Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 3

"Uh..."

Nagising ako sa pagkabalisa ng marinig ang pag-ungol nito. Tila ba'y naliligo na ito sa sariling dugo pero wala ni isang anino ng bampira ang naakit sa amoy nito.

Siguradong ibang lahi siya. Namumutla man ito, halata ang kutis kayumanggi niya kaya malabong maging kalahi ko siya. Ang itim nitong buhok ay halos 'di na mapuna sa dilim ng paligid. Kahit may katanagian akong makakita sa gabi, hindi ko pa rin mawari ang mukha nitong natatabunan ng sugat at pawis.

Tutulungan ko ba?

Sa lagay nito, problema lang ang makukuha ko kung mangingialam ako. Laging bilin sa akin ni Ate na umiwas sa mga sitwasyong walang kasiguradohan.

Bumuntong-hininga ako bago tinalikuran ito. Pero ilang hakbang pa lang at napahinto ako ng may matuklasan.

Hindi ako nasusuka sa dugo nito!

O mas tamang sabihin hindi ko maamoy ang nakakasuklam na baho ng dugo.

Kaagaran akong tumakbo pabalik. Nakahandusay pa rin ito sa mabulok na daan. Nilapitan ko siya pero ng mga ilang sentimetro na lang ang layo namin, biglang nawala ang mahika ko.

Bago ko mapagtanto kuno ano ang nangyari, pumalibot ang nakakaenganyong bango sa palibot ko. Ramdam ko ang pagtuyo ng aking lalamunan at hinanap ang pinagmulan nito.

Dumayo ang aking mga mata sa lalaking nasa harap ko. Ang kanyang dugo ay sobrang tingkad ng pagkapula na halos hinihikayat akong inumin. Nagtatambol na ang aking puso sa hindi ko malamang dahilan sabay ng pag-usbong na init sa aking katawan.

Gutom. Uhaw. Pagkasidhi. Pagnanasa. Halos mabaliw na ako sa samu't saring emosyong nagigising. Hindi ko mapigilan unti-unting mapaluhod at ilapit ang mukha sa pumupulsong ugat nito sa leeg.

Ilang hibla na lamang ang pagitan namin ng maradaman ko ang mahigpit na hawak sa kamay ko bago ako tinulak palayo — dahilan upang mawala ang balanse ko at napaupo.

"Aray!" 

Nagtapat ang aming mga tingin. Hindi ko man lang kayang mainis dahil gusto na yatang kumalawa ng puso ko habang nakipagtitigan sa mga mata nitong kasing kulay ng malagong gubat.

"P-paano ka n-nakapasok sa anino ko?" Pilit nitong salita kahit namamaos ang boses niya. Pero kahit na nanghihina ito ay matalas siyang naksiyasasat sa akin na para bang may masama akong balak sa kanya.

"Anong anino?" balik tanong ko.

Tumahimik lamang ito kaya sinubukan kong ulit lumapit. Yung palad niya ang sumalubong sa mukha ko at para bang nahibang ako sa bango, dinilaan ko ang nanunuyong dugo sa daliri nito.

Napaurong ang kamay nito habang napapapikit ako, sinasamsam ang lasa ng dugo niya. Sobrang tamis at mas lalo lang akong ginanahan. Naalala ko yung linamnam ng ube halaya ngunit ngayon, walang pagsusuka na sumunod.

"W-wala kang mapapala sa dugo k-ko. Isa akong demonyo," pag-amin nito.

Agarang kumunot ang noo ko. Walang pili ang mga bampira pagdating sa lahing binibiktima pero dahil siguro ang unang Primogenitor ay nakipagsundo sa isang demonyo, sinasabi nilang pangit ang lasa ng dugo nila.

Subalit haka-haka lamang siguro iyon. Ito ang unang beses na hindi ako naduwal at ito ang pianksamasarap na natikman ko.

"Doon ka nagkakamali," sabi ko at katahimikan uli ang naghari.

Maliban sa mabibigat nitong hininga. Basang-basa ang buhok niya at hindi tumitigil ang pagdaloy ng pawis. Sa mga minutong nasasayang, hanga akong buhay pa ito.

"Ganito na lang, paano kung tutulungan kita kapalit ng dugo mo?" mungkahi ko pero tiyak na malinaw ang motibo ko.

Napapalatak siya. "Hinding hindi mo ako magagawang bampira kahit mamatay man ako."

"Huwag kang mag-alala, may alam akong paraan. Pangako ko kung hindi ka magiging bampira."

Sa mga ganitong ganap ko lang magagamit ang mga natutunan ko sa pagmumukmok sa loob ng tore.

Pumikit ito at napangiwi. "Tangina. Hindi pa ako umabot sa puntong maniniwala sa lahi niyo."

"Pangako nga, tignan mo. Wala akong pangil kaya hindi kita magagawang Moon Blood," pilit ko.

Dumilat naman kaagad ito. Ngumanga ako at tinuro ang bibig ko.

"Anong tawag mo diyan?" saad nito, lalong naghihina ang boses nito pero pansin pa rin ang matalim na tono nito.

"Oh?" Sinalat ko ang aking ngipin at napatayo. Hinawakan ko uli ang magkibilang pangil. Halos lumuwa ang mata ko bago maniwalang tumubo na rin sila sa wakas. "Ah! May pangil na ako!"

'Di ko mapigilang tumili at magtatalon-talon pero bigla niya hinila ang damit ko pababa. May lakas pa talaga ito para paupuuin uli ako.

"Huwag kang maingay," saway niya.

Hindi ko magawang magalit dahil sa umaapaw na kaligayahan. Ewan kung ano ang nangyari basta alam kong magiging maayos na lahat ngayong may pangil na ako. Idagdag pang hindi na ako nandidiri kahit nadungisan na ng dugo ang buong damit ko.

"Siguro tinadhana talaga tayo magkita," sabi ko habang hindi mapigil ang pagtaas ng mga gilid ng labi ko. "Tinulangan mo ako kaya kapalit nito ay bibigyan kita ng dugo."

"Ano—"

Hindi ko na pinatapos ang pagsasalita nito. Kinuha ko ang kanyang kamay na pilit niyang binabawi. Pero dahil sugatan siya, wala siyang laban sa akin kung gumagamit ako ng lakas.

Dumampi ang dila ko sa pulsohan nito bago ipinasok ang mga pangil ko. Natutukso akong uminom ng dugo ngunit baka mamatay ito pag pinilit ko pa.

Binalik ko ang aking atensyon sa pagligtas sa kanya. Sinubukan kong kontrolin ang daloy ng aking dugo, papunta sa aking mga pangil, at dinerekta sa kamay nito.

Rinig ko ang pag-impit niya pero nakatutok pa rin ako sa paglipat ng dugo. Ilang segundo — o minuto — rin ang lumipas bago tuluyan naging maayos siya kahit papano.

Nang lumayo ako, kitang kita ko ang malalim na pagmasid niya sa akin. Biglang bumalik ang malakas na pagtibok ng puso ko. Napalunok ako habang nakikipagtitigan sa kanya.

Ngayon ko lang napansin ang mga sugat niya sa mukha na lalong nagpa-angas sa expresyon nito.  Pilit kong ngumuti at inignora ang bumbangong uhaw.

"Tapos na. Pwede ka nang umalis," pahayag ko habang pinpunusan ang labi ko.

Hindi pa rin siya umiimik na tila ba'y naguguluhan sa nangyayari. Sabagay, ang paraan na ito'y para lamang sa mga Pure Blood kaya siguradong wala itong kaideya-ideya.

Ang mga bampira ay taliwas sa mga anghel na kayang maghilom pero ayon sa binasa ko, makokonsiderang lunas ang dugo ng bampira, lalo na ang mga Pure Blood. Pero dahil bihira lamang ang mga kauri ko at isa sa mga makapangayrihang lahi, malabong maging alay lamang ang dugo namin.

Pinagpag ko ang daking damit, tumayo, at nilahad ang palad sa kanya. "Pangakong hindi ka magiging bambira kung iyan ang gumugulo sa isip mo."

Tumango lang ito pero hindi tinanggal ang tingin sa akin habang inaabot ang kamay ko. Tumikhim siya at nagsalita, "Salamat."

"Walang anuman."

Pinanood ko ang pigura niyang papalayo na tila ba'y parang panaginip lamang ang mga nangyari. Hinipo ko ulit ang mga pangil ko at napangisi. Totoo lahat ito. May pangil na ako.

Ngayon, kailangan ko na lang hanapin ang mga pinsan ko at ipagmalaking isa na akong ganap na bampira.


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro