CHAPTER VI
📚📚📚
"Goodmorning!" Nakangiting bati na naman niya animo'y wala siyang pinoproblema, buti pa siya.
Saglit ko lang siyang tiningnan at imbis na pansinin ay iniwasan ko siya, ayokong mag-aksaya ng oras sa kanya. Ang totoo'y ayokong makipag-usap sa kahit na kanino, lalo na ang magsalita, ayokong ibuka ang bibig ko dahil sa tuwing gagawin ko iyon ay napapahikbi ako dahil sa nalaman ko.
Hindi na rin ako umaasang may makakaintindi sa nararamdaman ko, para sa iba'y mababaw lang ito. Iniwanan lang naman ako ng kaibigan ko, maraming iba pa naman daw dyan na pwede kong maging kaibigan pero madali lang sabihin iyon dahil hindi naman sila ang nakakaranas. Hindi sila ang nahihirapan.
Para sa akin, mahirap mawalan ng kaibigan, napaka-hirap lalo pa't nasanay na akong nandyan, nasanay na akong may kasama, may sasandalan kaya ngayong nawala ay halos para bang gumuho ang mundo ko, siya lang din naman kasi ang nag-iisang pinagkakatiwalaan ko ng tungkol sa sarili ko at ngayong mag-isa na lang ako, pakiramdam ko kalahati ng pagkatao ko ang nawala, na para bang may parte sa akin na hindi ko na kilala.
"Iniiwasan mo ba ako?" Rinig kong tanong ngunit hindi ako huminto sa paglakad papunta sa student park, dire-diretso lang ako at hindi man lang siya pinansin.
Pagkalapit ko sa isang table ay inilapag ko ang bag ko saka naupo sa silya, inilabas ko ang baon kong pagkain. Nagbaon ako dahil hindi ko kayang pumasok sa canteen at makihalubilo sa kahit na sino, pakiramdam ko anumang oras maiiyak ako.
"Hello? Nandito ako," pangungulit niya saka ikinaway pa sa harap ko ang kamay niya para iprisinta ang sarili niya, "Sigurado akong nakakakita ka kaya imposibleng hindi mo ko nakikita."
Inilapag ko ang hawak kong kutsara saka tiningnan siya ng masama, "P-Please," agad akong huminto ng basag ang boses ko ng sambitin ko iyon.
Agad na napakunot ang noo niya habang nakatingin sa akin, "May problema ba? Mukha ka talagang hindi ayos e, sabihin mo makikinig ako." Agap niya.
Umiling ako, "N-No, p-please g-gusto k-kong m-mapag-isa," utal-utal na pakiusap ko saka mabilis na pinunasan ang luhang kumawala sa gilid ng mata ko.
Ngunit imbis na lubayan ako at makinig siya sa pakiusap ko ay inilapag niya ang bag niya saka naupo sa katapat kong silya.
"Sige na," udyok niya na inilingan ko agad, "Makikinig ako, ano bang problema?"
"W-Wala," tanggi ko.
"Hindi mukhang wala yan," pilit niya.
"WALA NGA SABI!" Sigaw ko dahil sa pamimilit niya at napayuko na lang ako ng mabilis sa mesa para itago ang mga luhang hindi ko na napigilang kumawala.
Napaka-oa ko, ganoong bagay lang ay iniiyakan ko na, ganoon lang at sobra na agad ang pag-iyak ko. Umalis lang siya pero daig ko pa ang namatayan.
"Hey," panimula niya saka pinat ang ulo ko, "Ayos lang yan, sabi sayo hindi ka ayos e. Sige lang, iyak ka lang."
Hindi ako umimik at pinilit na punasan ang mga mata ko para huminto na sa pag-iyak pero habang tumatagal pakiramdam ko mas dumarami lang ang luhang lumalabas sa mga mata ko hanggang sa mapagod na lang ako sa pagpilit sa sarili ko na tumahan.
Ilang minutong namayani ang katahimikan sa pagitan namin bago ako muling nagpunas at umayos na ng upo, bumungad sa akin ang nag-aalala niyang mga mata.
"Okay na?" Tanong niya na tinanguan ko, bumuntinghininga siya, "Gusto mong magkwento?"
Agad akong umiling ng marinig ang dagdag na tanong niya dahilan para mapatango-tango siya.
"Ikaw bahala, hindi kita pipilitin." Sabi niya saka nanahimik na.
"Sorry," nahihiyang sambit ko dahil nakita niya ang pag-iyak ko.
"Para saan?" Tanong niya.
"Sorry kasi nag-breakdown ako."
Ngumiti siya, "Ako nga nag-breakdance e, okay lang yan kunyari na lang wala akong nakita kasi wala ako dito." Pagpapagaan niya.
"Dapat naman talagang wala ka dito-"
"-oh, oh!" Awat niya, "Magsusungit ka na naman!"
"Ang kulit mo kasi," paninisi ko.
"Sorry, pero gusto ko lang naman kasi talagang makipagkaibigan sayo."
"Ayoko nga kasi,"
"Gusto ko nga kasi,"
"Tigilan mo na ko,"
"Ayoko," sagot niya saka umayos ng upo, "Ganito na lang, tutal wala naman yung bestfriend mo at ayaw mo kong maging permanenteng kaibigan. Ako na lang muna ang bestfriend mo, tapos kapag pumasok na siya, hindi na kita kukulitin."
"Ang kapal ng mukha mo,"
"Alam ko," sang-ayon niya na napatango pa, "Gusto ko lang ng kaibigan, sige na, pumayag ka na."
Hindi ako umimik kaya nginitian niya ako, pinagmasdan ko lang siya habang iniisip kung papayag ba ako o hindi.
"Deal," sa huli'y sambit ko na ikinalapad ng ngiti niya.
"Deal yan ha! Walang bawian!" Agad na sabi niya, "Bestfriends na tayo."
"Napaka-ingay mo!" Inis na puna ko na ikinatikom niya.
"Anong klaseng kaibigan ba ang gusto mo?" Tanong niya, "Hmmm, gusto mo ba nung mala-badboy? Yung gangster? O baka gusto mong yung matalino? Mabait ba dapat? Ano?" Sunod-sunod na tanong niya.
"Yung natural." Tipid na sagot ko na ikinatango niya.
"Edi maghanda ka ng ma-bwisit araw-araw," babala niya saka tumawa ng tumawa animo'y kontrabida sa pelikula pero hindi na ako umimik at pinagmasdan na lang siya.
Pagkatapos ng breaktime ay tumayo na ako para bumalik sa klase, iniwanan ko siya doon at hindi na inimik dahil napaka-daldal niya. Samantalang pagsapit ng uwian ay dumiretso agad ako ng baba sa ground floor para sana lumabas na ng school ng bumuhos naman ang ulan.
Napabuntonghininga ako saka itinaas sa ulo ko ang bag ko upang gamiting cover sa ulo ng saktong paghakbang ko sa open grounds ay sumulpot siya saka pinayungan ako, napahinto ako sa paghakbang at napatingin sa kanya habang may ngiti siya sa labi at nakatingin din sa akin.
Napailing-iling ako ng makaramdam ng kakaiba sa puso ko.
"Uuwi ka na?" Nakangiting tanong niya.
"Halata ba?" Masungit na sagot ko ngunit hindi nawala ang ngiti niya.
"Tingin ko, wala kang payong." Napapatangong sabi niya, "So, bilang mabait na bestfriend mo, ihahatid na kita. Tara?"
"Hindi ka mabait, huwag kang magpanggap." Ismid ko pero inangat niya ang kamay at gamit ang isang daliri ay inayos niya ang salamin ko sa pamamagitan ng pagtulak ng frame nun.
"Trying hard ako, para sayo."
"Hindi nakakatuwa."
Inirapan ko siya at naglakad na ako, agad naman siyang sumabay at pinayungan ako. Hindi ko siya iniimik, ni hindi ko siya pinapansin. Pakiramdam ko kasi hindi ko pa kayang maging friendly sa kahit na sino dahil sa nangyari at siguro kaya pumayag na ako dahil naisip ko kanina na marahil may punto ang sinabi ni Ate Marissa at sa pagkakataong ito, kailangan ko ng tulong mula sa iba para hindi ako malugmok sa sakit at mabaliw sa pag-iisa.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro