Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

7

"Sana kapag nawala ako maging masaya ka't mamuhay ng normal."

Napasalubong ang kilay ko sa narinig. Ano bang iniisip ni Claire at nasabi niya ang bagay na iyon, pero kahit ganoon ay pinilit kong uminahon. At sumagot din ng mahinahon kahit napipilitan.

"Anong ibig mong sabihin? ako nga ang dapat magsabi sa'yo niyan kasi ako ang Guardian mo."

Ngumiti muna siya bago nagsalita, "Wala lang... bago man dumating ang Awakening ay nais kong maging masaya tayo. Tayong lahat."

Napangiti akong pabalik ngunit sa likod ng mga ngiting ito'y ikinukubli ko ang kaba't takot. Ang pagdating ng nakatakdang araw at oras ng Awakening.

Hindi ko alam ang itatakbo ng mga pangyayari magmula sa mga oras na ito, marapat lang na handa ako. Inabot ko ang mga kamay ni Claire at aking naramdaman ang lambot at init nito.

"Magiging maayos ang lahat ipinapangako ko."

* * *

"Yowen ayos ka lang ba?"

Napabalik ako sa wisyo ng marahan akong tapikin sa balikat ni master Eve. Ang mga alaalang iyon na bigla na lang bumalik sa sapantaha. Hanggang ngayon ay binabagabag pa din ako ng mga sinabi madam Haly. Kailanman ay hindi pa siya nagkamali sa mga ibinibigay niyang preminisyon ngunit iba ngayon. May bigat na lumulunod sa aking isipan.

"A-ayos lang po."

"Kaya mo bang makipag-usap sa lahat?" tanong ni master Eve.

"Huwag niyo akong alalahanin, kaya ko po."

Ngumiti siya't naglakad na sila ni Madam Haly, kusang nagbukas ang pinto't mula sa labas ay nakaupo na ang iba pang Council at Sovereign. Sumunod ako sa paglalakad at nagtungo sa mga nakalaang upuan sa'min.

Binigyan muna ako ulit ng marahang tapik ni master Eve bago siya naglakad papunta sa kanyang upuan. At kahit 'di siya magsalita'y ramdam ko ang pag-aalala niya, kaya naman pilit kong isantabi muna ang nalaman at bigyan pansin ang tungkol sa pagpupulong.

Umupo ako ng maayos at taas noong humarap sa kanila. Ang limang council; Ang nasa pinakaharapan, ang head council na si Gng. Zel. Ang pinakamatanda marahil ay nasa kanyang 60's ngunit mukhang bata pa rin kung titingnan. Nakasuot siya ng itim at pormal na kasuotan at kilalang istrikta sa lahat ng aspeto ng panunungkulan.

Ang nasa kabilang panig katabi ng head council ay nakaupo ang metikulosong si ginoong Warren, beteranong heneral ng hukbong sandatahan sa bansang estados unidos. Suot ang pang militar na damit, na nasa kanyang 50's.

Katabi niya si ginoong Gustav na tulad ng dati'y nangingintab sa kinang gawa ng mga suot nitong mga mamahaling alahas at mga bato na iba-iba kada tuwing makikita ko siya. Dagdag pa ang nangingintab at elegante niyang kulay asul na kasuotan.

Sumunod ay ang Sovereign na si Ero, tahimik at misteryoso ang pagkakakilala sa kanya at kasing edaran ko na nasa 19 o 20 taong gulang. Nakauniporme siya ng kilalang unibersidad na kulay maroon ang jacket at puting polong panloob. Sa lahat ng Sovereign siya lang ang hindi ko pa nakakatrabaho at malimit kong marinig na gumagawa ng misyon.

Ang nasa kabilang panig naman ay ang Council na si madam Haly katabi si master Eve. Kasunod ay ang Sovereign na si Violet na namumungay ang mga mata marahil sa pagpupuyat sa kapapanood ng mga romance series na kinagigiliwan niya.

At katabi niya ang kambal na parehong babae at pinakabata sa hanay ng Sovereign na sa tansya ko'y nasa 10 hanggang 12 taong gulang na sina Dawn at Dusk na akala ata nila sa pagpupulong na ito'y isang picnic, sa dami ng dala nilang tsitserya na nakapatong sa lamesa.

"Nais kong kunin ang atensyon niyong lahat mga kapwa ko Council at Sovereign," saad ni ginang Zel. Inaayos niya ang kanyang suot na pulang salamin bago nagpatuloy magsalita.

"Isang ulat ang aking natanggap galing sa Sovereign na si Yowen, patungkol sa mga naiulat na pagpaslang sa mga kapwa natin Celestial at napag-alaman na ang pangalan ng grupo o marahil organisayong ito ay Axis. Ayon pa sa kanyang ulat at huling misyon ay kumukuha sila ng mga kapanalig at isa na nga doon ay ang mga bampira. Gusto kong malaman ang opinyon niyo ukol dito."

"Sa tingin ko'y maaaring may binabalak silang malaking pag-aaklas. Alam nating malakas at marami ang bilang ng mga bampira't magagamit nila ito kung sakali man," wika ng heneral.

Biglaan naman ang pagsabat ni ginoong Gustav na may mataas ang boses,
"Sabi ko naman kasi sa inyo hindi mapagkakatiwalaan ang mga bampira na yan! Hindi na sana tayo pumuyag sa kasunduan!"

"Nagsisimula ka nanaman Gustav, matagal ng tapos ang usapan na iyan" saad ni Master Eve.

"Totoo naman ang sinasabi ko, hindi na dapat natin sila hinayaang mabuhay!" tugon ni ginoong Gustav.

"Parte pa rin sila ng mundong ginagalawan natin at kaya nabuo ang kasunduan iyon ay dahil sa pag-asang maaari silang magbago sa dati nilang kinagawian," tugon ni madam Haly.

"Pero wala naman nangyari, nag-aksaya lang tayo ng panahon, buhay at pera. Mga insekto pa rin silang pumepeste sa'tin!" malakas at may diing wika ni ginoong Gustav.

"Ang Axis ang pinaka problema natin ngayon, sila ang may kagagawan kung bakit nilabag nila ang kasunduan," malumanay na saad ni master Eve.

Hanggang sa nakikita ko na lang na bumubuka ang bibig ni ginoong Gustav ngunit walang boses ang lumabas sa kanya. Saka ko naalala ang kakayahan ni ginang Zel, may abilidad siyang alisin ang tunog sa paligid na umangkop naman sa pagpupulong ito. Nang mapagtanto ng lahat ang nangyari'y saka sila kumalma.

"Gusto kong malaman ang opinyon ng mga kabataan. Simula natin sa'yo Yowen," wika ng head council.

Humugot muna ako ng malalim na hininga saka sumagot,

"Sang-ayon ho ako kay ginoong Warren na sa pagsali ng mga bampira sa Axis ay maaari silang magsimula ng pag-aaklas lalo na't napipinto na ang Awakening."

Nagtaas ng kanang kamay si Violet at pinahintulutan siya ng head council na magsalita.

"Kung kumukuha nga ng kapanalig ang mga bampira bakit hindi rin natin siguraduhin ang ating mga magiging kakampi kung magkaganoon man. Nariyan ang mga taong lobo."

"Pero hindi po ba matagal ng bumukod at pinutol ng mga taong lobo ang kanilang ugnayan sa mga tao o Celestial man," wika ni Dawn na patuloy pa rin sa pagdukot at pagkain ng potato chips.

"Oo nga pero malakas na pwersa pa rin silang maituturing," tugon ni Violet.

"Sang-ayon ho ako kay Violet head council, maaari po ba natin silang kausapin?" saad ko.

Napatitig ng husto sa'kin si ginang Zel at kitang-kita ang pagsalubong ng kilay. Ang tingin niyang malakas makakilatis at talagang matutuyuan ka ng laway. Ang hirap din basahin ng kanyang iniisip, kahit ang timpla ng ugaling meron siya bagay na nagbibigay ng 'di makitang pader sa kung sino man ang makakausap ng ginang.

"Hindi kita agarang mabibigyan ng sagot sapagkat kailangan ko munang isangguni ito sa World Crest," tugon ni ginang Zel.

"Wala akong nakikitang problema kung papayagan mo sila, hindi na rin naman natin sigurong kailangan ipakonsulta pa ito," saad ni master Eve.

"Kahit pa mas mataas ang awtoridad natin ay kailangan natin ipaalam sa kanila bilang respeto sa napagkasunduang pagkakaisa," sagot ni ginoong Warren.

"Ayoko pong mag-aksaya ng oras, kung nagplaplano man ang Axis ng giyera o anu man ay dapat maging handa tayo. Nais kong ikumpirma ang lahat ng maaaring maging kaalyado natin sa hinaharap at gagawin ko ito dahil ako ang tumatayong Guardian ng kasalukuyang Bearer ng Eherion," wika ko.

Ayokong lumabas na walang respeto kaya pinilit kong hindi tumaas ang boses, kahit pa nais kumawala ng matinding emosyon sa dibdib ko.

"Naiintindihan ko ang hangarin mo Yowen. Alam kong mabigat ang responsibilidad na nakapatong sa'yong balikat at nagpapasalamat ako sa inyong angkan. Dahil sa inyo'y patuloy ang kaayusan at katahimikan sa mundo. At dahil doon ay hindi ako dapat magpadalos-dalos sa aking desisyon. May proseso tayong kailangang sundin. Marami ring dapat isaalang-alang sapagkat maaaring malaki ang magiging epekto nito hindi lang sa'tin kung 'di sa sangkatauhan. Hindi ko na kaya na magkaroon ng isa pang Constellation War." namumugtong wika ni ginang Zel.

Ito ang unang beses na nakita kong naglabas ng emosyon ang head council, kahit mahigit sampung taon na ang nakalipas ay bakas pa rin ang iniwang pilat nito sa kanya. Halatang malaki ang naisakripisyo niya sa nagdaang Constellation War. (Isang nakalipas na matinding giyera sa pagitan ng ordinaryong tao at kapwa Celestial. Ito rin ang pag-aaklas sa pamumuno ng mundo sa mga Celestial na tawagin ay Constellation. Sila ang mga natatanging Celestial na kakayahan gumamit ng pangunahing elemento ng mundo.)

Wala akong gaanong alam sa nagdaang panahong iyon kahit bakas ng mga impormasyon ay wala kang makukuha. Minsan na itong nabanggit ni ama at gaya ni ginang Zel ay may lungkot kang makikita sa kanilang mata.

Hindi siya nagbigay ng kumpletong detalye ngunit ayon sa kanya ang panahong iyon ay ang pinakanakakatakot na yugto ng mundo at dahilan kung bakit galit ang mga tao sa mga Celestial. At upang maibsan ang matinding truma ay pinili ng bagong sangay ng nagdaang council ang itago ang presensiya at magpanggap na hindi na nabuhay ang mga taong may dugong Celestial sa sangkatauhan. Mga pangyayaring ibinaon sa limot ng tuluyan.

"Patawad, naiintindihan ko po," tugon ko.

Ayoko na kung saan pa magtungo ang usapan ito dahil maaaring makasakit lang ako ng damdamin. Kaya tingin ko'y mabuti na ang head council na ang magdesisyon kung ano ang nararapat.

"Malalaman niyo ang pinal na desisyon namin hingil sa mga taong lobo kapag nakausap na namin ang lahat ng lider ng mga bansa. Sa ngayon ay hindi pa matibay ang motibo ng Axis at kailangan pa natin ng mas kumprehinsibong mga impormasyon. At sa isasagawa naming panibagong pagpupulong ay hihilingin ko ang kooperasyon nila para sa pagkalap ng mas marami at matibay na impormasyon. Batid ko ang inyong pakikipagtulungan hinggil sa suliranin nating ito. May nais pa ba kayong idagdag?" wika ni ginang Zel.

Inilibot niya sa'min ang kanyang paningin at sa tingin ko'y sang-ayon naman lahat.

"Kung wala na'y maaari na kayong bumalik sa inyong kanya-kanyang gawain. Salamat." pagtatapos na pahayag niya.

Tumayo siya't kasunod ang iba pang council. Hinintay ko munang makalabas ang lahat bago tumayo't naglakad palabas. Pagbungad na pagbukas ng pinto'y nakita kong nakatayo si Violet at nakangiti.

"Sabihan mo ako kung pupunta ka para kausapin ang mga taong-lobo, gusto kong sumama sa'yo," wika niya.

"Hindi pa nga sigurado," tugon ko.

"Ano ka ba, papayagan tayo niyan. Tiwala lang, saka pwede naman tayong pumuslit eh," nakangising saad niya.

Kahit ako'y napaisip ng 'di maganda. Alam kong pinagbabawal ang pagsuway sa council ngunit kung para naman sa ikakabuti ni Claire, lahat ay aking gagawin. Hindi naman ibig sabihin ay magpapadalos-dalos na ako ng pagdedesisyon, sadyang may mga bagay lang talaga maisasantabi mo para sa ano ang tingin mo ang tama't iyong pinaniniwalaan.

"Sira ka talaga. Ayaw ko naman sirain ang tiwalang inatang nila sa'tin."

"Ay ang killjoy naman, masyado kang mabait. Basta kung ano man ang maging desisyon kasangga mo ako."

Nakangiti siyang umalis habang aking pinagmamasdan ang bawat hakbang niya sa pasilyo. Kahit papaano'y nabawasan ang bigat sa dibdib, kahit 'di man kami laging nagkakasama'y matibay pa rin ang samahan naming magkaibigan. Nakakataba lang ng puso. Napapikit na lang ako't maraming bagay ang tumakbo sa isipan. Nariyan ang lungkot ngunit dinaig ng masayang alaala.

Sa pagdilat ng mata'y masarap na simoy na hangin ang yumakap sa gunita. Nagbalik na ako. Sa tahanan kung saan nahihimlay ang aking puso. Sa paghakbang ko sa malawak na hardin ng mansyon ay nakita ko sina Claire at Axel na masayang naglalaro. Napatigil ako't napatitig lang sa kanila. May kung anong pagkakataon ang nagpalingon kay Claire at napang-abot ang aming paningin.

Hindi ko siya nakakitaan ng pagkabalisa bagkus kaginhawaan ang nadarama. Napangiti siya't napakaway kasunod ng pagtakbo ni Axel sa'kin. Niyakap ko ng mahigpit ang munti kong anghel kasabay ng paghalik ko sa kanyang noo.

"Kamusta ang pagpupulong?" tanong ni Claire.

Lungkot ang unang rumehistro sa utak ngunit 'di ko iyon pinahalata. Ngumiti akong humarap sa kanya kahit sa loob-loob ko'y matinding takot at lungkot ang namumutawi. Nakakapanlumo pero dapat kayanin.

"Maayos naman ang naging takbo," tugon ko.

"Mabuti naman kung ganoon."

Hinayaan kong tumakbo-takbo si Axel kasama ang alaga niyang kuneho kasunod ng paglabas din ng iba pang kuneho. At lahat sila'y nakasunod kay Axel. Nakakatuwa lang pagmasdan na nagagawang niyang makausap at mapasunod ang mga ito. Naupo kami ni Claire sa damuhan habang pinagmamasdan lang ang bata. Kahit nagsimula ng kumulimlim ang panahon ay napawi naman ng mga halakhak niya ang paligid.

"Claire?"

"Bakit?"

"Wala naman... kasi..."

Wala akong ideya sa dapat sabihin o gawin. Nakakainis. Sobrang lakas ng kabog ng aking dibdib habang nakatitig sa kanya.

"Ano yong sasabihin mo?" tanong niya halatang nag-aabang siya.

Napalunok muna ako saka nagsalita, "Kung hindi lang sana tayo nalagay sa ganitong tadhana'y minahal kita ng walang takot at pangamba."

Hindi ko alam kung anong nagtulak sa'kin na sabihin ang mga katagang iyon ng hindi nauutal. Basta may kung anong nagdikta na lang at nasabi ko iyon ng diretso. Kitang-kita ko ang pagrehistro ng pagkabigla sa kanya pero kalauna'y napalitan ng matamis na ngiti.

"Hindi ka mahirap mahalin ngunit ito ang itinakda sa'tin ng maykapal kahit minsan gusto kong tumakas. Lumayo, pero tuwing naiisip kita gusto kong lumaban. Lumaban ng kasama ka."

Napangiti ako't 'di masukat ang sayang nararamdaman. Kung kanina halos gustong sumabog ng dibdib dahil sa sobrang kaba, ngayo'y naglaho ito't napalitan ng hindi masukat na kaligayahan.

"Masyado na tayong nagiging madrama," wika ko.

Napahalakhak na lang kami, hindi dahil nakakatawa ang sitwasyon marahil para mabawasan man lang ang bigat at hiya sa'ming kalooban.

"Axel anak, halika pumasok na muna tayo puntahan natin ang uncle mo," saad ko.

At mabilis na kumaripas ng takbo si Axel at sabay hawak sa kanan kong kamay habang si Claire naman ang sa kabila. Sana lagi na lang ganito, mga bagay na malapit ng ipagkait sa'min.

Nakakalungkot.

* * *

Sa loob ng isang linggong paghihintay at mahabang talakayan ng Council at World Crest, sa wakas ay naaprubahan na rin ang pagkausap namin sa lupon ng mga taong-lobo. Kaya naman ng matanggap ko ang balita'y agad kong pinaalam kay Violet.

Sa tono pa lang ng pananalita niya'y halatang tuwang-tuwa siya sa naging desisyon ng nakakataas. At sa mabilis na pag-uusap namin ay napagdesisyunan naming bukas ng umaga lumakad patungong north america sa kabundukan ng Tal. Hindi malinaw ang kinaroroonan ng kanilang tribo. Bukod sa sulat at kaunting impormasyon ay wala ng naidagdag pa si master Eve ukol dito.


Bago ang araw ng paglisan namin ay nakatanggap ako ng paanyaya galing kay ginoong Gustav. Iniimbitahan niya ako sa isang hapunan at marahil ay may ipapagawa siya sakin. Hindi naman ako makatanggi kaya pumunta na rin ako.

Madali akong nakapunta gamit ang kakayahan, gawa ng minsan na akong nagtungo sa mansyon niya. Sa pinakapinto nito'y sinalubong ako ng kanyang dalawang personal na mga alalay na nakasuot ng pormal na sina Seline at Niah. Pareho silang Celestial at matagal ng nanunungkulan sa ginoo. Si Seline yong tipong tipikal na mataray at may pagkalalaki ang kilos habang kabaligtaran niya si Niah na palangiti at may pagkainosente ang mukha.

Pagpasok sa loob ay napansin kong iba na ang disenyo't kulay ng loob kaysa dati. Kung una'y ginto ang pangunahing tema, ngayon ay itim at puti na may pagkamoderno. Bago rin ang lahat ng mga gamit at palamuti. Hindi na nakakapagtaka sapagkat kilala siya pagiging sobrang maluho.

Naglakad ako sa kahabaan ng pasilyo, diretso sa pinto ng kanyang opisina at kumatok. Agad nagbukas ang pintuang kahoy at naroon si ginoong sa kanyang table at naninigarilyo.
Pumasok ako sa loob saka nagtanong, "Anong kailangan mo sa'kin?"

At kinuha niya ang isang maleta at binuksan ito. Tumambad ang limpak-limpak na mga salapi. Natawa na lang ako sa inasal niya kaya napagpasiyahan ko na lang sanang umalis ng bigla siyang magsalita.

"Babayaran kita kahit magkano pa! Magsabi ka lang, basta ubusin mo ang lahi ng mga taong-lobo. Patayin mo silang lahat!" galit na lintanya niya.

Napatitig na lang ako sa kanya ng matalim. Hindi ko alam kung anong personal galit meron siya, ngunit wala akong interes sa pambata niyang hinanakit.

Kumuha siya ng mga barya at inilapag iyon sa lamesa. At sa pagdikit ng mga kamay niya dito'y naging mga mamahaling bato ang mga ito. Ito ang unang pagkakataon na makita ang kakayahan niya. Hindi na rin nakakapagtaka kung bakit ganoon na lang ang yaman at luho ng ginoo.

Tumalikod na lang ako't naglakad palayo ng bigla pa siyang magsalita, "Baka nakakalimutan mo ako ang nagluklok sa'yo sa posisyon mong 'yan. Impluwensya ko kung bakit ka nariyan!"

"Wala akong pakialam. Hiniling ko iyon para na rin kay Claire dahil 'di ligtas na maging Sovereign pa siya. Salamat na lang dahil mas napabilis ang pagpalit namin pero kung gagamitin mo ito para sundin ko ang iyong inuutos, pasensiya na wala akong balak makipagtulungan sayo!" wika ko kasabay ng paggamit ko ng kakayahan pabalik ng mansyon ni master Eve.

* * *

Sa pagsilip ng haring araw ay siya ring pagtungo namin sa aming destinasyon. Hindi ko pa nararating ang bundok Tal kaya naman hindi pa maaaring magamit ang aking kakayahan, kaya naman naglakbay kami sakay ang isang pribadong eroplano.

Ilang oras din ang tinakbo ng biyahe bago narating ang mismong lugar, nakakainip man ay sa wakas ay tanaw ko na ang lugar. Mas madali sana kaming makapunta dito sa tulong ng kakayahan ni master Eve ngunit may sarili rin siyang lakad.

Habang nasa ere pa lang ay naghanda na kami para tumalon sa eroplano. Binigyan ko na din ng hudyat ang piloto para buksan ang mekanismo ng pinto. At sa pagbukas nito'y malakas na hangin ang sa'min ay bumungad. Abot tanaw namin ang berdeng kalikasan sa baba at mga puting ulap.

Walang kasenyas-senyas na tumalon na lang bigla si Violet, di alintana ang taas nito. Agad naman akong sumunod at kami ngayo'y bumubulusok pababa. Ito ang unang pagkakataon na gawin ko ito at masasabi kong masaya pala sa pakiramdam.

Ilang metro pa'y malapit na kami sa lupa hudyat ng paggamit ni Violet ng kakayahan niya. Kahit walang dalang parachute o safety gears ay ligtas naman kaming nakalapag dahil na din sa pagbabago ng dagsin.

Gaya ng inaasahan ay kakaiba na ang presensiya rito. Masyadong tahimik. Wala man lang ingay ng mga hayop o kahit ng mga insekto. Sa paglakad namin sa masukal na gubat ay mistulang maraming mata ang matalim na nagmamatiyag.

Sa presensiyang iyon ay halatang 'di kami tanggap sa lugar. Sa patuloy naming paglakad ay nakarating kami sa paanan ng bundok ngunit bago pa kami makatuloy ay nagliwanag ang kinatatayuan namin kasabay ng pagguhit ng puting simbolo sa kinatatapakan namin.

"Sino kayo?! anong kailangan niyo sa lugar na ito?!"

Isang boses ng babae, ngunit 'di ko matukoy kung saan ito nanggagaling. Ang tinig niya ay pumapalibot at umiimbabaw sa buong kagubatan na mistulang kaisa niya ito. Marahil siya din ang may gawa ng mahikang harang. At kung tama ang hula ko'y isa siyang Heran.

Sino makakapagsabi sa panahong ito ay may nabubuhay pang gaya niya na sa mga libro mo na lang mababasa. Ang mahikang ginamit niya ay sadyang malakas sapagkat nagawa niya kaming maikulong at limitahan sa paggamit ng aming kakayahan.

"Narito kami para kausapin ang pinuno ng mga lobo. May dala kaming pahintulot sa council," wika ko sabay pakita ng isang sulat na may selyo ng logo ng council.

"Hindi siguro lingid sa inyong kaalamam na labas kami sa anu mang may kaugnayan sa tao o Celestial. Kung tutuusin pwede namin kayong patayin sa paghihimasok niyo."

"Hindi kami pumunta rito para makipag-away ang tanging nais lang namin ay makipag-usap. Paniguradong alam mo na ang tinutukoy ko. Ang magaganap na Awakening at ang premisyon ng isa sa mga Council," wika ko.

"Hindi kami ang kaaway may mas mabigat pa tayong kahaharapin at pati kayo ay damay lalo na kung 'di niyo kami pakikinggan man lang," dagdag ni Violet.

Ang kaning nakakabinging katahimikan sa kagubatan ay nanumbalik sa normal. Dinig na ngayon ang mistulang napiping mga hayop at insekto kahit ang natural na tunog ng kalikasan.

At ang puting simbolo sa paanan namin ay lumamya ang kulay at tuluyang naglaho kasabay ng paglabas ng isang binibini kasama ang apat na lalake sa nagtataasang halamanan.

"Patawad kung hindi maganda ang pambungad na pagbati namin sa inyo, naninigurado lang kami," wika ng isang matandang lalake kung titingnan ay nasa setenta na marahil ang edad base na din sa dami ng kanyang puting buhok at makapal na bigote't balbas.

Ngunit alam kong higit pa doon ang edad niya sapagkat gaya ng bampira ay mahaba rin ang kanilang buhay na maaaring umaabot ng ilang dekada o ilang daang taon.

"Ako nga pala si Wayze ang pinuno ng mga taong-lobo. Kasama ko ang mga pinakamagagaling sa aming lahi na sina Ray, Erium at Spear. Siya naman ay ang aking maybahay na si Jelica, isang Heran," saad ni Wayze.

Nagkatinginan naman kami ni Violet sa narinig at kitang-kita ang pagtaas ng kanyang kilay. Hindi kasi kapani-paniwala na asawa niya pala ang babae na kung titingnan ay para na niyang apo.

Talagang mapandaya ang hitsura at siguro'y gaya ng pinuno ay ilang daang taon na rin ang edad nito. Habang ang tatlo'y mistulang magkakamukha, kung may kaunting pagkakaiba man ay ang kanilang istilo ng buhok at pangangatawan.

Napangiti na lang kami kasabay ng pag-abot ko sa kamay ng pinuno bilang tanda ng pakikipagkaibigan. Napangiti naman ito at nakipagkamay pabalik.

"Sumunod kayo samin hindi maganda na sa ganitong lugar tayo mag-uusap," wika ng pinuno.

Nagsimula silang maglakad pabilis nang pabilis habang kaming nakasunod sa kanila. Base sa kanilang mga hakbang at kilos ay mukhang kabisado nila ang kabundukan. Kahit na matarik at masukal ang kagubatan ay balewala. Mistula lang itong malaking parke sa kanila.

Napahinto kami sa harap ng isang napakalaking puno. Kakaiba ang lapad nito sapagkat di mo ito kayang yakapin mag-isa at sa tansiya ko'y kailangan ng mga lima hanggang anim na katao. Mataas din ito na halos abot sa benteng palapag na gusali. Ang nakakapagtaka lang ay kung bakit hindi namin ito nakita habang kami'y nasa ere pa lang.
Maaaring ikinubli ito ng mahika para hindi makatawag pansin.

Lumapit si Jelica sa harap ng puno kasabay ng pagkumpas niya ng kaliwang kamay. At nagliwanag ang isang puting simbolo at pumasok sila doon. Agad kaming sumunod at tumambad samin ang tagong tribo ng mga taong-lobo na halos lahat ng mata'y nakatitig samin.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro