Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

May 2022 (i) Panayam kay marisswrites

1. Maaari mo bang ibahagi sa amin ang kuwento sa likod ng iyong Wattpad username?

Nagsimula ako sa Wattpad gamit ang buong pangalan ko bilang username. Pinalitan ko ito as MarissRocks_ noong nabasa ko ang My Wattpad Love dahil ang username ng bida ro'n ay JulesRocks. Hahaha. Hanggang sa medyo naging jeje na sa paningin ko 'yon, ginawa ko itong MarissReads_ dahil active na active ako sa pagbabasa no'n. Halos dalawang taon pa lang ang nakakaraan simula nang pinalitan ko ito at ginawang "marisswrites" dahil maganda siya sa pandinig ko at tamang-tama lang dahil nandoon pa rin ang pangalan ko. This time, "writes" na ang nakalagay na kasunod nito dahil mas madalas na akong magsulat ngayon kaysa ang magbasa.


2. Kung bibigyan ka ng pagkakataon na makapagsulat ng kahit anong kuwento na walang limitasyon, ano ang magiging tema nito?

Gusto kong magsulat ng psychological story kung saan mapapasok ng character ang isip ng mga tao at maiintindihan ang pinakapinanggagalingan ng trauma o mental illnesses nila. Gusto kong gamitin yung "walang limitasyon" na yon para maghatid pa ng mental health awareness.


3. Ano ang pinakamahirap na aspeto ng pagiging manunulat?

Isa sa mga nagpahirap sa akin ay yung ending ng bawat novel na isinusulat ko. Hindi ako nahihirapan simulan ang lahat hanggang sa makarating na sa climax, pero kapag ending na ang isusulat, doon na ako talagang nahihirapan dahil hindi ko alam kung paano ko tatapusin ito nang aayon sa gusto ko at sa dapat na maging ending nito.


4. Saan mo nakikita ang sarili mo pagkalipas ng limang taon?

In five years, nakikita ko pa rin ang sarili ko na nagsusulat ng mga story na may kinalaban sa mental health at societal issues. Hindi ko pa rin naman nakikita ang sarili ko bilang isang sikat na manunulat tulad ng iba, pero alam ko na sa loob ng mga taon na yon, marami na rin akong nai-self-publish na mga aklat dahil 'yon naman ang kadalasan na ginagawa ko.


5. Ano ang moral lesson na gusto mong mapulot ng iyong mga mambabasa sa iyong kuwento na "Saving Serene"?

Noong sinmulan ko 'yon isulat noong 2018, invalidated kasi yung mga emosyon ko. Naisip ko na gumawa ng isang nobela na huhukayin lahat ng emosyon na nararamdaman ng isang tao na madalas tinatawag na "OA" ng nakararami. Gusto kong iparamdam sa mga nagbabasa ng Saving Serene na, valid ang mga emosyon nila. Na, hindi rin naman nila ginustong maramdaman yung mga nararamdaman nila ngayon kaya hindi dapat sila napagsasalitaan ng "OA" o "madrama" kasi hindi dapat.

Gusto ko rin matutunan ng mga nagbabasa na, sa lahat ng oras, dapat maging maingat sa mga bibitiwang salita. Gusto kong humingi kaagad sila ng tulong kapag pakiramdam nila, hindi sila okay at mag-isa lang sila sa laban. Na walang mali ang humingi ng tulong. Walang mali ang mahuli sa success sa buhay kasi hindi naman ito karera. Higit sa lahat, gusto kong matutunan nila kung paano tumatakbo ang utak ng isang tao na hindi na rin maintindihan ang sarili nila. Kung sakali man na may kakilala sila na katulad na ni Serene sa pagkilos at pagsasalita, sana maintindihan nila na hindi madali ang pinagdaraanan niya. Na magulo ang isip niya at nawawala siya sa tamang direksyon. Na kailangan niya lang ng makikinig at yayakap sa kan'ya sa mga panahong sobrang hina na niya.


6. Ipinagdiriwang ang Labor Day ngayong buwan ng Mayo. Ano ang maipapayo mo sa iyong mga mambabasa upang ipagpatuloy nila ang kanilang pagsisikap para sa kanilang magandang kinabukasan?

Hindi talaga ako magaling magbigay ng payo pero kung sakali man na may pinagsisikapan silang kahit na anong bagay sa ngayon, 'wag silang titigil kahit na pakiramdam nila, wala nang sense ang ginagawa nila. Darating din ang araw na kakailanganin ng mundo ang bagay na ginagawa nila ngayon. May tamang oras para sa lahat ng bagay kaya huwag kayong susuko! <3


7. Para sa iyo, ano ang kahinaan mo pagdating sa pagsusulat? Paano mo ito nabibigyang solusyon upang mapabuti mo ito?

Pinakanahihirapan akong magsulat ng ending. Sa lahat, nagiging maayos at mabilis ang pagsusulat ko, pero kapag ending na, alam kong nandoon na ang bagay na alam kong hindi ako masyadong magaling. Madalas na dahilan nito ay yung takot ko na baka makakuha ako ng mga komento na nagsasabing hindi maganda ang ending o hindi worth it sa oras na inilaan nila. Ilang taon na akong nagsusulat at 'yon ang isa sa mga main concern ko talaga. Pero dahil alam kong hindi naman lahat ng mambabasa ay magkakatulad ng gusto sa isang nobela, hindi ko na gaanong pinoproblema ang bagay na 'yon. Ang naging solusyon ko rito ay isulat pa rin ang orihinal na ending na naisip ko, gaano man ito kapangit para sa akin o sa ibang mambabasa. Bilang manunulat, kung sa tingin ko'y 'yon ang ending na nararapat para sa isang nobela na naisulat ko, karapatan kong isulat 'yon kahit na hindi magustuhan ng karamihan.


8. Mayroon kang 43 na nakathang kuwento at epistolary sa Wattpad sa ngayon. Maaari mo bang ibahagi sa amin ang iyong sikreto sa pagsusulat ng maraming kuwento?

Wala naman din akong sikreto. Basta nagtitipa lang ako ng mga letra sa laptop at cellphone para mabuo ang mga story. Madalas, nagre-research ako ng mga impormasyon kaya may mga nobela na talagang ang tagal kong matapos, pero 'yon lang. Tiyaga lang talaga. Isa siguro sa mga dahilan kung bakit ang bilis kong magsulat ay kinikilala ko nang mabuti ang mga karakter ko. Bago ko sila isulat, nagbabasa muna ako ng mga article tungkol sa mga katangian nila. Binubuo ko na muna sa isip ko ang plot at paminsan-minsan, gumagawa ako ng outline, pero ngayon, hindi na talaga. Haha. Nakatulong na rin siguro na matalas ang memorya ko kaya kahit hindi na ako gumawa ng outline, natatandaan ko ang mga detalye ng isang nobela kahit na sa mga susunod na buwan o taon ko pa sila sisimulan isulat.


9. Nabanggit mo ito sa iyong bio: "Trying to write stories that scares and teaches herself a little.". Ano ang ibig mong ipahiwatig dito?

Isa ako sa mga manunulat sa isang writing community na tinatawag na Guilty Reads. Sa community na ito, natututo kami nang libre tungkol sa tamang paraan ng paggawa ng nobela, tamang paggamit ng mga salita, at maraming iba pang bagay na tungkol sa literatura. Tungkol naman sa phrase, may orihinal talagang bersyon 'yan mula kay Holly Gert. Binago ko lang nang kaunti at inangkop sa sarili. Naisip kong gamitin 'yan bilang bio ko kasi, nang dahil sa pagsusulat, "natututo" ako ng mga bagay na hindi ko pa alam. Lumalawak yung kaalaman ko sa iba't ibang aspeto, pati yung pag-intindi ko sa iba't ibang sitwasyon. Kasama nito, marami akong bagay na "kinatatakutan" sa totoong buhay . . . sa labas ng pagsusulat. Gamit ang pagiging manunulat ko, hinaharap ko yung mga bagay na madalas maging dahilan ng pagpigil ko sa sarili. Ilang halimbawa nito ay ang pagsusulat ko ng isang nobela tungkol sa mga bagay na hindi ko nagawa noon dahil sa takot ko. Bukod dito, maraming mga bagay na dapat ipaalam sa mga tao. Maraming mga social issues na dapat talakayin. Politics, bad parenting at kung ano-ano pang mga sensitibong topic dito sa bansang Pilipinas, gusto kong magsulat ng mga tungkol dito. Madalas, nakakatakot ang magiging reaksyon ng mga mambabasa dahil iba-iba nga naman ng paniniwala ang bawat isa, pero hindi naman mali ang magsalita at magbigay ng opinyon gamit ang nobela sa mga bagay na sa tingin ko, sa tingin ng iba pang manunulat, ay mali.


10. May maipapayo ka ba sa mga bagong manunulat?

Wala akong ibang kayang ipayo kung hindi "huwag tumigil." Kahit gaano karami man ang nagsusulat ngayon, kahit na isinusulat din ng iba ang prompts na naiisip ninyo, 'wag kayong tumigil sa pagsusulat nito dahil, iba pa rin sa pakiramdam kapag sariling boses ang ginamit mo.


11. Ano ang mensahe mo sa iyong mga mambabasa?

Gusto kong magpasalamat sa inyong lahat dahil, kahit na dumarating yung panahon na ayaw ko magsulat dahil sa personal na problema, kahit na pakiramdam ko, hindi naman nararapat ang mga nobela ko para paglaanan nila ng oras, nananatili pa rin sila at pinararamdam sa akin ang kanilang suporta. Gusto ko rin magpasalamat sa mga mambabasa ko magmula pa noon hanggang ngayon. Sa mga mambabasa na nakakita ng improvement ko sa lahat, maraming maraming salamat po! Nangangako po akong gagalingan pa at magbabahagi ng mas magagandang istorya sa mga susunod na buwan at taon.


1. Sneakers o High Heels?

Sneakers

2. Iced Tea o Milktea?

Milktea

3. Titanic o A Walk to Remember?

A Walk to Remember

4. Dahon o Bulaklak?

Bulaklak

5. Mata o Ilong?

Mata

6. Makakuha ng good morning text o good night text?

Good morning texts

7. Tumira sa Probinsya o sa Siyudad?

I've been living in the province since birth, eh. So, sa siyudad naman tayo Hahaha

8. Ipis o Gagamba?

Wala po huhu

9. Reality Show o Documentary?

Documentary

10. Nagbabalik na pagkakaibigan o Nagbabalik na pagmamahalan?

Nagbabalik na pagkakaibigan

11. To be continued o The End?

To be continued

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro