December 2021 (i) Panayam kay nayinK
1. Ilang taon ka nang Wattpad Staff at ano ang posisyon mo?
Siya ay nagtatrabaho para sa Wattpad simula 2016 bilang Community Associate na naging Content Associate kalaunan. Hindi ito fulltime na trabaho at sa tuwing may ibinibigay lamang ang kanyang mga manager. Nang sumapit ang 2020, ang role niya ay naging official na Wattpad Staff nang maging fulltime Editorial Specialist siya. Sa susunod na buwan, may pagbabago muli sa kanyang role dahil siya ay magiging Writer Development Associate.
2. Ano ang iyong mga ginagawa bilang Wattpad Staff?
Bilang Editorial Specialist, nagsimula si Nayin sa pamamahala ng Stars Program at Paid Stories Program para sa mga Filipino Wattpad Writer hanggang nag-focus siya sa Paid Stories Program nang sumapit ang March 2021. Sa kasalukuyan, naghahanda siya sa mga magiging bagong gawain sa pagbabago ng kanyang role sa susunod na buwan.
3. Paano mo napagsasabay ang pagiging kabilang sa Wattpad Staff at mga pinagkakaabalahan mo sa labas ng Wattpad?
Dahil ito ang kanyang fulltime work, 8 hours sa kanyang bawat araw ay para sa pagtatrabaho bilang Watpad Staff. Nang maging first time mom noong July 2021, inasahan ni Nayin na mahihirapan siya ngunit kabaligtaran ang nangyari. Habang nag-aalaga sa kanyang baby at naging butihing maybahay, mayroon pa rin siyang sapat na oras para magtrabaho. Ang susi dito ay time management.
4. Ano ang pinakamagandang aral na natutunan mo sa pagiging Wattpad Staff?
Dahil sa pagiging Wattpad Staff, natutunan ni Nayin na hindi imposibleng mangarap. Hindi imposibleng maging propesyon ang pagiging manunulat. Hindi posibleng kumita mula rito. Hindi imposible na makapag-focus ang isang writer sa paggawa lamang ng akda. Darating ang panahon na magiging posible ang mga bagay na inaasam. Minsan, kailangan lang maghintay sa tamang panahon at pagkakataon.
5. Ano ang pinakamasayang parte sa pagiging Wattpad Staff?
Ang pinakamasayang parte ng pagiging Wattpad Staff kay Nayin ay ang mismong pagiging Wattpad Staff dahil ito ay isa sa mga impossible dreams niya simula pa noon. Hindi niya lubos akalain na ang dating akala niya lamang ay imposible ay mangyayari pala. Isa pa ay ang pagiging daan upang mabigyan ng iba't ibang oportunidad ang ibang mga manunulat lalo na iyong makatutulong talaga sa kanilang buhay.
6. Ano ang pinakamahirap na parte?
Noon, mahirap para kay Nayin na sabayan ang oras sa pagtatrabaho ang kanyang mga boss dahil sa magkasalungat na timezone ngunit unti-unti ay nakapag-adjust din siya at nagtatrabaho na kasabay nila (Eastern Standard Time.)
7. Ano ang iyong masasabi sa culture at working environment ng Wattpad?
Pinahahalagahan ng Wattpad ang work-life balance ng bawat empleyado kaya sa pamamagitan ng pagiging remote at flexible ng oras ng pagtatrabaho, nangyayari ito.
8. Paano nakatutulong ang iyong pagiging kabilang sa Wattpad Staff bilang isang manunulat o mambabasá?
Dahil sa pagiging Wattpad Staff, tumataas ang "standard" ni Nayin sa pagsusulat at pagbabasa. Magandang bagay ito dahil nakatutulong ito sa improvement niya bilang manunulat (sa pamamagitan ng mga natututunan sa editorial side) at mambabasa (naghahanap at nakahahanap siya ng mga de-kalidad na kuwento.)
9. Maaari mo bang ibahagi sa amin ang isa sa hindi mo makalilimutang karanasan mula nang ika'y maging kabilang sa Wattpad Staff?
Pinakamasaya si Nayin sa tuwing nakatatanggap siya ng pasasalamat mula sa mga manunulat na nabibigyan niya ng oportunidad o kaya natutulungan ng kahit maliliit na bagay.
10. Bilang kabilang sa Wattpad Staff, paano mo hina-handle ang kritisismo ng ibang Wattpaders sa inyong ginagawa para sa buong community?
Bilang Wattpad Staff, mahalaga ang pakikinig sa sinasabi ng community kaya ganoon ang ginagawa ni Nayin. Nag-oobserba siya at updated sa mga kaganapan sa community at tinatanggap niya ang mga kritisismo. Inaabot at pinaaalam niya ito sa Wattpad HQ upang malaman nila ang hinaing ng Filipino Community upang sa gayon ay malaman din kung may magagawa sila ukol dito. Positibo man o negatibo, bawat kritismo ay mahalaga upang mapagbuti pa ang Wattpad. Palaging kapakanan ng mas nakararami lalo na ng mga manunulat ang hangad ng Wattpad.
11. Maaari ka bang magbigay ng mensahe sa Wattpad at sa komunidad natin?
Marami nang nagbago sa Wattpad. Nitong November 2021, ipinagdiriwang ng Wattpad ang kanyang 15th birthday. Imagine that? 15 long years. (Kaway, Titas of Wattpad!) 15 years of constant change (for the better). Kailangang sumabay ng Wattpad sa modernisasyon at sa pagbabago. Ang anumang stagnant lamang ay walang mararating. Hindi dahil may Paid Stories na o iba na ang istura ng platform sa nakasanayan natin ay hindi na ito maganda. Lagi nating tatandaan na daan-daang tao ang nasa likod ng Wattpad at palaging aim ng anumang kompanya o platform ang maging "better version" ng kanilang nakaraan. Bigyan sana natin ng pagkakataon ang Wattpad na magbigay ng focus sa ating mga paboritong manunulat. Milyon-milyon pa rin ang mga libreng kuwento. Maraming manunulat ang naapektuhan ng pandemic. Isipin nating mabuti ang mga bagay na iyon.
Mula sa Wattpad HQ, taos puso akong nagpasasalamat sa inyong lahat na mula pa sa nakalipas na 15 years ay nandito na sa Wattpad at naging tahanan na ito. Thank you for growing with us! Sa ating mga writers, huwag tayong titigil sa paglikha ng mga masterpieces. Sa mga readers, huwag din po sana tayong magsawa sa pagsuporta dahil tayo ang lakas ng ating mga paboritong manunulat.
Hanggang sa susunod na 15 years,
Nayin
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro