Prologue
"I loved you so much, but why did you do this to me? Alam mo na kailanman ay hindi mapapantayan ng kahit anong mamahaling bagay ang pagmamahal ko sa iyo. Ngunit paano mo naatim na gawin sa akin ito?" Dumagundong sa bawat parte ng silid ang malakas, ngunit pumipiyok kong boses.
Pagkasabi ko nito ay agad kong ibinalibag nang malakas ang pinto sa mukha ni Clyde, ang lalaking minsan kong inibig ng wagas. Napasabunot ako sa mahaba at kulay kayumanggi kong buhok. Napasandal na rin ako pinto habang nanginginig ang mga tuhod na napaupo sa malamig na marmol.
Ang mga luhang kanina pa gustong kumawala ay tuluyan nang nag-unahan sa pagpatak. Kagaya ng walang humpay na pagluha ng langit na wari ba'y dinadamayan ang aking pagtangis. Nagsisimula na ring manlabo ang aking paningin.
Gusto kong magwala, ngunit tila ba naipako ako sa sahig. Tanging ang panginginig lang ng aking katawan ang nararamdaman ko.
Gusto ko ring sumigaw ngunit walang tinig na lumalabas. Ramdam na ramdam ko ang paninigas ng aking panga. Nagmimistula ring disyerto ang aking lalamunan. Idagdag pa na parang nalunok ko ang aking dila.
Ilang saglit pa'y naramdaman ko na ang unti-unting paninikip ng aking dibdib. Wari ba'y may nakadagang bato na nagpapahirap sa akin para huminga. Napahawak na lang ako sa dingding bilang supporta habang pilit na pinakakalma ang sarili. Napapikit ako ng mariin. Kagaya ng itinuro sa akin ng mga doctor ay dahan-dahan akong humugot ng malalim na hininga.
"Alam kong nandiyan ka pa, mahal ko."
Para akong nabuhayan ng panibagong pag-asa ng marinig ang malamyos na boses ni Clyde. Ito lang naman ang hinihintay ko. Ang pigilan niya ako. Ang sabihin na hindi niya ako susukuan. Gusto kong sundin ang kagustuhan ng aking puso, ngunit mas nanaig ang utos ng aking isip.
"Dapat pa ba kitang ipaglaban? Mahal na mahal kita ngunit kailangan kong gawin iyon para--"
Napaitag ako sa kinauupuan nang bigla na lamang umalingawngaw ang malakas at matinis na tunog ng pinagsamang kidlat at kulog. Hindi ko na tuloy narinig ang kabuuan ng sinabi ni Clyde.
Napahawak ako sa aking mga tuhod habang dahan-dahang tumayo. Nanginginig pa ang aking mga kamay na napahawak sa seradura. Nagdadalawang-isip ako kung bubuksan ko pa ang pinto o hindi.
Sa huli ay mas nanaig ang kagustuhan kong makita ulit si Clyde. Kahit sa huling pagkakataon. Agad kong inipon ang aking lakas at binuksan ang pinto ngunit ganoon na lamang ang panlulumo ko nang makitang wala nang tao sa labas. Mukhang nakaalis na siya.
"Clyde, Mahal ko," bulong ko na lamang sa sarili. Muling nanlabo ang aking paningin habang nag-uunahan na naman sa pagpatak ang butil-butil na tubig sa aking mga mata.
Mas lalong tumindi ang nararamdaman kong kalungkutan dahil alam ko na tuluyan nang nawala ang pag-asang magkakabalikan pa kami.
Hindi ko alam kung ilang minuto akong nakatayo at nakatitig sa kawalan. Blanco ang aking isipan habang tuloy-tuloy pa rin ang pagpatak ng aking mga luha. Nasa ganoong sitwasyon ako nang bigla na lamang sumagi sa aking isipan ang masayang larawan ng aking pamilya. Pakiramdam ko ay para akong sinampal ng katotohanan na gumising sa akin mula sa isang masamang panaginip.
"Magpakatatag ka, Helen. Huwag mong hayaan na maging balakid sa iyong mga pangarap ang kinahantungan ng iyong unang pag-ibig. May pamilya ka na nagmamahal at umaasa sa iyo kaya umayos ka." Agad akong humugot ng malalim na buntong-hininga. Sinulyapan ko pa muna sa huling pagkakataon ang daang tinahak ni Clyde.
"Kung ganito ang iyong nais ay palalayain na rin kita, mahal ko. Napakahirap para sa akin ang desisyon kong ito, ngunit ito ang nararapat para sa ikatatahimik nating dalawa. Sana ay maging maligaya ka kahit saan ka man dalhin ng iyong kapalaran. Ingatan mo palagi ang iyong sarili. Paalam, mahal ko." Halos madurog ang aking puso sa mga sandaling ito, ngunit mas nanaig pa rin ang bulong ng aking isip. Buo na rin ang aking pasya. Ang gusto ko lang ngayon ay magpakalayo-layo na muna, upang makapag-isip at magsimulang muli.
Pikit-mata akong tumalikod at naglakad na papasok sa loob, ngunit hindi ko inaasahan na mabubungaran ko roon si Red. Nakapamulsa ito habang nakasandal sa may kalapit na dingding.
"R-red, ikaw--"
"You're mine! Everything of you was mine! Only mine! I can give you everything you want. You just have to say, yes."
Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang sumabat siya. Medyo napanganga pa ako sa narinig, ngunit hindi ko na nagawang sumagot dahil agad na itong naglakad palayo.
Napapikit ako ng mga mata bago napahawak sa dibdib. Naglakad na rin ako patungo sa aking silid. Nawala sa aking isip na nandirito rin pala ang lalaking naging mitsa ng hiwalayan namin ni Clyde.
Kailangan kong makaalis dito sa lalong madaling panahon. Ngunit paano?
Pagkapasok ko ay ay muli kong naramdaman ang muling pagkirot ng aking sentido. "Diyos ko! Ano po ba aking kasalanan at nangyayari lahat ng ito sa akin? Ang gusto ko lang naman ay maging masaya sa piling ng lalaking minahal ko ng lubos, ngunit bakit? Bakit naging ganito?" Hinayaan ko na lang na bumagsak ang aking katawan sa malambot na kama sabay yapos nang mahigpit sa unan.
Malinaw pa sa aking isipan ang mga masasayang alaala na parang kahapon lamang nangyari. Huli na upang ako ay magsisi. Ang kailangan ko na lang gawin ngayon ay tanggapin ang masakit na katotohanan, at maging matatag para sa aking pamilya.
Agad kong pinunasan ang aking mga luha nang maramdaman ang pagbigat ng aking katawan. Medyo hinihingal na rin din ako dahil sa hika. Mabuti na lamang at palaging nasa tabi ko ang inhaler.
Pagkagamit ko nito ay nakadama na rin ako ng antok. Sa unti-unting pagpikit ng aking mga mata ay siya namang pagbalik-tanaw ko noong araw na sumama ako kay Clyde patungo sa siyudad.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro