3
Maliwanag at makulay ang madilim na kalangitan gawa ng naggagandahang pailaw habang tinatanaw iyon sa balkunahe ng bagong proklamang 7 star hotel sa bansang Dubai. Hudyat din ng papasimulang kasiyahan at pagtitipon ng mga mayayaman at maimpluwensyang tao sa buong mundo sa pangunguna ni ginoong Gustav na isa sa mga kasapi ng Celestial Council.
Batay sa black envelope ay kailangan kong siguraduhin ang kanyang seguridad bagay na ikinaiinisan ko. Kung hindi lang sa dagdag impormasyon na kailangan ay hindi ko tatanggapin ang misyon na 'to, dahil puro pasosyal at pagpapayabangan lang naman ang kahahantungan nito. At kung ako ang tatanungin ay isa lang itong B o C rank na misyon. Marahil ay pakana niya lang ito't madaling napapayag ang iba pang council dahil sa impluwensiyang mayroon siya.
Hindi ko rin gusto ang pag-uugaling mayroon si ginoong Gustav, dahil masyado itong matapobre at mapagmataas dahil sa tinatamasa nitong sobra-sobrang karangyaan. Hindi ko lubos maisip kung bakit o papaano siya napasama sa hanay ng kapitapitagang council.
Napabuntong hininga na lang ako't inaayos ang kwelyuhan ng suot kong itim na formal suit saka naglakad pabalik sa sentro ng pagtitipon. Lahat ay nakagayak ng husto't may kanya-kanyang pinag-uusapan. Halos lahat ay may hawak na kupita na may lamang mamahaling alak.
Nariyan ang mga nakahain at nakapresintang masasarap na pagkain ng iba't ibang bansa sa isang mahabang mesa na may puting tela.
Hindi rin magkamayaw ang pag-ikot ng mga taga-silbi at may dalang bote ng alak o 'di kaya'y panghimagas.
Agaw pansin din ang magarbong mga aranya na kung kuminang ay gaya ng diamante. Ang ibang bato nito na pang dekorasyon ay gawa sa purong kristal na tanging sa mga bansa lang sa Asya makikita.
Ilang saglit pa'y nag-umpisa nang magsalita ang emcee sa mikropono na ikinabaling ng lahat ng atensyon ng tao. At ipinakilala nito ang mga taong nag-organisa ng pagtitipon kung saan nagbigay ng talumpati si ginoong Gustav sa stage.
Sa paghakbang pa lang niya sa harap ng mikropono'y pansin na pansin mo na ang mga mamahaling alahas at naglalakihang mga bato nito na nakasuot sa kanyang mga daliri at leeg. Hindi rin mapatid ang ngiti niya animo'y nanalo sa isang patimpalak.
Kaysa makinig ay nagsimula akong maglakad-lakad at magmasid sa loob. Sa pagtama ng paningin ko sa fire exit ay may napansin akong taong nakatingin din sa'kin. Di ko siya masyadong mamukahaan dahil sa suot niyang salamin na itim at para bang may nag-uudyok sa'kin na lumapit kaya minabuti kong lapitan ang kinaroroonan niya. Sa ilang dipa na magkalapit kami'y napansin ko agad ang nunal sa kanyang pisngi na kinagulat ko. Ayokong bigyan ng maling akala ang sarili pero iba ang kutob ko.
Dali-dali akong pumunta sa kanyang kinaroroonan upang kumpirmahin ang hinala kahit pa napakaraming bisita ang nakaharang at nakakabangga. Ang huli ko na lang napansin ay ang pagpasok nito sa pinto ng fire exit. Pagdating sa mismong pintuan at pagtulak dito'y nakasara na ito sa kabilang panig kaya mas lalo akong nagduda.
Ginamitan ko ng kakayahan ang pinto't ibinalik ang oras kung saan bukas pa ito. Mabilis akong pumasok at tumakbo ng mabilis sa kahabaan ng pasilyo. Pagdating sa dulo nito'y nakita ko siyang naglalakad sa hardin ng hotel kung saan patungo siya sa parking area.
"Sandali!" buong lakas kong hiyaw.
Ngunit patuloy lang siya sa paglakad hanggang sa maabutan ko siya't mahawakan sa balikat. Sa pagtigil niya't pagharap sa'kin ay para bang huminto ang pagpahinga ko. Kahit pa suot nito ang itim na salamin ay nakakasiguro akong siya ang kapatid ko. Ang dalawang taon na paghahanap ay natugunan na. Narito siya sa harap ko't buhay. Napangiti't napaluha na lang ako sa labis na kagalakan.
"Luc, ikaw nga! kung saan-saan kita hinanap dito lang pala kita sa Dubai mahahanap---" napaiwas ako ng mabilis ng may kung anong bagay ang tatama sana sa'kin.
At laking gulat ng mapansin iyon sa paanan ni Luc. Hinatak niya iyon at lumabas ang isang karit na kulay itim na may payak na disenyo.
"Anong ibig sabihin nito Luc?!"
Naguluhan ako sa kanyang inasal. Napaisip na baka may nagawa akong mali kaya nagkakaganyan siya. Wala siyang naging tugon at inalis lang niya ang kanyang suot na salamin at itinapon. Nakaramdam ako ng pagkabalisa ng makita ang mga mata niya. Mga matang para bang gaya sa isang hukay. Malalim at puno ng pighati. Walang duda siya ang kapatid ko pero parang wala siya sa katinuan. Sobrang nakakapanibago.
Itinaas niya ang hawak niyang Arch at para bang aakmang aatake. Bumilis ang tibok ng puso ko't pilit inaanalisa ang sitwasyon. Pinilit ko pang pigilan siya at pag-usapan kung ano mang bumabagabag sa kanya ngunit wala siyang sagot at panay lang siya sa atake gamit ang kanyang Arch.
Madali ko naman itong naiiwasan sapagkat ang mga kilos niya't hindi pulido na para bang pilit. Pansin ko rin na hirap siya sa pagwasiwas pa lang ng kanyang sandata. Sa pagpigil ko sa kanyang Arch at paghawak rito pakiramdam ko'y nahihigop ang aking enerhiya.
Nakadama ako ng kakaibang pakiramdam at tila nawawalan ako ng lakas. Agad akong kumawala sa pagkakahawak at lumayo muna. Mukhang wala na akong magagawa kung 'di gumamit ng kaunting dahas. Hindi siya nakikinig na para bang may kumokontrol sa kanya.
Inilabas ko ang aking Arch at pinadaluyan iyon ng aking kakayahan dahilan para magkaroon iyon ng ibang bala. Nagpakawala ako ng asul na enerhiya mula sa aking Serendipity direkta kay Luc ngunit may kung anong itim na bagay ang ulit na humarang.
Ang asul na enerhiya ay tumama sa mga puno't halaman dahilan para manigas sila sa lamig. Nagdulot ito ng hamog at mala-kristal na butil sa paligid. Sa pangyayaring iyon ay tila may napansin akong kakaiba sa ulohan niya na tila may mahabang pisi ang nakakabit dito.
Muli akong nagpakawala ng Freezing shot sa itaas na parte niya dahilan para kumapal ang hamog at maaninagan mabuti ang mga pisi. At tumibay ang kumpirmasyon ko, may limang pisi ang nakakabit kay Luc; Isa sa kanyang ulohan at tig-isa sa kamay at paa. Marahil ito ang gamit ng kumokontrol sa kanya.
Kailangan kong alisin ang mga iyon, pinagana ko ulit ang aking kakayahan sa Arch at nagkaroon iyon ng panibagong set ng mga bala. Mabilis kong inasinta ang pisi at pinaputukan ng mga Fire shot. Muli nanaman sanang haharang ang mga itim na bagay ngunit nasolusyunan ko ito ng aking patamaan rin ang poste ng ilaw. Naging madilim ang parteng kinatatayuan niya kaya hindi magawang maabot ng kanyang anino ang mga balang pinakawalan ko.
Sa pagtumba ni Luc sa lupa ay siya namang pagsabay ng matinding pagsabog. Halos dumagundong ng malakas at tumilapon ang napakaraming bubog at tipak ng pader mula sa bintana ng hotel. Sobrang ingay din ang tunog ng mga alarm ng mga sasakyan na sabay-sabay umatungaw. Kung hindi ako nagkakamali'y ang lugar ng pagsabog ay kung saan dinadaos ang pagtitipon.
Napamura na lang ako sa isipan na hindi ko nagawa ang aking misyon dahil may iba akong pinagtuunan ng pansin. Pero wala ng panahon ang magsisisi pa. Wala na rin akong pakialam basta ang importante sa ngayon ay ang kapatid ko. Dali-dali akong tumakbo sa kinaroroonan niya't inakay siya para dalhin sa ligtas na lugar.
Nakakarinig na ako ng mga alingawngaw ng sirena marahil ay dumating na ang mga truck ng bumbero. Paniguradong kasunod noon ay ang mga pulis at media kaya minabuti kong bilisan pa hanggang makarating kami sa isang kalapit na plaza. Makailang hakbang pa lang ako sa lugar ng may malakas na pwersa ang pagapang sa ilalim ng lupa't sumisira sa semento. Patungo ito sa direksyon namin kaya mabilis akong umiwas. At mula doon ay nakita ko ang pagkawasak ng espasyong iyon na nagkaroon ng malaking uka sa lupa.
"Bitawan mo ang lalaking yan!"
Napatingin ako sa bandang kaliwa't nakita ko ang isang babaeng may hawak ng malaking martilyo. Masasabi kong napakalaki ng kanyang sandata na di mo akalain kung papaano niya nabuhat kung titingnan ang kanyang pangangatawan. Ginto ang hawakan nito't ang may simbolong nakaukit sa mismong base. Naging mausok ang lugar gawa ng sunog sa kalapit na hotel at alikabok dulot ng pwersang gumiba sa semento, kaya naman hirap akong makita siya mabuti. Pero sa paghakbang pa niya papalapit sa'min ay nanlaki ang mata ko kung sino siya.
"Violet?"
"Yowen? a-anong ginagawa mo dito?"
"Ako dapat ang magtanong sa'yo niyan."
"Teka lang, bakit mo kasama ang kriminal na yan?"
"Si-sinong kriminal?" Napakunot noo ako sa kanya at may hinala na kung sino ang kanyang tinutukoy.
"Ang lalaking akay-akay mo ngayon," malamig na saad ni Violet.
"Kapatid ko siya. At sigurado akong hindi siya ang gumawa ng mga bagay na iyon. Nakita ko mismo kung papaano siya manipulahin," mariing tugon ko.
"Mukhang hindi ka naman nagsisinungaling dahil may reputasyon ka bilang Sovereign." Napangiti na lang siya't nag-inat ng isang kamay.
Kahit papaano'y nabawasan ang agam-agam na bumabagabag sa'kin. Matagal ko ng kakilala si Violet at ilang beses ko na din siyang nakasama sa mga misyon. Hindi marunong mag-ayos at laging magulo ang kanyang buhok. Pansin na pansin ang namumungay niyang mata na halatang kulang sa tulog. Isa rin siyang Sovereign na gaya ko; Ang pinakamataas na ranggo na maigagawad sa isang Celestial.
Apat lang ang bilang namin at tanging pinakamagaling at mahuhusay lang na mga Celestial ang nagagawaran ng ganitong kataas na katungkulan na maihahalintulad o lagpas pa sa mga kasapi ng Celestial Council. Usap-usapan na kami lang ang tanging henerasyon ng Sovereign na walang Constellation na kasapi. Sila ang mga Celestial na may abilidad na tumutukoy sa iba't ibang elemento ng mundo. Ang tawag naman sa mga Celestial na hindi saklaw ng elemento ay ang mga Meta.
"Yang hawak mo, yan ba ang Arch mo?"
"Oo, nagulat ka ba? ito nga pala ang unang beses na nakita mo to."
"Hindi ba siya mabigat?" usisa ko.
"Hindi naman, dahil ang mismong kakayahan ng Giga ay may kinalaman sa pagbabago ng laki at timbang nito."
"Ganoon ba."
Kakaiba. Yon na lang ang tanging bagay na namutawi sa isipan ko habang naglalakad kami palayo.
"Ano ang nangyari sa loob ng hotel? marami bang namatay? kasama ba si ginoong Gustav?" Labis akong nag-aalala sa sitwasyon sa loob na sinabayan pa ng hindi magandang kalagayan ni Luc na ngayo'y inaapoy ng lagnat.
"Nailikas na ang mga tao bago pa sumabog ang bombang itinanim niyang kapatid mo."
Kahit papaano'y nabawasan ang tinik sa lalamunan ngunit papaanong may itinanim na bomba ang kapatid ko. At bakit hindi ko agad napansin. Alam kong minatyagan kong mabuti ang lugar. Masyado ba akong naging pabaya at nagawang malusutan.
"Teka parang mali ang sinabi ko... nakadikit na yong mga bomba sa waiter at waitress. Tapos mga ilang sandali lang ng paglabas niyang si Luc ay nahimatay na 'yong mga yon. Naaksyunan naman namin agad at napalabas ng walang gulo ang mga tao," paliwanag niya.
Napaisip ako ng malalim at kung tama ang ekpekulasyon ko'y maaaring kinokontrol din sila sa pamamagitan ni Luc.
"Kumusta pala yong mga waiter at waitress?"
"Mga manikin lang sila."
Nagulat ako sa pahayag niya't di makapaniwala. Mukhang hindi biro ang sitwasyon. Dapat ko ng ipalam ito kay master Eve sa lalong madaling panahon.
"Dalhin muna natin sa pinakamalapit na hospital si Luc tapos--"
"Yan ang 'di niyo maaaring gawin dahil kukunin ko na ang aking manika."
Napatigil ako sa pagsasalita at agad hinanap kung sino ang biglang nagsalita. Sabay pa kami ni Violet napatingin sa direksyon nito't inihanda ang aming sarili ng maaninagan siya. Kung titingnan ay para lang siyang ordinaryong dalagita na nakasuot ng uniporme ng high school at naka-pony tail. Ngunit kapuna-puna ang kanyang mga mata, wala iyong buhay at magdadalawang isip ka kung gaya sa isang manika o contact lens lang. At mula sa kung saan ay nakarinig naman kami ng boses animo'y galing sa hukay. Makatindig balahibo rin ang pag-ihip ng hangin na sinabayan pa ng pagdagundong ng lupa.
Maya-maya pa'y lumabas sa lupa ang isang nakaitim na roba na di matukoy ang kasarian dahil takip halos ang kanyang mukha't katawan at tanging nakalabas lang ay ang isa niyang kamay na may hawak na tungkod. May pulang kristal ito sa at pinalibutan ng limang bola ng liwanag.
Itinaas niya ng bahagya ang tungkod at mula sa lupa'y nagsilabasan rin ang mga taong naagnas na't sa pakiwari ko ay mga zombie ng maituturing. Pinalibutan nila kami't ngunit di kami nagpatinag sa dami nila. Mas hinigpitan ko na lang ang pagkakaakbay kay Luc.
Natatawa pa si Violet saka nagwika, "Yan lang ba ang ipangtatapat niyo sa'min?"
At walang kagahol-gahol ay inihampas niya ang kanyang Arch sa lupa at nakagawa siya ng malakas na pag-yanig. Gamit ang kakayahan niya na may kinalaman sa Dagsin (Gravity) ay tumindi ang nagawa nito. At ang pumapalibot sa'ming mga zombie ay mistulang napiping lata sa lakas ng pwersang humatak sa kanila pababa. Parang hindi naman iyon ininda ng kalaban at itinaas niya lang ulit ang hawak na tungkod. At muling nagsilabasan ang mga zombies na mas dumoble pa ang bilang.
Ang babaeng kalaban ay sumugod hawak ang armas nitong patalim. Bago pa ito makalapit ay pinaputukan ko siya ng sunod-sunod ng mga fire shot ngunit madali niya itong naiiwasan sa pamamagitan ng pasirko-sirko na para bang sobrang gaan lang ng katawan niya. Nagawa niyang makalapit pero hindi niya inasahan ang pag-atake ni Violet gamit ang martilyo nito. Ang nakita ko na lang ay pagtilapon nito sa malayo.
Sumugod ang mga zombies at muli ginawa ni Violet ang paghampas sa lupa na may kasamang pwersa gamit ang kanyang kakayahan. Nakapagbigay iyon ng butas sa depensa ng kalaban kaya mabilis kong ginamit ang kakayahan at pinalitan ang set ng bala ng aking Arch. Pinaputukan ko ang nakaitim na hood gamit ang Lighting shot. Bago pa tumama ito ay narinig ko siyang may sinambit na mga kakaibang salita at ang isa sa mga butil na liwanag na umiikot sa kanyang tungkod ay naging Barrier at promotekta sa kanya.
Ang babaeng na pinatalsik ni Violet ng malayo ay ngayon nasa harap na namin, para bang hindi siya nasaktan at ni walang bakas ng sugat o gasgas. Mukhang hindi basta-basta ang dalawang ito sapagkat nagagawa nilang makipagsabayan sa'min. Panay ngisi rin si Violet at halata na ang pagkairita sa dalawa, kung hindi ko lang sana akay si Luc mas tutok ako sa dalawang asungot na ito. ikinumpas ng babae ang kamay nito ng makailang ulit at ang mga malalaking tipak ng mga bato mula sa nasirang sementong daan ay nagsiangat at direktang tatama sa'min.
Itiuon ko ang isipan sa paggamit ng abilidad upang pahintuin ang oras ng mga bato. Matagumpay ko itong napahinto ngunit ng babasagin na ito ni Violet gamit ang kanyang Arch ay sinabayan naman ito ng nakaitim na hood ng isang orasyon. Muli ang bilog na liwanag na umiikot sa pulang kristal at naglaho. May lumabas na bungong marka sa paligid ng tungkod at naramdaman ko na lang na hindi na ako makakilos kahit si Violet rin ay mistulang tuod sa kinatatayuan. At ang mga batong pasugod ay mabilis na sumalpok sa'min. Nagdulot iyon ng pinsala saming tatlo na sobrang ikinagalit ko.
Sino ba talaga ang dalawang ito? tanong na di ko mawari't pilit hinahanap ang sagot sa isipan. Nagagawa niyang tumawag ng mga patay, meron din siyang Barrier na gaya ng kay Claire at ginamit rin nito pabalik ang kakayahan ko na nagkulong sa'min sa oras. Maaaring isa siyang Necromancer ngunit sa pagkakaalam ko'y isa lang itong kathang isip. Kahit sa mga librong nabasa ko'y di tinutukoy kung totoo ba sila. Itinaas ng babae ang kanyang kamay at iwasiwas. Nakita ko na lang na umaangat na sa lupa si Luc.
Pilit kong iginagalaw ang katawan ngunit balewala. Kahit anong pagpupumiglas ay talagang nagapos ako sa kapangyarihan niya, maswerte't gumagana pa ang utak at nakakapag-isip. Ilang dipa na lang ay makukuha na nila ang kapatid ko. Hanggang dito na lang ba? sa tagal ng hinintay at tiniis ko'y mauuwi lang pala sa wala. Maglalaho sa aking paningin ng walang kalaban-laban. Aking naramdaman ang pagdaloy ng enerhiya sa katawan maaaring dulot ng galit at inis sa sarili, kahit ano pa ito'y wala na akong pakialam kahit pa labagin ko ang restriksyon ng abilidad.
Nagkaroon ng bitak ang paligid at nabasag na para bang kami'y nasa loob ng salamin. At sa pagkakataong iyon ay nakawala kami sa kapangyarihan bumalot sa'min. Nakaramdam ako ng mainit na pagdaloy ng likido sa aking mata. Pumatak pa iyon sa aking kamay at napag-alaman na dugo ito.
Hindi na bago sa'kin ang ganitong tagpo mas lumakas lang lalo ang loob ko. Mabilis kong itinutok ang Arch sa babae at walang kisap mata kong pinaputukan siya sa lightning shot na di niya napaghandaan. Sapol siya sa ulo na ikinabagsak nito sa kalapit na pader. Si Violet naman na halatang nagulat sa pangyayari'y 'di malaman ang gagawin.
Inilapat ko ang abilidad sa Serendipity at muling nagpakawala ng mas malakas na enerhiya. kombinasyon ito ng tatlong klaseng elemento at direkta ko iyong pinatama sa nakaitim na hood. Gaya kanina'y nagkaroon ulit siya ng Barrier ngunit sa pagkakataon iyon ay 'di na iyon uubra sa'kin. Binalutan ko ng abilidad ang enerhiyang pinakawalan kaya nagawa nitong tumagos. At ang huli ko na lang nakita'y sumabog ito sa loob ng kanyang Barrier. Sa pagkawala ng pananggalang niya'y makapal na usok ang lumabas na halos tumakip sa kanya.
Hindi na hinintay ni Violet ang hudyat ko at mabilis siyang tumakbo sa kinaroroonan ng dalawa. Napatalon siya ng bahagya at inihampas ang kanyang Giga sa kalapit nila. Nagdulot iyon ng mas malakas na pagyanig at pagguho ng lupa at semento. Pumailalim sila sa lakas ng mapanirang pwersang tumulak sa kanila pababa. Halos mabaon sila sa lalim ng hukay na dinulot ng kombisyon ng kanyang Arch at ng kanyang abilidad. Sobrang nakakagulat ang mapanirang abilidad meron siya kaya di naman nakakapagtaka kung tawagin siya bilang Queen of Destruction.
Napangiti siya sa gawi ko't napathumbs up. Gumanti ako ng ngiti at napabulong sa sarili, sa wakas ay tapos na kahit papaano'y nakahinga na ako ng maluwag. Lumapit siya sa'kin kasabay ng unti-unting paglaho ng kanyang Arch na hawak sabay abot nito sa'kin ng isang puting panyo. Kinuha ko naman iyon at pinunas sa'king mga mata. Tinawag niya ang isang taong nagtatago sa likod ng pulang kotse at pinapunta sa kinaroroonan namin. Isang babae na kayumanggi ang balat at hanggang balikat ang buhok ang nagpakita habang inaayos nito ang suot na salamin.
"Siya nga pala si Lei, kasama ko siya sa misyon."
"Sobrang ikinagagalak ko po ang makilala ang isang Sovereign na gaya niyo," pormal na pagbati niya.
Napatango na lang ako't ngumiti ng bahagya. Hindi ko alam pero mas pinili kong wag na lang magsalita, marahil ay unti-unti na akong nawawalan ng lakas dagdag pa ang ngalay sa matagal kong pag-akay kay Luc. Maya-maya pa'y nakarinig na kami ng tunog ng sirena. Dalawang sasakyan ng pulis at isang ambulance ang dumating na agad lumapit sa'min. Hinarap naman sila ni Violet at pinakita ang singsing nito na sumisimbolo sa ugnayan ng Celestial sa gobyerno at titulo bilang Sovereign. Tila nagulat pa ang mga pulis bago ito nagsaluduhan habang ang mga paramedics ay nagmamadaling naglabas ng stretcher at inilipat doon si Luc.
Inalalayan rin ako ng isang paramedics pagkapasok ni Luc sa ambulance. At pagpasok sa loob ay naupo ako agad sa tabi ng kapatid ko. Sumunod rin sina Violet at Lei na naupo sa tabi katapat ko. Doon ay ipinaliwang nila ang kanilang misyon, gaya ko binigyan rin sila ng black invitation at mismong si ginoong Gustav ang personal na nag-abot nito sa kanila. Napag-alaman ko na ang kakayahan ni Lei ay Mind Control at dahil doon ay nagawa niyang ilabas lahat ng bisita sa pagtitipon ng walang aberya. Masasabi kong isa siyang Elite rank dahil hindi biro ang bilang ng mga tao sa pagtitipon upang makontrol at utusan ang mga ito.
Gusto ko pa sanang makinig sa mga sinasabi nila ngunit parang humihina na ang pandinig ko. Nanlalabo na rin ang paningin at nakakaramdam na ako ng matinding paggapang ng pagod. Pilit ko pang nilalabanan ang antok na dumadapo sa mga mata ngunit ayaw nito papigil.
Natatakot ako na kapag pumikit ako'y mawala ulit si Luc. Hinawakan ko ang kamay niya't napangiti ako ng bukal sa loob, iba ang pakiramdam ng mainit niyang kamay. Napansin kong may inaabot si Lei sa'kin na wari ko'y isang telepono, kaya kahit nanginginig na ang mga kamay ay pilit kong inaabot iyon. Sa paglapat nito sa aking tenga ay narinig ko ang pamilyar na boses.
Ang boses na minsang nagbigay sa'kin ng lakas ng loob at pag-asa para mabuhay.
Nakakahalina.
Gustuhan ko mang tumugon ay wala ng boses ang lumalabas sa bibig.
Tila sumusukob naman ang itim na telon sa paligid na nagdudulot ng matinding kadiliman at katahimikan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro