gawaing bahay, natatakot itong maulit ang nangyari. Pero sadyang matigas ang ulo niya dahil palihim siyang gumagawa ng mga gawaing bahay kapag umaalis ang asawa.

Dati namang matigas ang ulo niya, ano pa bang bago doon?

Halos tatlong linggo na pala ang lumipas mula nang umuwi siya sa Davao at sa loob ng mga araw na iyon ay wala na siyang balita sa mga naiwan sa Samal Island.

Hindi pa niya nabubuksan ang laptop nang biglang tumunog ang kaniyang cellphone na nasa bedside table. Bumaba siya ng kama upang kunin ang tumutunog na aparato.

Sino naman kaya ang tumatawag?

Wala naman siyang inaasahang tawag pero kinuha niya pa rin ang cellphone para sagutin iyon baka importante ang kailangan ng caller niya.

Natigil ang pagtatanong niya nang mahawakan na niya ang cellphone. Si Gian lang pala, bulong niya sa sarili. Agad niyang sinagot ang tawag.

“Hon, pauwi ka na?” tanong niya sa asawa na para bang hindi nakaramdam ng paghihinala.

“Hello, Van,” sagot nito.

Hmm, nasaan na ang call sign na honey?

“Hello.” Nawala ang sigla na nararamdaman niya. Baka totoo talaga na may tinatago ito.

“Vanessa? Choppy. Mahina yata ang signal mo.”

Paanong choppy? Tiningnan niya ang signal bar ng cellphone niya. Malakas naman ang signal.

Napaismid siya bago binalik sa tainga ang aparato. Mahinang signal pala ha?

“Mamayang hapon na ‘ko uuwi. Hindi pa kasi tapos ang mga ginagawa ko rito.” Narinig niyang saad ni Gian.

Gustong-gusto na talaga niyang magtanong. Gusto na niyang alamin kung ano ba talagang ginagawa ng asawa niya. Pero ilang beses na ba niyang ginawa iyon? Ilang beses na ba siyang nagtanong? Ilang beses na ba siyang nagtangka na alamin ang mga sekreto ni Gian?

Ngayon, anong napala niya? Anong nakuha niya? Anong nalaman niya?

Kinagat niya ang kaniyang labi bago nagsalita. “Nasaan ka ba ngayon?”

“Hello, Vanessa? I can’t hear you clearly.”

Sana hindi na lang talaga siya nagtanong. Bumuntonghininga siya dala ng nararamdaman niya.

“Baka mamayang alas-kuwatro pa ang uwi ko dʼyan. Don’t forget to take your med, okay? Take care.”

Tumango siya na para bang nasa harapan niya lang si Gian. Kahit parang ang sarap ng umiyak dahil sa mga ginagawa nitong paglilihim.

Totoo kayang may nararamdaman na si Gian sa kaniya? Totoo kaya ang mga sinabi nito sa kaniya? Totoo kayang mahal na talaga siya nito?

Pero kung totoong mahal nga siya ni Gian, bakit naglilihim ito sa kaniya? Bakit hindi ito nagbibigay ng mga impormasyon sa kaniya? Bakit hindi sinasabi ni Gian sa kaniya ang mga lakad nito? Bakit kailangan pa nitong maglihim?

“Vanessa, are you still there?”

Muli siyang bumuntonghininga.

“Yes.”

“Uminom ka ng gamot ha? Tatawagan ko rin mamaya si Nanang Delia para ipa-remind ka. Bye.”

Wala na siyang sunod na narinig bukod sa busy line dulot ng pagpatay nito ng tawag.

Tama kaya talaga ang hinala niya?

Inilapat niya ang kaniyang likod sa ulunan ng kama pagkatapos niyang inilapag ang cellphone sa tabi. Inabot niya ang kaniyang laptop at binuksan na iyon. Dapat niyang ipagsawalang-bahala ang mga napapansin niya.

Hindi kayang gawin ng asawa niya ang mga ganoong bagay. Mahal siya ni Gian, hindi magagawa nito na lokohin siya.

Bago pa niya nabuksan ang account niya sa Facebook ay muling tumunog ang cellphone niya. Tumawag kaya ulit ang asawa niya?

Sabi na nga ba na hindi ako matitiis ni Gian eh, bulong niya sa sarili. Inabot niya ang kaniyang cellphone.

Ang ngiting nakapaskil kanina sa labi niya ay biglang nawala. Ang saya ay saglit niya lang naramdaman. Hindi pala si Gian ang tumatawag sa kaniya.

“Hello? Ate Sharon? Napatawag ka po?” malumanay niyang tanong sa kaniyang pinsan.

“Where are you?” tanong nito agad sa kaniya.

“Bahay po, ate.”

“Hindi mo kasama si Gian?”

“Hindi po, bakit po?”

“May kasama siyang babae ngayon, kasama niya sa isang resto malapit sa boutique kung saan ka naka-assign sa on-the-job training mo,” diretso nitong sabi sa kaniya.

Parang hindi niya naintindihan ang sinabi ng pinsan niya. Dumausdos pababa ang cellphone niya patungo sa laptop na nasa hita niya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro