Kabanata 1
Kaagarang namutla ang aking mukha pagbukas ng pinto. Pumalibot ang malangsang amoy sa kwarto ko. Tila ba'y pinaghalo ang mga namatay na isda at kalawang matagal na namalagi sa lumang bakal.
Nanatili akong nakahiga at sinaklob ang buong katawan sa ilalim ng kumot. Ngunit, naramdaman ko na lang ang malakas na pwersang humila sa tela bago nagtapat ang aming mga mata ni Ate Abeline.
Hawak-hawak niya ang bandehang dala ang basong puno ng isang bagay na kinasusuklaman ko sa lahat — dugo.
Sabi nila, isang tingin o simoy lamang nito ay sobrang nakakaakit sa mga nilalang na tulad ko, ngunit nais ko lamang dumuwal pagnaamoy ito.
"Adelaide, bumangon ka na," hikayat ni Ate Abeline at inilapag ang bandeha sa katabing mesa ng aking higaan.
"Pero, Ate..."
"Araw-araw na lang tayo, Adelaide. Magbebente-uno ka na ngunit hindi ka pa rin marunong uminom ng dugo," puna niya.
"Ate, 'di ba sabi ko rin sa iyo, paano kung ampon lang ako? Ako lang yata ang bampira na ayaw sa dugo?" reklamo ko pero bumangon pa rin.
"Kalokohan. Huwag mo ng ibahin ang usapan at uminom ka na."
"Ate..." Pinalamlam ko aking mga mata habang nakatingin sa kanya, sabay panginiging ng mga labi.
"Inom," madiing utos nito at hindi pinansin ang pagmamakaawa ko.
"Ate, hindi ba talaga ako ampon? Ni wala nga akong pangil, 'di ba?" kulit ko.
"Nandoon ako ng pinanganak ka, paano ka magiging ampon? At ang pangil mo? Kusang tutubo lang iyan kaya kunin mo na 'to. Isang tutol pa talaga, at dadagdagan ko pa ng isang baso."
"Oo na nga," mabilis kong sagot at kinuha ang baso.
Inipit ko ang aking ilong at pikit-matang nilagok ang dugo nang dire-diretso. Halos maubos ang hininga ko pagdating sa huling patak. Pero hindi talaga kinaya ng sikmura ko kahit ilang taon na ang lumipas.
Hapit ang aking tiyan, dali-dali kong kinuha ang bangang nakapwesto lagi sa gilid ng mesa. Maluha-luha na ang aking mga mata habang sinusuka ang dugong kakainom ko lang.
Rinig ko ang pagbuntong-hininga ni Ate Abeline at ang mga yakag niya palapit sakin. Marahan niyang hinihimas ang aking likod habang walang tigil ang pagluwa ko.
Pagkatapos ng ilang segundo, unti-unting naging maayos ang pakiramdamdam ko. Inabutan ako ni Ate ng panyo para punasan iyong natirang dugo sa aking labi.
"Sabi sa iyo eh," sisi ko at umupo pabalik sa kama.
Ramdam ko ang paglamya ng aking katawan sabay pagbigat ng talukap ng aking mga mata.
Tumabi sakin si Ate at hinawakan ang aking mga kamay. Sobrang mapusyaw yung mga daliri ko kumpara sa kanya.
Isa sa katangian ng mga bampira ang kutis na malaporselana ngunit kung ihahambing sa lahat ng bampirang nakilala ko, ako na yata ang pinakamaputi. Pwede na siguro akong mahahalintulad sa puting pader ng kwarto ko. Idagdag pang kulay abo kong buhok, siguradong magmumukha na akong bangkay nito.
"Hindi ko na talaga alam ang gagawin, Adelaide," mahinang sambit ni Ate. "Bawal ka rin sa mga karaniwang pagkain at tanging dugo lamang ang makakabuhay sa iyo. Subalit, hindi ko mawari kung bakit pilit na tintanggihan ng katawan mo ang pag-inom ng dugo."
Katahimkan ang naghari matapos ang saad nito. Sa totoo lang, kahit ako ay hindi maintindihan ang sariling katawan. Alam ko sa kaloob-looban ko na isa akong bampira, isang Noble Blood lalo na. Kami ang mga uri ng bampira na walang halong dugo ng ibang mga nilalang at pinanganak na purong bampira mula sa Ascendant Clan.
Ngunit, parang nakatatak na sa isip ko ang mandiri sa dugo.
"Magpahinga ka na muna at mamayang gabi ay pwede kang gumala," biglang sabi ni Ate.
"Talaga?" Namilog ang mga mata ko sa labis na katuwaan na para bang hindi ako naghihina kani-kanina lang.
"Oo, pero sa isang kundisyon." Huminto ito at tinapik aking balikat. "Kailangan mong isama si Eirlys at Emrys at lahat ng iyong bantay."
"Lahat talaga? Hindi ba, kahit apat lang noon, sapat na? Bakit bigla-bigla kong dadalahin ang isang dosena kong bantay? Tapos nandiyan naman sina Eirlys."
"Kahit na. Mas mabuti nang naninigurado," sagot niya. "Iyon lang naman ang hinihingi ko sa iyo, Adelaide. Mapahamak na ang lahat, huwag lang ikaw."
Tono ng boses pa lang nito, siguradong disidido na siya sa kanyang desisyon. Kung umasta kasi si Ate ay parang may nagtatangka sa buhay ko. Hindi ko naman siya masisi dahil ang kapakanan ko rin naman ang iniisip niya.
Sa huli, wala akong magawa kung hindi tumango na lamang.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro