1 Tawag
Andie' s POV
Ilang minuto na rin akong gising. Alas seis pa lang pero Sabado naman ngayon at wala akong pasok sa school, so okay lang na magtagal muna ako sa higaan.
Huminga ako ng malalim.
Debut ko na sa susunod na Sabado, pero dalawang linggo na mula nang huling tumawag si Papa. Gusto ko sana siyang makausap para i-confirm kung makakarating sya sa munting salu-salo na napag-usapan namin.
Oo, munting salu-salo lang. Hindi magarbong handaan sa isang hotel. Kasi kotse ang hiningi ko kay Papa at Mama. Katwiran ko, mas praktikal iyon at magagamit pa namin, kaya pumayag sila.
Maya-maya'y may kumatok at sumilip ang nag-iisa kong kapatid.
"Ate..."
Naghikab pa ako at nag-inat nang bahagya.
"Bakit?"
"Si Papa, nasa phone! Dali!"
Nagmamadali akong bumangon. Hindi ko na hinagilap ang tsinelas ko. Hinawi ko na lang ang buhok kong lampas balikat papunta sa likod ko.
Excited kaming bumaba ni Juno. Bihira lang kasing tumawag si Papa. Maswerte na kami na makatawag siya ng tatlong beses isang linggo. At maswerte na rin kung makakauwi siya sa bahay once a month.
Scout Ranger si Papa, at sa Mindanao siya nakadestino sa nakaraang apat na taon.
Nadatnan pa namin si Mama, na naluluha habang kausap si Papa sa phone.
"Hon, eto na dalaga mo. Andie, dali ka! Di pwede magtagal si Papa mo sa phone," sabi ni Mama.
"Pa..." naluluha ako. " Musta na po kayo?"
Pinindot ko yung speaker phone ng Telpad namin.
"Eto, masaya. Nakausap ko na kayo eh," tumawa pa ng mahina si Papa.
"Pa, uwi ka na!" sigaw ni Juno sa tabi ko.
"Pambihira! Wag ka ngang sumigaw sa tenga ko," sita ko kay Juno.
May pagkaisip bata pa rin itong kapatid ko. Tatlong taon lang halos ang tanda ko sa kanya pero ganyan siya kapag nae-excite. "Para kang may ADHD! Kumalma ka nga!"
Natawa na si Papa sa kabilang linya. " Uuwi ako sa debut mo, 'Die. Pangako ko sa 'yo yun, di ba? In-approve na yung one week leave ko."
"YES!" sabay pa naming sigaw magkapatid.
"Papa..." basag ko sa katuwaan namin.
"Oh?"
"Nag-stop na nga po pala ako sa piano lessons ko after ng recital ko last week. Pero nagpa-practice naman ako lagi sa bahay. Nabo-bore na kasi ako sa mga classical music. Yun palagi pinapatugtog sa lesson. Pero, tuloy pa rin yun ako sa choir sa school."
Natawa si Papa, "Okay. Si Jun?"
"Lilipat na ako ng judo class, Pa. Tapusin ko na lang po yung last four sessions ko sa taekwondo. Okay na ko sa blue belt ko dun," ang yabang din nito ni Juno.
"Itong binata mo, gustung-gusto ng mga kara-karate! Maryosep, Ernie!" sabat ni Mama.
"Ma!" angal ni Juno. "Maka-binata naman kayo eh!"
"Sige lang, walang problema. Ma, kailangan ko na ibaba itong phone. Basta siguradong uuwi ako para sa birthday ni Andie."
"Okay, mag-iingat ka lagi, Hon!" si Mama.
"Salamat sa tawag, Pa. Love you!" sambit ko.
"Miss you, Pa. Love you!" sabi naman ni Juno.
"Ma, mahal kita. Ingat kayo lagi ng mga bata," medyo gumaralgal ang boses ni Papa.
Napaiyak na si Mama, "Mahal din kita."
"Aayyyiiiiieee!" panunukso naming magkapatid, pero nangingilid din ang luha namin.
Narinig ko ang pagtawa ni Papa.
Si Mama naman, bahagyang namula. "Heh! Tumigil!" sabi sa amin.
"Sige na. Bye!"
Pagkatapos ng tawag ni Papa, nagkatinginan kaming tatlo at sabay na natawa habang nagpupunas ng luha.
"Para tayong mga tanga!" sabi ni Mama. "Sige na't mag-agahan na kayo. Kailangang makapag-general cleaning tayo bago kayo umalis mamayang hapon."
"Susunod na lang po ako," wika ko.
Nagtungo na si Juno at Mama sa kusina samantalang ako, sa banyo para magsepilyo at maghilamos.
Payak na pamilya. Iyan kami. Hindi man kami mayaman, hindi rin naman kami hikahos. Nakatira kami sa isang middle class na subdivision. Salamat sa educational plan na kinuha noon nina Papa kaya nakakapag-aral kami sa isang kilala at pribadong eskwelahan sa Metro Manila, ang St. Margaret Academy. Si Juno, third year sa high school department. Second year B.S. HRM naman ako sa college. Buti di kami nasakop ng K12. Mas maraming taon ng pag-aaral yun.
Nagawa rin kaming mai-enroll sa mga extra lessons ni Mama. Ako sa music, at si Juno, sa mga kinahihiligan nyang mga karate whatever. Palibhasa, Papa's girl ang kapatid ko. Frustrated kasi sa anak na lalaki sina Papa, kaya kinukunsinti. Minsan tuloy, nag-aalala ako na baka tuluyang syang maging tibo. Not that I have something against LGBT. Mahal ko pa rin ang bunso namin kahit maging ganun sya. Kaso, hindi lahat ng tao, malawak ang pag-iisip. Tsaka sayang ang ganda ng lahi namin. Haha!
Mahusay na maybahay si Mama at responsableng ama si Papa. Sobrang loyal sya sa pamilya namin. Kaya di ako naniniwala na porke sundalo, may babae sa bawat destino. Para sa aming magkapatid, si Papa at Mama ang epitome of love.
Dalawa lang kaming magkapatid. Hindi na maaring sundan si Juno. Na-mild stroke kasi si Mama matapos siyang ipinanganak. Hindi na rin nakabalik sa pagtuturo sa kolehiyo si Mama. Liberal Arts instructor si Mama, kaya nga Andromeda at Juno ang pangalan naming magkapatid, galing sa Roman at Greek mythology.
Lugi nga ako kasi apat na letra lang pangalan ng kapatid ko.
Mula sa early retirement pay nya, nagtayo na lang si Mama ng mini-grocery sa tapat namin na inokupa ang kalahati ng garahe. Ito na ang pinagkakaabalahan nya, maliban sa pag-aasikaso sa aming magkapatid. Sakto pa naman para sa isang sasakyan ang natitirang espasyo. Ang magiging kotse ko!
Naku! Excited na ako para sa debut ko next week!
==============
Don't forget to comment and vote on each chapter!
Thanks and hope you enjoy!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro