9 Schadenfreude
Murderer's POV
Nakatitig lamang ako sa kawalan nang pumasok siya sa aming pinagtatambayan. Napatayo ang kasama ko sa tensyong dala ng matandang pumasok. Tila handa siyang sunggaban ito sa oras na gumawa ito ng kalokohan.
Binati niya ako at ang kasama ko. Tumango ako bilang tugon.
"Mr. Laketon." bati ng kasama ko na walang kahit anong bahid ng emosyon sa boses.
"Kamusta ang pinagagawa ko sa inyo?" pormal niyang tanong sa aming dalawa. Ngumisi ako. Umiwas naman ng tingin ang aking kasama.
Nang mapagtanto kong walang balak sumagot ang kasama ko, nagsalita ako.
"Pinatay namin si Nurse Tin."
Ngumiti si Mr. Laketon bago siya muling nagsalita.
"Si Denise?"
Marahang tumingin sa akin ang kasama ko. Tila nagbabanta ang kanyang mga mata. Lumapad ang ngisi ko.
"Wala na siya."
Ngumiti siya sa kanyang narinig. Isang ngiting nakakikilabot, na pati ako'y naapektuhan.
Denise's POV
Dali dali akong bumangon nang naalintana kong wala ako sa pamamahay namin. Agad namang kumirot ang balikat ko kaya't napahawak ako dito. May benda... paanong...?
Dahan dahan akong tumayo kahit kumikirot ang aking binti. Kinuha ko ang gunting na nahagilap ng mga mata ko at dahan-dahang tumungo sa pintuan ng kwarto. Nang akala ko'y nakakulong ako, bumukas ang pinto pagpihit ko. Nakahinga ako ng maluwag.
Pinilit kong tumahimik kahit napakasakit na ng binti ko. Ilang hakbang nalang, makakalabas na ako. Lalayo ako. Magtatago. Mabubuhay ako. Malayo sa nakaraan.
Napasinghap ako nang nakarinig ako ng mga yabag mula sa likuran ko. Bumilis ang pintig ng puso ko. Tila hinihingal ako kahit hindi ako tumatakbo. Nanlamig ang mga kamay ko. Parang nawala sa isip ko ang ideya ng pagtakas. Humigpit ang hawak ko sa gunting, handa akong manaksak alang-alang sa kaligtasan ko. Hindi ko hahayaang masayang ang buhay ni Mama.
Lumakas ang mga yabag niya, isang senyales na papalapit siya sa kinaroroonan ko. Hindi ako nagtangkang lumingon. Kinalma ko ang sarili ko.
"Denise--"
Mukhang may sasabihin pa siya ngunit mabilis akong tumalikod, nakataas ang kamay na hawak ang gunting, at akmang sasaksakin kung sino man ang tumawag saking Denise. Ngunit mas mabilis siya at mas malakas, hinawakan niya ang magkabilang kamay ko.
Nagpupumiglas ako ngunit labis na kumikirot ang balikat ko. Dumadagdag pa ang sakit sa binti ko.
"Denise, teka, hindi ako kalaban!" sabi ng lalake.
Sa pagkakasabi niya 'nun, doon ko siya marahang natignan. Napatitig ako sa mukha niya. Pamilyar... napakapamilyar.
Biglang sumagi sa isip ko ang isang pangyayari.
Ikinulong ako sa isang kwarto. Madilim, napakadilim. May sinag ng buwan mula sa maliit na bintana ngunit hindi iyon sapat upang paliwanagin ang silid. May tumapal sa bibig ko kaya hindi ako makasigaw at makahingi ng tulong. Takot na takot ako.
"Tapos ka na bang mag-ingay? Ako naman." Dinig kong sabi niya.
Siya ang pumatay sa akin.
Napaupo ako nang parang mabibiyak ang ulo ko sa sobrang sakit. Ilang araw ko na bang hindi naiinom ang gamot ko? Kailangan ko iyon... mukhang iyon ang magpapawala ng sakit ng ulo ko.
Naramdaman kong hinawakan niya ang magkabilang braso ko. Nagsasalita siya ngunit hindi ko siya maintindihan. Parang wala akong marinig.
Lumabas ang isang babae mula sa isang kwarto at napatingin sakin na para akong isang multo. Bigla siyang tumakbo. Mas dumoble ang sakit ng ulo ko.
Kahit nanlalabo ang aking paningin, nakita kong bumalik ang babae na may hawak ng isang matulis at kumikinang na bagay. Tinapon niya ito sa direksyon ko. Napasinghap ako bago dumilim ang aking paningin.
---x---
WAAAAAAH 1K READS SALAMAT SA LAHAT NG NAGBABASA.
Schadenfreude (noun) - a feeling of enjoyment that comes from seeing or hearing about the troubles of other people.
PASENSYA NA'T NGAYON LANG AKO ULIT LUMITAW, MIDTERMS PO HEHEHE.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro