July 2022 (i) Panayam kay writeblakewrite
1. Maaari mo bang ibahagi sa amin ang kuwento sa likod ng iyong Wattpad username?
Naisip ko ito para i-encourage at laging ipaalala sa sarili ko na magsulat. Write, Blake, write.
2. Gaano kahalaga sa iyo ang pagsusulat at bakit?
Writing is like breathing para sakin (pwera sa mga susunod na pag-e-edit). Siguro ito lang yung kaya kong gawin sa mundo na para akong walang pasan na kung anong mabigat.
3. Mayroon ka bang sariling akda na nais mong irekomenda sa mga hindi pa nakapagbabasa ng iyong gawa?
The Switch. Ang unang fanfic na ginawa kong libro tungkol sa kambal na nagpalit ng kaluluwa. Available sa amazon at sa Shopee store ko.
4. Saan mo kinukuha ang inspirasyon sa mga kuwentong isinusulat mo ngayon?
Ngayon, tinatapos ko pa rin ang isa kong ongoing na fanfiction. After nito, balak ko din mag-venture sa mga original fiction stories dito sa Wattpad.
5. Sa lahat ng mga naisulat mo, alin ang pinakamalapit sa kuwento ng iyong buhay? O kung wala, naiisip mo bang isulat ito sa hinaharap?
Wala pa naman, pero pakiramdam ko sa lahat ng kuwento na naisulat ko, lagi namang may parte ng aking sarili na nakaukit doon.
6. Para sa iyo, gaano kahalaga ang mga salita?
Bilang isang manunulat, ito yung isang bagay na talagang sa akin lang. Puwedeng ihulma sa kahit anong porma, puwedeng gamitin sa kahit anong atake at laban. Wala ding makaka-agaw nito, walang makakapagsabi kung saan at paano ko gagamitin (maliban sa pinakamamahal kong editor).
7. Sa lahat ng manunulat na iyong hinahangaan, sino ang pinakanagbigay sa iyo ng inspirasyon o nakatulong upang mas mahasa pa ang iyong kakayahang magsulat?
Si Stephen Chbosky. Noong sa notebook pa ako nagsusulat ng mga tula at istorya, Perks of Being A Wallflower talaga ang inspirasyon ko.
8. Paano mo napagsasabay ang pagsusulat at mga pinagkakaabalahan mo sa labas ng Wattpad?
Naka work from home naman ako, kaya yung oras na gugugulin sa biyahe ay nagagamit ko sa pagbabasa o pagsusulat.
9. Ano ang iyong pinakahindi makalilimutan na karanasan bilang isang manunulat?
Siguro noong kaarawan ko last 2021. Yung mga kaibigan at mambabasa ko sa Twitter ay naghanda ng mga sorpresa para sa akin. Pakiramdam ko noon, isa na akong matagumpay na manunulat dahil may mga tao nang sumusuporta sa akin at nagmamahal sa aking mga kuwento na hindi ko kilala sa totoong buhay.
10. Saan mo nakikita ang sarili mo pagkalipas ng limang taon?
Nagsusulat pa din at may walo nang self-published na libro.
11. Ano ang iyong maipapayo sa mga bagong manunulat?
Magsulat ka lang. Ito lang talaga ang bala natin. Wala tayong laban o giyera na masasalihan kung wala ka pang nasusulat at nasisimulan, gaano man kalaki o kaliit. Also, be patient. May mga istorya na overnight success, oo, pero kung nais mo talagang gumawa ng career out of writing na magiging proud ka, kailangan mong trabahuhin.
1. Magsulat nang walang outline o hindi?
Magsulat nang walang outline
2. Magkulong sa kuwarto o tumambay sa labas?
Magkulong sa kuwarto
3. Bumalik sa nakaraan o pumunta sa hinaharap?
Bumalik sa nakaraan
4. Makinig ng isang podcast o manood ng pelikula?
Manood ng pelikula
5. Mabigyang payo ang sarili noong bata ka pa o makausap ang mas matandang ikaw?
Mabigyang payo ang sarili noong bata ka pa
6. Magbasa o magsulat?
Magsulat
7. Maaraw o maulan?
Maulan
8. Mag-beach kasama ang best friend o mag-hike kasama ang crush?
Mag-beach kasama ang best friend
9. Mahal ko o mahal ako?
Mahal ako
10. Kape o tubig?
Kape
11. Manalo sa lotto o maging isang exclusive author sa isang sikat na publishing company?
Manalo sa lotto
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro