December 2022 (i) Panayam kay UndeniablyGorgeous
1. Maaari mo bang ibahagi sa amin ang kuwento sa likod ng iyong Wattpad username?
Mai_Melody13 ang una kong username sa wattpad, hanggang sa naisipan kong magpalit ng pangalan. Wala akong maisip sa loob ng ilang araw. Buti na lang nakita ko ang isang magazine tungkol sa tourism ng Switzerland. Undeniably Gorgeous places to visit. Nagustuhan ko ang salitang UndeniablyGorgeous at magmula sa araw na iyon, ito na ang aking username sa Wattpad. :)
2. Kung bibigyan ka ng pagkakataon na makapagsulat ng kahit anong kuwento na walang limitasyon, ano ang magiging tema nito?
Nais kong talakayin ang mga sensitibong isyu ng lipunan, relasyon, at mga bagay na hindi nais pag-usapan o kung minsan ay hindi gaano napag-uusapan. Tulad ng World Wars, Martial Law, Pre-colonial Philippines, at marami pang iba.
3. Ano ang pinakamahirap na aspeto ng pagiging manunulat?
Para sa akin, ang pagsusulat nang matagal lalo na kapag kay raming bagay sa buhay na dapat unahin. May mga pagkakataon na ang hirap balikan ng mga unang kabanatang isinulat ko dahil may mga detalye at eksena na hindi ko na maalala. Gayunpaman, may mga paraan pa rin naman para mabalikan ang mga naiwang kabanata tulad ng pag-reread o basahin muli sa umpisa ang kuwento.
4. Saan mo nakikita ang sarili mo pagkalipas ng limang taon?
Ako'y nagsusulat pa rin at patuloy na nagsusulat para sa aking sarili, hilig, pangarap, at lalong-lalo na sa aking mga Sunshines.
5. Ano ang iyong naging inspirasyon para isulat ang kuwento na "Socorro"?
Inspirasyon ko ang mga kababaihan, kabataan, at lahat ng taong may matinding hangarin upang matupad ang kanilang pangarap. Ang kuwentong Socorro ay nais kong ialay sa mga taong nagdadalawang-isip sumubok, maging sa mga taong nakakaramdam ng pagkukulang sa buhay.
6. Ngayong Disyembre sinasalubong ang holiday season. Bilang isang Wattpad Star, ano ang gusto mong matanggap na regalo at bakit?
Nais kong makatanggap ng mahaba at sapat na oras upang makapagpahinga at makapagsulat muli. Nais kong magsulat buong araw, magmuni-muni, at muling balikan ang aking mga nobela. Pagkatapos ng pahinga at muling pagsusulat, nais ko rin makasama ang aking mga pamilya, kaibigan, at mga Sunshines sa holiday season (Kahit online meeting lang)
7. Ano ang hindi mo inaasahang matutunan bilang isang manunulat at Wattpad Star? Nakatulong ba sa iyo ito?
Mas naging organisado ang aking pagsusulat lalo na dahil nagagawa ko nang i-track ang aking mga isinusulat. Marami rin akong natututunan mula sa feedback ni Ms. Peach at sa mga writing tips & materials upang makatulong sa pagsusulat.
8. Para sa iyo, ano ang iyong writing quirk? Paano mo ito naipapakita sa iyong mga kuwento?
Nakahiligan ko ang paggamit ng mga tayutay o figures of speech. Madalas akong mahulog sa ganda ng mga salita. Madalas din akong magbahagi ng mga maiikling tula sa loob ng nobela.
9. Kilala ka bilang isang manunulat na ang mga kuwento ay ginanap noong 19th century sa Pilipinas. Bakit mo naisipang magsulat sa siglong ito?
Nais kong buhayin muli sa pagsusulat ng Historical Fiction ang ating nakaraan, kasaysayan, at ang bayan. Sa pamamagitan nito, nais kong isama kayo sa unang panahon. Ang lahat ng ngiti, kagalakan, luha, pighati, at maraming pang iba ay nais kong maunawaan niyo na hindi tayo naiiba sa kanila. Sa pagbabasa, maaari tayong makapunta sa iba't ibang oras at panahon.
10. May maipapayo ka ba sa mga bagong manunulat?
Ang lahat ng bagay na pinaghirapan ay magbubunga nang maganda sa huli. Mahaba pa ang iyong lalakbayin ngunit huwag ka sanang tumigil. Huwag ka sanang tumigil sa pagsusulat. Yakapin mo ang pagsusulat na parang ito'y kabahagi ng iyong kaluluwa. Maging bukas din ang ating isipan sa lahat ng ating haharapin, lagi tayong maging handa sa ikauunlad ng ating kakayahan. Ang pagsusulat ay walang katapusang paglalakbay. Wala rin itong finish line na dapat maabot mo agad. Huwag mong pagdudahan ang iyong sariling kakayahan dahil lahat ng manunulat ay may kani-kaniyang talento na hindi dapat ipagkumpara sa iba.
11. Ano ang mensahe mo sa iyong mga mambabasa?
Ako'y taos-pusong nagpapasalamat sa patuloy niyong pagsuporta at pagmamahal sa aking mga akda, Sunshines! Salamat dahil sinasamahan at sinasabayan niyo ako sa bawat kabanata. Higit akong masaya kapag nagbabahagi kayo ng inyong mga natutunang aral sa aking mga nobela. Higit akong nagpapasalamat sa inyong pagyakap sa mga karakter sa aking kuwento na kahit hindi perpekto ay inyo pa rin silang inuunawa. Kung dati, nagsusulat ako para sa aking sarili. Ngayon, kasama na rin kayo sa aking higit na inspirasyon kung bakit ako nagsusulat. Kayo ang liwanag na bumubuhay sa akin upang patuloy na magsulat. Sinisinag ko kayong lahat! :)
1. Sisig o Fried Chicken?
Fried Chicken
2. Magsalita o Manahimik?
Magsalita
3. Perlas o Ginto?
Perlas
4. Fall in Love o Fall out of Love?
Fall in Love
5. Ma-stuck sa traffic sa EDSA o ma-delay sa flight ng NAIA?
Ma-delay sa flight ng NAIA
6. Sidekick o Extra?
Extra
7. Low Battery o No Internet?
No Internet
8. Mt. Apo o Mt. Arayat?
Mt. Apo
9. Hangin o Lupa?
Hangin
10. Maging invisible o Makabasa ng nasa isipan ng iba?
Maging invisible
11. Pinakamatalinong tao sa mundo o pinakamayamang tao sa mundo?
Pinakamatalinong tao sa mundo
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro