Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

January 2021 (i) Panayam kay zyronzester

1. Kailan ka nagsimulang magsulat ng mga kuwento? Ano ang nagtulak sa'yo na magsulat? 

Nagsimula akong magsulat noong September 2014. Bago pa siguro ako makapagbasa ng mga matitinong sulatin sa Wattpad, nagtangka na akong gumawa ng sarili. Out of the blue. Trip-trip lang. Mahilig na rin kasi akong magkwento ng kung ano-ano kahit no'ng elementary student pa lang ako, sa ibang medium nga lang. Tapos no'ng bago pa lang ako sa Facebook, mahilig ako mag-post ng mga random na bagay. Kahit nga yung paglalakad ko lang mula sa bahay namin hanggang sa bahay ng kaibigan ko, ginawan ko pa ng mala-nobelang status. Gano'n ako ka-bored. 

Kaya masasabi kong Wattpad mismo yung nagbigay sa akin ng platform, ng eureka moment na, 'Ay, magsulat kaya ako ng kwento?!' Eh, sakto namang sobrang dramatic ng Grade 7 life ko, so yun. . .naisip kong Wattpad-worthy kahit jeje. :D 


2. Paano mo natuklasan ang Wattpad, at bakit napagdesisyunan mong ilathala ang iyong mga akda rito? 

Natuklasan ko ang Wattpad dahil sa bestfriend ko no'ng Grade 7. E-book days pa lang, nagbabasa na siya ng kung ano-anong books. Panay ang kulit niya sa akin—kesyo magbasa daw ako dahil magaganda daw mga stories doon. Mahilig naman talaga ako magbasa pero wala pa akong interes sa fiction noon. Pero sinubukan ko pa rin. Bahala na 'ka ko. Ayon nga, dahil writing platform din siya bukod sa reading platform (at dahil bida-bida talaga ako. . .) kaya sinubukan ko na ring magsulat! Hehe. 


3. Sino ang iyong paboritong manunulat, at bakit? 

Bilang isang Kristiyano, sobrang hilig ko talagang magbasa ng mga theological books. Anything about Christian life, hard read man 'yan o madali lang namnamin, contemporary man o classics. Sa lahat ng mga Christian writers, walang tatalo kay C.S. Lewis saka kay John Piper sa puso ko. Marami ring classical writers na nabasa ko tulad ni Jonathan Edwards saka St. Augustine ang matitindi! Sa lalim at lawak ng kayang tanawin ng mga lente nila, natutulungan nila ako bilang isang kontemporaryo upang tingnan ang kagandahan, kabutihan, kadakilaan, at kapangyarihan ng Diyos, lalo na ngayong mas lumalabo na siya sa paningin ng karamihan sa modernong panahon. 


4. May paborito ka bang manunulat o kuwento sa Wattpad? 

Gusto niyo ng timeline? Chz. Marami, eh. Paiba-iba talaga mula no'ng 2014 (syempre nag-e-explore ako saka marami rin talagang time magbasa noon) hanggang ngayong 2020. Work-in-progress naman tayong lahat kaya hindi maiiwasang nag-iiba rin ang preferences habang tumatanda; so sabihin nating ngayon, si Peachxvision saka si Pilosopotasya ang sinisigaw ng damdamin ko. Mas inclined na kasi akong magbasa at mag-appreciate ng mga mature takes about life and relationships, yung may kakaiba nang lalim at tinatalakay ang complexity ng buhay. Ganito yata talaga kapag malapit nang pumasok sa mundo ng adulthood. Kaya siguro masasabi ko ring kahit marami akong paboritong kwento rito sa Wattpad (dahil maraming magaganda at mahuhusay dito!) ang maibibigay ko ngayon ay ang Lost and Found, All That Poison, Nagpatukso, saka Nagparaya. 


5. Maaari mo bang ibahagi sa amin kung tungkol saan ang iyong kuwento, at gaano katagal mo nang isinusulat ito? 

Isinulat ko ang Reaching Through no'ng March, bago tayo isalang sa lockdown! 9 months na! Binabaybay ng kwentong 'to ang kalakaran ng student politics, ang hindi inaasahang pag-iibigan ng dalawang lalaki at mga lider-estudyanteng sina Aaron at Benny na hinubog ng magkaibang prinsipyo, at kung paanong nakakaapekto ang pagtitiwala sa Diyos sa pagtrato ng isang indibidwal sa lipunang kanyang ginagalawan. 

Sa huli, pinakalayuning tuklasin ng kwento ang sagot sa tanong na, 'Kailan ba pwedeng isakripisyo ang prinsipyo para sa pansariling interes?' 


6. Ano ang iyong inspirasyon sa pagsusulat ng mga kuwentong tumatalakay sa diversity? 

Si Lord talaga—si Jesus. May catchphrase nga akong, 'Ikaw at ikaw palagi, Lord,' para ipagmalaking siya ang dahilan ng pagsusulat ko, lalo na sa usaping diversity. Sa totoo lang, mas madali nang ipalaganap ang konsepto ng pagkakaiba-iba ngayon, which is good, dahil natural naman tayong magkakaiba, 'di ba? We should celebrate that! Ngunit hindi maikakailang may mga uri pa rin ng taong pilit na isiniksik ang mundo sa maliit na kahon para sa makasarili nilang interes. 

So sino ang tama at totoo? Sino ang makatao ang ipinaglalaban? Para sa akin, matitimbang lang natin yun nang mabuti kapag inamin ng bawat isang may Diyos bilang totoo at hindi nagmamaliw na pamantayan. 

So yes, I am always an advocate for diversity, but according to what God sees as genuinely lovely, appropriate, and honorable to his sight. 


7. Anong klaseng pananaliksik ang iyong ginagawa sa pagsusulat, at gaano katagal ang oras na iyong ginugugol doon bago mo tuluyang simulan ang iyong isinusulat? 

Wala namang masyadong hard facts ang Reaching Through (at sobrang biglaan lang talaga ng idea!) so hindi ko kinailangan ng extensive research sa proseso ng pagsusulat. Kung gumugol man ako ng oras para maghanap-hanap ng sagot para sa mga iilang detalyeng hindi ako pamilyar, pinakamatagal na siguro ang tatlumpung minuto? Pero yung mga future works kong hindi pa naka-publish dito sa Wattpad, mukhang aabutin ako ng ilang araw doon dahil yung iba ay may pagka-historical at complex ang characters. 

So depende talaga 'yan sa genre at themes! :> 


8. Ano ang ibig sabihin ng literary success para sa iyo? At kailan mo masasabing successful ka na sa mundo ng literatura? 

Hmm, literary success? Yung makatapos ng matinong kwentong tuwing mababasa ko, mapapasabi ako ng, 'putek, sinulat ko 'to?! angas ko pala!' Yung tipong kapag binalikan ko ulit, walang bahid ng pagsisisi sa puso kahit hindi perpekto ang pagkakasulat. Hindi naman ako plastik para sabihing hindi literary success ang makapag-publish ng libro na tatangkilikin ng mainstream readers. Isa 'yong malaking pribilehiyo na valid namang hangarin ng kahit sino. Pero ang pribilehiyo. . .ay pribilehiyo. Hindi ipinapangako yun sa bawat manunulat. Ngunit kung kaya kong maipagmalaki ang sariling kwento kahit sa iilan lamang, or even just to myself, hindi ko na ituturing ang paglilimbag ng libro at ang pagpupugay ng mainstream readers bilang 'THE GOAL' na kapag hindi ko naabot ay wala na akong kwentang manunulat. 

Reminder to self: popularity does not equate to mastery, beybeh. 


9. May maipapayo ka ba sa mga bagong manunulat? 

Ang dami nang cliches na advice na nakakasawa na ring ipaulit-ulit kaya ganito na lang siguro: bahala ka sa buhay mo, new writer! Nasa sa 'yo kung magseseryoso ka o hindi. Nasa sa 'yo kung magsisipag ka o hindi. Nasa sa 'yo kung gusto mo ba talaga o hindi. Ikaw lang nakakaalam. Walang sinumang makakapagdikta niyan. Pwede naming mapansin nang konti pero sa 'yo pa rin nakasalalay ang final statement kung ano ba talagang motibo mo. 

Saka iwas reklamo na rin siguro, lalo na sa mga bagay na kontrol mo naman, dahil wala namang pumilit sa 'yong pumasok sa larangang ito. 

Magkwento ka lang. 

Makikinig yung mga interesado. 

Kapag hindi sila interesado, dalawa lang 'yan: kulang ka sa pagiging interesante dahil wala ka man lang balak ilibot sila sa iba't ibang mukha at pasikot-sikot ng mundo o talagang hindi lang nila tipong tumambay sa lugar o scenario o emosyon o kung anumang bagay na ibinabahagi mo sa kanila. 

Kanya-kanya talaga 'yan. 

Ano't ano pa man, bisita lang sila. Pagsilbihan mo. Pero asahan mong darating ang araw na aalis din sila. Hindi mo sila preso. Matuto kang maging mapagpalaya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro