Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Bukang-Liwayway



Tahimik ang buong paligid nang magising si Irene sa loob ng isang silid. Napahawak siya sa kanyang ulo dahil sa kirot na naramdaman. Inilibot niya ang paningin at napa-awang ang kanyang mga labi sa kanyang nakita...ang nobyo niya! Ilang hakbang lang ito mula sa kanya sapat upang makita ang kalagayan nito. May nakatutok ditong ilaw na nasa may uluhan nito, nakatungo ang ulo nito at nasa likuran ang mga kamay.



"Mike!? Mike!" Wala siyang narinig na tugon kaya't pinilit niyang makatayo upang makalapit. Iniangat niya ang ulo nito ngunit napaatras siya at natutop niya ang kanyang bibig sa kanyang nakita! Puno ng dugo at luwa ang mga mata nito!



Gumapang siya papunta sa pintong kanyang nakita kahit ramdam pa rin niya ang panginginig ng kanyang katawan, "T-tulong! Tulungan ninyo ako! Parang awa na ninyo!" hiyaw niya. Walang patid ang pag-agos ng kanyang mga luha. Buong lakas niyang hinila ang pinto para makalabas sa impiyernong lugar na iyon.


Sa kanyang paglabas ay isang bulto ng tao ang sumalubong sa kanya.



"B-beth!?" bulalas niya.



"Kumusta, Irene? Bakit gulat na gulat ka? Hindi ka ba masayang makita ako, Kaibigan?" may lungkot sa tinig nito.



"P-paanong...pa-patay k-"



Bago pa niya matapos ang kanyang sasabihin ay sumigaw ito nang malakas. Nagsimulang umitim ang mga mata nito at ang bibig nito ay bumuka nang napaluwang hanggang sa umabot ito sa mga mata. Lumabas sa bunganga nito ang itim na usok na kalaunan ay naging iba't ibang uri ng insekto!



"Aaahh!" Nagsimulang manlamig ang kanyang pakiramdam. Hindi na niya pinansin ang paligid. Tanging ang daan lang ang malinaw sa kanyang paningin. Lakad...takbo...madapa man ay mabilis din siyang bumabangon dahil doon lang nakatuon ang isip niya. Ni hindi niya naramdaman ang presensiya ng lalaking kanina pa nakasunod sa kanya.



Hindi na nakatiis pa ang taong iyon kaya't mas lalo nitong binilisan ang pagtakbo upang tuluyang makalapit sa kanya.



"Ah! Bitawan mo-"



Tinakpan nito ang kanyang bibig, "Shhh...Irene, ako ito, si Josh," mahinahon nitong sambit. Sa narinig na iyon ay tumigil sa pagwawala ang dalaga at agad napayakap dito.



"J-josh! Si...si Mike! N-nakita ko s-siya roon, w-wala na siya, Josh," hagulgol niya.



"Alam ko, Irene. Alam ko at nakita ko kung sino ang gumawa." Inalo siya nito. Nag-angat siya ng tingin.



"N-nakita mo? P-paano?" Agad siyang lumayo rito at binigyan ito nang mapaghinalang tingin.



"Irene, kakampi mo ako, ok? Huwag mo akong tingnan nang ganyan. Nakita ko kayo ni Mike kaninang hapon. Naisip ko na sundan kayo," paliwanag nito. Doon na nagsimulang bumalik ang mga alaala sa isipan ni Irene.



***



"Mike, saan ba tayo pupunta?" tanong niya rito.



"Pupunta tayo sa lugar na walang ibang tao, Irene. Para naman masolo kita," nakangiting tugon nito.



"Tatawag muna ako kila Mama at Papa para sabihing gagabihin tayo." Inilabas niya ang kanyang selpon at nagsimulang hanapin ang numero ng mga magulang.



"Huwag na, Irene," pigil nito, "Saglit lang naman tayo. Pangako." Kinuha nito ang selpon niya at inilagay sa harap ng sasakyan. Hindi na siya muli tumutol pa, total alam naman ng kanyang mga magulang na ito ang kasama niya. Habang nasa daan ay napansin niyang hindi na pamilyar sa kanya ang tinatahak nilang landas.



"H-hon, saan ito papun-aahh!" Napasigaw siya dahil sa biglaan nitong pagpreno, "Ano ba, Mike!? Mag-ingat ka naman!" angil niya rito.



"Shhh...huwag kang maingay, Hon," saad nito na tila tinakasan ng kulay ang mukha. Bahagya namang bumilis ang pagtibok ng kanyang puso sa nakikitang itsura ng nobyo. Dahan-dahan ang ginawa niyang paghinga dahil pakiramdam niya ay rinig na rinig ang pagtambol ng kanyang dibdib.



"T-teka...saan ka pupunta? U-malis na lang tayo rito," pigil niya sa pagbaba nito.



"Titingnan ko lang, Hon. Baka tao iyon. Kailangan nating tulungan," saad nito. Lumabas ito at tumayo sa harap ng ilaw, sumenyas na wala namang tao kaya't napagpasyahan niya na ring lumabas. Ngunit sa kanyang paglabas ay bigla na lang siyang nawalan ng malay.



"N-natatandaan ko na ang nangyari. P-pero sino ang may gawa n-nito, Josh? Sino!?" Niyugyog niya ang balikat ng kaibigan.



"Irene, hinaan mo ang boses mo dahil baka marinig nila tayo. Hindi natin alam kung nasaan sila ngayon at kailangan nating maging maingat," saway nito. Doon lang naisip ni Irene na igala ang kanyang paningin. Madilim ang paligid ngunit sapat na ang sinag ng buwan upang makita niya ang naglalakihang mga puno, "N-nasaan tayo?" usal niya.



"Hindi ko rin alam pero alam ko kung paano tayo makaaalis dito," determinado ang tinig nito.



"Kung ganoon ay tayo na! Umalis na tayo rito," pagmamadali ni Irene.



"Kailangan nating bumalik sa loob. Siguradong naroon ang susi ng kotse ni Mike, iyon ang gagamitin natin. Naubusan kasi ng gas ang sasakyan ko," saad nito na napakamot pa ng ulo.



"Na naman? Josh, kailan ka ba magtatanda sa ganyan ugali mo na hindi pagpapakarga ng gas tuwing may lakad, a?" atungal niya.



"Irene, hanggang dito ba naman sermon ang maririnig ko sa iyo? Nasa gitna tayo ng kagubatan at mayamaya lang ay maaari na tayong mamatay. Iyon ba ang gusto mong gawin sa natitirang buhay mo?" pagbibiro nito ngunit hindi kumibo ang dalaga.



Hinawakan nito ang kamay ni Irene at maingat silang bumalik sa lumang bahay na pinanggalingan kanina ng dalaga. Bukas ang pinto nito kaya't walang kahirap-hirap silang nakapasok. Pagdating nila sa loob ay napansin ni Irene ang mga litratong nakasabit doon...litrato nilang magkakaibigan!



"Josh!" bulalas niya sabay turo sa mga iyon. Natigilan naman ang binata at isa-isa iyong pinagmasdan. Natuon ang mga mata nito sa litrato ni Beth...ang namatay nilang kaibigan. Akma itong hahawakan ni Josh ngunit bago pa man lumapat ang mga kamay nito roon ay nalaglag na ang larawan. Lumikha ito ng ingay, kasunod noon ay ang yabag ng mga paa. Hinatak ni Josh ang dalaga at pilit na ipinagkasya ang kanilang katawan sa maliit na ilalim ng mesa na nasa gilid ng silid. Isang malakas na hampas sa mesa ang nagpagitla sa kanila, mabuti na lang at natakpan agad ni Josh ang kanyang bibig kaya naagapan ang ingay na malilikha sana niya. Narinig nila na papalayo na sa kanilang kinaroonan ang mga iyon. Maingat silang lumabas sa pinagtataguan ngunit may biglang bumuhat sa mesa at buong lakas itong ihinagis!



"Aahh!" tili niya. Napapikit siya ng kanyang mga mata dahil alam niya na hindi maganda ang mga susunod na mangyayari. Subalit ilang sandali na ang lumipas ay nanatiling tahimik ang silid. Iminulat niya ang kanyang paningin at nakita niya ang mga kaibigan...kasama ang nobyo. Namumula ang mukha ng mga ito dahil sa pagpipigil ng tawa.



"Ano'ng-"



"Happy birthday!" sabay-sabay na hiyaw ng mga ito.



Saglit siyang natigilan bago isa-isang binatukan ang mga ito, "Walang hiya kayo. Muntik na ninyo akong patayin, a. Magkakasabwat kayo? Pati ikaw?" turo niya sa kasintahan.



Napakamot na lang ng ulo si Mike, "Happy birthday, Hon. Pasensiya na, kailangan gawin, e." Kinindatan pa siya nito.



"Ewan ko sa inyo," kunwaring pagtatampo niya.



"Asus, nag-inarte pa ang may kaarawan." Kinurot siya ni Ashley sa tagiliran.



"Hindi naman kasi nakakatuwa ang biro ninyo. Paano na lang kung may sakit pala ako at..." natigilan siya dahil eksenang bumalik sa kanyang isipan.



Gabi iyon nang maisipan ni Irene na yayain si Beth na mamasyal. Sinabi niya rito na maghahanap sila ng lugar kung saan tahimik nilang mapagmamasdan ang mga bituwin at mag-iisip na rin sila ng larong maaari nilang gawin upang hindi sila mainip. Hindi na nakatanggi pa si Beth. Wala itong kaalam-alam sa matinding surpresang naghihintay sa kanya. Pagdating nila sa lugar na iyon ay buong pananabik na pinagmasdan nito ang lugar. Nasa isang luma at mataas na lugar sila noon. Mula sa kinatatayuan nila ay kitang-kita ang buong lugar. Ang mga gusali at mga tahanan na may iba't ibang kulay ang ilaw ay tila mga bituwin sa lupa at sa kanilang pagtingala naman ay makikita ang nagpapagandahang mga tala sa langit.



"Irene, gusto kong makita ang pagsikat ng araw kasama ka," ani nito habang patuloy pa ring nakatunghay sa magandang tanawin. Wala itong narinig na tugon mula sa kanya kaya't lumingon ito. Ngunit isang taong nakasuot ng damit ng isang pari at hawak-hawak ang pugot na ulo ang kanyang nakita! Palapit ito nang palapit...



"H-hindi...h-huwag...huwag kang la-ahh!" Dahil sa pag-atras nito nang pag-atras ay hindi na nito napansin na nasa dulo na pala siya ng gusali.



"Beth! Sandali huwag kang gagalaw! Beth!" hiyaw ni Irene na nasa madilim na sulok lang pala, ngunit huli na ang lahat...tuluyan nang nahulog ang kanyang kaibigan.



"Oy! Irene, ayos ka lang ba? Bakit bigla kang natigilan?" usisa ni Ashley.



"Ha? A, w-wala. Wala ito," tugon niya, "Nasaan nga pala tayo?" tanong niya.



"Oo nga pala, hindi ko pa pala nasabi sa iyo na andito tayo ngayon sa bahay bakasyonan nila Beth," sagot naman ni Josh.



Napaawang ang kanyang bibig, "T-teka lang, kasama ba sa plano ninyo ang kunwaring pagpapakita sa akin ni Beth kanina?"



"Pagpapakita ni Beth?" nanlalaki ang mga matang tanong ni Ashley.



Nagsimulang maglaglagan ang mga larawang nakasabit sa dingding.



"I-ito, k-kasama ba ito sa surpresa ninyo sa akin?" mahinang usal niya.




"Takbo!" sigaw ni Josh.



Isang malakas na hangin na galing sa kung saan ang unti-unting sumusira sa buong silid. Sumiksik sila sa isang sulok at doon ay yumuko. Sa pagkawala nang malakas na hangin ay nag-angat sila ng tingin.



"Maglaro tayo...tingnan natin kung aabutan kayo nang sikat ng araw." Isang sulat sa pader na nakita nila gamit ang pulang likido.



Nagulantang silang lahat. Napayakap naman sa isa't isa si Irene at Ashley.



"Kailangan na nating umalis dito. Hindi ito kasama sa plano," saad ni Mike.



"Tama ka. Tara. Dito tayo," aya ni Josh sa kanila sa isang pinto patungo sa ibabang bahagi ng bahay.



"S-sigurado ka ba? W-wala na bang ibang daan?" bakas ang pag-aalinlangan sa tinig ni Ashley.



"Ash, dito lang ang alam kong mayroong daan palabas," tugon ni Josh.



"Kung ganoon ay tayo na," sabad naman ni Mike.



Mabuti na lang may dalang selpon si Josh kaya't nagkaroon sila ng ilaw upang makita nila ang daan.



"Shit! Anong klaseng lugar ito?" hindi makapaniwalang sambit ni Mike. Kitang-kita nila ang mga mantsa ng dugo sa paligid. Pumailanlang din sa lugar na iyon ang amoy ng sariwang dugo, naaagnas na katawan, bulok na basura, patay na daga at iba pang mga hayop. Natutop ng dalawang dalaga ang kanilang mga bibig ngunit hindi na mapigilan ni Ashley ang masuka. Napasigaw ito nang makita nito na agad na pinagkaguluhan ng mga insektong naroon ang likidong lumabas sa kanyang bibig. Nasagi nito ang isang bungong naroon at mula sa loob noon sa lumabas ang mga ipis. Isang bangkay rin ang nakita nila. Kinilatis nila ito kung may bagay silang maaaring makuha rito at magamit upang makaalis sa lugar na iyon ngunit bago pa nila ito mahawakan ay may ilang malalaking daga ang lumabas sa bibig at mata nito.



"Ayos ka lang, Ash?" tanong dito ni Irene.



"Hindi ko na kaya...Irene. Lumabas na...tayo rito," hinang-hina nitong tugon.



"Josh, malayo na ba tayo?" usisa niya. Hindi puwedeng magtagal si Ashley sa ganitong kasikip na lugar," dagdag pa niya.



"Malapit na tayo," maikling tugon nito. May nakita itong palakol at martilyo, kinuha nito ito iyon, "Kailangan ko ito," saad nito na tila kinakausap ang sarili.



Naging alerto si Mike sa buong paligid. Naramdaman niya na may hindi mangyayaring maganda. Agad niyang itinulak sa isang sulok ang dalawang babae upang makaiwas sa pagtaga ni Josh.



"Mike!" hiyaw ng dalawa.



"Josh! Bakit?" naguguluhang tanong ni Irene.



"Bakit!? Hindi mo alam!?" Nanlilisik ang mga mata nito.



"I-irene, h-hindi ko na kaya...h-hindi na ako makahinga," usal ni Ashley at tuluyang pumikit ang mga mata nito.



"Ash? Ash!? Gumising ka! Ash!" Tinapik-tapik niya ang mukha nito.



"Irene! Tumakbo ka na! Takbo!" sigaw naman ni Mike.



"P-pero..." Hindi malaman ng dalaga ang kanyang gagawin. Pilit niyang inakay si Ashley, ngunit dahil sa bigat nito ay maya't maya silang natutumba.



"I-irene, i-iwanan mo -na a-ako. U-umalis ka na. I-iligtas mo s-sarili mo," bulong nito.



Hindi na napigilan pa ni Irene ang mapaluha, "Hindi...isasama kita. Aalis tayo rito," pagpupumilit niya.



"T-tanga ka t-talaga," nakangisi pa nitong saad, "M-mabuhay k-ka para s-sa a-akin..." Tuluyan na itong nalagutan ng hininga.



"Hindi! Ashley!" sigaw niya.



"Irene! Takbo!" hiyaw ni Mike sa di kalayuan.



Isang mahigpit na yakap ang ibinigay niya kay Ashley bago niya ito iniwan. Hindi na siya lumingon pa, binilisan na lang niya ang kanyang pagtakbo. Nabuhayan siya ng pag-asa nang masilayan niya ang buwan. Malapit na siya...makalalabas na siya! Isang malalim na paghinga ang kanyang ginawa nang masilayan niya ang kagubatan.



"Mike..." saka lang siya lumingon at napagtanto niya na hindi nakasunod sa kanya ang katipan, "Mike!" hiyaw niya.



Isang hugis ng tao ang naaninag niya mula sa kanyang pinagmulan. Lalapitan niya sana ito ngunit may itinapon itong bagay patungo sa kanya...ang ulo ng kanyang nobyo at ni Ashley! Durog ang mukha ng mga ito at tanging ang mga buhok lang nito ang makikilala rito.



"H-hindi! Mike!" hagulgol niya, "Bakit, Josh!? Bakit!?" puno nang hinanakit niyang tanong.



Humalakhak ito na tila isang demonyo, "Huwag kang magmaang-maangan, Irene, alam mo kung bakit nangyayari ang lahat ng ito!" tugon nito.



Napailing siya, "H-hindi...wala akong alam." Sa bawat salitang binitiwan niya ay isang hakbang paatras ang kanyang ginawa bilang paghahanda sa anumang gagawin ni Josh.



"Hangal! Alam mo na nagkakamabutihan kami ni Beth. Pero pinatay mo siya!" Humakbang ito palapit sa kanya.



"H-hindi ko siya pinatay...hindi k-ko iyon sinasadya." Umiiling-iling siya.



"Sinungaling! Ngayon ako maniningil sa ginawa mo!" Tumakbo ito palapit sa kanya. Dahil sa pagkataranta ay hindi na napansin ni Irene na malapit na pala siya sa bangin. Nahulog siya ngunit napahawak siya sa sangang naroon. Tuluyang nakalapit si Josh sa kanya at itinaas na nito ang palakol upang siya ay tagain subalit nakabitaw siya sa pagkakahawak at nahulog.



***



"Nasingil ko na siya, Mahal, wala na siya," usal ni Josh habang yakap-yakap ang agnas ng katawan ni Beth. Nasa loob muli siya ng lumang bahay.



***



Mataas ang banging ikinabagsakan ni Irene kaya't himala na lang kung mabubuhay pa siya...at araw-araw ay may nangyayaring himala. Tadtad ng galos ang katawan ni Irene at tanging ang mga daliri lang niya ang kanyang naigagalaw.



Isang taong may matamis na ngiti ang kanyang nabungaran, "Irene, gusto kong makita ang pasikat ng araw na kasama ka," saad nito.



Napaluha siya sa kanyang narinig, "Patawad...Beth," usal niya.



Hinawakan nito ang kanyang kamay, "Mabuhay ka para sa akin, Irene." At unti-unti na itong naglaho kasabay nang pagsikat ng araw.


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro

Tags: