Kabanata: 15
Nagulantang si Caelum sa pagdating ng isang kaibigan nilang tila ba'y takot na takot at humihingal. Ito ang kapatid ni Dita, si Gima, na may mga luhang pumapatak sa kanyang mga mata habang nagmamadaling lumapit kay Elara at Caelum.
"Caelum! Nawawala si Dita!" umiiyak na sabi ni Gima. "Bigla na lang siyang nawala sa higaan niya kagabi, at hindi na namin siya makita kahit saan. Tulungan niyo kami, nakikiusap ako!"
Napatitig si Caelum kay Elara, na sa pagkakataong iyon ay mukhang malalim ang iniisip. "Pasensya na, Gima," mahinahong sabi ni Elara. "Hindi ako makakasama sa paghahanap kay Dita ngayon. May ibang bagay na kailangan kong asikasuhin sa kaharian. Pero si Caelum, Javier, at Amira... sila ang tutulong sa'yo."
Kaya naman lumakbay na sila patungo sa mga kabundukan na nag babaka sakali na andoon nila makikita si Dita. Pagdating sa kagubatan, narinig nila ang mga umaalulong na mga lobo, isang senyales na hindi sila nag-iisa. "Ingat kayo, maaaring may mga nilalang na galit sa atin," babala ni Javier habang hinihigpitan ang hawak sa kanyang espada. Sa kalagitnaan ng gabi, habang ang malamlam na liwanag ng buwan ay sumisinag sa makapal na gubat, nagpatuloy ang paghahanap nina Caelum, Javier, at Amira kay Dita. Ang hangin ay malamig at tila nagbabadya ng panganib. Nararamdaman nilang may masamang nangyayari sa kanilang kaibigan, kaya't hindi nila alintana ang pagod sa kanilang mahabang paglalakbay.
Bigla nilang narinig ang mga yapak ng mga mababangis na hayop sa paligid. "May paparating," bulong ni Javier habang hinahanda ang kanyang espada. Si Amira naman ay kumakalma, handa ang kanyang mga palad na gamitin ang kanyang kapangyarihan ng hangin.
Sa isang iglap, sumalakay ang isang pangkat ng mga lobo. Ang kanilang mga mata ay nag-aalab sa dilim, at tila walang habas ang kanilang pagnanasa na lapain ang mga trespassing na ito sa kanilang teritoryo. "Sige, subukan niyo kami!" sigaw ni Caelum habang inihahanda ang kanyang kapangyarihan ng apoy. Isang matinding bola ng apoy ang kanyang ipinukol sa direksyon ng mga lobo, na nagdulot ng pagliyab sa mga damo sa paligid.
Ngunit hindi natapos doon ang laban. Dumami pa ang mga lobo, nagiging mas agresibo habang nararamdaman nilang ang kanilang teritoryo ay nilalapastangan. Si Javier ay mabilis na naglilipat ng mga saksak, habang si Amira ay nagpapalabas ng mga alon ng hangin na tumutulak sa mga lobo palayo. Ngunit ang mga lobo ay matitindi at malalakas; mas kinakailangan nila ng tulong.
"Amira, tawagin mo ang mga diwata!" sigaw ni Caelum habang nahihirapan silang labanan ang sunod-sunod na pag-atake. Kaagad na naglakad si Amira sa isang lumang puno at tumawag sa mga diwata sa kanilang wika. "Tulong! Tinutulungan namin si Gima, ang inyong kaibigan! Kailangan namin ang inyong gabay! Hinahanap namin si Dita!"
Mula sa dilim ng kagubatan, biglang lumitaw ang isang grupo ng mga diwata na kumikislap sa liwanag ng buwan. Ang kanilang mga mata ay nagniningning, at kanilang ginamit ang kanilang kapangyarihan upang palayasin ang mga lobo, na naglalabas ng mga alon ng enerhiya na nagpatahimik sa buong kagubatan.
"May kapalit ba ang hiling niyo?" tanong ng diwata, ang kanyang mga mata'y kumikislap sa ilalim ng buwan.
"Anumang gusto ninyo, basta't ibalik niyo sa amin si Dita," tugon ni Caelum, determinado ang tono.
Nag-usap-usap ang mga diwata, at ang kanilang pinuno ay sumang-ayon na tutulungan sila. "May alam kaming lugar kung saan madalas dalhin ang mga nawawalang tao. Hindi kayo dapat magtagal, sapagkat maaaring hindi niyo na siya maabutan nang buhay."
Dahil sa impormasyong ito, nagpatuloy sina Caelum, Javier, Gima, at Amira, puno ng pag-asa at takot. Alam nilang hindi magiging madali ang laban, ngunit walang makapipigil sa kanila hangga't hindi nila natatagpuan si Dita.
Sa kalagitnaan ng kanilang mahabang paglalakbay, napansin nina Caelum at Javier ang isang malaking kuweba malapit sa gilid ng bundok. Dahil sa malakas na ulan at malalakas na kidlat, nagpasya silang sumilong muna doon upang magpahinga. Habang inaayos ang kanilang mga gamit, napansin ni Gima ang kaba sa kanyang dibdib, lalo na't hindi nila alam kung nasaan si Dita.
Lumapit si Amira kay Gima, marahang tinapik ang balikat nito. "Makikita natin siya, Gima. Huwag kang mag-alala. Hindi tayo titigil hangga't hindi natin siya natatagpuan," malumanay niyang sabi, pinupunasan ang mga luhang pumatak mula sa mata ni Gima. Nagpasalamat si Gima, kahit papaano ay napanatag ang kanyang loob sa mga sinabi ni Amira.
Habang si Gima ay pinapalakas ang loob, si Caelum naman at si Javier ay nakaupo sa may gilid ng kuweba, nag-uusap tungkol sa ibang bagay upang mapawi ang tensyon. "Sa tingin mo, magkakatuluyan kaya si Elara at si Hadis?" tanong ni Javier, medyo nag-aalanganin sa kanyang tono.
Ngumisi si Caelum at nagkibit-balikat. "Hindi ko alam. Pero sa tingin ko, gusto nila ang isa't isa, kahit itinatago nila. Siguro kapag nagtagal pa, malalaman natin," sabi niya, habang pinupunasan ang basang buhok mula sa kanyang noo.
Ngumiti si Javier. "Eh, ikaw? May alam ka bang ibang lalaki na may gusto kay Elara?" sabay ngisi nito.
Tumingin si Caelum nang malalim kay Javier, tila may iniisip. "Ikaw, Javier, may gusto ka ba kay Elara?" tanong niya bigla, sinusubok kung ano ang magiging reaksyon nito.
Biglang natahimik si Javier. Parang hindi niya inasahan ang tanong ni Caelum. Nagpakawala siya ng isang malalim na buntong-hininga ngunit hindi sumagot kaagad. Napangiti si Caelum sa reaksyon ni Javier at bigla itong natawa nang malakas. "Huwag kang mag-alala, kaibigan. Hindi kita huhusgahan," sabi niya habang tinatawanan ang awkward na sandali.
Sa kabila ng biruan, unti-unting lumamlam ang tawanan nang magsimulang tahimik ang kapaligiran. Madilim na ang gabi at lumalakas ang ulan sa labas ng kuweba. Ang tunog ng patak ng ulan sa lupa at mga kidlat ang tanging maririnig. Isa-isa silang naghanap ng mga pwesto sa loob ng kuweba kung saan sila makakapagpahinga.
Humiga si Gima malapit kay Amira, patuloy pa rin ang kaba sa dibdib niya pero hindi niya ito ipinapakita. Samantalang si Caelum at Javier naman ay nagpatuloy sa kanilang biruan, kahit papaano ay nabawasan ang bigat ng tensyon. Ngunit sa kabila ng mga tawa at pahinga, alam nilang napipintong lumaban muli sila kinabukasan, at lahat ay kailangan maging handa.
Habang lahat ay nagsisikap makatulog sa loob ng kuweba, biglang nabasag ang katahimikan ng isang malakas na pagsabog. Ang ingay nito ay nagpagising sa kanilang lahat. Nagkatinginan sina Caelum, Gima, Amira, at Javier, agad na tumindig at nagtipon-tipon sa gitna ng kuweba. Ang tunog ay malakas at kakaiba, tila nagmumula sa hindi kalayuan.
"Anong nangyari?" tanong ni Gima, hindi maitago ang kaba sa kanyang tinig.
"May sumabog. Hindi ito normal," sagot ni Caelum, ang kanyang mga mata ay nag-aalab ng pagkabahala.
"Halika, sundan natin ang tunog. Dapat nating alamin kung ano ang nangyayari," mungkahi ni Javier, na agad sinang-ayunan ng lahat.
Nagmamadali silang lumabas ng kuweba, nag-iingat sa madulas na daan dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan. Habang papalapit sila sa pinagmulan ng ingay, nararamdaman nilang lumalakas ang hangin at tila may kakaibang enerhiya sa paligid. Nang marating nila ang tuktok ng isang burol, isang malaking palasyo ang kanilang nasilayan sa di kalayuan. Ito'y hindi nila pamilyar-isang estrukturang tila itinago sa kanilang kaalaman.
Mula sa kanilang kinatatayuan, kitang-kita nila ang kaguluhang nagaganap sa loob ng palasyo. Ang palasyo ay nasa gitna ng isang labanan-isang gera na hindi pangkaraniwan. Mga sundalong hindi sila pamilyar, na may suot na kakaibang armor at may hawak na mga sandatang kumikislap ng kakaibang liwanag, ang naglalabanan. Sa bawat pag-ikot ng kanilang mga espada, tila naglalabas ito ng mga enerhiyang hindi normal para sa karaniwang laban. Ang himpapawid ay puno ng sigawan, tunog ng mga nagbabanggaang armas, at ang kakaibang enerhiyang bumabalot sa paligid.
"Anong klaseng lugar ito?" tanong ni Amira, hindi maitago ang pagkamangha at pagkabahala.
"Hindi ko alam, pero kailangan nating alamin. Kung ito ay konektado sa pagkawala ni Dita o sa ating misyon, hindi tayo maaaring magpabaya," sagot ni Caelum, matatag ang kanyang boses.
Nagkatinginan silang lahat, alam na isang bagong hamon na naman ang kanilang kakaharapin. Seryoso ang bawat isa, handa na sa anumang laban na kanilang susuungin. Sinimulan nilang lumapit sa palasyo, nag-iingat sa bawat hakbang. Alam nilang anumang sandali ay maaari silang masangkot sa labanang nagaganap. Habang papalapit, nararamdaman nila ang lalong pag-igting ng kakaibang enerhiya na tila nagmumula mismo sa loob ng palasyo.
"Tila hindi normal ang lugar na ito... Maging handa kayo," paalala ni Javier habang inilalabas ang kanyang espada.
Nang malapit na sila sa pasukan ng palasyo, isang napakalakas na alon ng enerhiya ang biglang sumalubong sa kanila, halos itinulak silang lahat paatras. Agad nilang inihanda ang kanilang mga sarili, alam nilang nasa bingit na naman sila ng isang matinding labanan. At sa kanilang pagtapak papasok sa misteryosong palasyong ito, ang lahat ng kanilang lakas, tapang, at determinasyon ay muling susubukin.
Dahan-dahan at maingat na pumasok sina Caelum, Gima, Amira, at Javier sa loob ng misteryosong palasyo. Ang paligid ay puno ng kakaibang enerhiya, ngunit imbes na makaharap ng isang malagim na digmaan, ang kanilang mga mata ay tumambad sa isang eksenang hindi nila inaasahan. Sa halip na mga mandirigma, nakita nila ang mga nilalang na tila nagdiriwang. Ang kanilang mga damit ay makulay, at ang kanilang mga galaw ay masigla, na animo'y nagpapakita ng saya at kasiyahan.
May mga mesa na puno ng iba't ibang uri ng pagkain, at mga inuming kumikislap ng iba't ibang kulay. Ang mga nilalang na nandoon ay mukhang hindi kauri nina Caelum-mayroon silang mga anyo na halos tao, ngunit may mga kakaibang detalye tulad ng mga pakpak, mala-kristal na balat, at mga mata na tila kumikislap ng iba't ibang kulay.
Habang nagmamasid, napansin nilang ang mga tunog na inakala nilang nagmumula sa labanan ay mga paputok pala na bahagi ng kasiyahan. Ang mga pagsabog ng liwanag sa langit ay nagmistulang selebrasyon, at hindi isang palatandaan ng digmaan.
"Napasubo yata tayo," bulong ni Gima, na hindi maitago ang pagkalito.
"Akala ko'y gera ito. Pero bakit ganito? Para silang nagdiriwang," dagdag ni Javier, nakakunot ang noo habang sinusuri ang paligid.
"Mabuti nang mag-ingat tayo. Hindi natin alam kung anong klaseng nilalang ang mga ito, at kung ano ang kanilang intensyon," sabi ni Amira, mahina ngunit puno ng pag-aalala ang kanyang tinig.
"Pero anong gagawin natin? Hindi naman tayo pamilyar dito, at baka mapahamak lang tayo kung magpapakita tayo agad," wika ni Caelum, habang patuloy na nagmamasid.
Nagpasya silang apat na mag-usap-usap sa isang sulok ng palasyo, malayo sa mga mata ng nagdiriwang na mga nilalang. Tumayo sila sa gilid ng isang malaki at napakagandang haligi, nagtitinginan sa isa't isa at nag-uusap nang pabulong.
"Dapat ba tayong lumapit? O baka naman mas maganda kung umalis na lang tayo bago pa nila mapansin na narito tayo?" tanong ni Gima, nakaramdam ng kaba sa bawat segundo na nagdaan.
"Hindi ko alam, pero kailangan nating maging maingat. Hindi natin alam kung kaibigan o kaaway ang mga ito," sagot ni Caelum, habang iniisip kung ano ang kanilang susunod na hakbang.
"Baka magtanong tayo sa kanila? Pero sa ligtas na paraan. Hindi pwedeng sumugod tayo nang hindi alam kung anong klaseng nilalang ang mga ito," suhestiyon ni Amira, nag-aalangan ngunit buo ang loob.
Tahimik silang nag-isip, alam nilang anumang desisyon ang kanilang gawin ay maaaring magbunga ng malubhang kahihinatnan. Ngunit habang patuloy ang kanilang usapan, naramdaman nilang hindi sila maaaring magtagal sa lugar na iyon nang hindi napapansin. Kailangang gumawa sila ng hakbang, at kailangan nilang gawin ito nang may tamang taktika at pagpapasya.
Biglang nahulog si Gima sa isang patibong na hindi niya napansin-isang net na mabilis na nagtaas mula sa lupa at binalot siya nang mahigpit. Nagulantang siya at nagsimulang magpumiglas, ngunit ang net ay masyadong matibay para sa kanya. Sa isang iglap, napukaw ang atensyon ng lahat ng mga nilalang sa paligid. Nagtawanan at nag-hiyawan sila, tila natutuwa sa kanilang huli.
"Mga duwende ba ito? Pero... bakit ganito ang itsura nila?" tanong ni Javier habang tahimik na nagmamasid. Ang mga nilalang na ito ay hindi tulad ng mga karaniwang duwende sa mga alamat-mas matataba sila, at wala silang mga mata. Tanging ang kanilang matatalas na pang-amoy ang ginagamit upang mag-navigate at makipag-ugnayan sa kanilang paligid.
Nagsimulang bumaba mula sa kanilang mga upuan ang mga nilalang, naglapitan kay Gima na pilit pa ring kumakawala mula sa net. Sa kabila ng kanilang tila kasiyahan, naramdaman ni Gima ang takot sa kanilang paglapit. Tumutulo na ang malamig na pawis sa kanyang noo, habang nagtataka kung ano ang kanilang gagawin sa kanya.
"Caelum, anong gagawin natin?" tanong ni Amira, halatang kinakabahan, ngunit sinisikap na manatiling kalmado. Alam niyang oras na para gumawa ng mabilis na desisyon.
Kita ni Caelum ang pag-aalala sa mukha ni Amira. Alam niyang kailangan nilang kumilos agad, ngunit kailangan din nila itong gawin nang may taktika. Hindi pwedeng basta na lang silang sumugod dahil hindi pa nila alam ang buong kakayahan ng mga nilalang na ito.
Saglit siyang nag-isip, at naisip niyang gamitin ang kahinaan ng mga nilalang-ang kanilang kawalan ng paningin. Nagpasiya siyang lumikha ng ingay mula sa ibang direksyon upang ilihis ang kanilang atensyon.
"Amira, Javier, kailangan natin silang linlangin," bulong ni Caelum. "Gagawa ako ng ingay sa kabilang dako. Sa sandaling madistract sila, gamitin niyo ang pagkakataong iyon para iligtas si Gima."
Tumango sina Amira at Javier, handa sa plano. Mabilis na kumilos si Caelum, dahan-dahang umikot sa likuran ng mga nilalang, na sinusubukan pa ring pigilan ang kanyang kaba. Nang makapwesto na siya sa isang ligtas na distansya, bigla niyang hinampas ang isang matibay na sanga sa isang malaking bato, lumikha ng isang malakas na tunog.
Napalingon ang mga nilalang, iniiwan si Gima sa kanilang gitna habang pilit nilang tinutunton ang pinagmulan ng ingay. Samantala, mabilis na kumilos sina Amira at Javier. Ginamit ni Javier ang kanyang kapangyarihang taglay upang paluwagin ang net, habang si Amira naman ay tumulong kay Gima na makawala mula rito.
"Tara na! Kailangan nating umalis dito!" sigaw ni Javier habang tinutulungan si Gima makatayo.
Hindi na nag-aksaya ng oras ang tatlo at nagmadali silang umalis sa lugar bago pa makabawi ang mga nilalang. Ngunit habang papatakas sila, naramdaman nila ang paghabol ng mga nilalang, gamit ang kanilang pang-amoy upang sundan ang kanilang mga yapak.
Nasa kalagitnaan ng pagtakbo ang grupo nang bigla silang huminto-napalibutan sila ng mga duwende mula sa lahat ng direksyon. Habang unti-unting nagpipikit ang mga mata ni Gima dahil sa pagod at takot, nagpakawala si Caelum ng isang spell, nagpalabas ng isang malakas na liwanag na pansamantalang nagpalito sa mga duwende.
"Bilis! Sa direksyon na ito!" sigaw ni Caelum, at nagsimula silang tumakbo muli, sa pagkakataong ito ay walang tigil hanggang sa makalayo sila sa kabuuan ng lugar.
Ngunit alam nilang hindi pa tapos ang kanilang pakikipagsapalaran-maraming hamon pa ang kanilang haharapin sa patuloy na paglalakbay upang mahanap si Dita.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro