Misyon
Hindi na alam ni Leo kung gaano na siya katagal sa isang silid na kadiliman lang ang matatanaw. Walang kakaibang amoy siyang nalalanghap at wala ring kahit na anong ingay. Yakap-yakap niya ang sarili sa isang sulok at pilit na inaalala ang lahat. Ngunit, ang tanging malinaw lang sa kaniya ay ang mga pangyayaring naganap, noong dumating sila ng kaniyang hukbo sa isang bundok na walang nagtatangkang umakyat. Kailangan kasi nilang iligtas ang kilalang scientist na si Doktora Tamara.
Base sa nakalap nilang impormasyon, sa lugar na iyon dinala si Tamara ng mga hindi nakilalang mga kalalakihan. Kaya naman kahit na matinding babala ang kanilang natanggap ay hindi nila iyon pinakinggan. Bilang isang sundalo, ang misyon ay kailangan mapagtagumpayan kahit pa buhay ang maging kabayaran.
Papalubog na ang araw noong marating nila ang tuktok ng bundok, nagpasya sila na tumigil sa paghahanap at magpahinga muna sa kanilang kinaroroonan. Naging tahimik ang kapaligiran kaya mapayapa silang nagpahinga. Ngunit, nang magising si Leo ay mga nagkalat na dugo at pira-pirasong katawan ng kaniyang mga kasama ang nasilayan niya!
Napatda siya sa kaniyang mga nakikita! Pansamantalang tumigil ang kaniyang mundo at lumakas ang pintig ng kaniyang puso. Ni minsan sa buhay niya ay ngayon lang niya naranasan ang ganito. Matalas ang pakiramdam ni Leo, kahit na mahimbing ang tulog niya ay magigising agad siya sa kaunting kaluskos sa paligid. Subalit, iba ito ngayon! Wala siyang naramdamang kakaiba sa paligid, kaya imposible ang lahat ng ito...maliban na lang kung hindi tao ang may kagagawan.
"Ah!" daing ni Leo nang maramdaman ang pagtama ng isang matigas na bagay sa kaniyang likuran.
Bumagsak siya sa lupa ngunit agad din niyang pinilit na makatayo. Nanlaki ang kaniyang mga mata sa nakita! Isang bulto na hindi niya mawari kung ito ba ay tao o isang halimaw. Nanginig ang kaniyang tuhod at naging malalim ang paghinga niya. Napaatras siya, ngunit bago pa lumapat sa lupa ang sapatos niya ay mabilis na itong nakalapit sa kaniya, kasabay ng pagkawala niya ng malay dahil sa isang malakas na suntok sa kaniyang sikmura.
***
Nagising si Leo sa labis na liwanag na tumama sa kaniyang nanghahapis na katawan. Agad siyang nabuhayan ng loob sapagkat makaaalis na siya sa lugar na iyon. Nanghihina man ang mga tuhod ay pinilit niyang tumayo at humakbang patungo sa liwanag. Bumalik ang kaniyang sigla nang makita ang labas nito...ang kanilang tahanan!
Dali-dali siyang pumasok sa pinto ng kanilang bahay upang mayakap ang asawa at anak na marahil ay matagal ng naghihintay sa kaniya. Pinuntahan ni Leo ang kusina, iyon kasi ang paboritong lugar ng asawa dahil sa hilig nitong magluto. Subalit, hindi niya ito nakita. Papanhik na sana siya sa silid nilang mag-asawa, nang mabasa niya ang sulat na nakadikit sa fredgider. Sulat kamay ng kaniyang may-bahay para sa kanilang anak. Nakasaad doon na may pinuntahan lang ito at babalik din naman kaagad.
Nakangiting hinaplos-haplos ni Leo ang sulat na iyon habang ginugunita ang itsura ng kaniyang mahal. Napansin niya ang maliit na kalendaryong katabi noong sulat. Kunot-noo niya itong tiningnan, ang petsang naroon ay tatlong taon ng nakalilipas mula nang umalis siya para sa misyon nilang pahahanap kay Tamara.
"Nakalipas? Nakaraan? Paanong nangya-"
Isang tunog ng pumaradang sasakyan ang pumukaw sa kaniyang atensiyon. Sumilip siya sa bintana upang makita kung sino iyon. Ang kaniyang asawa at nakahawak pa ito sa bisig ng lalaking kasama.
Nagpupuyos ang damdamin ni Leo sa nakita. Ang kaniyang asawa, may iba na! Mariin niyang kinuyom ang palad at hinanda sa lalaking papasok. Sa pagbukas ng pinto ay buong lakas niya itong sinuntok. Ngunit, tumagos lang ito! At nilampas lang siya ng mga ito habang masayang naghahalakhakan. Ang mas nakagugulat pa ay ang lalaking kasama ng asawa...ay siya!
"H-hindi. A-ano'ng nangyayari!?" Nanlalaki ang kaniyang mga matang pinagmamasdan ang kamay at ang buong paligid.
Umikot ang mundo ni Leo at muli siya bumalik sa madilim na lugar. Hindi niya mawari kung ito ba ay silid o kawalan.
Nagpalinga-linga si Leo at natunghayan ng kaniyang mga mata ang butil na liwanag. Muli niya itong tinakbo. Habang papalapit siya nang papalapit, lalo namang lumalaki ang liwanag hanggang sa marating niya ang hangganan nito.
Ang silid nilang mag-asawa!
Kitang-kita niya ang kaniyang asawa na nasa sulok ng kanilang kama. Nanginginig ang katawan at basa ng luha ang buong mukha. Patakbo siyang lumapit dito ngunit isang nilalang ang tumagos sa kaniya at naunahan siyang makalapit sa babae.
"Bitawan mo ang asawa ko! Hayop ka!" Hindi mabilang na mga suntok ang kaniyang pinakawalan, subalit balewala lang iyon dahil hindi naman niya natatamaan.
"H-huwag! A-anak, ako ito, ang Mama mo," wika ng kaniyang asawa.
"A-anak? Ang halimaw na ito ang aming anak?" nanghihinang usal ni Leo nang marinig ang sinabi ng asawa.
Ngunit tila bingi ang tinatawag nitong anak. Nagpatuloy lang ito sa paglapit na tila nangingisay. Pabaling-baling ang ulo, duguan ang gula-gulanit na kasuotan at bali ang isang braso. Butas ang tiyan nito kaya kitang-kita ang nakaluwa nitong mga lamang loob. Nakalawit ang isang bola ng mata habang patuloy sa pag-agos ang dugo. Wala na rin itong ilong na tila ba kinagat hanggat sa matanggal.
"Ah! Huwag! Saklolo!" sigaw ng kaniyang asawa.
Muling sinubukan ni Leo na tulungan ang asawa. Subalit huli na. Dahil walang pakundangang kinagat sa leeg ng halimaw ang kaniyang asawa. Sumirit ang dugo nito at kumalat sa sahig. Umalingawngaw ang malangsang dugo nito habang sarap na sarap ang halimaw sa laman ng asawa. Halos mahiwalay na ang ulo nito sa katawan.
"Hindi!" tangis ni Leo.
Biglang nangisay ang buong katawan ni Leo, para bang may dumaloy na milyong bultahe sa kaniyang katawan. Sa pagmulat niya ng mga mata ay natagpuan niya ang kaniyang sarili na nasa loob ng isang malaking kahon na gawa sa salamin. Punong-puno ito ng kakaibang likido. Balot ng bakal ang kaniyang katawan na nagsilbi niyang balat. Ang kaniyang kaliwang mata ay may kakayahang makita ang isang malayong bagay kahit na may harang pa ito. May malaking tubo sa kaniyang bibig na siyang nagbibigay ng hangin sa kaniya.
Isang malakas na suntok ang kaniyang ginawa upang mawasak ito. Kasabay noon ay ang pagsulpot ng malaking monitor ng telebisyon sa kaniyang harapan. Lumabas doon ang mukha ni Tamara.
"Leo, marahil sa mga sandaling ito ay gising ka na at ako naman ay wala na...o ang mga tao sa buong lugar."
Napakunot ang noo ni Leo sa mga pinagsasabi nito.
"Ito na ang panahon upang malaman mo ang lahat. Pinalabas namin ng gobyerno na ako ay kinidnap upang maipadala kayo ng mga kasama mo sa lugar na ito. Kailangan namin kayo para sa eksperementong aming pinag-aaralan. Natuklasan namin ang kakaibang sakit na dumadapo sa iilang mga tao...sakit na walang lunas. Sa sakit na magiging ugat upang mawala ang mga tao at maging halimaw. Ngunit, sa kasamaan palad ay hindi umabot ang iyong mga kasamahan.
Habang ikaw ay walang malay, nilagyan ko ng micro-card ang iyong isipan. Nakakonekta iyon sa satellite kaya nakita mo na ang mga nangyari sa iyong paligid at sa mahal mo sa buhay. Kaya ang mga nakita mo ay ang mga totoong nangyari."
Biglang sa isipan ni Leo ang nakitang nangyari sa kaniyang asawa at anak. Nanginginig ang kaniyang laman sa ngitngit at sa pagnanais na makapaghiganti.
"Leo, ikaw ang bunga ng aming pag-aaral. Misyon mo ngayon na ubusin ang mga halimaw sa paligid at iligtas ang mga normal na taong nabubuhay."
Pagkatapos ng mga katagang iyon ay namatay ang monitor at bumukas ang lahat ng ilaw sa silid. Tumambad sa kaniyang harapan ang iba't ibang uri ng armas; mga baril at mga patalim, maging mga samurai at palakol. Naguguluhan man sa mga nangyayari ay pumili siya ng iilang sandata at lumabas sa lugar na iyon.
Hindi pa nakalalayo sa lugar pinanggalingan niya si Leo, isang lupon ng mga nangingisay na bakay na may buhay ang nagsimulang maglapitan sa kaniya.
"Mukhang ito na ang simula ng aking huling misyon," nakangising bulong ni Leo sa kaniyang sarili.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro