4
Ang nakalipas na dalawang-taon...
Matinding kasawian ang aking nadama ng patayin ko si ama. At maraming bagay ang tumatakbo ngayon sa isipan. Litong-lito ako. Ni hindi ko kayang tingnan o lapitan man lang siya habang nakahandusay ang katawan niya sa lupa na may tama ng bala sa dibdib.
Iyak lang ako ng iyak ng mga sandaling iyon. Walang tigil. Kahit ang panahon ay nakisabay sa aking pagdadalamhati. Bumuhos ang malakas na ulan at itinatangay ako nito sa karimlan.
Alam kong hindi ito ang panahon upang ang emosyon ko ang umiral. Isip dapat ang manaig, gaya ng madalas sinasabi ni ama. Bukas-kamay kong tinanggap ang katungkulan at ngayon mag-isa kong papasanin ito. Nanginginig akong lumapit kay ama at inakay siya.
Dinala ko siya sa bahay at iniupo muna sa tumba-tumba sa balkunahe. Nagpunta ako sa bodega gaya ng bilin niya noong buhay pa siya. Doon ay nakakita ako ng isang kabaon at sa loob noon ay may kapirasong papel na nakasulat ang mga dapat gawin.
Ako pa rin talaga ang kanyang inaalala kahit wala na siya. Inihanda niya ang lahat-lahat ng kakailanganin bago siya tuluyan lumisan sa mundo, bagay na nagbibigay sa'kin ng mas nakakapanlumong lungkot.
Pinaliguan at binihisan ko si ama ng kanyang damit gaya ng nakasaad sa sulat. Isinilid siya sa magarang kabaon at doon ay para lang siyang natutulog. Kasunod ay naligo't gumayak na din ako. Lagpas ala-una y medya na ng tanghali pero di pa rin nakakaramdam ng gutom.
Tumila na ang ulan, kasabay ng pagsilip ng haring araw. Nakatitig lang ako sa berdeng kapaligiran habang kusang nanunumbalik ang mga masasaya't 'di malilimutang alaala rito sa isla.
Hindi naman akong nahirapan sa pagdala ng kabaon ni ama dahil sa kumpletong gamit ang naroon sa bodega, kasama na roon ang trolley na ginamit ko panghila. Dinala ko siya sa isang parte ng gubat kung saan may nakahanda na ring hukay. At doon ay inilagay ko ang kabaon ni ama, tinabunan iyon at inilagay ang lapida.
Taimtim akong nag-alay ng dasal. Nagpasalamat at humingi ng tawad sa Diyos, kung totoo man siya. Pagkakuwa'y bumalik ako sa bahay at inihanda lahat ng gamit na kakailanganin para sa paglisan na sa isla.
Pinakawalan ko rin ang mga alaga naming hayop at sinigurong ang bahay ay nasa maayos na kondisyon. Kahit magdadapit hapon na'y 'di ito nakahadlang sa pag-alis, sapagkat mas lalo lang dadagdag sa mabigat na emosyon ang manatili pa isla.
Nagtungo ako sa pinagdadaungan ng yate, ilang metro magmula sa bahay. Pagpasok sa loob ng yate'y mayroong mapa na tumutukoy kung saan naroon ang isla at nakamarka din ang rota na dapat tahakin. Kumpleto sa kagamitan ang yate at mayroong gasolina para sa paglalayag.
Lumisan ako ng isla baon lahat ng mga natutunan at alaala na nakatatak sa puso't isipan. Panatag ang aking paglalayag at malumanay ang dagat. Lahat ay naaayon sa pagkakaorganisa ni ama.
Wala akong ideya kung nakailang oras ang paglalayag sa dagat ng marating ang pangpang. Buong kahabaan kasi ng biyahe'y titig lang ako sa madilim na laot animo'y walang katapusan ang karimlang hatid nito. Magmula sa resthouse ay kabisado ko na ang lugar.
Nanalagi kasi kami rito ni ama ng ilang araw bago tumulak sa isla. Hindi na ako nag-abala pang kunin ang susi ng garahe sa loob ng resthouse, bagkus ginamitan ko na lang ang kandado ng aking abilidad. Pagpasok ay binuksan ko agad ang shutter at inilabas ang sasakyan. Siniguro ko munang nakakando ulit lahat bago umalis.
Malamig, tahimik, at tanging nagbibigay lang ng liwanag sa kalsada ay ang mga ilaw sa poste. Wala rin akong nakakasalubong na sasakyan. At nakatuon lang ang atensyon ko sa pagmamaneho ng magdamag na iyon.
Magmula sa resthouse patungo sa bahay na kinalakihan ko'y ilang kilometro din ang layo. Pagkabalisa ang tanging namamayani sa'kin ng mga oras na ito. Hindi matukoy kung ano bang dapat kong gawin o sabihin sa pagharap kina mama at Luc. Habang papalapit ako'y mas lalong nagiging balisa't gumugulo ang isipan.
Sa wakas ay nakarating na ako't nakahinto sa tapat ng kinalakihang bahay. Hindi ko naman matukoy kung dapat ba akong pumasok o manatili muna ng ilang sandali sa labas. Sa sandaling pagtitig ko sa malaking gate ay napansin kong nakabukas ng bahagya ito.
Nilapitan ko ito't napag-alaman na hindi talaga iyon nakakandado. Pagpasok sa loob ay sarado lahat ng ilaw at sobrang tahimik ng paligid. Nakakapanibago, marahil ay tulog sila mama at Luc, pero may tanong sa isipan kung bakit nila iiwang bukas ang mismong gate.
Habang papalapit sa main door ay napansin ko agad ang isang kakaibang amoy. Hindi man matindi pero nakakairita sa ilong. Bukas ang pinto ngunit wala kang maaninagan sa loob dahil sa sobrang dilim. Kinapa ko agad ang switch ng ilaw sa gilid at binuksan iyon.
Wala naman akong kakaibang napansin sa loob bukod sa kakaibang amoy na mas tumitindi kada hakbang. Naglakad pa ako papasok hanggang sa makarating ang paa ko sa bandang kusina. Hindi naman akong nahirapan dahil kabisado ko ang kabahayan.
Nakatapak ako ng kung anong malagkit dahilan para gumapang ang tila kuryente sa katawan. May ilang nabubuo sa isipan ngunit pilit ko iyong winawaksi. Dali-dali kong binuksan ang switch ng ilaw, at sa pagtama ng liwanag sa buong paligid ay nakita ko ang kalunos-lunos na kalagayan ni mama. Nakahandusay siya't naliligo sa sarili niyang dugo.
Gusto kong sumigaw sa sobrang pagkabigla ngunit walang boses ang lumalabas. Tuluyang nawalan ako ng kontrol sa sarili dulot ng labis na panginginig. Halos kapusin ako ng hininga sa kakulangan ng hangin at ang espayong tinatanaw ay sumikip.
Panay bulong sa sarili na hindi ito totoo at isa lang masamang panaginip. Napapikit ako't napasalanpak sa sahig. Nagbabakasaling sa pagdilat ay tapos na ang kahibangang ito. Ngunit mas dumoble ang sakit sa aking pagdilat. Para akong sinasak ng kutsilyo sa baga at tumagos sa aking puso. Kay hirap huminga.
Lumapit ako kay mama ng dahan-dahan at hinaplos ang kanyang mukha. Malamig na sa pakiramdam. Nakakapaso. Dalawang mahal sa buhay ko ang nawala sa loob lang ng isang araw. Napakatinding parusa.
Biglang sumagi sa isip ko si Luc, kaya agad akong napatakbo sa kanyang kwarto. Ngunit wala siya doon. Hinalughog ko lahat ng kwarto pati ang buong kabahayan, pero wala akong Luc na nakita. Ano ba talagang nangyayari? mga tanong na walang mapagkunan ng sagot.
Lutang ang kaisipan. Hindi alam ang gagawin. Naghahalong pawis at luha ang tuloy-tuloy na pumapatak sa'kin. Napasuntok na lang ako sa pader sa kawalang-pag-asa. Nanlulumo akong bumalik sa kinaroroonan ni mama at muling tumangis sa harap niya.
Bumabalik lahat sa aking sapantaha ang masasaya naming mga alaala, noong kumpleto pa kaming magpapamilya. Mas lalo lang tuloy dumadagdag ang kirot dito sa puso ko. May parte ng utak ko ang nagsasabing may magagawa ako, at may parteng huwag ituloy ang ninanais.
Para saan pa lahat ng pagsasanay at pagkakaroon ng kakaibang abilidad kung ang mismong ama't ina ko'y 'di ko kayang iligtas sa kanilang tadhana. Dagdag pa diyan ang pagkawala ni Luc na pumapatong sa pighating pasan.
Muli kong hinawakan ang pisngi ni mama at pumikit. Inipon ko lahat ng lakas at ibinuhos lahat ng konsentrasyon sa taglay na abilidad. Nakaramdam ako ng mainit at malamig na presensya tila nagtatalo sa kapaligiran.
Wala ng atrasan ito, buo na ang desisyon kong buhayin si mama, sa pamamagitan ng pagbalik ng oras. Hibang mang maituturing pero, ang tanging nasa isipan ko lang ay ang marinig ang kanyang tinig at muling madama ang init ng kanyang yakap.
Sa aking pagmulat ay unti-unting nagliwanag ang katawan ni mama. Mukhang magagawa ko nga. Kahit sarado ang mga pinto't bintana'y may hanging pumapaikot sa lugar. Palakas iyon ng palakas na nagdudulot ng pagkabasag ng ilang mga kagamitan.
Napangiti ako sa mga sandaling iyon, dahil sa wakas ay maririnig ko na ulit ang tinig ni mama. Nang akala ko'y magagawa na'y bigla akong naramdam ng paninikip ng dibdib. Pinilit kong labanan hanggang sa maghabol ako ng hininga.
Tumindi pa lalo ang pagsikip ng dibdib. Hanggang sa makaramdam ako ng mainit na likido na tumutulo sa ilong at tenga, ngunit hindi ko iyon ininda at ipinagpatuloy ko ang nasimulan.
Lumamya ang liwanag na bumabalot kay mama kasabay ng tila nasusunog kong mga kalamnan. Mabilis iyong gumapang na para akong sinisilaban sa kaloob-looban.
Nakaramdam na lang ako ng biglang may lumapat na kamay sa balikat. Bago ko pa malaman kung sino iyon ay nagsimulang umikot ang paningin, pabilis nang pabilis kasunod ng pagtahak ko sa kadiliman.
Mabigat ang pakiramdam ng mamulat ako sa isang silid. Hirap man ay pinilit kong libutin ng tingin ang paligid. Nang aking suriin ay napag-alaman kong puti lang ang nangingibabaw na kulay at iilang gamit lang ang naroroon.
Wala rin akong matanaw sa bintana, dahil sa nakasarang blinds nito. Pansin ko rin ang ilang nakakabit sa'kin na mga apparatus. Sinubukan kong bumangon at alisin ang mga nakakabit ngunit kahit daliri'y di maigalaw ng maayos. Mas matindi pa ito noong unang gamit ko ng kakayahan.
Maraming katanungan ang namuo sa isipan habang nakatitig sa puting kisame. Mga tanong na kung sino ang nagdala sa'kin rito, ano na ang nangyari kay mama, at nasaan na kaya si Luc. Habang naiisip ko ang mga iyon ay napupuno ako ng pighati. Kahit pagluha'y di makatulong para maibsan ang dinadala.
Sa gitna ng pagdadalamhati'y bumukas ang pinto ng kwarto't pumasok ang isang ginang, kung titingnan ay nasa kwarenta pataas ang edad nito. Mukha siyang metikulosa base sa kanyang kilos at pananamit. Bahagya siyang ngumiti't naglakad paharap sa'kin.
"Ako nga pala si Eve, kumusta ang pakiramdam mo Yowen?"
"Papaanong kilala mo ako?"
"Kaibigan ako ng ama't ina mo, at binilin ka nila sa'kin."
Wala akong maitugon sa kanya bagkus mas nanaig sa'kin ang lungkot na unti-unting nanunumbalik.
"Nasa puder ko rin ang Bearer ng Eherion. Kasing edad mo rin siya, at tiyak na magkakasundo kayo."
Tila naging bingi ako sa mga salitang namutawi sa kanya. Hindi maproseso ng utak ang dapat kong gawin o sabihin. Oo nga't ako ang Guardian ng kasalukuyang Bearer ng Eherion, siya ang bukod tanging Celestial na sisidlan ng kapangyarihan ng Eherion mula pa sa kanyang kapanganakan at ipinapasa sa mga henerasyon ng kanyang angkan.
At sa kanyang hustong gulang ay muling kakawala ang malakas na kapangyarihang iyon at para masigurong hindi magdulot ng pagkawasak (ang angkan namin) na tumatayong Guardian ang magiging selyo, kung saan buhay namin ang magiging kapalit. Anu pa't higit na bumabagabag sa'kin ang pagkawala ng kapatid kong si Luc.
"Ikinalulungkot ko nga pala ang nangyari sa'yong ina, gumawa na kami ng imbestigasyon tungkol dito. At nakipagtulungan na rin ang gobyerno natin para makakalap ng impormasyon para sa pagkawala ng kapatid mo."
"Salamat na lang!" mabilis kung tugon saka tumingin ng matalim at nagsalitang muli.
"Ako na ang bahala sa lahat. At pagbabayarin ko sila!"
Kita sa mga mata niya ang pagkabigla't na kalauna'y naging awa bagay na ikinainis ko.
"Hindi mo kailangan i-stress ang sarili mo sa ngayon. Magpahinga ka lang para manumbalik ang lakas mo."
Mahigit dalawang araw ang binilang bago nanumbalik ang sigla ko. Sa mga panahong iyon ay patuloy lang sa pagbisita si Gng. Eve at nagbigay ng mga bagong impormasyon tungkol sa usad ng kaso nila mama at Luc, kasabay ng pagpayag ko sa agarang pagpapalibing kay mama kahit na masakit para sa'kin ang 'di makita sa huling sandali ang kanyang mukha.
Sinikap ko talagang magpalakas, dahil ako mismo maghahanap ng salarin sa pumatay sa kanya pati na rin sa dumukot sa kapatid kong lalaki. Hindi malinaw ang kanilang motibo pero ayon sa mga impormasyon ay pumapasok dito ang kanilang pagiging Celestial at pangangalaga sa Bearer ng Eherion.
Ayon sa napag-alaman ay maaaring sangkot ang isang lihim na organisayon ng mga Celestial, ilang may mataas na katungkulan sa gobyerno at ordinaryong indibidwal sa pangyayari. Kaya naman laging pinaaalala sa'kin ni ginang Eve na dapat akong makipagtulungan at ituloy ang aking tungkulin. Ngunit pinili ko ang maging bulag at bingi.
At galit ang nagtulak sa'kin para umalis sa ospital ng walang paalam, tanging pinaghahawakan lang ay kapirasong impormasyong mayroon ako. Kahit des oras ng gabi'y 'di ito nakapigil sa'kin. Nagpasiya akong umuwi muna't nagpalit ng damit, kumuha ng ilang gamit at sunod na nagtungo sa puntod ni mama.
Doon ay nagnilay-nilay ako ng mga dapat gawin, at habang nakatitig sa makinang na kalawakan ay inilabas ko ang Serendipity; Ang ang aking Arch. Isang mahiwang sandata na nakatago sa kaibuturan ng kaluluwa't espiritu ng isang indibidwal. Upang ito'y matawag kailangan ng matinding konsentrasyon at pagsasanay.
Mahirap sa una, lalo na't kailangang dalisay ang pag-iisip. Sa patuloy na pag-eensayo nagawa ko ito ng para bang ako'y humihinga lang. Nag-iba na ang hitsura't kulay nito kung ikukumpara noong una ko itong makita; kombinasyong kulay itim at pilak na ang mumutawi rito. At gaya ng sabi ni ama, repleksyon ito ng iyong buong pagkatao, ng iyong ispiritu. Ano mang hugis o kakayahan nito'y nakadepende kung ano mang katauhan mayroon ka.
Wala ng atrasan ito, buo na ang loob pagkasakay ko sa kotse at buhayin ang makina nito. Binaybay ko ang madilim ng kalsada patungo sa isang lugar na maaaring mapagkunan ng kaunting impormasyon na kailangan.
Huminto ako sa tapat ng isang conveniece store at doon pumarada. Katapat nito ang pakay na bar. Naglakad ako ng kaswal at tinungo ang pasukan. Hinarang ako ng dalawang lalakeng bouncer at taas boses na nagsabing, "Bawal ang bata dito! umuwi ka na sa inyo at matulog na!"
Binalewala ko lang ang sinabi ng bouncer at tuloy-tuloy lang ako sa pagpasok. Papahakbang pa lang ang isang paa ko ng hawakan ako sa balikat ng isa. Hindi ko siya hinayaan pang itulak ako kaya sa isang kisap mata'y nagawa ko siyang mabalibag.
Medyo nagulat ako sa nagawa, ito rin kasi ang unang pagkakataong sinubukan ko ang lakas ko sa ibang tao bukod kay ama. At mukhang napalakas ang nagawa ko dahil nanatili siyang nakahandusay at walang malay-tao.
Gulat ang rumihistro sa mukha ng isa pa nitong kasama. At nahimasmasan lang ng napahawak ako sa pinto. Balak pa niya akong pigilan ngunit naunahan ko siyang maitulak gamit ang kaliwang kamay, pero sa pagkakataong ito ay naghinay-hinay lang ako.
Kahit ganoon ay tumilapon pa din siya sa katabing basurahan at nawalan ng malay kinalaunan. Pumasok ako sa loob ng walang aberya at sumabulong sa'kin ang ingay ng mga nag-iinuman at pinagsamang amoy ng alak at usok ng sigarilyo.
Tipikal na bar kung titingnan. Mahirap lang aninagan ang loob dahil sa patay sinding nitong ilaw. Kaswal akong lumapit sa counter kung saan naroon ang isang lalaking bartender. At inilabas sa bulsa ang isang larawan at nagtanong, "Kilala mo ba ang taong to? dito ko raw siya mahahanap."
Hindi siya agad sumagot at napatitig muna. Halatang nangingilatis.
"Anong kailangan mo sa boss namin bata?"
"Maaari ko bang malaman kung nasaan siya?"
Natawa lang ito't mas inilapit ang mukha niya sa'kin.
"Ba't ko naman sasabihin," wika niya sabay ngisi.
Parang mapapatid ang ugat ko sa utak sa inasal niya. Sa pagkainis ay naibagsak ko ang kamay sa counter dahilan para mabiyak iyon. Biglang tumahimik ang kaninang napakaingay na lugar, na para bang may dumaang anghel.
Nanlaki naman ang mata ng kausap kong bartender at aligagang may kinuha sa drawer. At nanginginig niyang itinutok sa'kin ang isang baril.
"Isa ka pa lang Celestial. Hindi mo ako matatakot!" kasabay ng pagkalabit niya ng gatilyo. At magpakawala ng sunod-sunod na mga putok.
Dahil sa pagbago ko sa sariling oras ay tumagos lang balang pinakawalan nito, at sa kasamaang palad ay tumama iyon sa lalaking nasa likod ko. Nagdulot iyon ng matinding komusyon dahilan para magkanya-kanyang takbo palabas ng bar ang mga tao.
"Isa kang demonyo!" nanginginig at may gigil na pagkakasabi niya habang tutok pa rin ang baril sa'kin.
"Ibaba mo na yang baril!" maawtoridad na utos ng isang lalakeng may pormal na pananamit.
Pababa ito sa hagdan sa kanan kung nasaan ang counter, at may kasunod siyang dalawang lalaki na kaswal lang ang kasuotan. Kumpirmado na ang lalakeng pakay ang unang bumaba.
Nilapitan ng kasama nitong lalake ang bartender at sinakal. Nagpupumiglas pa ang lalaki pero 'di nito kinaya ang lakas niya. Napansin ko rin ang paggapang ng kung anong bagay sa mukha nito pero dahil sa madilim ang paligid 'di ko iyon maaninagan mabuti.
Inihagis ng malayo ng lalake ang bartender at matalim na tumingin sa'kin. Hindi naman ako nagpatinag at tumingin din ng masama. Pumagitna naman sa'min ang lalakeng pakay at nakangiting nagpakilala.
"Maaari ko bang malaman ang pakay mo bata?"
Mula sa bulsa ay kinuha ko ang larawan nila mama at Luc at ipinakita.
"Nakikilala mo ba sila?"
Napahawak muna sa balbas nito ang lalake bago sumagot.
"Pasensiya na iho, pero hindi ko sila kilala."
Muli akong naglabas ng isa pang larawan at ipinakita. At napansin kong nanlaki ang mata niya.
"Anong kailangan mo sa kanya?"
"Kailangan ko lang ng impormasyon."
"Hindi ko alam ang tunay na pakay mo pero 'di kita hahayaan na mabuhay."
Naglakad siyang pabalik at tinapik ang dalawang kasama. Mabilis na sumugod ang lalakeng sumakal sa bartender at agad akong hinablot sa braso. Napansin kong may tila mabilis na gumagapang sa aking balat, kaya itinulak ko siya dahilan para mapaatras siya ng malayo.
Pero 'di gaya ng bouncer kanina'y nagawa nitong pigilan ang pwersa at manatiling nakatayo. Mabigat at matigas ang pakiramdam ng ano mang bagay na naiwan sa'king braso. Nang tingnan ko mabuti iyon ay napag-alaman na isa itong kalawang.
Natuwa pa ako ng makitang kusa itong nabakbak at natanggal. Hindi naman nakakapagka iyon dahil sa 'di nito angkop na kalagayan. Ang isang lalaki naman ay may iniipon sa kamay nito. Isang bola ng liwanag at halos kasing laki ng bola ng baseball. Binato niya iyon sa gawi ko ngunit madali ko lang itong naiwasan. Sumabog ang tinamaan nito't nag-apoy.
Inilabas ko ang Serendipity na kinagulat nila, walang kagahol-gahol ko itong pinaputok at pinatamaan sila sa dibdib na di nila inasahan. Hindi ko maipaliwanag pero 'di ako nakaramdam ng awa. Marahil ay 'di na rin bago sa'kin ang ganitong tagpo, magkaiba lang ng senaryo.
Humandusay ang walang buhay nilang katawan at naiwan na nakanganga't tulala ang pinakaboss. Lumapit ako dito't muling nagtanong, ilang segundo rin siyang nakatulala bago ako sinagot. Pagkakuha ng kailangang impormasyon ay pinatay ko rin siya.
Bago umalis sakay ng kotse ay pinasabog ko muna ang buong lugar upang hindi na pagmugaran ng masamang transaksyon. Naging ganito ang takbo ng buhay ko. Palipat-lipat ng lugar at hinahanap ang salarin sa pagkapaslang ni mama't pagkawala ni Luc. Nagtitiyaga sa kaunting impormasyon hanggang sana'y makarating sa pinakadulo.
Sa pag-usad ng panahon, 'di ko napapansin na inilalagay ko na pala sa mga kamay ang batas. Naging bertugo ng mga tiwaling grupo. 'Di ko na nga mabilang kung ilan ang napatay kong ordinaryong tao at mga Celestial. Nagkakataon kasi na ang mga hinahanap kong mapagkukunan ng impormasyon ay sangkot din pala sa mga masasamang gawi at kalakalan.
Nakakapagod, pero 'di ako nito mapipigil sa paghanap sa mga salarin. Minsan ay napapatanong ako sa sarili, papaano kung nahanap ko na ang salarin? Ano ang buhay na maghihintay sa'kin pagkatapos? Tumaliwas ako sa dapat ay tahakin kong landas. At ang binhing itinanim ang siyang lalason sa'kin.
Hanggang makarating ako ng ibang bansa, hindi katulad sa Pilipinas ay mas eksperyensado na ang ibang Celestial dito, kaya ang iba sa kanila'y nahirapan akong patayin.
Nakakapagtaka na wala silang mga Arch. Wala naman akong ideya kung bakit, marahil hindi pa nila kilala ang kanilang mga sarili na sumasalamin sa kanilang pagkatao.
Hanggang sa isang araw nagbabadyang umulan ng nyebe ng umalis ako sa tinutuluyang hotel. Kahit sobrang kapal na ng suot na panlamig ay pakiramdam ko'y naglalakad akong hubad sa kalsada. Kaya naman dali-dali akong naglakad sa pakay na lugar, ilang kalye ang layo mula sa hotel.
Pumasok sa isang eskinita kung nasaan ang likod na parte ng gusali. Bago pa man matumbok ang dulo ay may nakaabang ng presensiya ng isang babae. At habang lumiliit ang distansya namin ay nagiging pamilyar ang mukha nito. Pilit ko hinuhukay ang memorya, pero kahit anong isip ay wala akong maalala.
Napakapanatag ng kanyang awra kahit nag-uumapaw ang taglay niyang enerhiya. At kahit ganoon ay wala akong maramdamang bahid ng kasamaan 'di gaya ng mga nakaharap kong mga Celestial.
Sa isang saglit na pagngiti niya'y pakiramdam ko ay napawi ang kalungkutan sa kaloob-looban. Napapikit ako upang pawiin ang kakaibang nararamdaman. Pilit nilalaban at itinuon ang isipan sa dapat na gawin.
"Huwag mo ng ituloy... Pakiusap," aniya.
Sa pagdilat ng mata'y tuloy-tuloy lang ako sa paglalakad. Umiwas ng tingin sa kanyang maamong mukha at ibinaling sa ibang bagay. Pero agad akong napahinto ng ilabas niya ang kanyang Arch.
Isang manipis na espada. At ang pinaka-base ng hawakan nito'y may disenyo ng pakpak ng anghel. Medyo nagulat ako sapagkat ito ang unang pagkakataong makakita ng ibang Arch. Hindi naman ako nagpatinag at inilabas ko din ang aking Serendipity.
"Wala akong panahon sa'yo, kaya kung gusto mo pang mabuhay umalis ka na lang!" sabay tutok sa kanya ng Arch.
"Pasensiya ka na pero... 'di kita mapagbibigyan."
Wala na akong nagawa pa kung 'di paganahin ang abilidad, at sa isang saglit ay huminto ang takbo ng oras. Inagawan ng kulay ang paligid ng aking paganahin ito. Tanging itim at puti lang ang paligid, senyales na nasukob ko na ang buong lugar.
Nilimitahan ko ang sakop ng kakayahan upang hindi kumain ng maraming enerhiya. Ngunit napakunot noo ako ng malaman na 'di siya naapektuhan at naprotektahan ng kanyang sariling abilidad, kung saan nakapaloob siya sa isang malamyang kulay puting bilog.
Mukhang hindi magiging madali ang lahat. Wala akong maisip na pwedeng ipanggapi sa Barrier niya, nainis lang ako sa sarili sapagkat kitang-kita ang kakulangan ko. May tumatakbo sa isapan pero kung pagbabasehan ko ang ipinakita niya'y parang 'di tatalab.
Kaysa mag-isip pa ng negatibo'y pinaputukan ko siya ng makailang ulit gamit ang aking Arch. Winasiwas niya ang kanyang Arch para pigilan ang mga bala na ikinagulat ko.
Napatanong na lang sa sarili kung ganoon ba kabagal ang mga bala? pero kahit ganoon ay tiyak na 'di niya halata ang pinakaplano ko.
Aking sinamantala ang lamig ng panahon upang pagapangin ito sa kanya. Unti-unti'y 'di siya makakilos at nabalutan ng yelo. Napangiti na ako't nakahinga ng maluwag ng biglang matanggal at maitulak ng kakayahan niya ang yelong yumakap sa kanya.
Wala akong ideya sa nangyari hanggang sa iwasiwas niya ulit ang kanyang Arch.
Napaluhod ako ng makaramdam ng matinding hapdi. Kahit malayo ay nagawa niya akong hiwain ng ilang ulit. Nalito ako sa sitwasyon, sari-sari ang espekulasyon sa isipan pero walang tiyak na kasagutan.
Nakatitig lang ako sa kanya habang pabagsak ang nyebe. Napakalamig. Samahan pa ng dugong umaagos sa katawan. Nakakamanhid.
"Patayin mo na ako, basura na ang buhay ko!"
"Walang buhay ang maituturing na basura. Maaring naligaw ka ng landas kaya parang tingin mo sa buhay ay basura."
Napahalakhak ako ng todo sa narinig kahit alam ko sa sarili na ako ang mas katawa-tawa. Ewan ko ba, pero mas pinili kong umiwas sa katotohanang sumampal sa'kin. Sa kabila ng mga nangyari sa pamilya ko wala na akong pinaniwalaan bukod sa sarili.
Naging iisa ang takbo ng buhay ko; Maglakbay, pumatay, at maghanap ng impormasyon. Nakakasawa. Gusto ko ng sumuko, at dahil sa galit na bumubuhay sa pagkatao'y nandito pa rin ako't humihinga, kahit na ang realidad ay patuloy na sumasakal sa'kin. At unti-unti akong nilalason.
"Hindi pa huli ang lahat. Magtiwala ka."
Tila musika ang narinig ng ilahad niya ang kanyang kamay, parang isang anghel na bumaba sa lupa't nakipag-usap sa isang mortal. Kahit ang paglapit niya'y 'di ko na napansin dahil sa sobrang pagkatuliro.
Napatingin na lang ako sa kanya. Doon ay pinagmasdan ang kanyang mga matang kasing dalisay ng tubig. Maaliwalas at payapa. Gumuhit sa kanyang labi ang isang matamis na ngiti. At nakakahalina iyong pagmasdan. Nakakapawi ng bigat ng kalooban.
"Maaari ko bang malaman ang pangalan mo?" tanong ko sabay abot sa kamay niya.
Mainit.
Pakiramdam na pamilyar ngunit 'di matukoy ng sapantaha.
"Claire."
Sinong mag-aakalang, ang batang dati kong kalaro't kinaaasaran ay ang mag-aahon sa'kin sa pagkalugmok. Tadhana nga naman.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro