June 2022 (i) Panayam kay allthegodsaredead
1. Maaari mo bang ibahagi sa amin ang kuwento sa likod ng iyong [mga naging] Wattpad username?
Wala namang malalim na backstory ang mga naging username ko sa Wattpad. Halimbawa, una kong ginamit ang shawarmaroulette na username dahil paborito kong pagkain shawarma. Ang iba pang mga former usernames ay dahil sa kadahilanan na maganda ito sa aking pandinig. Ngayon, pinili kong maging permanenteng username (sana) ang allthegodsaredead dahil poetic ang dating nito sa akin at gusto kong iangkop ang aking pseudonym sa dea/th at sa konsepto ng "kung paano ang mundo kung wala nang isinasamba".
2. Gaano kahalaga sa iyo ang pagsusulat at bakit?
Sa totoo lang, mayroon akong love-hate relationship sa pagsusulat. Ilang beses na akong nagtangkang lisanan ito nang pangmatagalan pero mas lalo lamang akong nahihila nito. Siguro, kahit paurong-sulong ang ginagawa ko, sa hulihan ay natatagpuan ko pa rin ang sarili na bumalik sa larangang ito. Kaya napakahalaga ng pagsusulat sa akin dahil minahal ko rin ang kasanayang ito at tanging magagawa ko lamang ay gawing worthwhile ang mga pagkakataong natatamasa ko; kabilang na roon ang magbahagi at umintindi sa mga karanasan.
3. Mayroon ka bang sariling akda na nais mong irekomenda sa mga hindi pa nakapagbabasa ng iyong gawa?
Ang epistolary novel ko na pinamagatang, 'Crows Eat Worms', pa lamang ang masasabi kong matinong gawa ko, kahit sa kabila ng sensitibong nilalaman nito. Sa katunayan, hindi ko alam kung recommendable nga ba ito ngunit kung may magtatangka ngang magbasa, nawa'y matibay ang sikmura niyo't malawak ang isipan sa pagtuklas sa kwento, charing. Payo ko lang talaga ay basahin ang content warning bago magpatuloy sa pagbabasa.
4. Saan mo madalas nakukuha ang mga ideya sa kuwentong isinusulat mo?
Ang mga kantang madalas na pinapakinggan ko, pelikulang napapanood, o mga tunay na pangyayari/karanasan ang mga nagsisilbing writing prompts ko na nagtutulak sa akin upang makabuo ng kuwento.
5. Ano / Paano ang proseso ng iyong pagsulat?
Hindi ako ang tamang tao na para mapagtanungan nito dahil isa akong pantser na uri ng writer (charing). Hindi ako gumagawa ng outline, ngunit lagi kong isinaalang-alang kung ano nga ba ang layunin ang nais kong ihain at ibahagi na kuwento sa mga mambabasa na siyang mag-uugnay sa aming kaisipan at pilosopiya sa isang bagay. Tapos, the rest sa proseso na nonexistent naman. . .ipinapasalangit ko na lang.
6. Mas sinusubukan mo bang maging orihinal sa mga isinusulat mo o maihatid sa mga mambabasa ang gusto nila?
Base sa dyanra at temang kinabibilangan ng mga gawa ko ngayon, masasabi kong hindi ito ang tinatawag na cup of tea nila, kaya sa tingin ko'y nasa hanay ako ng pagkakaroon ng authenticity sa akda ngunit naroon pa rin ang obhetibo na maihatid ang gusto nila—ngunit sa ibang estilo nga lang.
7. Sino-sinong mga manunulat ang naging kaibigan mo na, at paano ka nila tinutulungan na maging isang mas mahusay pa na manunulat?
Bago pa man ako muling nakapasok sa Wattpad ay marami-rami na rin akong naging kaibigan na manunulat sa labas nito. Pero kung may mga pangalan man akong babanggitin ay iyon sina: art (@adthemediator), ysarra cei (@ceiyuri), at Lolo Penguin (kahit sa Facebook comment section lang kami nag-iinteract, haha!), dahil ang mga gawa nila at estilo ay isa sa mga inspirasyon ko sa pagsusulat. Dagdag na rin sa pagtitiwala ng iba kong mga kaibigan na kahit papaano ay may binabatbat naman ako sa larangang ito. Sila ang dahilan kung bakit hinuhulma ko pa ang sarili upang maging mas mahasa ang kakayahan.
8. Kung may sasabihin ka sa younger writing self mo, ano ito?
Malayo ka pa rin . . . pero nais kong ipaalala sa'yo na malayo ka na.
9. Ano ang iyong pinakahindi makalilimutan na karanasan bilang isang manunulat?
Lagi kong pinahahalagahan ang mga tagumpay na nakamit ko sa pagsusulat, malaki man ito o maliit. Subalit ang tumatak sa akin sa kasalukuyan ay: iyong nakilahok ako sa kolaborasyon o Write-for-a-Cause kasama ang iba pang mga tumitingkad na manunulat sa panahon ngayon upang gumawa ng donation drive na nakalaan para sa mga nasalanta ng Bagyong Odette na tumama noong Disyembre 2021. Dahil doon ay nabigyan akong pagkakataon na mas makilala ang kapwa ko pa manunulat at makatulong kahit papano sa ibang tao. Dagdag pa, iyong natupad ko ang hangarin na malathala ng softcopy ng zine na patungkol sa usaping lipunan para ibahagi ito sa madla.
10. Saan mo nakikita ang sarili mo pagkalipas ng limang taon?
Panahon lamang ang magsasabi ng aking kinahihinatnan sa hinaharap. Hindi makakaila ang posibilidad na maaari akong kumalas sa birtwal na mundo para harapin ang realidad, pero alam kong kahit saanman ako tumungo ay isa pa rin akong manunulat. At kung balang araw man ay binitiwan ko na ang larangang ito, patuloy ko pa ring iibigin ang mga panahon na minsang minahal ko ang pagsusulat.
11. Ano ang iyong maipapayo sa mga bagong manunulat?
Kahit ilang taon na akong nagsusulat, kinokonsidera ko pa rin ang sarili bilang isang baguhan dahil marami pa dapat akong matutuhan. . .sa kadahilanan na rin na mas nanaig ang takot noon kaya maraming pinto ng oportunidad ang 'di ko nabuksan. Maraming pagkakataon ang nasayang. Kaya ikaw, manunulat, lalo na sa mga kabataang manunulat, hangga't nagliliyab ang pagnanais niyong magsulat, gawin niyo na. Write badly dahil the best of you will blossom eventually. Huwag ikahon ang sarili at hayaan mong magkamali ka, makaramdam ng pagkabigo. Ngunit huwag mong hayaang manahan ang takot o ang insekrudidad o ang mababang pagtingin sa sarili sapagkat sa pagkalugmok lamang ito mauuwi. Magpundar ng tiwala at kumpiyansa sa sarili para sa pagsusulat na mapagpalaya't mapayapa.
Kaya, Padayon, kapwa manunulat. Ang sining mo'y dakila at nakapagpapabago.
1. Magsulat na puyat o Magsulat na gutom?
Magsulat na puyat. Iyon naman kasi ang gawain ko na talaga at aren't we all? Chariz!
2. Walang takot na karakter o Matatakuting karakter?
Walang takot na karakter, dahil matakutin na ang writer xDD
3. Maging scriptwriter o Maging direktor?
Shemz, parang 'di ko yata kaya by Jessa Saragoza, but maging direktor this time :DD
4. Maling lyrics o Maling subtitle?
Maling lyrics dahil hinulma ako ng KPOP, charing.
5. Cliffhanger o Plot twist?
Cliffhanger kahit ayaw kong binibitin ako :O
6. Masakit na katotohanan o komportableng kasinungalingan?
Masakit na katotohanan.
7. May drafts pero hindi matapos o May plot pero hindi maituloy?
May plot pero hindi maituloy, because I mastered the art of letting go already. Emz.
8. Maging mahirap pero masaya o Maging mayaman pero malungkot?
Maging mayaman pero malungkot, kasi at least naman noh 'yung panyong pamahid ko sa luha ko dollar bills, charing.
9. To be continued o The end?
The end, tapos magrereklamo ako ba't bitin, and the cycle goes on. Charing!
10. Magkaroon ng kapangyarihan magsulat nang mabilis o Magkaroon ng kapangyarihang magbasa nang mabilis?
Magkaroon ng kapangyarihan na magsulat nang mabilis dahil ang hirap mag-overthink constantly na may kwento na nakatengga XD.
11. Libro o Pelikula?
Pelikula.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro