Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

August 2022 (i) Panayam kay huly4n

1. Maaari mo bang ibahagi sa amin ang kuwento sa likod ng iyong Wattpad username?

Wala namang interesanteng kuwento sa likod ng username na huly4n. Galing lang siya sa Julian, na ang tamang basa ay hul-yan at hindi dyool-yan (according to my very beautiful mother). Kaso, taken na 'yong hulyan, kaya naisip ko na k'wan, siguro okey na 4 na lang ang kapalit ng a. Parang a din naman kako.

Kaso ito na nga, medyo nagsisisi na ako ngayon dahil ang basa pala ng ilang reader ko diyan ay iba. Kung ano ang iba na 'yon, basta, basahin mo na lang 'yong 4 in English. Tapos pagtagpiin mo lahat. Ang sagwa, ano?


2. Gaano kahalaga sa iyo ang pagsusulat at bakit?

Halos dalawang dekada na akong nagsusulat. 2007 lang siya naging 'pormal' (dahil doon pa lang ako nakatapos ng isang maikling kuwento), pero bago pa ang taon na iyon ay talagang nagsusulat na ako ng mga kuwento. Mula notebook na may mukha ng mga artista hanggang Wattpad na hanggang ngayon ay wala pa ring justified alignment option, nagsusulat pa rin ako. Siguro, that time can already straightforwardly tell kung gaano ito ka-importante sa akin. Hindi naman siguro ako magtatagal sa isang bagay na hindi ko pinahahalagahan.

Maliban do'n, naging form of therapy ko na rin kasi ito. Sa mga panahon na wala akong kasama at dinadale ako ng katakot-takot na lungkot, sa mga panahon na galit ako at walang mapagbubuntunan, sa mga oras na hindi ko makapa ang Diyos sa aking buhay at malapit na 'kong maging pasaway, pagsusulat ang unang-una kong ginagawa. Writing has saved my life countless times.


3. Mayroon ka bang sariling akda na nais mong irekomenda sa mga hindi pa nakapagbabasa ng iyong gawa?

Sa totoo lang, hindi ko 'to ini-re-recommend talaga kasi may personal na galit ako sa kuwentong ito. Pero nitong mga nakaraang taon, ilang mambabasa na ang nakapagsabi sa akin sa kung paano binago ng kuwento ang pananaw nila sa Diyos, sa tadhana, o sa kung ano pa man na transcendental na pinaniniwalaan nila. Kaya siguro, worthy of recommendation na rin.

Ang Kwento ni Amartya, isang epistolaryo, na medyo mahaba (195 parts) at medyo komplikado dala ng limitasyon ng formatting. Sa unang basa, iisipin mo na tila baga kuwento lang talaga siya ng isang estudyanteng nag-te-thesis, isang pari na kinulang sa formation sa seminaryo, at kung paano sila naging magkaibigan sa loob ng napakaikling panahon. Pero ang kuwentong iyon talaga ay tungkol ang paghahanap ng masasandalan, lalo na sa harap ng atheismo at kawalan. Sa mga sitwasyon na tila hindi mo na maaasahan ang simbahan, ang mga tao sa paligid mo, ang pamilya mo, pati na rin ang Diyos, kanino ka lalapit at kakapit? Mayroon ka pa bang malalapitan? May pag-asa pa ba?


4. Paano o ano ang nag-udyok sa iyo para magsimulang magsulat ng mga epistolary stories?

Umabot lang talaga ako sa punto na wala na talaga akong oras magsulat ng naratibo, pero gusto ko pa rin magsulat. Kaya naisip ko, ano ba ang pinaka da best na paraan para mailagay sa papel ang mga ideyang umiikot sa utak ko na hindi time-consuming? Nagresearch ako ng kaunti, tapos boom–ayun, epistolary pala. Sakto rin na iyan ang format na kinahihiligan ng mga tsikiting (minsan, may oldies din). 'Yan ang patok sa market. Naisip ko rin, ba't hindi ko gamitin 'yon bilang panibagong espasyo ng mga kuwento na medyo malalim ang tema? Para maiba naman. At iyon, experiment-turned-success siguro. Ngayon na-enjoy ko na masiyado. Epistolary writer na 'ko bigla. Haha!


5. Maaari mo bang ibahagi sa amin ang iyong sariling 3 Do's & Don'ts sa pagsusulat ng epistolary?

3 DO'S

- Follow a timeline religiously. Hindi lang oras at petsa, kundi pati na rin ang kultura ng panahon na 'yon. Kahit epistolaryo 'yan, dapat strikto ka sa panahon na aangklahan ng kuwento mo. Kunyare, 2010-2013 pala 'yong timeline mo, tapos may (updated) Instagram ka o may paggamit ng mga salita na BRB, IYKWIM, tapos emojis. Medyo hindi consistent. Medyo nakakasira sa pagdipa ng mambabasa sa kuwento. Kaya dapat -___- ang emoji na gamitin mo. 'Wag rin mahiya gumamit ng XDDDDD. O 'di kaya ng 0/////0.

Focus on characters that are value-adding to the plot. Ito, lesson learned galing sa pinaka-una kong epistolary. Mahilig ako sa maraming pangalan at karakter, tapos 'yon pala, wala naman palang ambag sa kabuoan ng kuwento. Sayang lang sa espasyo. Tandaan na limitado ang abot ng epistolaryo, pati na rin ng Wattpad (abot 200 parts lang). Use the limitations efficiently.

Explore other epistolary formats. Hindi lang siya text message na susundan ng rant sa personal Twitter, o Instagram tapos may comment ang main character. Ang dami! At iyon ang kagandahan ng epistolaryo– it is a funny little paradox. Limitado siya pagdating sa pagdeliver ng naratibo, pero endless din ang posibilidad sa execution.

3 DON'TS

Mindlessly use graphics. Mukha ng ibang tao, artwork, random pictures, etc. Magpaalam kung pictures ng tao (unless public domain / artista), 'wag gumamit basta-basta ng artwork lalo na kung galing Pinterest. The best kung sarili mong litrato (na hindi nag-gi-give away ng iyong pagkakakilanlan, siyempre) na lang ang gamitin mo.

Take long breaks when writing epistolaries. Kasi tatamarin ka talaga. Mawawala ka sa wisyo. Applicable naman ito sa lahat ng uri ng pagsulat, kahit nga sa research, pero mas mabigat ito pagdating sa pagsulat ng epistolaryo. Ang kagandahan kasi sa epistolaryo, mabilis talaga siya isipin at isulat. It rides on a certain momentum. Kaya take advantage of that momentum. Sakyan mo. Isulat mo nang isulat agad. 'Wag mo muna isipin kung estetik ba 'yong format–you can edit it later, anyways. Kasi kapag huminto ka nang matagal, nakupow, tatamarin ka talaga. Don't take long breaks unless gusto mong maging on-hold ang epistolary.

Make everything an epistolary. Hindi lahat ng kwento ay angkop sa epistolaryo. Lalo na kung komplikado ang banghay ng kuwento, naku. Baka hindi ma-execute nang tama sa epistolary format. This is a lesson learned for me for Ang Kwento ni Amartya, which could have been written off as a narrative novel. So choose an appropriate plot.


6. Paano mo napagsasabay ang pagsusulat at mga pinagkakaabalahan mo sa labas ng Wattpad?

Time management. Proper life fragmentation. Lalo na ngayon na sobrang abala ko na talaga. I allot time for writing, albeit very short, just to keep things moving. And I strictly follow that time. Kaya madalas tuwing alas-kuwatro ng umaga ako nagsusulat abot alas-sais. The rest of my day is for hulyan_real_life_version.exe. Hindi p'wedeng may hulyan_writing_on_wattpad.exe sa mga oras na iyon.

Ito kasi ang realidad: there will come a point when you will have to compromise writing for real life. Mahalaga sa akin ang pagsusulat, oo, pero may mas mahalagang bagay sa labas nito na kailangan mas paglaanan ng oras. Ganoon talaga. Matanda na tayo, e.


7. Kung ikaw mismo ang manunulat sa kuwento ng iyong buhay, ano sa tingin mo ang titulo nito? At tungkol saan din kaya ito?

Tungkol siguro sa pari na tatlong taon pa lang sa ministry, pero na-burnout na kaagad dahil medyo may sa-kasamaan ng ugali ang obispo niya. Bago pa man maging spiritual crisis ang simpleng burnout na iyon, pinayagan na siya na mag-leave of absence muna para mahimasmasan. Sa leave of absence na iyon ay napagdesisyunan ng pari na bisitahin ang probinsya ng lola't lolo niya na may maliit na farm. Tapos doon, makikilala niya ang isang babae na ang pangalan ay Carly. Maganda si Carly. Mabait. Friend din ng lolo't lola niya. Kaya siyempre, magiging friends na rin sila. Tapos best-friends. Tapos super close friends. Tapos bago pa ma-inlove ang pari na may burnout, bigla siyang yayayain ni Carly na sumama sa isang concert. Kasi ayo'n, singer pala si Carly. Ang buong pangalan niya pala ay Carly Rae Jepsen. At ang pamagat ng kuwentong ito ay Run Away With Me.

Oo, crackfic ang genre.

All jokes aside, one of my stories online is already my story. Hindi ko na i-she-share kung ano; hulaan n'yo na lang! Hehehe.


8. Ano ang isang bagay na kaya mong isakripisyo para sa pagsusulat? At bakit?

Siguro tulog. Na ginagawa ko naman madalas. Kung ang kapalit ng kawalan ng tulog ay ang makakapagsulat ng kuwentong p'wedeng paghugutan ng mga lesson tungkol sa religiosity, spirituality, free will at kung ano pa man, ay okey lang magkaro'n ng eye bags. Okey lang maging anemic. Okey lang na antukin sa mga meeting.

P'wede rin siguro na Coke. Kung ang usapan ay permanent sacrifice. Hindi ko naman kasi kayang isakripisyo nang 100% ang tulog. Baka mamatay naman ako.


9. Ano ang iyong pinakahindi makalilimutan na karanasan bilang isang manunulat?

Core memory ko bilang manunulat ay 'yong mga buwan na gumawa ako ng outlet para makausap ang ilan kong mambabasa sa Wattpad. Doon ko nakilala ang mga pinakapasaway, pinaka-korni, pinaka-werwer, subalit pinakamabait at pinaka-mapagpasensiyang mga tsikiting sa buhay ko. Mga jejekids na na-LSS sa Baby Ko Si Kulot. Saglit lang ang panahon na nakahalubilo ko sila at napakaliit lang din ng komunidad na iyon, pero dahil sa kanila, nakakapagsulat pa rin ako hanggang ngayon (at naging bahagi pa ako ng Newsletter na ito!) I really, really owe my life to those kids. Twenty lang sila, pero hinding-hindi ko sila malilimutan. Kaya kapag nanalo ako sa lotto ng 400M, i-me-message ko silang lahat. Bibigyan ko sila ng bente pesos.

But in all seriousness, if any of you can see this, I just want to say that I am really, really, really grateful to all of you. Sana okay kayong lahat ngayon, kung nasaan man kayo.


10. Saan mo nakikita ang sarili mo pagkalipas ng limang taon?

Hindi na ako nagsusulat sa Wattpad, dahil naibahagi ko na ang lahat ng gusto kong ibahagi sa mga tao, at nasabi ko na rin ang mga hinaing ko [sa buhay sa labas ng Wattpad] nang walang pag-aalinlangan. At saka, dahil busy na ako. Realidad sa buhay.


11. Ano ang iyong maipapayo sa mga bagong manunulat?

Una, don't write what you don't know. Mahirap magsulat ng hindi mo gaanong kapa. May tendency ng romanticization at misrepresentation, lalo na kung sensitibo ang tema. Kaya research, research, research! Iyan ang nakakatuwang parte ng pagsusulat. 'Yong pananaliksik. 'Yong validation. Do not hesitate to ask resource persons in order to gather details. Do not be afraid to read documents and other stories that may touch on the same issue. Importante ang datos at facts kahit na sa usapin ng piksyon. Oo nga, imagination mo ang limit, but facts also matter.

Ikalawa, write as much as you can. Matututo ka lang magsulat kapag nagsusulat ka na. Parang paglangoy lang 'yan; hindi ka naman matututong lumangoy kung hindi ka tatalon sa dagat o sa swimming pool. At parang pagdrive din; hindi ka matututo magmaneho ng kotse kung hindi ka sasakay sa driver's seat.

So write, write, write. And while writing as much as you can, do not be afraid to commit mistakes. Ganoon naman talaga ang natural na daloy ng mga bagay-bagay sa mundong ibabaw. Lahat tayo, magkakamali. Wala namang taong perpekto. At madalas, sa pagkakamali tayo natututo. Sa kritisismo ng iba tayo mas magiging sensitibo sa ating mga sinusulat.

Sumulat at sumulat ka lang. Kung ano man ang naiisip mo ngayon, kahit hindi pa 'yan gaanong furnished, basta alam mo kahit papa'no ang datos, isulat mo na. Ilagay mo na sa papel. Ipakilala mo na sa blinking cursor ng MS Word. Ilatag mo na sa Wattpad. 'Wag ka na magdalawang-isip pa.

Ika nga ni Padre Ferriols, SJ: Lundagin mo, beybe!


1. Magsulat na puyat o magsulat na gutom?

(Wala bang option na magsulat na lasing?) Magsulat na puyat na lang.

2. Walang takot na karakter o matatakuting karakter?

Matatakutin, dahil nakaka-excite ang character development niyan!

3. Maging scriptwriter o maging direktor?

Maging scriptwriter! Kasi kung direktor ako, baka magsungit lang ako. Haha!

4. Maling lyrics o maling subtitle?

Maling subtitle, basta ba Filipino o English 'yong dub.

5. Cliffhanger o plot twist?

Cliffhanger. Dahil ang buhay ay wala namang gaanong plot twist; mas madalas, cliffhanger.

6. Masakit na katotohanan o komportableng kasinungalingan?

Masakit na katotohanan.

7. May drafts pero hindi matapos o may plot pero hindi maituloy?

(Aba, ba't may patama rito?) May drafts pero hindi matapos.

8. Maging mahirap pero masaya o maging mayaman pero malungkot?

Maging mahirap pero masaya, dahil hindi naman magagamot ng pera ang lungkot. Trust me.

9. To be continued o the end?

To be continued.

10. Libro o pelikula?

Libro, kasi wala akong pasensiya. Fi-na-fast-forward ko ang mga pelikula, e. Sorry, film fans.

11. Magkaroon ng kapangyarihan magsulat nang mabilis o magkaroon ng kapangyarihang magbasa nang mabilis?

At dahil marami akong report ngayong buwan... magkaroon ng kapangyarihan magsulat nang mabilis!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro