April 2022 (i) Panayam kay xmerakiss
1. Maaari mo bang ibahagi sa amin ang kuwento sa likod ng iyong Wattpad username?
Nakalimutan ko ang password ng una kong username at nasira din ang dati kong cellphone kaya gumawa ako ng bago. Nadaanan ko sa Google ang salitang "meraki" na ang ibig sabihin ay "paggawa nang buong puso" o "pag-iiwan ng isang parte ng iyong pagkatao sa bagay na nagawa". Dahil ako ay kilala sa tawag na Jasten, ginamit ko ang Roman Numeral X o Ten at ang SS naman ay mula sa acronym na Sad Soul. Sa makatuwid, ang username na xmerakiss ay nangangahulugang "ang pagsusulat ni Jasten nang buong puso para sa mga nalulungkot" o sa Ingles ay "Jasten pouring her heart for the sad souls."
2. Gaano kahalaga sa iyo ang pagsusulat at bakit?
Mahalaga sa akin ang pagsusulat dahil dito ko naipapahayag ang aking saloobin at emosyon. Isa ako sa mga tinatawag na "ambivert" at madalas kong itago ang aking mga emosyon sa pamamagitan ng pagtawa o pagiging "jolly". Ang pagsulat ang tanging paraan upang maging malaya at matapang ako sa pagpapahayag ng aking sarili.
3. Mayroon ka bang sariling akda na nais mong irekomenda sa mga hindi pa nakapagbabasa ng iyong gawa?
Ang una kong inirerekomenda ay ang Muntik Nang Maging Tayo dahil ito ang una kong epistolaryong Filipino at ang ikalawa naman ay ang A Hundred Maybes na nakasulat naman sa Ingles. Ang dalawang ito ay nakasulat gamit ang "letter type narration".
4. Ano ang tatlong bagay na hindi mo maaaring makalimutan kapag magsusulat?
Una, hindi ko maaaring kalimutan ang tema ng aking isinusulat dahil dito umiikot ang aking kwento. Pangalawa, dahil ako ay sumusulat ng epistolaryo, hindi ko maaaring kalimutan ang katauhan ng aking mga tauhan dahil madalas ay salitan o alternating point of view ang aking ginagawa o kung hindi naman ay pagbabalik-tanaw o flashbacks. Pangatlo, ako ay nakikinig ng awiting maaaring makapagbigay ng karagdagang inspirasyon sa aking pagsulat.
5. Sa lahat ng manunulat na iyong hinahangaan, sino ang pinakanagbigay sa iyo ng inspirasyon o nakatulong upang mas mahasa pa ang iyong kakayahang magsulat?
Sa lahat ng manunulat na aking hinahangaan, si ceiyuri ang pinakanakapagbigay ng inspirasyon sa akin. Siya ay isa sa mga itinuturing kong pinakamalapit na kaibigan at siya rin ang unang Wattpad author na nakausap ko. Isa sa mga paborito kong akda niya ay ang Amethyst Died That Saturday dahil dito ko naramdaman ang halu-halong emosyon at siyang nagtulak sa akin upang gumawa rin ng sarili kong kwento at hanapin ang tamang genre ng pagsulat.
6. Ano ang iyong ginagawa kapag nakararanas ka ng writer's block?
Sa tuwing nakararanas ako ng writer's block, nakikinig ako ng mga kantang sumasalamin sa aking nararamdaman. Binabalikan ko rin ang mga naunang akda na aking naisulat upang maging inspirasyon ko at magsasabing "Kaya mo, Jas. Sulat lang..."
7. Maaari mo bang ibahagi sa amin ang iyong sariling proseso ng pagsusulat?
Hindi ako gumagamit ng outline. Ang mga tema o ideya ay kusang pumapasok sa aking isipan kaya palagi akong nagdadala ng cellphone o stick notes at lapis. Pagkatapos no'n ay iisip ako ng mga pangalan ng karakter. Hindi gaya ng karamihan, inuuna ko ang pamagat o title dahil ito ang magsisilbing gabay kung saan iikot ang kwentong aking isusulat.
8. Ano sa palagay mo ang isang bagay na dapat mayroon ang lahat ng kuwento?
Lahat ng kwento ay dapat mayroong aral. Kahit anoman ang genre, wika, o estilo sa pagsulat, ang mga kwento ay dapat mag-iwan ng aral sa mga mambababasa maging ito man ay tungkol sa pamilya, pagkakaibigan, pag-ibig, kalikasan, o sarili.
9. Ano ang iyong pinakahindi makalilimutan na karanasan bilang isang manunulat?
Ang hindi ko makalilimutang karanasan bilang isang manunulat ay noong may makausap akong isang mambabasa mula sa England. Nagpadala siya ng mensahe sa akin sa Wattpad tungkol sa isa kong kwento at sobrang tuwa ko noon dahil hindi ko akalaing ang isang underrated writer na gaya ko ay mayroong isang international reader.
10. Saan mo nakikita ang sarili mo pagkalipas ng limang taon?
Pagkalipas ng limang taon, isa na akong guro at nakapag-publish na ako (traditional or self-pub) ng sarili kong libro.
11. Ano ang iyong maipapayo sa mga bagong manunulat?
Para sa mga bagong manunulat, huwag kayong sumuko. Patuloy lang kayo sa pagsulat kahit na mayroong problemang dumating. Hindi mawawala ang mga taong hindi naniniwala sa kakayahan n'yo pero huwag ninyong kalilimutang may mga taong sumusuporta sa inyo. Huwag n'yo ring ikumpara ang inyong akda o progreso sa ibang manunulat dahil may iba't iba kayong estilo at pinagdadaanan. Higit sa lahat, i-enjoy n'yo lang ang pagsulat.
1. Magsulat nang walang outline o hindi?
Magsulat nang walang outline
2. Magkulong sa kuwarto o tumambay sa labas?
Magkulong sa kuwarto
3. Bumalik sa nakaraan o pumunta sa hinaharap?
Pumunta sa hinaharap
4. Makinig ng isang podcast o manood ng pelikula?
Manood ng pelikula
5. Mabigyang payo ang sarili noong bata ka pa o makausap ang mas matandang ikaw?
Mabigyang payo ang sarili noong bata ka pa
6. Magbasa o magsulat?
Magbasa
7. Maaraw o maulan?
Maaraw
8. Mag-beach kasama ang best friend o mag-hike kasama ang crush?
Mag-beach kasama ang best friend
9. Mahal ko o mahal ako?
Mahal ako
10. Kape o tubig?
Tubig
11. Manalo sa loto o maging isang exclusive author sa isang sikat na publishing company?
Maging isang exclusive author sa isang sikat na publishing company
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro