Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

September 2022 (i) Panayam kay jaydefied

1. Maaari mo bang ibahagi sa amin ang kuwento sa likod ng iyong Wattpad username?

Noong bata pa ako ay inaabangan ko ang The Voice Kids Philippines bawat katapusan ng linggo. Isa talaga sa mga tumatak sa akin mula sa Blind Auditions ay 'yong kumanta ng Defying Gravity, isang awit na galing pala sa musikal na Wicked. Nagustuhan ko 'yong kanta at ang mensahe nito kaya naging paborito ko ito at kalaunan ay ginawang inspirasyon para sa aking username sa Wattpad. Pinagsama ko ang Jay, na palayaw ko, at defied na hango sa pamagat ng kanta para mabuo ang jaydefied. To defy gravity is to fly. Jaydefied ang pinili kong username dahil ang pagsusulat ang nagbigay sa akin ng mga pakpak para makalipad at gawin ang mga bagay na akala ko noon ay imposible. Bukod doon, bilang manunulat ay mahilig akong sumubok ng mga bagong bagay at sa halip na sumabay sa agos, kinakalaban ko ito kaya jaydefied.


2. Gaano kahalaga sa iyo ang pagsusulat at bakit?

Malaking parte ang ginagampanan ng pagsusulat sa buhay ko. Bago ako napunta sa Wattpad ay isa muna akong journalist ng aming paaralan. Dahil sa pagsusulat ay nagawa kong sumali sa mga patimpalak sa pagsulat kung saan nahasa pa ang aking abilidad at nakuha ko ang karamihan sa aking mga masasayang alaala. Sa pamamagitan ng pagsusulat ay naibabahagi ko rin ang aking mga ideya at opinyon. Isa akong introvert kaya sa pagsusulat ko talaga mas naipapahayag ang aking sarili. Higit pa roon, ito ang aking nagiging libangan kapag nahihirapan na ako sa mga gawain namin sa kolehiyo o kapag nakakaramdam ako ng biglaang pagkalungkot. Pagsusulat ang isang daan para makatakas ako kahit pansamantala sa mapait na reyalidad. Ito ang nagpapasaya sa akin at humihilom sa mga sugat na hindi magagamot ng medisina.


3. Mayroon ka bang sariling akda na nais mong irekomenda sa mga hindi pa nakapagbabasa ng iyong gawa?

Ang irerekomenda ko sa mga mambabasang hindi pa nadidiskubre ang aking mga gawa ay ang The Lost Prodigy. Ito ang nobelang pinakamatagal kong natapos dahil sa kalagitnaan ng pagsusulat nito ay unti-unti akong nawalan ng gana magsulat dala ng pressure sa aking pagtatapos ng Junior High School at hirap na naranasan ko pagdating ng Senior High School. Sa kabila no'n ay ito rin ang nobelang bumuhay sa apoy na minsan na ay naglaho. Inaamin kong hindi ito ang pinakamagandang nobelang naisulat ko pero ito ang humila sa akin pabalik sa Wattpad. Kahit inabot ng tatlong taon ay ipinagmamalaki kong natapos ko ito at nabigyan ko ng magandang wakas ang istorya.


4. Paano ka nagsimula sa pagsusulat ng mga kuwentong may temang LGBTQIA+?

Isang linggo bago magsimula ang online classes namin noong 2020 ay napagdesisyunan kong basahin ang isang LGBTQIA+ na akda. Iyon ang unang nabasa ko na may gano'ng genre at tumatak talaga sa isip at puso ko ang kuwentong iyon. At dahil isa akong manunulat na nakakakuha ng inspirasyon sa lahat ng bagay, iyon ang naging dahilan para sumubok akong lumikha ng nobelang may kaparehong kategorya dahil alam ko sa sarili kong may kuwento akong gustong ibahagi sa mundo at ito na ang perpektong pagkakataong gawin iyon.


5. Ano ang kasulukuyang genre na isinusulat mo? Nais mo bang mag-venture out at sumubok naman ng ibang uri ng kuwento?

Sa ngayon ay sinusubukan kong magsulat ng mga epistolary na nobela dahil nagbibigay ito ng aliw sa akin at hindi ako masyadong nahihirapang isulat ito. Ang genre ng epistolary na nasimulan ko ay ang Young Adult dahil nasa ganito na rin akong antas ng buhay at may mga karanasan akong nais kong ibahagi sa pamamagitan nito. Sa hinaharap ay gusto kong magsulat ng Mystery/Thriller dahil nagagalingan ako sa mga manunulat ng kategoryang ito at namamangha ako kung paano sila nakakaisip ng mga plot twist. Nais ko ring magsulat ulit ng Fantasy na nobela dahil ito ang paborito kong genre at pinaplano ko na ring gumawa ng trilohiya.


6. Sa dalawang beses mong pagkapanalo sa Wattys Award, maaari mo bang ibahagi sa amin ang iyong buong proseso ng pagsusulat?

Parang panaginip pa rin ang pagkapanalo ko sa Wattys 2016 at Wattys 2021. Bilang isang manunulat, hindi gano'n ka-sistematiko ang proseso ng aking pagsusulat. Sinusulat ko muna 'yong plot at gagawan ng short characterization ang mga characters. Gumagawa ako ng outline kung saan nilalagay ko kung ano ang mga kaganapan bawat kabanata pero kadalasan ay hindi ko rin ito nasusunod. Ginamit ko lang ito bilang gabay para hindi ako mawala sa kuwento.

Noong isinulat ko ang Irreplaceable, wala talaga akong ginawang outline no'n. Kung ano lang 'yong pumasok na eksena sa isipan ko ay 'yon na agad ang aking sinusulat. Sa Drawn to His Flame ako gumawa ng outline pero ilan lang ang nasunod ko dahil kapag nagsusulat ay may mga ideya na bigla na lang sumusulpot sa isip ko na mas maganda kaya iyon na lang ang aking sinasama.

Nagbabasa rin ako ng mga nobela at nanonood ng mga pelikula at palabas paminsan-minsan kapag nakararanas ako ng writer's block para makakuha ng inspirasyon. Importante ang brainstorming at kapag nakakaisip ako ng ideya ay sinusulat ko ito sa notes ng aking cellphone o sa isang piraso ng papel para hindi ko ito makalimutan.


7. Kung bibigyan ka ng pagkakataong pumili ng manunulat na magsusulat sa kuwento ng iyong buhay, sino ito at bakit?

Si Miss Jonaxx ang pipiliin ko para magka-Romance naman 'yong buhay ko char hehe. Siya talaga ang isa sa mga manunulat na tinitingala ko sa industriya dahil sa kanyang nakakabilib na talento at magandang ugali. Nabasa ko na ang kanyang mga akda at hindi kailanman ako nabigo ng kanyang mga gawa. Kung si Miss Jonaxx ang magsusulat ng kuwento ng aking buhay, alam kong magagampanan niya ito nang higit pa sa inaasahan ko at makakaya niyang isabuhay lahat ng emosyon at napagdaanan ko para magbigay ng aral at inspirasyon sa lahat ng makababasa ng aking kuwento.


8. Ano ang isang bagay na kaya mong isakripisyo para sa pagsusulat? At bakit?

Oras. Napakahalaga sa atin ng oras. Madami akong pwedeng gawin imbes na umupo sa harapan ng screen ng aking laptop para magsulat buong hapon pero para sa pagsusulat ay kaya kong isakripisyo ang oras. Dahil kung mahal mo, pagtutuunan mo talaga ng pansin at paglalaanan ng oras.


9. Ano ang iyong pinakahindi makalilimutan na karanasan bilang isang manunulat?

Ang pagkapanalo ko ng dalawang Wattys Award ay ang hindi ko makalilimutang karanasan bilang manunulat. Nobyembre 2016 noong nakatanggap ako ng mensahe na nakuha ng aking nobelang Irreplaceable ang Writer's Debut Award ng taong iyon. Isa akong baguhang manunulat na sumabak sa Wattys sa pinakaunang pagkakataon kaya hindi ko inaasahang mapipili ako. Naalala ko pa kung paano ako tumalon-talon sa saya dahil sa aking pagkapanalo. Lumipas ang limang taon at nabiyayaan ulit ako ng Wattys sa kategoryang Young Adult, kasama ang espesyal na gantimpalang "Pinakanakabibighaning Hook", para sa Drawn to His Flame. Lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng mga ito at mas lalo kong pagbubutihan ang aking mga likha.


10. Saan mo nakikita ang sarili mo pagkalipas ng limang taon?

Pagkalipas ng limang taon, kung papalarin, may tatlong letrang dudugtong sa aking apelyido at iyon ay ang titulong CPA. Nakikita ko rin ang aking sariling nakaupo sa isang parihabang lamesa, nagtatawanan kasama ang ibang mga manunulat sa isang book signing event. Nakangiti ako pero nanlalabo ang aking mga mata dahil sa wakas ay hawak-hawak ko na ang mga pisikal na kopya ng mga nobelang sinulat ko nang buong puso.


11. Ano ang iyong maipapayo sa mga bagong manunulat?

Hayaan mong gabayan ka ng puso mo at isipan. Gamitin mo ang iyong kaalaman para maayos mong maisulat ang iyong obra pero huwag mong kalilimutang pakinggan ang iyong puso dahil ito ang magbibigay-buhay sa mga letra at salitang hinabi mo.

Hayaan mong kumawala ang iyong imahinasyon at huwag mong problemahin ang mga errors na maaari mong magawa kapag nagsusulat dahil maaari mo pa itong maayos sa sunod pero kapag huminto ka para itama kaagad ang iyong mga pagkakamali ay pwede kang mawala sa momentum.

Tiwala sa sarili ang iyong armas na kailangan dahil hindi natin maiiwasan ang ikumpara ang mga gawa natin sa iba pero isa-isip parati na lahat tayo ay may kanya-kanyang pace. Kung pakiramdam mo ay nahuhuli ka, huwag kang panghinaan ng loob dahil hindi naman karera ang pagsusulat. Darating at darating din ang tamang panahon para sa 'yo kaya habang naghihintay ay magpursige ka rin at magpatuloy sa paghasa ng iyong kakayahan.

Higit sa lahat, isulat mo kung ano ang gusto at mahal mong isulat. Nagsimula ako sa pagsusulat ng pantasya na mahal na mahal ko at nagbunga ang pagmamahal na ito kaya alam kong magbubunga rin ang iyo.


1. Magsulat na puyat o Magsulat na gutom?

Magsulat na puyat

2. Walang takot na karakter o Matatakuting karakter?

Walang takot na karakter

3. Maging scriptwriter o Maging direktor?

Maging scriptwriter

4. Maling lyrics o Maling subtitle?

Maling lyrics

5. Cliffhanger o Plot twist?

Plot twist

6. Masakit na katotohanan o komportableng kasinungalingan?

Masakit na katotohanan

7. May drafts pero hindi matapos o May plot pero hindi maituloy?

May plot pero hindi maituloy

8. Maging mahirap pero masaya o Maging mayaman pero malungkot?

Maging mayaman pero malungkot

9. To be continued o The end?

The end

10. Magkaroon ng kapangyarihan magsulat nang mabilis o Magkaroon ng kapangyarihang magbasa nang mabilis?

Magkaroon ng kapangyarihan magsulat nang mabilis

11. Libro o Pelikula?

Libro

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro