April 2021 (i) Panayam kay floeful
1. Ano ang kuwento sa likod ng iyong unique na username?
Ang pinakasimpleng paliwanag sa username kong "floeful" ay: ito ay galing sa palayaw (nickname) kong "Floe". Ang mas kumplikado namang eksplanasyon ay: walang salitang kabaligtaran ang "flawless" (na nangangahulugang perpekto).
At dahil aminado akong marami pa akong kailangan at p'wedeng matutuhan sa larangan ng pagkukuwento at pagsusulat, idinugtong ko ang panlaping "-ful" para mabuo ang "floeful" (flawful).
2. Kailan ka nagsimulang magsulat ng mga kuwento? Ano ang nagtulak sa'yo na magsulat?
Setyembre 25, 2013 ang nakalagay sa mismong page ng profile ko pero sa totoo lang, hindi ko maalala kung bakit at paano ko ginawa ang account ko noong araw na 'yon.
Siguro, iyong kagustuhan kong magbasa at magkuwento ang nagtulak sa akin sa mundo ng pagsusulat. Siguro, maaga pa lang ay namulat na ako sa katotohanang habangbuhay akong uhaw at gutom sa iba't ibang midyum ng pagkukuwento?
3. Paano mo natuklasan ang Wattpad, at bakit napagdesisyunan mong ilathala ang iyong mga akda rito?
Bago ko pa malamang website pala ang Wattpad (na kalaunan ay nagkaroon ng application na p'wedeng i-download), matagal na akong nagbabasa ng e-books na gawa ng mga manunulat mula rito.
Napagdesisyunan kong ilathala ang mga akda ko rito dahil ito ang kinalakihan kong online platform. Sinubukan ko namang magsulat sa iba pang websites (noon) pero mas interactive at mas malawak kasi ang mundo ng Wattpad.
4. Sino ang iyong paboritong manunulat, at bakit?
Wala akong paboritong manunulat pero nang mabasa ko ang tanong na ito, si Jasmine Warga ang pumasok sa isip ko. Isa pa lang ang nababasa kong gawa niya, ang "My Heart and Other Black Holes", pero masasabi kong pinagtutuunan niya talaga ng pansin at pinaglalaanan niya ng oras iyong gusto niyang matutuhan ng mga mambabasa mula sa akda niya.
5. May paborito ka bang manunulat o kuwento sa Wattpad?
Hmm, wala akong paborito pero sina pilosopotasya, TCWDM, at JhingBautista ang binabalik-balikan ko sa Wattpad. Kay pilosopotasya (Rayne Mariano), ang paborito ko ang iyong duology niyang "23:11" at "11/23", pati na ang "Uncensored" (kahit ongoing pa). Kay TCWDM (Eloisa Madrigal) naman ay iyong "Candy Series". Ang paborito ko namang akda ni Ate Jhing ay iyong "Karmic Hearts" at "Red".
6. Maaari mo bang ibahagi sa amin kung tungkol saan ang iyong kuwento, at gaano katagal mo nang isinusulat ito?
Sa kasalukuyan, ang pinagtutuunan ko ng atensyon ay ang "That Series #01: That January Rain". Sinimulan ko ito noong Mayo 2020 at hanggang ngayon ay hindi pa ako nangangalahati (haha sorry na :c).
Ang TJR o #ThatSeries01 ay umiikot sa koneksyong nabuo nina Kena at Gab noong nasa kolehiyo pa lamang sila. Pareho silang estudyante pa lamang noong unang beses silang magkita pero pagkatapos ng ilang taong pangangapa sa kani-kanyang mundo. . . muli silang bibigyan ng pagkakataong dugtungan ang nasabing koneksyon.
7. Ano ang goal mo bilang manunulat na kapag natupad na ito ay masasabi mong, "I finally made it."?
Sa katunayan, nasagot ko na ang tanong na ito noon. Sinabi ko na kahit na marami pa akong bigas na kakainin (ika-nga nila), masaya na ako sa estado ko ngayon sa larangan ng pagsusulat. Sa dulo ng panayam na iyon, napagtanto kong hindi pa pala ako masaya o kuntento (lol haha).
At iyon ang bibitiwan kong sagot ngayon: masasabi kong "I finally made it" kapag nakaramdam ako ng pagkasapat; kapag napabuntonghinga ako habang binabasa ang isang akdang ni minsan ay hindi ko aakalaing ako ang sumulat.
8. Kung mabibigyan ka ng pagkakataon na makipag-collab sa ibang manunulat, lokal man o international / sikat man o hindi, sino ito at bakit?
Kung mabibigyan ako ng pagkakataong makipag-collab sa ibang manunulat, siguro ay kahit sino kina pilosopotasya, TCWDM, at JhingBautista. Hindi lang kasi sila bihasa sa pasikot-sikot ng Wattpad, nakapaglathala na rin sila ng kani-kanyang libro. Bukod pa roon, napanuod at napakinggan ko na rin sa mga online discussion kung gaano nila kamahal ang mundo ng publishing at panitikan sa Pilipinas.
9. May mensahe ka ba sa iyong mga mambabasa o taga-suporta?
Sa sobrang bagal at tagal ko kung sumulat (at mag-update), meron pa ba? [natawa] Ayon, gaya ng lagi kong sinasabi sa floerists, salamat sa paghihintay at pag-intindi na may mga pinagkakaabalahan ako sa labas ng Wattpad.
(Sana kilala pa nila ako, joke.)
Sana alam nila na kung pabor lang ang mundo (at kung stable ang mental health ko), magsusulat ako araw-araw. Iyong hindi para sa kliyente o requirement sa unibersidad.
Kung pabor lang ang buhay, lagi akong magsusulat ng para sa akin; ng para sa amin.
10. May maipapayo ka ba sa mga bagong manunulat?
Bukod sa gasgas nang payo — ang magbasa nang magbasa — gusto kong isantabi ng mga bagong manunulat iyong natutuhan nilang paghihintay ng inspirasyon at motibasyon. Malamang ay naipayo (o nasabi) ko ito noon kaya gusto ko sanang bawiin ngayon (haha).
Sa ilang taon kong pagsusulat, napagtanto kong hindi dapat hinihintay ang inspirasyon. Subjective kasi ang depinisyon ng inspirasyon para sa 'kin.
Para sa akin, may inspirasyon at emosyong p'wedeng mahita sa maliliit na bagay. Pero kung kailangang manuod ng k-drama o magbasa ng nakaiiyak na libro para magkaroon ng ideya sa sinusulat na eksena, p'wedeng manuod at magbasa.
Hinahabol dapat ang inspirasyon — niyayakap at pinipiga. Hindi p'wedeng umupo, umasa, at hintayin itong dumapo.
Sa mga bagong manunulat, matutuhan sana nila kung paano yumapos at magkuwento ng inspirasyong sila mismo ang humanap at humabol.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro