9
Hindi nga ako nagkamali, sapagkat bago pa man ang pagsilay ng haring araw. Pasado alas singko y medya pa lang ata ng umaga ay kinatok at ginising na ako ni tita Leslie upang agarang pumunta opisina ni master Eve. Doon ay pinagsabihan at pinagalitan niya ako ng todo.
Nang mga oras na iyon ay mistula akong musmos na pinapangaralan ng kanyang ina sa maling ginawa. Hindi ko naman siya masisisi sa kadahilanang hindi naaangkop ang ginawa ko sa posisyong mayroon ako ngayon. Ang pagiging sovereign.
Marami siyang nabanggit na hindi ko na halos binigyang pansin. Basta nakaupo lang ako sa itim na couch habang siya naman ay nagsasalita ng tuloy-tuloy. Walang preno. Pasok sa isang tainga labas sa kabila ang senaryo namin.
Medyo inaantok pa kasi ako't nakakaramdam na rin ng gutom kaya malakas na pinapanalangin sa isipan na matapos na ang kanyang mahabang sermon.
Mabuti na lang talaga ay dumating na si Scarlet, gaya ko halatang inaantok pa rin. Kitang-kita na nagmadali siyang pumunta sapagkat suot pa niya ang kanyang teddy bear print na ternong pajama. At kahit magulo pa ang hanggang balikat niyang buhok at panay ang hikab ay talagang pinilit niyang tumayo ng tuwid.
Sa pamamagitan kasi ng kakayahan niya ay mas makikita ni master ang malinaw ang mga pangyayari. Ang kakayahan niyang may kinalaman sa memorya, ang ilan sa mga alam ko ay kaya niyang makita ang lahat o espesipikong alaala ng taong kanyang mahawakan, kahit pa matagal na iyong nabaon sa limot sa kaibuturan ng utak. Kaya niya ring burahin at itago ang mga alaalang iyon sa utak ng isang tao o 'di kaya'y ipasa ang alaalang iyon sa ibang tao.
Malawak at kakaiba ang saklaw ng kanyang kakayahan, masasabi kong bibihira ang may ganitong uri ng kakayahan, kaya naman madalas siyang isinasama sa mga lakad ni master Eve. At bukod doon ay madalas din siyang makatanggap ng imbitasyon sa iba pang council na may matataas na ranggong misyon.
Dali-dali siyang lumapit sa akin at hinawakan ako balikat. Wala naman akong kakaibang naramdaman. Ngumiti lang siya bago inalis ang kanyang kamay at lumapit kay master. Nakakamangha na sa isang iglap ay agad na niyang nasilip ang mga alaala ko.
Sunod niyang hinawakan sa braso ang ginang at bahagyang natulala at natahimik na lang ito, marahil ay nakikita na niya sa kanyang isipan ang ilang tagpong sa aking alaala na ipinasa sa kanya ni Scarlet.
Talagang napakabilis niya lang sinilip at ipinasa ang mga iyon, halatang bihasa at gamay na niya ang kakayahang mayroon siya.
Napapikit muna si master at sa pagdilat niya'y napabuntong hininga na lang siya bago tuluyang naglakad at naupo sa kanyang swivel chair.
Tumingin siya ng direksyon namin at nagsalita, "Ako ng bahala magpaliwanag sa iba pang council, pero hindi ko magagarintiya na hindi ka mapaparusahan sa ginawa mo."
Seryoso akong tumingin ng diretso sa mga mata niya at tumugon, "Handa po ako sa anu mang parusang maaaring ibigay sa'kin."
Muli siyang humugot ng malalim na buntong hininga saka malumanay na sumagot,
"Maaari na kayong bumalik sa mga silid niyo."
Wala akong inaksayang oras at agad na tumayo at lumabas sa opisina kasunod si Scarlet. Pagkalabas na pagkalabas namin ay binigyan niya ako ng marahang tapik sa balikat.
"Pasaway ka talaga!"
Napangisi naman ako't nakipag-fistbump sa kanya. Bukod kay Claire ay si Scarlet lang ang may alam ng lahat ng patungkol sa'kin o masasabi kong naming lahat. Wala kang maitatago sa kanya. Nakakahiya man yan o makabagbag damdamin. Hindi na iyon nakakapagtaka. Minsan nga'y nakakainis na lang.
Isa siya sa mga malapit naming kaibigan ni Claire at unang kinupkop ng ginang na parang naging anak-anakan na lang niya. Hindi gaya namin ay walang nakagisnang magulang, kapatid o kahit kamag-anak si Scarlet. Ulila siyang lubos sa kadahilanang nasawi ang mga ito sa kasagsagan ng Constellation War.
"Kumusta ka na? parang ang tagal nating 'di nagkita," tanong ko sabay ngiti.
"Heto, maganda pa rin kahit nakapantulog pa at walang ayos."
Natawa na lang ako sa tugon niya habang sabay naming nilalakad ang kahabaan ng pasilyo pabalik sa mga silid namin.
"May mga lakad o misyon ka ba ngayon?" tanong ko.
"Wala pa sa ngayon... kaya sinusulit ko sana ang pagtulog!" may pagtataray sa boses niya, samahan pa ng pagtaas ng kilay.
"Mabuti naman, may practice session yong mga bata mamaya sa may garden, baka gusto mong manood at para makapagkwentuhan na rin tayo nila Claire."
"Sige, magbibihis muna siguro ako. Nawala na rin kasi ang antok ko," banggit niya at naglakad na siya katapat ng pinto ng kanyang silid. Ngumiti muna siya't nag-thumbs up bago pumasok.
Ngumiti rin ako pabalik bago pumanhik sa hagdan patungo sa ikalawang palapag, diretso sa aking kwarto at nahiga agad sa kama. Balak ko muna sanang umidlip kahit sandali ngunit ilang minuto na akong nagpapalit-palit nang pwesto ay 'di ko pa rin magawang makatulog.
Hanggang sa napatitig na lang ako sa puting kisame ng kwarto. Napaisip na kay raming bagay ang kay bilis na nangyari. At ano pa kaya ang mga susunod. Napabuntong hininga na lang ako't hinilot ang aking sintido. Kung kanina'y inaatok at nagugutom, ngayon ay parang nawala biglang lahat. Kahit anong pikit ng mata at lamig ng kwarto'y balewala.
6:00 a.m. pa lang umaga nang tingnan ko ang aking smart phone. Kaya nagpasiya na lang akong maligo't makapagbihis. Pagkakuwa'y pinatay ko ang oras sa pagsilip sa aking mga social media apps at mga accounts dito. Matagal ko na rin naman itong 'di nabubuksan dahil abala ako sa ibang bagay. Para kahit papaano magkaroon man lang ng access sa net world na kinahuhumalingan ng marami, mapabata man o matanda sa ngayon.
Sa pag-iscan ng laman ng newsfeed ay nakatawag pansin sa'kin ang isang bagong post. Isang nahagip na kuha ng cctv, maiksing video clips na sa tingin ko'y kakaiba't di pang karaniwan. Nang panoorin ko ang naturang video ay may taong tumatakbo na may dalang kakaibang sandata. Kahit medyo malabo at maiksi lang ang nakuhang video ay masasabi kong hindi iyon pang karaniwan at sa tingin ko'y isa 'yong Arch.
Ayaw ko naman tumalon sa namumuong espekulasyon sa aking utak dahil alam kong madalas ang hindi totoong pahayag o balita lalo na sa mga social media sites, ika nga nila'y mga troll accounts at pages para maghatid ng maling impormasyon sa tao.
Binasa ko ang ilang comments na may pinakamaraming reactions, at ang sabi nga nito'y isa itong maligno at nambibiktima. Ang isa naman ay isa raw alien ang taong nasa video at balak sakupin ang mundo. Hindi ko tuloy maiwasan 'di matawa sa ilang komento nila, halatang wala silang alam at basta may masabi na lang.
Kinalaunan ay nabagot ako sa pag-iiscroll at nagpasiya na lang bumaba at magpunta ng kusina. Doon ay naabutan ko sila tita Leslie at Cindy na pawang nakasuot ng apron na may print ng pusa at pawang abala sa pagluluto.
Kahit kailan talaga napakasipag ng dalawang ito, lalo na pagdating sa pagluluto at pag-aasikaso ng pagkain. Napalingon naman si Cindy sa gawi ko't napangiti.
"Ang aga natin ha, anong mayroon?"
"Maaga kasi siyang pinatawag ni Eve," saad ni tita Leslie.
"Kaya pala... baka naman may ginawa kang kalokohan ha," may pang-aasar sa tono ni Cindy na nakapamewang pa't naniningkit ang mata.
"Wala noh... may sinabi lang siya sa'kin," palusot ko sabay lakad at kumuha ng tasa't kutsarita saka nagsimulang magtimpla ng kape.
"Maaga rin si Claire at kagagaling niya lang dito kani-kanila lang," wika ni tita Leslie habang abala sa paghihiwa ng ilang rekado.
"Ganoon po ba... may practice session kasi yong mga bata sa may garden mamaya. Siguro tinuturuan na niya si Denver," tugon ko.
"Siya ba yong batang nakita niyo sa university na pinapasukan ni Claire?" tanong ni Cindy.
"Opo."
"Kanino naman?" singit ni Claire matapos makapagsalang ng kaldero sa kalan.
"Ang kapatid kong si Luc," tugon ko.
"Maayos na ba siya? baka mamaya hindi pa siya okey," dagdag pa ng kaibigan.
"Mabuti na ang pakiramdam niya ngayon, panay nga ang practice ni Luc sa magiging duelo nila," wika ko habang tinitikman ang tinimplang kape.
"Magdoble ingat kayo ha," paalala ni tita.
"Opo, hindi naman namin sila hahayaang magkasakitan talaga. Kapag napansin naming sapat na ang mga pinakita nila ay ititigil na namin," tugon ko.
"Mabuti naman kung ganoon, basta kapag natapos na kami sa pagluluto dito ay mag-aalmusal na tayong lahat."
"Opo, tita Les. Sige po punta muna akong garden."
Ngumiti muna ako bago lumabas nang kusina at agad nagtungo sa hardin. Doon ay naabutan ko si Claire kausap ang batang si Denver. Ang simple lang ng kasuotan ng kaibigan kung saan nakagayak lang siya ng printed na puting t-shirt at asul na short. Sa paglapit ko pa sa gazeebo ay mukhang hindi nila ako napansin sapagkat masinsinan ang pag-uusap nilang dalawa.
Mula ng kupkupin si Denver ni master Eve ay ngayon ko na lang siya ulit muling nakita. Madalas lang kasi siyang nasa kanyang kwarto o kung hindi man ay nasa silid aklatan. Masasabi kong medyo nagbago ang tindig niya. At mukhang laging kulang sa tulog at halatang nagdadalamhati pa siya sa pagkamatay ng kanyang lola. At gaya noong kita ko sa kanya ay suot pa rin niya ang kulay abo niyang jacket na may hood habang naka-itim na pantalon.
Hindi ko na sila inabala sa pag-uusap hanggang makarating ako sa gazeebo. At naupo sa bangko't lamesita sa gitna. Habang pinagpatuloy ang pag-inom ng kape't nakatanaw pa rin sa kanila.
Parang nanabik tuloy ako sa pagtutuos nila ng kapatid kong si Luc. Maya-maya pa'y nakita ko ng papalapit si Scarlet kasama si Luc mula sa pinto. Nakangiti pang kumaway sa'kin ang kaibigan at talaga namang nakapag-ayos na siya ng bulaklaking bistida, kung saan kitang-kita ang hubog ng kanyang katawan. Kasunod din ng pagtingin sa gawi namin nila Claire at paglapit din sa gazeebo.
"Good morning, sis at Denver kumusta kayo!" nakangiting bati ni Scarlet.
Agad niyang nilapitan ito at bumeso sa pisngi. Bumeso rin pabalik si Claire at nakangiting bumati,
"Good morning din sis."
"Magandang umaga ate Claire," bati ni Luc.
"Good morning din Luc."
"Paglabas ko ng kwarto ay nakita ko 'tong si Luc na pababa ng hagdan, kaya kahit unang beses naming pormal na magkita at mag-usap ay sinamantala ko na," wika ni Scarlet.
At sa mga tingin palang niya sa'kin ay may nais na siyang sabihin na kinukubli ng mga ngiti niya, marahil ay sinilip na niya ang mga alaala ng kapatid ko na maaaring maging susi para magkaroon ng linaw ang malaking misteryo na naganap sa buhay namin.
Ayaw ko naman agad na magmagtanong o anu pa man dahil may iba pang pagkakataon. Hinayaan ko na lang muna ang sitwasyon para sa duelo nila Luc at Denver upang hindi rin makasira ng konsentrasyon nila.
"So paano simulan na natin, para makilatis?" ani Scarlet.
"Anu ang dapat niyo munang gawin Luc? Denver?" bigkas ni Claire.
Mukhang nakahalata naman ang dalawa kaya kahit medyo naiilang ay nakipagkamay sa isa't isa sina Luc at Denver at bahagyang nakatitigan. Sa talim ng mga titig nila sa isa't isa ay handang-handa na sila at dahil doon ay nag-iba bigla ang ihip ng hangin. Agad namang pinutol ni Claire ang namumuong tensyon na sa tingin ko'y nahalata niya rin.
"Hindi pa nag-uumpisa mukhang nagkakainitan na kayo ha," natatawang saad ni Scarlet.
"Ipakita niyo lang ang mga natutunan niyo at kung sa tingin namin ay sapat na, amin ng ititigil ang duelo. Mahirap na baka magkasakitan kayo ng husto," bilin ni Claire.
Tumango naman ang dalawang bata at sabay silang naglakad sa malawak na damuhan ng hardin. Dumistansya sila sa isa't isa at mukhang naghihintay na lang ng hudyat.
Sumunod kaming tatlo nila Claire at Scarlet na nakadistansya rin, kung saan tanaw namin silang dalawa. Ilang segundo rin ang pumagitna sa amin ng itaas ni Claire ang kanyang kamay bilang panimula.
At sa isang kisap mata'y mabilis ang pag-aksyon ni Denver. Sa pagpitik lang ng kanyang daliri ay may tila pulbos na kulay ginto ang lumabas sa mga laylayan ng kanyang damit na tila sumasayaw sa ere.
"Buhangin?" tanong ni Scarlet.
"Mukhang hindi. Masyadong makintab ang mga iyan, pakiwari ko'y para itong pinulbos na mga ginto," tugon ko.
Sa kadahilanang mas makintab na ito ngayon kumpara noong huli kong makita ang kakayahan niya. Nakadagdag pa ang pagtama rito ng sinag ng papasikat na araw na nagbibigay ng ganda at kintab lalo sa paligid.
Hindi naman nagpatinag si Luc kung saan ang kanyang anino'y mistulang bumangon at para bang may pisikal na katawan iyon.
"Wow! Nakakagulat naman ang dalawang ito," bulalas ni Scarlet.
Habang paunti-unting nabubuo at nakalutang sa ere ang mga gintong pulbos ay mabilis itong nabuo at gumawa ng ilang kopya ng parisukat na mga bloke. Kasunod ng mabilis na pagsugod ng mga ito direkta kay Luc.
Hindi nasindak o gumalaw man lang ang kapatid ko, bagkus ang kanyang anino ang sumalag sa mga gintong bloke sa pamamagitan ng pagsipa at pagsuntok dito, dahilan para mawala ito sa porma at manumbalik sa pagiging gintong pulbos.
Mabilis namang kumilos ang kawangis na anino ni Luc at pasipang sumugod kay Denver ngunit bago pa man tumama ang pag-atake nito'y may sumalag ng gintong pader sa harap ng binata.
At mula sa likod ni Denver ay napakabilis na lumabas ang isang itim na karit; ang Arch ni Luc na galing mismo sa kanyang sariling anino kung saan direkta ang pagtama ng talim nito sa likod niya.
"Kaya rin palang palabasin ni Luc ang kanyang Arch kahit sa anino ng kalaban niya," wika ni Scarlet.
"Tama ka, kahit anung bagay basta may anino ay kaya niyang palabasin ang Arch niya," paliwanag ko.
"Nakakatakot naman pala," tugon ni Scarlet.
Mabilis naman ang pagkilos ni Denver at gumawa siya ng magarbong gintong kalasag na ipinangdepensa niya sa talim ng Arch ni Luc.
"Pansin ko lang... magaling gumawa ng pang depensa at opensa si Denver. Magaling din siya sa pagkontrol at pag-iisip sa pormang gagawin niya sa kakayahan niya," wika ni Scarlet.
"Malaki ang iginaling niya mula ng unang tinuruan ko siya. Hirap siya sa maraming bagay at talagang hindi madali ang pagtanggap niya sa kakayahan niya. Mabuti na lang ang nakayanan niya kahit medyo emosyonal pa siya sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay," wika ni Claire.
"Mabuti kung ganoon, tingin ko naman sa kanya ay mabuti siyang bata," wika ko.
Sa pag-angat ng kamay ng kapatid ko ay nagbago ang porma ng anino niya at naging napakalaking kamay at nilamon ng buo katunggali.
Buong akala namin ay tapos na ang laban ng biglang lumitaw sa gilid ni Luc ang isang bolang kristal na sa una'y ikinataka namin hanggang sa biglang naglaho iyon at naging si Denver.
At may hawak na siyang gintong espada at sabay wasiwas nito, ngunit mabilis ang naging reaksyon ni Luc kung saan lumubog siya sa kanyang anino at lumayo iyon ng ilang metro saka siya lumabas ulit dito.
"Ang bolang kristal bang iyon Arch ni Denver?" tanong ni Scarlet.
"Oo, hindi ka nagkakamali. Kung tama ang pagkakaalala ko iyon ang White Moon," tugon ni Claire.
"Sa obserbasyon ko ay nagawang makipagpalit ni Denver ng pwesto sa kanyang Arch, marahil iyon ang kakayahan nito," paliwanag ko.
"Tama ka, ang isa pang espesyal dito ay kaya niya rin iyon palabasin sa limitadong distansya," wika ni Claire.
"Kung magiging bihasa pa siya sa paggamit ng Arch niya ay paniguradong maraming pa siyang paggagamitan noon," saad ni Scarlet.
Kitang-kita ang pagkalukot ng mukha ni Luc marahil ay nagsisimula na siyang mairita. Natatawa na lang tuloy ako sapagkat umiiral na ang pagkapikon niya.
Lumayo siya ng ilang hakbang patalikod at magsimulang makaramdam kami ng paglamig ng kapaligiran. Hinugot niya mula sa kanyang anino ang kanyang Arch at hinawakan iyon gamit ang kaliwang kamay.
Kitang-kita sa mga mata niya na gusto niyang manalo hanggang sa balutan ang katawan niya ng anino na mistulang naging itim na baluti. At paglabas din ng malaking hugis pakpak sa kanyang likuran.
Sa ginawa niyang iyon ay animo'y nahihigop ang enerhiya sa paligid. Mabigat at hindi maganda sa pakiramdam, kahit sa ilang metrong layo sa kanya ay talagang ramdam na ramdam namin.
Hindi naman nagpatinag si Denver, mula sa laylayan, mga uwang ng kanyang damit at maging sa lupa ay lumabas ang mas maraming gintong pulbos. At nabuo ang isang malaki at may taas na pitong pulgada na ginintuang mekanikal golem.
At nakasakay siya sa balikat nito't nakalutang din sa harap niya ang kanyang Arch.
Mukhang may pinaplano silang tapusin na ang duelo. Sa kutob ko'y isa sa kanila ang mapupuruhan kong hindi agad ito ihihinto.
Napatingin muna ako sa gawi nila Claire at Scarlet. Sa mga titig at galaw nila'y ganoon din ang kanilang pananaw. Talagang sineryoso ng husto ng dalawa ito ang tunggalian nila.
Sa isang banda maganda rin ito sapagkat maipamamalas nila ang kanilang angking mga galing. At mga posibleng maging kahinaan at limitasyon sa hinaharap. Sapat ng matuklasan nila ito para sa mga haharapin nilang mga laban.
Ilan segundong katahimikan din ang pumagitna sa amin hanggang sabay silang sumugod. Ngunit bago man sila tuluyang magsalpukan ng kakayahan ay akin ng ibinalik ang oras.
Panandalian silang natigilan at napakamot na lang ng ulo ang dalawa bago napatingin sa gawi namin, marahil ay alam na nila ang ibig sabihin.
"Tapos na ang duelo, tingin namin ay masyado na kayong nagkakainitan," wika ni Scarlet.
"Pero wala pa pong nananalo sa'min," saad ni Luc.
"Hindi niyo naman kailangang manalo. Sapat ng maipamalas ninyo ang inyong mga kakayahan," paliwanag ni Claire.
"Kaya easy lang kayo, may iba pang pagkakataon gaya ng mga misyon. Kaya maigi na paunlarin niyo pa lalo ang inyong mga sarili at kakayahan," saad ni Scarlet.
"Ang mahalaga rito ay kung may natutunan ba kayo... balangkasin at pagnilay-nilayan niyong lahat ng mga iyon," wika ko.
Lumapit kami kasabay ng paglapit ng dalawang bata sa'min. Matapos ng lahat ay nakangiti silang nagkamayan saka nag-akbayan tanda pagiging magkaibigan. Nakakatuwa silang pagmasdan bagay na nagbibigay sa'min ng ngiti.
Ito ang isa sa mga nais kong manatili. Anu pa man ang kanilang pagdaanan ay dapat salubungin mo iyon ng may ngiti, busilak na puso at hangarin upang sa gayon magawa mong tumayo sa kahit anu mang pagsubok ang ibigay sa'yo.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro