Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

May 2021 (i) Panayam kay wordsandlenses

1. Kailan ka nagsimulang magsulat ng mga kuwento? Ano ang nagtulak sa iyo para magsulat?

Hindi ako sure kung kailan pero tingin ko, nasa late 2014 or early 2015 iyon. Noong una, pabasa-basa lang ako ng mga istorya hanggang sa ayon na... doon na 'ko unti-unting nakaramdam ng urge para magsulat ng sarili kong story. Siguro na-inspire o siguro as simple as nainggit lang sa mga binabasa ko... pero dumating ako sa point na sinabi ko na magsusulat talaga ako. 

Sabi ko sa simula, for fun lang. Tamang sulat at post lang tapos bahala na si Batman. Tapos six years later, ito na ako ngayon, sineseryoso na. Kino-consider na as career ang pagsusulat. Isa na sa mga goals ang makapag-publish ng sarili kong gawa.


2. Paano mo natuklasan ang Wattpad, at bakit napagdesisyunan mong ilathala ang iyong mga akda rito?

Pumunta kami noon sa pinsan namin sa Zambales kasi Flores de Mayo. Ako si Constantino that year, partner ni Reyna Elena (na pinsan ko) sa Santacruzan. Habang nagpuprusisyon, dahil bored kami at parang pampalipas oras na rin, nagsimula kaming magkuwentuhan. Doon niya nakuwento sa akin ang Wattpad at saka iyong mga binabasa niyang story doon. Ako naman na bilang bata, kaagad na nagka-interes sa mga kinekwento niya kaya pagdating namin sa bahay, kaagad kong in-install ang app sa cellphone ko at nagpaturo sa kaniya kung papaano gamitin iyon. 

Sa paglalathala naman ng istorya ko sa Wattpad, dahil marami akong nakitang writers na nagsusulat doon, naisipan ko na makipagsabayan sa kanila. Bored din kasi ako sa buhay noong mga panahon na iyon at wala pang masyadong hobbies kaya nag-post din ako ng sarili kong story doon with the hope na makita ng ibang readers na katulad ko ang istorya ko at mabasa at magustuhan din nila iyon.


3. Sino ang iyong paboritong manunulat, at bakit? 

Marami akong mga paboritong writers at iba't ibang experiences ang binibigay nila sa akin: Una sa listahan ko si Becky Albertalli. Gusto ko iyong paggawa niya ng mga istorya niya. Light and chill lang ang mga kaganapan. Gusto ko rin iyong umiikot ang mga istorya niya sa teenagers at kasabay noon ay ang pag-tackle nila sa issues nila. Iyong takot mag-come out ni Simon. Iyong insecurity ni Molly sa katawan niya. Iyong pakiramdam ni Leah na parang always on the outside, looking in siya. 

Speaking of teenagers, gusto ko rin si Stephen Chbosky sa pagsusulat niya ng The Perks of Being a Wallflower. Hindi perfect ang novel na iyon pero gusto ko na napaka-aunthetic at super raw ng feelings na binibigay niya sa iyo. Lahat tayo, makikita ang sarili natin sa character ni Charlie at hindi nating maiwasan na sa samahan siya sa saya at lungkot ng buhay niya. Marami ring quotable quotes dito pero dalawa sa mga paborito ko ay iyong "We accept the love we think we deserve". 

Next naman sa list ko (and probably the last muna dahil baka gumawa pa ako ng nobela rito kapag kinwento ko pa ang mga iba, lol) ay si Mitch Albom. Gusto ko iyong pagsusulat niya ng mga istorya na kapupulutan ng iba't ibang aral sa buhay natin. Marami akong natutunan while reading his stories. Mayroong about pagmamahal, about kamatayan, at through kamatayan, about buhay. Paborito ko namang mga libro niya ay "The Five People You Meet in Heaven" at saka "Tuesdays with Morrie".


4. May paborito ka bang manunulat o kuwento sa Wattpad? 

Marami, actually! Itong writers naman na ito, sila iyong tinitingala at ginagawa kong inspiration para mas mapabuti pa ang pagsusulat ko. Through their stories, hindi lang ako nage-enjoy pero natututo rin ako sa kanila. 

Katulad na lang ni Kuya Cris o si Akosiibarra. Pakiramdam ko talaga, siya ang may pinakamalaking influence sa akin when it comes to pagsusulat. From being an amateur writer na nagsusulat lang for the sake of fun, reading his stories made me want to become better at seryosohin ang pagsusulat. Natutunan ko sa mga istorya niya ang technicalities at kung papaano mag-weave ng istorya na maraming layers. 

Minsan na rin ako nagtanong sa kaniya ng tips sa pagsusulat pero ang pinakatumatak talaga sa akin ay iyong sinabi niya ay iyong analogy niya sa pagsusulat na parang pagtatayo ng bahay kung saan bago itayo, alam mo muna dapat kung ano iyong kalalabasan nito o kung ano iyong magiging finished product niya. Bago tayo magsulat, dapat alam muna natin ang magiging destinasyon (o ang ending) ng isusulat natin at pagkatapos noon, gagawa tayo ng path kung papaano tayo makakarating sa point na iyon. 

Another writer na paborito ko ay si Ate Rayne o si Pilosopotasya. Pinakagusto ko naman sa works niya 'yong epistolary niyang 23:11 at ang sequel nito na 11/23. Gusto ko kasi iyong pagkaka-construct niya ng characters nina Mico at Jhing. Hindi lang sila kasi iyong mga tipong characters na what you see is what you get. Gusto ko sa kanila 'yong mayroon pa silang layers underneath noong pinapakita nila sa atin sa simula. Iyon naman ang isa sa natutunan ko kay Ate Rayne, ang pagbuo ng complex characters na hindi lang tumitigil sa surface or sa personality nila; na binibigyan niya rin ang mga ito ng depth. Bukod pa roon, marami rin akong natutunan sa Twelve Makabuluhan-kuno Writing Tips niya at sa binabahagi niyang lessons at tips sa readers niya.


5. Maaari mo bang ibahagi sa amin kung tungkol saan ang iyong kuwento, at gaano katagal mo nang isinusulat ito? 

Anong kuwento ba? Hahaha. Pero siguro, ikuwento ko na lang itong project na sinisimulan ko ngayon, which is ang Mga Tinik at Rosas. 

Ang Mga Tinik at Rosas ay isang anthology na tumatalakay sa iba't ibang klase ng pag-ibig. Ganoon ang title niya dahil ito talaga ang tingin kong magandang simbolo sa pagmamahal; na ang pagmamahal ay parang isang rosas na kailangan inaalagaan para mas lumago pa. Dapat pinaglalaanan ito ng oras, pinagyayaman, at dinidiligan para hindi malanta. 

Bukod pa rito, maganda sa paningin natin ang rosas. Talagang nakaka-attract din siya ng atensiyon. Lahat gustong mahawakan ito, pero hindi nila alam, sa likod ng kagandahan ng mga bulaklak nito, may mga nagtatagong mga tinik na maaaring makasakit sa iyo. Ganoon din ang pag-ibig, lahat ng tao gustong maranasan ito pero ang hindi nila alam, hindi naman lahat ng pag-ibig ay masaya; mayroon din itong kaakibat na lungkot, sakit, at minsan pa nga, kaya ka nitong sugatan na pagkalalim-lalim. Sa mga ideya na ito iikot ang mga istorya na isusulat ko sa loob ng antolohiya na ito.


6. Anong klase ng pananaliksik ang iyong ginagawa bago ka magsimulang magsulat ng isang panibagong kuwento? 

Noon talaga, hindi ako masyadong nagri-research tungkol sa mga istorya ko. Lahat ng mga sinusulat ko, base lang doon sa mga nae-experience ko at nao-observe ko sa mga tao. Minsan, nagtatanong din ako sa kaibigan ko tungkol sa mga experience nila sa mga bagay-bagay pero iyon na iyong pinaka-research na ginagawa ko. Pero dito sa isang novel na pinaplano ko ngayon (na iba pa doon sa anthology na sinusulat ko), dahil Urban Fantasy itong ginagawa ko, talagang kinailangan ko na mas mag-level up pa. 

Nagsimula ako sa pagbabasa ng ilang mga libro under Fantasy para mas ma-familiarize ako sa genre na isusulat ko. Nag-research din ako ng maraming materials para sa istorya ko, tungkol sa mga gagamitin kong figures (or kung saan sila inspired) pati na rin sa magical elements ng story. Bukod pa roon, dahil bago pa lang ako dito, kinailangan ko ring manghagilap ng tutorials and tips sa pagsusulat ng fantasy, worldbuilding, at mga bagay na kailangan pang gawin. Mayroon pa ngang isang time kung saan talagang kinapalan ko talaga ang mukha ko at nagtanong sa isang experienced writer tungkol sa mga kailangan ko malaman. Mayroon din akong kaibigang writer na nagsisilbing consultant ko since siya ang mas may experience sa Fantasy genre. Sa kaniya ako humihingi ng advise at nagpapatulong sa brainstorming. Super thankful naman ako sa kanila. 

In short, talagang lahat ng puwedeng gawin, ginawa ko na. Kumbaga, hindi lang ako nakuntento na aralin iyong istorya ko. Kinailangan ko rin aralin ang genre na sinusulat ko. Matrabaho, minsan, nakaka-stress, pero gusto ko kasi talaga isulat ito, e. Kaya ayon, pinaghihirapan ko talaga siya.


7. Ano ang pinakamahirap na parte ng iyong artistic process? 

Iyong creation talaga or iyong mismong pagsusulat ko ng kuwento. 

Sa mga oras kasi na ito, sarili talaga iyong nagiging matinding kalaban ko. Dumarating ako sa punto kung saan nawawalan ako ng motivation sa pagsusulat hanggang sa hindi ko namamalayan, nagpo-procrastinate na pala ako. Tapos minsan, ino-overthink ko pa iyong mga sinusulat ko. Parang pakiramdam ko, hindi sila good enough, ganoon, kaya hindi ko pa man natatapos iyong istorya, kaagad ko na ie-edit o minsan ire-rewrite ko. Mayroon ding instances kung saan habang tinatrabaho ko itong current story project ko, may kakaway sa aking new story ideas. Siyempre, dahil bago, maganda siya sa paningin ko. Mate-tempt ako na i-explore itong new idea na ito, not knowing na napapabayaan ko na pala ang pagsusulat ng ongoing project ko hanggang sa hindi na siya matuloy. Tapos mangyayari na naman ulit at mangyayari na naman ulit. Paulit-ulit na para bang nakukulong ka sa isang endless cycle kaya ang resulta? Hindi pa rin nakakatapos ng istorya ngayon. 

Siguro ang kulang lang talaga sa akin iyong disiplina ko sa sarili ko. Hindi naman kasi madali ang pagsusulat... at dahil hindi madali, madali akong matukso sa temptation. Madali kong sukuan 'yong story projects ko just for the sake na hindi na ako mahirapan. Mas madali kasing mag-procrastinate dahil kung hindi natin kaharap ang sinusulat natin, hindi tayo maii-stress dito. Kapag nag-start tayo ng bagong ideas, back to basic na naman tayo at ibig sabihin noon, hindi na natin kailangan harapin ang harder parts ng writer process natin. Pero ayon, sinusubukan ko nang baguhin ang habit ko na iyon. Sinubukan ko nang disiplinahin ang sarili ko. Hindi madali at patuloy ko pa ring inaaral kung papaano gawin iyon. Pero ganoon naman talaga, 'di ba? Learning is a never-ending process. Dahil kung hindi tayo matututo, papaano tayo maggo-grow


8. Paano mo nalalagpasan ang pagkakaroon ng writer's block?

Depende siguro sa rason ng writer's block ko. Marami kasi tayong rason kung bakit natin nararanasan ang writer's block: p'wedeng as simple as hindi lang talaga natin alam papaano dudugtungan ang istorya natin, o dahil masyado natin pine-presure ang sarili natin into writing. P'wede rin namang distracted lang tayo sa mga bagay-bagay, o baka naman kasi wala lang talaga tayo sa mood magsulat. 

Oras na nalaman ko na ang rason kung bakit ako nagkaka-writer's block, unti-unti ko na ring nalalaman kung papaano solusyunan ito: 

Kapag wala lang talaga akong maisip na karugtong sa istorya ko: Muli kong babalikan iyong outline na ginawa ko o hindi naman kaya iyong mismong mga kabanata na nasulat ko na. Babasahin ko sila para lang ma-refresh sa memory ko kung ano iyong mga pinagdaanan ng character ko at malaman kung nasaang punto na siya ng istorya. Ngayon, kapag natapos ko nang basahin, susubukan kong ilista iyong mga gusto kong susunod na mangyari sa kaniya. Hindi naman kailangan na sunod-sunod siya o kumpleto kaagad. Basta kahit fragments lang, sinusulat ko siya. Pagkatapos noon, pag nasulat ko na siya, doon ko aayusin iyong pagkakasunod-sunod niya, magdadagdag pa in between para magkadugtong sila o hindi naman kaya magbabawas. Hanggang sa ayon, naging malinaw na para sa akin iyong landas na tatahakin niya. Problem solved. 

Note: Itong method na ito, nabasa ko lang noon pa habang nagba-browse ako ng iba't ibang writing tips. Tried and tested ko na siya and it works. Baka masyado lang natin pine-pressure ang sarili natin? Minsan kasi, kapag masiyado nating pinipilit ang sarili nating magsulat, mas lalo lang tayong nahihirapan. Sinabi sa akin ito ng kaibigan kong writer kasi ganito ako. Kapag nangyari ito, siguro mas maganda kung bitawan mo na lang muna siya. Iwanan mo na muna. Huminga ka. Kasi isang art ang pagsusulat... at ang art, hindi siya minamadali.

Distraaaaactions. Ako kasi iyong tipong tao na madaling ma-distract sa mga bagay-bagay. Parang one moment, nagsusulat ako, tapos the next thing I know, nakikipagdaldalan na pala ako sa writer's friends ko o hindi kaya nagba-browse sa kung saan-saan. Guilty ako diyan. Hahaha. Iyong solusyon ko naman dito, ilalayo ko ang cellphone ko sa akin kapag sa laptop ako nagsusulat o kapag sa cellphone naman, papatayin ko iyong internet connection ko. Pagkatapos, mahilig din ako mag-play ng Focus Music (na hindi ko alam kung talagang effective pero sa akin, effective siya). It also helps na basahin iyong sinulat mong last chapter or last part ng story mo. Natutunan ko ito sa kaibigan ko. Kapag kasi ganoon ang ginawa mo, habang binabasa mo iyong past chapter, parang dadalhin ka nito sa momentum ng pagsusulat at ayon nga, makakatulong na rin sa continuity ng story. 

Minsan naman, kahit anong gawin natin, hindi talaga tayo makapagsulat. Dumarating ako sa mood na ito at sa totoo lang, nakaka-frustrate siya. Pero hindi rin naman kasi natin mapipilit ang sarili natin kung wala talaga, e. Kapag nangyayari ito at nawawalan ako ng mood sa pagsusulat, nagbabasa ako o hindi naman kaya ay nanonood ng films. Kapag ginagawa ko kasi itong mga ito, unti-unting nabubuhay ang creative juice ko sa katawan. Nai-inspire ako sa mga pinapanood at mga binabasa ko, at namo-motivate ako ng mga ito para magsulat. Aside doon, kung wala talaga, siguro pagpahingahin mo na lang muna ang sarili mo. P'wede mo rin gamitin ang oras mo para mag-research para sa mga istorya mo o hindi naman kaya, maghanap ng writing tips. Kapag kasi ginawa mo ito, hindi ka man nakapagsulat, at least naging productive ka pa rin dahil may mga bago kang matututunan.


9. Ano ang isang bagay na igi-give up mo para maging isang better writer? 

Siguro iyong big ego ko. Ma-pride kasi akong tao. Pakiramdam ko, lahat kaya ko at hindi ko na kailangan humingi ng suporta sa iba. Siguro kasi mas nasanay ako na ako iyong nagbibigay suporta sa kanila; nagtuturo, tumutulong, at hinihingan ng payo pag nangangailangan sila. Iyon na rin kasi ang kinalakihan ko. 

Pero dito sa writing, alam kong kailangan kong lunukin ang lahat ng pride ko. Lahat ng success, achievements o lahat ng alam ko, dapat kong isantabi. Kailangan kong maging isang blank slate. Kailangan ko magpakumbaba, at tignan ang sarili bilang taong kailangan turuan at kailangan tulungan. Kailangan ko munang tanggapin sa sarili ko na hindi ako magaling na writer, dahil sa pagtanggap ng katotohanan na ito, mas mapapadali sa akin ang pakikinig. Mas mapapadali sa akin na isaisip at isapuso ang lahat ng mga natututunan ko. Hindi ako magpupumiglas. Hindi ko kailangan sabihin sa sarili ko na "Ah, alam ko na iyan" kapag inisip at tinanggap ko sa sarili kong wala pa akong alam. 

Kapag tinanggap ko sa sarili ko na hindi ako good writer, doon pa lang ako magsisimulang maging isang better writer.


10. May maipapayo ka ba sa mga bagong manunulat? 

Alamin mo ang pinakamalalim mong rason kung bakit gusto mong magsulat—kung bakit gusto mong maging isang manunulat. 

Hindi magiging madali ang journey mo. May mga oras na panghihinaan ka ng loob, tatanungin mo sa sarili mo kung tama ba ang ginagawa mo. May mga pagkakataon na mapapangitan ka sa mga sulat mo, aatakihin ng frustrations hanggang sa dumating ka sa puntong parang gusto mo na lang sumuko, na sabihin sa sarili mo na baka hindi naman para sa iyo ang pagsusulat. 

Sa mga oras na ito, ang magiging sandata mo lang ay iyong rason mo na iyon. Pag unti-unti nang namamatay ang nagliliyab mong passion sa pagsusulat, ito ang magsisilbi mong sulo para magpatuloy sa dahan na sinimulan mong tahakin. Lagi mong alalahanin ang rason na ito. Bakit ka nagsusulat? Ano ang mensahe na gusto mo ihatid at isigaw sa mundo? Panghawakan mo iyon at siguradong hinding-hindi ka maliligaw kailanman.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro