Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 1


"Ate Helen! Are yah done yet? You're making kuya gwapo wait too long!"

Napailing na lamang ako nang marinig ang maarteng sigaw ni Tricia.

“Nandiyan na!” Mabilis kong isinilid sa lumang bag ang huling piraso ng damit.

Pagkatapos kong mag-impake ay agad na akong tumayo, ngunit bago pa ako makalabas ay inilibot ko muna ang paningin sa maliit kong silid. Tanging kama, maliit na aparador, at ang mesa sa tapat ng bintana lamang ang laman. Yari ang mga ito sa kawayan.

Mamimiss ko itong kwartong ito. Kahit naman maliit lang ito ay marami na akong alaala rito kaya mamimiss ko talaga ito. "Tama na nga ang drama. Baka malate pa kami sa terminal."

Agad kong inayos ang aking bulaklaking palda na lagpas hanggang tuhod bago tuluyang lumabas.

Pagkabukas ng pinto ay nabungaran ko agad sina nanay at tatay na kausap si Clyde, ang nobyo ko. Inilibot ko ang aking paningin at nakita si kuya Troy, ang panganay namin na karga ang kaniyang tatlong taong gulang na anak. Si ate Joan, ang pangalawa ay abala sa paghahanda ng kanilang babaunin mamaya sa bukid, habang ang bunso naming si Tricia ay nakaupo na ngayon sa bintana at may hawak na libro.

Mapait akong ngumiti habang pinipigilan ang nagbabadyang luha na kanina pa gustong kumawala. Kung ako lang ang masusunod ay mas nanaisin ko pang manatili rito sa probinsiya kaysa sa siyudad. Ayos lang naman sa akin kahit na sa bukid na lang ako magtrabaho basta't kasama ko ang aking pamilya. Kaso, hindi sapat ang perang kinikita namin sa paglalako ng mga gulay at prutas. Lalo na ngayon na malapit nang isilang ang bunsong anak ni kuya Troy. Idagdag pa na malapit na rin ang pasukan. Kulang na kulang ang kikitain nina nanay para sa pagpapaenrol ni Tricia. Ang mahal pa naman ng enrolment fee niya.

Sa aming apat, siya na lang ang nag-aaral kaya tinututukan talaga nina nanay ang pangtustos niya. Bukod sa matalino ito ay masipag pa. Lagi itong nangunguna sa klase. Graduating na rin kasi ito sa isang taon at pangarap niyang kunin ang kursong Architectura kaya naman ay iginagapang talaga namin upang mapaaral siya sa isang magandang Unibersidad.

Napatingin ako sa nobyo kong si Clyde at napangiti. Tatlong taon na kami, ngunit kahit kailan ay hindi pa niya ako binigyan ng sama ng loob. Minsan ay may mga bagay na hindi kami nagkakaunawaan, pero normal lang naman iyon sa mga umiibig.

Pareho kaming galing sa mahirap na pamilya, ngunit sa awa ng Diyos ay nakapagtapos siya sa kurso niyang Interior Design. Gaya ng iba pa naming mga kababayan dito ay lumuwas din siya sa Maynila upang makahanap ng magandang oportunidad. Hindi siya binigo ng tadhana, at nakapasok agad sa isang sikat na kumpanya. Noong una ay nagpapadala pa siya ng mga sulat, hanggang sa bigla na lamang huminto. Tuluyan na rin kaming nawalan ng komunikasyon na labis kong ikinalungkot.

Isang araw ay bigla na lamang siyang sumulpot. Alang-alang sa aming pinagsamahan ay hinayaan ko siyang ipaliwanag ang parte niya.

Naging abala pala ito sa kaniyang mga proyekto kaya matagal na hindi nagparamdam. Nagulat din ako nang tanungin niya ako kung gusto ko raw mamasukan sa kanilang kumpanya. Dala na rin siguro sa pangungumbinsi nina inay ay pumayag ako. Malaking oportunidad daw ito upang maipamalas ko ang aking talento. Sa huli ay napapayag nila ako, kaya heto ako ngayon.

"Oh, anak, mag-iingat kayo roon sa Maynila ha? Balita ko'y marami raw masasamang loob doon. Malaking siyudad iyon kaya siguradong nagkalat lang sila sa kung saan. Iyong mga bilin ko sa iyo. Huwag kayong magpapang-abot ng gabi sa daan at delikado. Kung maaari ay hindi na rin kayong lumabas sa gabi. Isa pa..."

"Inay," putol ko sa sasabihin niya, "hindi ko naman po nakalilimutan ang lahat ng mga bilin ninyo sa akin. Huwag po kayong mag-alala, mag-iingat po kami."

"Opo, nay Rosita. Huwag po kayong mag-alala, ako na pong bahala kay Helen."

Napangiti na lang ako sa narinig. Sumingit na rin si tatay.

"Malaki ang tiwala ko sa iyo, iho. Alam kong hindi mo pababayaan itong anak ko."

"Opo, tay Mando. Makakaasa po kayo."

"Basta, ate, kuya, huwag niyo muna akong bibigyan ng pamangkin ha? Masyado akong maganda para matawag na tiyang."

Biglang nag-init ang pisngi ko sa sinabi ni Tricia. Sa lahat ba naman kasi ng masasabi niya ay iyon pa ang lumabas sa bibig niya. Ang batang ito talaga. Walang preno ang bibig.

"Loka-loka ka talaga, Tricia. Isa ka nang tiyahin. Sa ayaw at sa gusto mo, may tatawag pa rin sa iyo ng tiyang."

Napapailing na sabi ni ate Joan na ikinasimangot ni Tricia.

Magsasalita pa sana ito nang biglang may bumusina kaya napatingin kami sa labas at nakita ang tricycle na maghahatid sa amin sa terminal.

"Oh, nandito na pala ang trycicle. Tara na sa labas." Aya ni itay kaya sumunod na kami.

Nauna na si Clyde upang ilagay ang mga gamit namin habang ako naman ay nagpapaalam pa sa kanila. Agad akong bumaling kay nanay na ngayo'y naluluha na.

"Anak, magpadala ka ng sulat pagkarating ninyo roon ha, para malaman namin kung nakarating kayo ng ligtas. Huwag mong kalilimutang manalangin sa panginoon para gabayan ka. Ingatan mo ang sarili mo, at huwag mong kalilimutang kumain sa tamang oras. Palagi mong dalhin iyong inhailer mo." Mangiyak-iyak na sabi ni nanay kaya napangiti ako saka siya niyakap ng mahigpit.

"Anak, yung mga habilin sa iyo ng iyong inay ay huwag mong kalilimutan. Mag-iingat kayo roon palagi at kung sakali man na may mangyari, sabihin mo lang at susugod agad kami ng kuya mo."

Napatawa ako sa sinabi ni itay, ngunit kahit na ganoon ay alam kong gagawin niya ang sinabi niya. Siya kasi iyong tipo ng lalaki na may isang salita.

"Helen, malaki ka na. Alam mo na ang tama at mali. Proud ako bilang kuya mo. Pagbutihin mo ang iyong trabaho para sa huli ay hindi ka matulad sa akin." May kahulugang sabi ni kuya kaya sinaway ko siya.

"Kuya! Huwag kang magsalita ng ganiyan. Huwag kang mag-alala, kuya, pagbubutihin ko ang trabaho ko roon. Ate Liz, huwag ninyong kalimutang ipadala sa akin ang litrato ng pamangkin ko paglabas niya ha? At kuya, sabihin niyo rin sa akin kung kailan manganganak si ate Liz para makapagpadala agad ako. Siguro naman ay may sahod na rin ako sa araw na iyon." Tumango naman si kuya bilang pagsang-ayon habang napangiti naman ang asawa nitong si ate Liz. Yumakap muna ako sa kanila bago hinalikan ang natutulog na si Paul.

Pagkatapos nina kuya ay lumapit naman sa akin si ate Joan na halatang pigil na pigil ang pag iyak dahil namumula na ang mga mata.

"Helen. Wala na akong masabi pa. Proud na proud ako sayo. Ito lang ang masasabi ko sa iyo. Sa ating apat, kayo lang ni Tricia ang biniyayaan ng talento kaya't gusto kong gamitin ninyo ito upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang magiging pamilya ninyo. Kayong dalawa, ipangako ninyo na hindi kayo matutulad sa amin ng kuya. Ipangako niyo sa amin na kahit anong mangyari ay makakaalis kayo rito sa bukirin."

Tuluyan akong napaluha sa sinabi ni ate saka niyakap siya ng mahigpit. Gaya ni kuya ay huminto rin ito sa pag-aaral upang sa ganoon ay matulungan ang aming mga magulang na mapag-aral kami. Mas lalo na si ate Joan na isinakripisyo ang kaniyang kasal para sa amin. Ang sabi niya, hindi raw muna siya magpapakasal hangga't hindi pa niya nasisigurado na nasa maayos na kaming kalagayan ni Tricia kaya naman ay labis-labis ang pasasalamat ko sa kanya.

"Oo, ate, pinapangako ko, balang araw, maiaahon ko rin ang ating pamilya sa kahirapan. Maraming salamat sa lahat ng sakripisyong ginawa mo para sa amin."

"Oh, siya, tahan na. Basta't siguraduhin mo lang dahil kung hindi ay mababatukan na talaga kita."

Napabungisngis akong bigla sa sinabi niya. "Ang ate talaga oh. Nagawa pang mag-joke." Hindi na nakasagot si ate nang sumabat si bunso.

"Ate, ingat kayo doon ni kuya ha. Iyong sinabi ko sa inyo, huwag niyong kalilimutan."

"Ikaw talagang bata ka! Kahit kailan ka talaga. Halika nga rito!" Natatawa kong sabi bago siya hinila at niyakap ng mahigpit.

"Ikaw na bata ka'y pagbutihin mo ang pag-aaral mo. Huwag puro boyfriend ang inaatupag. Palagi mong ipadala sa akin ang card mo nang sa ganoon ay makita ko kahit na wala ako rito. Lagot ka sa akin kapag may nakita akong bagsak!"

"Bagsak na grade? Haller! As if naman, ate! Kailan pa ako nagkaroon ng mga bagsak na grades? Duh?" Natatawa kong piningot ang ilong niya bago siya yakapin. Mamimiss ko ang kaartehan ng babaeng ito.

"Siguraduhin mo lang, kung hindi ay wala kang baon ng isang buwan." Biro ko kaya napatawa naman ang lahat ng mga nandito.

"Mahal, kailangan na nating umalis. Baka hindi natin maabutan ang bus." Napabalik na lang ako sa realidad nang marinig ang sinabi ni Clyde. Agad akong kumalas sa pagkakayakap kay Tricia at humarap ulit sa kanila.

"Anak, iyong mga bilin namin sa iyo, huh? Huwag mong kalilimutan."

"Mag-doble ingat kayo roon, lalo na sa gabi."

"Huwag po kayong mag-alala, inay, itay, mag-iingat po kami roon palagi. Aalis na po kami." Hindi ko na sila hinintay na magsalita pa at agad na pumasok sa trycicle. Ayaw ko kasing makita nila akong umiiyak.

Narinig ko pa ang aking nobyo na nagpaalam sa kanila bago sumunod sa akin. Pagkapasok niya ay agad na pinaharurot ng driver ang trycicle.

"Ayos ka lang, mahal? Huwag ka nang umiyak, shhh, tahan na, mahal. Makakasama sa iyo."

Malambing niyang sabi bago ako niyakap kaya naman ay mas lalo akong napahagulgol. Alam ko naman na kailangan kong kontrolin ito at baka atakehin pa ako ng hika, ngunit hindi ko na talaga kaya.

Halos ilang minuto rin kaming ganoon hanggang sa naramdaman ko na lang ang unti-unting pagsikip ng aking dibdib. Napansin din yata ni Clyde na medyo nahihirapan na akong huminga kaya naman ay mabilis na nitong inilabas ang inhailer ko.

"Salamat."

"Walang anuman, mahal, pero sigurado ka bang ayos ka lang?"

Napangiti na lang ako sa inasal niya. Halata kasi sa mukha niya ang labis na pag-aalala. Hinawakan ko siya sa pisngi at pinisil iyon.

"Opo, mahal. Huwag kang mag alala, maayos na ako."

"Buti naman kung ganoon. Siya, mahal, ayusin mo na ang sarili mo at malapit na tayo sa terminal."

Napatingin naman ako sa labas at nakitang nasa bayan na pala kami.

Nang makarating kami sa terminal ay agad nang nagbayad si Clyde. Pagpasok na pagpasok pa lang namin ay tumambad na sa amin ang napakahabang pila.

"Hoo! Mabuti na lang at nakabili na ako ng ticket natin, kung hindi ay maghihintay pa tayo hanggang madaling araw dahil sa haba ng pila." Hindi ko na lang siya pinansin dahil abala ako sa paglilibot ng paningin.

Wala pa ring pinagbago ang lugar na ito. Maingay at mainit pa rin. Gaya nga ng sinabi ni Clyde ay paniguradong hindi kami aabot sa oras kung ngayon pa lang kami bibili ng ticket. Ang haba-haba kasi ng pila at mukha hindi umaabante.

"Mahal, halika na. Pasok na tayo, ilang minuto na lang at aalis na tayo." Napalingon ako sa kaniya at nakitang hawak-hawak na ang mga bag namin. Tinanguan ko lang siya bilang tugon bago sumunod.

Pagkaupo namin ay sakto namang umandar na ang bus kaya napatingin ulit ako sa labas. Mamimiss ko talaga ang bayang ito.

"Matulog ka na muna, mahal. Mahaba pa ang biyahe. Gigisingin na lang kita kapag may stop over."

Napatingin ako sa kaniya at nakitang titig na titig din pala siya sa akin.

"Huwag kang mag-alala, nandito lang ako. Hindi kita pababayaan."

"Alam ko. Mahal na mahal kita, Clyde."

Naramdaman ko ang paghalik niya sa noo ko kaya naman ay napangiti muna ako bago ihiling ang ulo ko sa balikat niya. Iniisip kung ano ang magiging buhay namin sa siyudad.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro