8
Sinong mag-aakalang may komunidad na mumuhay sa kabundukang ito?
Kahit ako mismo ay nabigla at namangha.
Sa paglibot ng paningin ay napansin kong ang mga bahay nila'y gawa sa pinagtagpi-tagping pawid at kawayan na masusing binuo. At 'yong iba nama'y nakatirik sa taas ng punong-kahoy.
Walang bakas ng ano mang makabagong kagamitan na makikita, lahat ay gawang kamay. Payak at sa kalikasan umaasa ng ikinabubuhay.
Habang palakad kami kasunod ng pinuno'y kapansin-pansin ang pagsunod ng mga bata, kung titingnan ay mistula silang ordinaryong musmos na walang muwang sa mundo aming ginagalawan. Panay ang dikit at pagiging magiliw nila.
"Mukhang naaakit sila sa malakas na kapangyarihang mayroon kayo, kabaligtaran naman sa mga hustong gulang na lobo. Tingin nila'y mga banta kayo. Hindi naman nakakapagtaka iyon, dahil kahit magtulungan kami'y di namin kayang makipagsabayan sa inyo," saad ni Wayze.
At narating nga namin ang tirahan ng pinuno sa dulo ng komunidad. Kumpara sa mga bahay na aming nalagpasan ay 'di hamak na mas malaki at malawak ang espasyo ng bahay ni Wayze.
Napapalibutan din iyon ng mga tanim na halaman, bulaklak at wild orchids na nakasabit sa bakod na kawayan. Mayroon ding maliit na hardin na pinagtatamnan ng prutas at gulay.
Pagpasok sa loob ay wala masyadong gamit, bukod sa mga makukulay na mga banga at palayok. Naupo naman ang pinuno katabi ang katipan niya sa isang hinabing sapin na may maganda at makulay na disenyo. At pinaunlakan kami na maupo sa kaharap nito na mayroon din sapin gaya ng sakanila.
Ang dalawa sa nakasama naming taong-lobo na kung 'di ako nagkakamali ay sina Spear at Ray ay naiwan sa labas habang si Erium ay naupo sa gilid ng pinuno.
"Maaari na kayong magsalita," hudyat ni Wayze.
At inabot ko sa pinuno ang isang selyadong sulat. Gawa sa isang mamahalin at magandang klaseng papel at may kulay pulang selyong itinatak dito. Binuksan niya iyon at binasa ng tahimik.
"Dinadaan niya ako sa sulat, kung tutuusin siya dapat ang nagpunta dito," saad ng pinuno.
"Sino ho ang tinutukoy niyo?" tanong ni Violet.
"Ang paslit na si Zel," tugon nito.
Napatingin naman si Violet sa'kin at halata ang pagpipigil niya ng tawa. Marahil nahawa ako sa kanya kung 'di namin kaharap ang pinuno ng mga taong-lobo.
"Hindi na siya paslit ngayon. Isa na siyang Head Council," wika ko.
"Kahit ano pang posisyon niya, para sa'kin isa pa din siyang musmos," saad ng pinuno.
Mukhang malapit sila sa isa't-isa marahil naging magkaibigan ang dalawa bagay na hindi namin alam. Napalunok muna ako saka nagsalita, "Siguro naman nabalitaan niyo na ang tungkol sa pagpaslang sa ilang Celestial."
"Nakatanggap nga kami ng balita tungkol diyan."
"May limitado kaming impormasyon tungkol sa grupo nila at naikwentro rin namin ang ilan sa mga miyembro nito. May bago rin silang mga kasapi; Ang mga bampira," pahayag ko.
"Mukhang nakakaamoy ako ng 'di maganda." sabay himas ng pinuno sa kanyang puting balbas.
"Kaya nais namin kayong maging siguradong kaalyado," banggit ni Violet.
"Ano naman ang magiging kapakinabangan namin? alam niyo naman siguro na lahat ay may kapalit," bulalas ni Wayze.
"Ang kaligtasan ng buong tribo at ng inyong mga susunod na salin-lahi," saad ko.
Naningkit naman ang mata ng pinuno at napatingin sa kanyang katipan. Kapansin-pansin na parang nag-aalangan siya sa sinabi ko.
"Maaari mong tingnan ang pangitain sa pamamagitan ko. Paniguradong may ganoong uri ng mahika na makakagawa noon," wika ko.
"Mukhang marami kang alam tungkol sa'ming mga Heran," tugon niya. Lumapit siya ng bahagya at idikit ang kanyang kamay sa ulohan ko.
Gumuhit ang puting simbolo at lumabas ang ilang imahe na para bang nanonood kami sa isang telebisyon.
Napakaraming fighter jet ang lumilipad sa himpapawid kasabay ng pagsugod ng 'di mabilang na mga barkong pandigma sa dagat. Kung saang bansa sila galing ay mahirap matukoy. Nagsimula silang magpakawala ng mga missiles direkta sa isla Valeia. Natupok iyon ng apoy at marami ang nasawi.
Kitang-kita rin ang pagsugod sa bundok Tal, marami ang napaslang at ang ibang tumakas ay hindi nakawala sa mga Celestial na kakampi ng Axis.
Parehong mapait na kapalaran din ang sinapit sa mga kaanib na bansa ng Council at World Crest.
Lahat sila ay natupok ng apoy ng pagkawasak.
Sa gitna ng naglalagablab na apoy at nangangalit na kalangitan. Karga-karga ko ang walang buhay na katawan ni Claire habang nasa daraan ko naman ang mga patay kong kasamahan.
Napadiim bagang at napabilis ang tibok ng puso ng makita ko ang tagpong iyon. Pilit kong kontrolin ang panginginig ng kalamnan marahil dahil sa pinagsamang takot at galit.
Iba pala sa pakiramdam ang diperensya ng sinabi at nakita mo ng aktuwal ang mismong preminsyon. Nakakagimbal.
Nawala ang imahe kasabay ng panandaliang katahimikan ang pumagitna.
"May panganib!" saad ni Wayze. Kitang-kita sa mukha niya ang panlilisik ng mga mata't paglabas ng pangil kasabay ng sigawan at alulong sa labas ng kubo.
"Pinunong Wayze! may panganib na paparating!"
At mabilis kaming lumabas at nakita namin ang isang missile na patungo sa direksyon ng tribo. Kung 'di ako nagkakamali isa iyong nuclear bomb, base na din sa disenyo at logo nito.
Kanya-kanya ang takbo ng ibang taong-lobo habang si Jelica nama'y nag-umpisang sumambit ng mga kataga't pagliwanag ng puting simbolo sa paanan niya para sa gagawin niyang mahika. Ilang segundo na lang ay babagsak na ang bomba at huli na ang paggamit niya ng mahika.
Walang alinlangan kong ginamit ang kakayahan at unti-unti ang pagbagal ng bulusok noon sa lupa hanggang sa ang bawat piraso noon ay naglaho.
Sa pamamagitan ng oras ay aking ibinalik kung paano iyon nilikha. Matapos ay nakaramdam na lang ng pagsikip ng dibdib at kakapusan sa hininga. Muntik pa akong matumba, buti na lang ay naalalayan ako agad ni Violet.
"Mapangahas ang ginawa mo, alam mong malaki ang kabayaran ng paggamit mo sa kakayahang iyan!" taas boses na wika ni Jelica.
"Hindi ko na pinahahalagan pa aking ang buhay, ang mahalaga sa'kin ang inyong kaligtasan at adhikain ko para kay Claire," tugon ko kahit medyo nahihirapang bumalanse.
Naging mahinahon ang lahat at bumalik sa kanilang pinagkakaabalahan bago dumating ang panganib. Muli kaming pumasok sa loob ng kubo at binigyan ako ng inumin ni Jelica na gawa sa pinagsama-samang halamang gamot.
Piniga niya ang katas nito na mainam daw sa katawan at panunumbalik ng lakas. Amoy pa lang nito'y bumabaglitad na ang sikmura sa tapang at baho. Nag-aalangan man ay ininom ko na lang iyon ng mabilisan, kahit pa sobrang pait at gustong isuka.
Nang mahimasmasan ay sunod kaming hinainan ng inihaw na karne ng baboy ramo, manok at mga bagong pitas na prutas. Pinaunlakan namin ang kanilang inihanda ay masasabi kong masarap ang mga ito kahit walang ganoong pampalasa.
Matapos ang masarap at pinagpalang piging ay balik kami sa talagang pakay namin.
"Walang malinaw na katiyakan ang mangyayari sa hinaharap lalo na sa'ming mga taong-lobo. Anu mang kahinatnan ng lahat nasa likod mo ang buong lahi ng taong-lobo," mariing wika ni Wayze sabay lahad ng kamay nito.
Napangiti ako't napuno ng kagalakan. Iniabot ko ang aking kamay tanda ng pakikipagkaibigan at pangako.
"Salamat pinunong Wayze sa tiwala, pangako proprotektahan ko ang tanda ng ating pagkakaibigan at ng inyong salinlahi," tugon ko na buo ang loob.
"Pakatatandaan ko ang mga binitiwan mong salita bagito," nakangising saad ng pinuno.
Piniling magpaiwan ni Violet dahil gusto pa niyang makihalubilo ng kaunti habang ako'y dumiretso sa mansyon ni ginoong Gustav. Sa tingin ko'y siya ang may pakana ng pagpapadala ng nuclear bomb sa tribo.
Siya lang ang naiisip kong gagawa noon dahil sa matinding galit niya sa mga ito at pag-alok na niya rin sa'kin na patayin sila. Madali niya lang maisasakatuparan ang gusto niya dahil sa pera at impluwensiyang meron siya. Ayaw kong magbintang, kaya harapan kong tatanungin sa kanya.
***
Sa pinto pa lang ay nakaharang na sina Seline at Niah. Kahit pa nakatayo na ako sa harap nila'y di sila umaalis sa pagkakatayo. Hindi sila natitinag sa presensyang hatid ko.
"Pasensiya na pero ayaw magpa-istorbo ni ginoong Gustav ngayon, bumalik ka na lang sa ibang araw," madiing pagkakasabi ni Seline.
"Wala akong pakialam!"
Aalpasan ko na sana sila ng may banggiting kataga si Seline, "Con-fu-sion."
Napahinto ako't 'di makagalaw. Nalilito't biglang 'di alam ang gagawin. Naramdaman ko na lang ang pagtama ng isang mabigat na bagay sa mukha dahilan para tumalsik ako ng malayo. Nang mahimasmasan ay tumayo ako sa pagkakahiga sa lupa. Unti-unting gumapang ang galit sa sistema, nakangiti ngunit sa loob-loob ay gusto ko silang tirisin.
Tumitig ako ng matalim sa dalawa at kinakitain ko agad si Niah ng panginginig at may pumapalibot na berdeng enerhiya sa kaliwang kamay. Habang si Seline ay nakaalerto't hawak ang kanyang Arch na maliit na baston na may kristal sa bandang hawakan. Pinagana ko ang kakayahan at bumalik sa oras kung saan nakatayo pa ako sa harap nila. Ikinagulat nilang dalawa ang nangyari at pasambit na sana ng kataga si Seline ng masakal ko siya.
Nagpupumiglas siya't napahabol ng hininga habang si Niah ay napaupo na lang at napaiyak. Kung tama ang hinala, sa pamamagitan ng tunog na kanyang binibigkas ay nagagawa niyang mapagana ang kakayahan. Maglalakbay ang tunog na maririnig ng tainga at saka tutugunan ng utak.
"Ayoko sanang saktan kayo, pero kung pipigilan niyo ako, ibang usapan na," maawtoridad kong saad sabay bitiw ko sa pagkasakal kay Seline.
Napatingin na lang ang dalaga habang papasok ako ng pinto. Dirediretso lang ako sa opisina ni ginoong Gustav at doon ay naabutan ko siyang nakaupo at may inaasikasong papeles sa kanyang mesa.
Hindi ko pinakinggan ang sinasabi niya at ibinagsak na lang kamao sa mesa dahilan para mabiyak iyon sa gitna. Nabasag at nabiyak din ang marmol na sahig.
"Subukan mong gawin ulit iyon at tinitiyak kong ikaw ang siyang malalagutan ng hininga!" pagbabanta ko sa kanya. Binigyan ko siya ng matalim at malalim na mga titig.
Gulat ang rumehistro sa matanda, halos hindi siya kumurap at nakatitig lang. Wala akong planong makinig pa sa idadahilan niya, alam kong kasinungalingan din naman ang sasabihin niya.
Wala na rin akong pakialam kung imahe ng buong Council o pagiging may edad niya ang aking binastos o hindi nirespeto. Kung kagaya rin naman niya'y mas tanggap ko pang lumabas na walang modo o delikadesa.
Nagdesisyon na lang akong umalis at umuwi sa mansyon ni master Eve. Ayoko na kasing makita ang pagmumukha niya sapagkat mas lalo lang akong naaalibadbadran.
Kung dati'y nagagawa kong matiis ang ugali niya ngayon ay iba na. Ayaw ko na sana patulan ngunit ito na ang hinihingi ng pagkakataon at para malaman din niya 'di lahat ay kaya niyang pasunurin kung gusto niya basta may salapi.
Agad akong nagtungo sa kwarto ni Axel at nakita ko siyang nagsisiesta katabi si Claire habang kayakap ang alaga niyang kuneho. Humalik ako sa noo ni Axel saka pinagmasdan ang maamong mukha ni Claire.
Napangiti na lang ako at hinayaan silang matulog. Sunod naman akong nagpunta sa bagong kwarto ni Luc sa dulo ng ikatlong palapag. Pagtapat sa pinto'y kumatok muna ako bago pinihit ang saradora.
Pagsilip ay tanging kadiliman lang ang natatanaw. Binuksan ko ng maigi ang pinto ngunit tanging karimlan lang ang naroon, walang gamit, tunog, hindi ramdam ang temperatura at walang anu mang liwanag, hanggang sa unti-unting pagbawi ni Luc ng kakayahan. Napatakbo ako agad ng makita siyang hingal na hingal at halos maligo sa sariling pawis.
"Ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong ko sabay kuha ng panyo sa bulsa para punasan ang mukha niya.
"Oo kuya, nagsasanay lang ako sa paggamit ng kakayahan ko," aniya na may pilit na ngiti.
"Huwag mong masyadong pilitin ang sarili mo at maghinay-hinay lang. Kailangan mo rin magpahinga," paliwanag ko.
"Kailangan kuya, gusto ko rin kasing tulungan ka sa papalapit na Awakening at paghanap sa pumaslang kay mama," paliwanag niya.
"Huwag mong masyadong isipin 'yon at magfocus ka lang sa pagpapaunlad pa ng sarili," tugon ko sabay gulo ng buhok niya.
"Kumain ka na ba?" tanong ko.
"Oo kuya, sabay-sabay kaming kumain kanina."
"Mabuti naman, kung gusto mo doon tayo sa gazebo magpractice. Mas malawak doon at mahangin maigi yon sa baga."
"Mas mabuti pa nga." pinatay muna niya ang aircon at naglakad kami palabas ng mansyon.
Nakaupo muna kami sa gazebo bago ako nagbigay ng ilang tips para sa kanya:
"Simulan mo sa maliliit na bagay," sabay turo ko sa mga pasong may tanim na rosas.
"Subukan mo silang ilipat sa ibang pwesto. Mas maganda ang ganitong pagsasanay kaysa sa ginawa mo kanina na matindi ang magiging epekto sa'yo. Dapat maging gamay mo muna ang abilidad mo at hindi maging pabigat sa'yo," paliwanag ko.
Sino nga naman makakapagsabi na ang mga itinuro ni ama ay maituturo ko rin sa nakakabatang kapatid. Sa totoo lang, si mama dapat ang siyang magtuturo sa kanya ngunit sa kasawiang palad, pinatay siya ng 'di pa nakikilalang salarin. Hindi ko tuloy maiwasang malungkot na may kasamang pagkamuhi pero kahit ganoon man, masaya akong kapiling ko na si Luc.
"Ganito ba kuya..." habang dahan-dahan niyang inililipat ng pwesto ang paso gamit ang kakayahan niya. Ang anino niya mismo ang pumulupot sa paso saka inilipat sa kabilang panig. Paulit-ulit at dahan-dahan.
"Ganyan nga, ituloy-tuloy mo lang."
Kitang-kita ko sa mga mata niya ang pagnanais niyang matuto at mapaunlad pa ang sarili.
"Hanggang kailan ko naman gagawin ito kuya?" tanong niya habang tuon sa ginagawa.
"Hanggang parang humihinga ka na lang," tugon ko.
Napatigil siya't napakunot ang noong tumingin sa akin.
"Posible ba iyon?"
"Oo naman... kaya focus. Sabihin mo lang kung medyo napapagod ka na."
"Sige kuya."
Sa patuloy niyang paglipat-lipat ng mga paso gamit ang anino'y siya naman dating ni Cindy. May dala siyang tray ng pagkain at kamuntikan pang mapatid buti na lang ay nasalo siya ni Luc gamit ang anino at maagap na inalalayan patayo, ang kaso nga lang nabitawan niya ang isang paso.
"Naku! mga alagang tanim yan ni tita Leslie magagalit yon!" tarantang wika ni Cindy.
"Hindi ko po sinasadya ate," paumanhin ni Luc.
Natawa na lang ako't napakamot ulo. Saka ko pinagana ang abilidad na mayroon ako. At bumalik ang paso sa dati nitong estado.
"Ang galing!" manghang saad ni Luc.
"Yon ba ang kakayahan mo kuya? anong klaseng abilidad 'yon?"
Ngumiti muna ako saka nagwika:
"May kinalaman sa oras ang kakayahan ko. Gaya ng nakita mo kanina binalik ko ang oras ng paso kung saan siya hindi pa basag."
"Ang galing naman... espesyal ka talaga kuya," puri niya.
"Espesyal ka din naman."
"Kinabahan ako ng wagas akala ko talaga waley na ang paso. Lagot tayo nun," natatawang wika ni Cindy sabay lapag ng tray sa kalapit na lamesita.
"Hindi ka na sana nag-abala pa," banggit ko.
"Anu ka ba wala ito... Nakita ko kasi kayo na papunta dito kaya naisipan kong dalhan kayo ng meryenda," matawa-tawang bigkas niya.
"Salamat ate Cindy," may ngiting wika ni Luc.
"Your welcome!" Hiniwa niya ang simpleng chocolate cake at inilagay sa isang platito sabay abot din kay Luc ng tinidor. At gumuhit sa mga labi niya ang ngiti. Mahilig kasi ang kapatid kong ito sa chocolate, kahit klase pa iyan. Naghiwa siya ulit at inabot sa'kin. Nakangiti kong kinuha iyon at kinain.
Hindi maitatanging masarap ang pagkagawa niya ng cake. Hindi masyadong matamis at may kaunting tapang. Talagang perpekto niya na ang paggawa nito kumpara sa dati na madalas ay sunog o kung 'di naman wala sa porma.
"Maiwan ko muna kayo, tutulungan ko muna si tita sa kusina para sa hapunan."
"Sabay ka na muna sa'min magmeryenda," alok ko.
"Sige, kayo na lang medyo naumay na ako eh," nakangiting tugon niya sabay lakad habang kumakaway-kaway pa.
"Later na lang!"
Hinatid ko na lang siya ng tingin pabalik. Mas naging masayahin at maalalahanin pa siya kaysa noong unang pinakilala siya ni tita Leslie. Siguro nga nakatulong ang madalas kong pangungulit sa kanya. At suporta ng iba pa naming kaibigan at ipinadama na hindi siya nag-iisa.
Matapos magmeryenda'y nagpatuloy si Luc sa naudlot niyang pagsasanay habang ako'y nagmamasid lang sa ginagawa niya. Lumipas ang isang oras na ganoon lang ang ginagawa niya. Napatigil siya't napahikab.
"Pagod ka na ba?" tanong ko.
"Hindi pa naman kuya... kaso ang boring na eh." kamot ulo niyang saad.
"Sandaling oras pa lang nabagot ka na, noong sinasanay ako ni ama mas matagal at matindi pa diyan."
Sakto namang dumating si Claire kasama si Axel na napatakbo sa'kin ng mabilis at yumakap.
"Sinabi ni Cindy nandito kayo kaya pagkatapos kong pakainin si Axel nagpunta kami agad dito," wika niya ng may ngiti, nagtama ang paningin namin at ngumiti rin akong pabalik.
"Nagsasanay ka daw Luc?" tanong ni Claire.
"Oo, ate... medyo bored na nga ako eh," wika ni Luc na tumigil muna't nag-unat ng kamay.
"Gusto mo bang tulungan kita?" alok ni Claire.
"Nakakahiya naman, pero sige payag ako."
"Hindi ako magiging mabait gaya ng kuya mo, kaya maghanda ka," banta niya.
Napangisi na lang ako't napatingin sa hitsura ni Luc. Napalunok at halatang nagulat siya sa sinabi nito, marahil 'di niya inasahan na ang mahinhin at mukhang anghel na si Claire ay may tinatagong lupit.
Naglakad sila palayo ng gazebo habang kami ni Axel ay Nanonood lang. Mukhang nakuha ni Claire ang gustong pagsasanay ng nakakabata kong kapatid; isang duelo. Mula sa wala hanggang sa magkaroon ng hugis at porma ay lumabas ang isang sandata. Ang kanyang Arch; Ang Seraphim; isang manipis na espada na may anim pakpak sa may bandang hawakan.
Ang kaninang pag-alinlangan ni Luc ay napalitan ng pagkamangha. Inilabas niya rin ang kanyang Arch; Ang Judgement, isang itim at simpleng karit. Sa taas ni Luc na lima't kalahating talampakan, ngayon ko lang napansin na mas mataas pa sa kanya ang sandata niya.
Napapaisip tuloy ako kung magagamit niya ba iyong mabuti. Noong nakalaban ko kasi siya at wala sa katinuan, lagi lang itong nakatago sa anino niya, kumbaga ang anino niya mismo ang may hawak at nagmamaniubra.
"Handa ka na ba?" nakangiting tanong ni Claire.
Tanging tango lang ang nagawa ni Luc kasabay ng wasiwas ni Claire ng kanyang espada. Medyo nagulat pa ang nakakabata kong kapatid at ipinangharang niya agad ang kanyang anino. Ngunit nahiwa lang iyon sa gitna. Naging dibersyon iyon para agad na makalapit at makasugod si Luc.
Madaling nabasa iyon ni Claire kaya madali niyang nasalag ang pagwasiwas ni Luc, pinadulas ni Claire ang kanyang sandata sabay bigay ng bigat sa dulo kanyang Arch dahilan para ang talim ng karit ay bumaon sa lupa. Mabilis nakapag-isip ng gagawin si Luc at mabilis na sinugod gamit ang anino ngunit sadyang triple ang reaksyon ni Claire at nahiwa lang niya ito.
Kisap mata namang lumubog ang kapatid ko sa kanyang anino at mabilis na lumipat sa likod ni Claire ngunit bago pa man siya makaakma ay nakaabang na ang dulo ng talim ng Seraphim sa kanyang leeg.
"Suko na ako," sambit ni Luc kasabay ng pagbalik sa normal ng kanyang anino at paglaho ng kanyang Judgement.
"Ang galing niyo po ate at sobrang bilis niyo din," dagdag ni Luc.
"Kung lagi kang makikinig sa kuya mo at magsasanay pa ng husto mas gagaling ka pa kaysa sa'kin," nakangiting wika ni Claire kasabay ng paglaho ng kanyang Arch.
"Kulang ka pa sa ensayo, ni hindi mo nga napaalis sa pwesto si Claire o napagamit ng abilidad niya," puna ko.
"Masyado na kasing mataas ang libel niya kuya kumpara sa'kin!" nakabusangot niyang banggit.
Natawa na lang ako sa reaksyon niya habang papalapit sila sa gazebo.
"Sige para fair ang sunod mong makakalaban ay 'yong ka libel mo na," saad ni Claire.
Napatingin ako sa kanya at napaisip. Sino naman kaya iyon? ang alam ko lahat kami sa mansyon ay lagpas ng maituturing ang libel kay Luc.
"Nagsasanay na din siya gaya mo at ako ang nagtuturo sa kanya ng mga dapat niyang matutunan."
Saka ko lang napagtanto ng mapangiti sa'kin si Claire. Ang batang si Denver. Sa tingin ko'y magiging maganda ang kanilang pagtutuuos.
"Sa weekend natin gawin para naman makapaghanda pa kayo," nakangiting wika ni Claire.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro