Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 19

“HINDI ka pa nagbibihis?” gulat na tanong ng pinsan niya nang makita siya nitong nakapantulog pa. Talagang pinasok pa ng pinsan ang inuukupa nilang kuwarto ni Gian upang gulatin lang ang sarili dahil hindi pa siya nakabihis.

Hindi naman nito kailangan magulat eh, dahil mula pa noon ay matagal talaga siyang magising. Sanay kasi siya na pinababayaan siya ng Daddy niya. Nakapikit pa siyang nagkamot ng ulo.

“Maaga pa,” sagot niya sa pinsan at pinaulanan ng paghikab.

Ito na kasi ang araw na uuwi na sila ni Gian kaya siguro nagtataka ang pinsan niya kung bakit hindi pa siya nag-aayos pero masiyado pang maaga para magbihis, ni hindi pa nga siya nakahilamos.

“Nine pa ang alis namin, diba?” tanong niya rito habang kinukuha ang muta niya sa mata. “Eh alas-kuwatro pa. Parang gusto mo na talagang umalis ako, eh. Pengeng kape nga, Mae.”

“Loka-loka! Magbihis ka na, sa resort tayo pupunta,”sagot nito sa kaniya at bumalik sa kuwarto nito at iniwan siyang mag-isa sa kuwarto.

“Hoy! ‘Yong kape ko!” sigaw niya sa pinsan pagkatapos mag-indian seat sa kama.

“Magtimpla ka!” sigaw ni Mae pabalik. Muli siyang napakamot sa ulo.

Resort? Excited niyang tanong sa sarili nang mahimasmasan. According to her research, Samal Island is considered the countyʼs largest resort city with its powdery beaches and numerous beach resorts.

Nakabalandra sa mukha ang matamis na ngiti nang tumayo siya at tumakbo papunta sa kuwarto ng pinsan. Resort! Pupunta raw sila sa resort!

“Mae—”

Naputol ang mga sasabihin pa niya sana nang sumalubong sa kaniyang mga mata ang Lola ni Mae. Nakasuot ito ng black bikini top and bottom. Napanganga na lang si Vanessa nang wala sa oras. Bakit naka-bikini ang matandang ‘to?

Nag-isang linya ang kilay niya nang umikot ang ginang sa kaniyang harapan na tila isang modelo ng cloth company at nag-pose pagkatapos sa ginawa nitong fashion show.

“Bakit hindi ka pa nakabihis, hija? Hindi ka ba sasama?” tanong nito sa kaniya habang ang kamay nito ay nasa baywang pa rin at nakasandig sa isang dingding ang kamay upang ipakita ang makuraba at kunot-kunot nitong katawan.

“Ahh, ehh…” Wala na siyang masabi sa matanda kaya napailing na lang siya at muling tiningnan ang matanda. Iba talaga ang level ng self-confidence, paturo naman po, bulong ni Vanessa sa sarili.

“Siyempre, sasama ka diba? Hindi ka magpapaiwan.” Muling umikot ang katawan at mahinang hinampas ang binti nito at isinunod na hinampas ang puwetan upang mamula.

“Let’s go! Kanina pa naghihintay ang asawa mo.” Narinig niyang nagsalita ang pinsan niya sa likuran ng Lola nito pero makaraan ng ilang segundo ay napakamot ito sa ulo matapos pasadahan ng tingin ang suot ng sariling Lola. “'La, magbihis ka po muna.”

“Abaʼy bakit? Hindi ba maganda ang suot kong bikini?” Umikot pa ito at nagkunwaring may suot na saya pagkatapos ay nagkunwaring may hawak na pamaypay at pinaypayan ang sarili. Sabay silang napailing ng pinsan niya. Iba talaga ang karisma ng Lola ng pinsan niya. Talo pa ang mga naging Ms. Philippines sa bansa.

“Dʼyan lang muna kayo. Makikipagkita pa ako sa aking foreigner,” daldal ng lola ni Mae na sinamahan pa ng paghagikhik at muling nagrampa palabas ng kuwarto.

Pagkatapos niyang ihatid ng tingin ang matanda ay ang pinsan naman niya ang kaniyang tiningnan. Naguguluhang tingin ang iginawad niya sa pinsan. Confirmed! Sa matandang iyon nagmana sa kabaliwan itong pinsan niya, walang duda. Malaki ang ebidensiya eh.

“Nandito ang foreigner ni Lola?” takang tanong niya sa pinsan na may hawak na itim na bag, medyo nakabukas pa nga ang zipper niyon. Marahil ay mga gamit na nila iyon na dadalhin sa resort.

Nagkibit-balikat lang ito. “Ibang foreigner yata ang tinutukoy ni Lola.”

“Ha? May iba pang foreigner si Lola? Aba, matindi!”

“Pinoy ‘yon,” natatawang saad nito. “Si Mang Kardo, ‘yong mangingisda na nabilhan natin kahapon.”

“’Yong lolo ni Jannah?” Pagtukoy niya sa batang nakausap niya kagabi.

Tumango si Mae, pagsang-ayon nito sa tanong niya

“Magbihis ka na, aalis na tayo.”




HINDI masukat ang saya na bumabalot sa pakiramdam ni Vanessa nang maitapak niya ang dalawang paa sa maputing buhangin ng beach na pupuntahan nila. Hindi niya lubos akalain na makatatapak siya roon.

Gaya ng sabi ng pinsan niya, Talikud Island daw ang pangalan ng beach na pupuntahan nila. Hindi naman siya papayag na pupuntahan niya iyon tapos wala siyang kaalaman tungkol sa beach na iyon.

Bago pa sila makarating sa lugar ay kinuha niya ang kaniyang cellphone at nag-browse ng mga information tungkol sa isla. Isa pala ang Talikud Island sa mga sikat na tourist spot sa Davao.

Pinakiramdaman niya ang masarap na dulot ng mga buhangin sa sariling mga paa. Medyo nakakikiliti iyon pero sarap na sarap si Vanessa.

Naputol ang kaniyang pagdadrama nang nasulyapan na naman niya ang Lola ni Mae na may kahabulan na lalaking hindi niya matukoy kung ano ang lahi. Marahil ay torista sa isla na kinukulit ng matanda.

Napailing siya. Si Lola talaga, kawawa ang ma-trip-an nito kung sakali.

“Freddie,” pagtawag ng matanda sa torista na halos umalingawngaw sa buong isla. “Catch me, I’m falling for you,” pakantang saad pa nito na ikinatawa niya dahil wala talaga sa tono.

Nakita niyang kumunot ang noo ng lalaking tinawag nitong Freddie. Is that you, Freddie Aguilar?

“Freddie, habulin mo ko!” pagtawag uli nito pero hindi pinansin ng lalaki ang Lola ng pinsan niya. Sa halip ay umupo ang lalaki at ibinalik sa mga mata ang hinubad nitong sunglass kanina.

“Freddie, come here! Catch me, baby!”

“Shut up!” saway ng lalaki sa matanda na ikinatawa na naman niya. Busted ka, Lola.

“Shut up your mouth. Wala kang bayag!” Kumuha ang matanda ng bato at ibinato sa lalaki pero hindi nito natamaan. “Akala mo siguro gwapo ka! Hoy! Bata ka lang. Tse!”

Natatawa na lang talaga siya sa ginagawa ng Lola ni Mae. Napailing na lang si Vanessa at muling ibinalik ang tingin sa buhangin.

Bakit kaya wala rito ang asawa niya? Ang sabi kasi ni Mae, kaninang alas-dos ng madaling araw pa raw umalis si Gian. Pero bakit wala rito ang lalaki? Halos nalibot na nga niya ang Talikud Island pero ni anino ng asawa niya ay hindi niya nakita.

Nang muli niyang sulyapan ang lola ng pinsan niya ay wala na ito sa puwesto nito kanina samantalang ang lalaking tinawag nitong Freddie ay nandoon pa rin naman. Parang ang bilis naman yata ni Lola, bulong niya sa sarili. Bumuntong hininga siya at nagpasiyang bumalik na sa ni-rentahan nilang cottage.

Bawat hakbang na ginagawa ni Vanessa ay hinahalikan ng mga puting buhangin ang kaniyang mga paa. Bawat hakbang niya ay may kiliti siyang nararamdaman. Mabuti na lang hindi pa mainit ang mga buhangin sa dagat.

Sinulyapan niya ang kaniyang relo, alas-singko pa. Ang aga naman lumandi ni Lola, natatawa niyang bulong ulit sa sarili.

“Akala ko ba Lola, may foreigner ka na,” wika niya sabay iling.

Muntik pa siyang naligaw, nakalimutan niya kasi kung saang banda ang cottage nila. Pare-pareho lang kasi ang design ng bawat cottage sa buong resort. Mabuti na lang dahil nakita niya ang shawl na ginamit ng pinsan niya kanina.

“Bakit walang tao?” tanong niya sa sarili nang makitang wala ang mga kasama niya. Wala si Mae, wala rin ang lola nito at mas lalong wala ang asawa niya.

“Ano bang nangyayari?” hindi niya napigilan na itanong sa sarili.

Muli niyang nilibot ng tingin ang buong paligid, wala, wala talaga ang mga kasama niya. Iniwan ba siya?

“Kalma, Vanessa. Nandito pa ang mga gamit nila,” pagkalma niya sa sarili. Nagpakawala siya ng malakas na buntong hininga.

“Hindi naman siguro ito panaginip, hindi ba?” aniya sa mahina na boses.

Ramdam na ramdam niya na totoong-totoo talaga ang nangyayari ngayong araw. Pero bakit kaya naisipan nilang mag-resot ngayon? Kung kailan aalis na kami.

Lumapit siya sa mesa at binuksan ang isang sisidlan na kulay asul. Lumpia, bulong niya. Kumuha siya ng isa at agad na isinalang iyon sa bibig. “Masarap,” aniya at muling kumuha ng dalawa pa.

Agad siyang napalingon nang narinig niya ang boses ng Lola Ismeralda ni Mae, tinatawag nito ang pangalan niya. Napangiti siya habang ngumunguya. Ang hirap pala, natatawa niyang bulong.

“Lola, saan po kayo galing? Si Mae po?”

Hindi siya sinagot ng matanda, sa halip ay hinawakan nito ang kamay niya at hinila palabas.

“Uy, teka lang, Lola. Saan ba tayo pupunta? Kukuha lang ako saglit ng lumpia.”

Binitawan naman siya ng ginang kaya nagmadali siyang bumalik sa loob ng cottage at kumuha ng dalawang karagdagang lumpia. Pagkatapos niyang takpan ang sisidlan ay lumabas na siya.

“Addict ka sa lumpia?” tanong ni Lola sa kaniya. Tumango siya at muling ngumuya. “Ako naman sa talong, iyong mahaba,” dagdag nito dahilan na muntik pa siyang mabulunan.

“Dios ko naman po, Lola. Halata nga po,” sagot niya at napangiwi.

“Ayaw mo sa talong? Abaʼy masarap iyon, hija. Marami pang bitamina.” Tumawa ito. “Pero ibang talong yata ang iniisip mo. Bet ko iyan, Vanessa. Arat! Mag talong hunting!”

Muli siyang napailing nang tumakbo ang matanda papalayo sa kaniya.

“Bilisan mo, Vanessa. Ang bagal!”

Napailing na naman siyang muli. Saan kaya kumukuha ng lakas ang matanda? Parang hindi nawawalan ng enerhiya. Pahingi ng energy, ‘La. Parang bumibigat kasi itong tiyan ko, bulong niya sa sarili.


PUMASOK siya sa hall ng resort. Ito ‘yong pinasukan nila kanina para magbayad ng entrance fee. Kahit nagtataka siya kung bakit pumasok doon ang matanda ay sinundan na lang niya ito.

Dala-dala niya pa rin ang lumpia niya pero hindi niya nakagatan kahit isa. Hinakbang niya ang daan papasok sa hall.

Maraming tao kumpara kanina. Ano kayang mayroon?

Patuloy si Vanessa sa kaniyang mga hakbang at napangiti siya nang nakita niya agad ang lola ni Mae. May dala itong isang red rose at tinatahak ang daan papalapit sa kaniya.

“Vanessa!” tawag nito sa kaniya. “Halika hija, hindi rito ang punta natin.”

Hinawakan nito ang kamay niya ag dinala siya nito sa isang silid. Puno iyon ng mga paborito niyang bulaklak, rosas.

Nilibot niya nang tingin ang buong kuwarto at hinanap si Gian ngunit nabigo siya. Muli niyang nilingon ang matanda.

“Bakit po ba tayo pumunta rito, Lola?” tanong niya na hindi naman sinagot ng matanda.

Pagkaraan ng ilang segundo ay may lumapit sa kaniyang mga bata na may dalang mga rosas. Isa-isang binigay ng tatlong bata ang hawak nitong mga bulaklak.

“Miss, flower po,” saad ng bata sa kaniya.

“Kanino galing?” tanong naman niya kahit may ideya na siya kung sino. Hindi naman sa nag-assume siya pero nagbabakasakali lang.

“Kay kuya po,” masiglang sagot nito.

Kumunot ang noo niya. Hindi si Gian ang nagbigay nito?

“Sinong kuya?”

Hindi nasagot ng bata ang tanong niya dahil biglang tumakbo ito at lumabas ng silid.

Muli niyang pinalibot ang tingin sa kabuuan ng silid. Kulay asul ang pintura niyon na pinalibutan ng mga rosas ang sahig. Wala ngang upuan kahit isa, wala ring mesa. Bakit nga ba kami nandito?

Napapitlag siya nang biglang bumukas ang pinto at iniluwa niyon ang asawa niya na may dalang isang tangkay ng rosas. Naglakad si Gian palapit sa kaniya.

Lumapad ang ngiti niya sa labi. Sabi na nga bang si Gian ang may pakana ng lahat, bulong niya sa sarili. Iba talaga dumiskarte ang asawa niya.

“Binibini, kung iyo akong pagbibigyan, maaari bang malaman ang iyong pangalan?” tanong nito sa kaniya na dahilan ng kaniyang pagtawa. “Umaasa ako, binibini.”

“Umaasa ka? Na ano?” natatawa niyang tanong sa asawa.

“Na ako ang dahilan ng iyong pagtawa. Na ako ang kaligayahan mo.”

Ang pagtawa niya ay nauwi sa ngiti. Kinikilig ako, Gian! Ano ba!

“Hoy! Stop nga. Feeling Juanito lang? Ganoʼn?”

“Binibini, anong lengguwahe iyang gamit mo?”

Nasapo niya ang kaniyang noo. Parang hindi yata titigil ang asawa niya at gagampanan ang pagiging makata.

Nang nakalapit na si Gian sa kaniya ay lumuhod ito sa paanan niya at hinawakan ang kaniyang kanang kamay.

“Vanessa, will you marry me, again?” seryosong tanong nito sa kaniya.

Pakiramdam niya ay nahilo siya sa tanong ni Gian. Parang hinalungkat ang loob ng tiyan niya. Nabitawan niya ang hawak niyang mga rosas at ang dala niyang lumpia kasabay ng kaniyang pagsuka.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro