2
Makalipas ang dalawang taon...
Napapikit na lang ako sa sobrang pagkaantok dahil sa mapangheleng boses ni mam Liza habang itinuturo niya ang isang paksa sa asignaturang literatura na naka-power point presentation. Dumagdag pa sa pagbigat ng talukap ng mata ang malamig na temperatura't madilim na silid-aralan kaya't madali kang mahulog sa mundo ng panaginip.
Kahit ang ilang kaklase'y ganoon din ang senaryo at may ibang panay ang labas sa klase para pawiin lang ang matinding antok. Pero naiiba itong si Claire na katabi ko, siya lang kasi ang bukod tanging nagtitiyagang makinig sa maestra namin. Hindi na rin nakakapagtaka sapagkat kilala siyang aktibo hindi lang sa klase kung 'di pati na rin sa Student affairs, kahit pa nasa unang baitang pa lang siya sa kolehiyo.
Nakuha niya agad ang simpatya ng mga professor at ng mga kasalukuyang student officers na nasa mataas na libel noong ginanap ang student council meeting para sa unang buwan ng pasukan. Marami talagang humanga sa husay niya sa pagdidialogo at pati na rin sa ilang magagandang mungkahi niya na ikakaunlad pa ng buong unibersidad at kapwa mag-aaral, kaya naman naitalaga siya sa pangalawang mataas na pwesto. At maituturing na pinakabata na naupo rito.
Noong una'y pinipilit pa niya akong sumali rin pero tumanggi ako sapagkat 'di ko talaga linya ang magkaroon pa ng dagdag responsibilidad bukod sa pagiging Guardian (Tagapangalaga). At bilang isang ganap na Tagapangalaga'y mas prioridad ko ang siguraduhin ang kanyang kaligtasaan at itago ang totoong pagkatao niya hanggang sa makarating siya sa tamang edad. Kaya kahit hindi ko gusto ang ilang mga gawain sa napili nitong kurso'y wala akong magagawa kung hindi ang sumunod at magpanggap na pinsan niya tuwing humaharap kami sa ordinaryong mundo.
"Class dismissed."
Ang kaninang inaantok-antok na klase'y biglang nabuhay. Sa lahat na ata ng nasabi ni mam ito na ang pinakamaganda. Kaysa tuluyang makatulog ay tumayo na ako't nag-inat. Lumapit naman si Claire kay mam Liza at tila may tinatanong na kung ano.
Naghintay na lang ako malapit sa pintuan habang ang iba naming kaklase'y nagmamadali ng magsiaalisan matapos makapagpaalam sa'min. Oras na rin kasi ng pananghalian at tiyak gutom na ang lahat. Ilang sandali pa'y lumapit na rin si Claire sa'kin at sinalubungan agad ako ng ngiti sabay sabi,
"Tara lunch na tayo."
Ngumiti rin ako pabalik saka tumango bilang tugon at sabay kaming lumabas sa kwarto. Naglakad sa pasilyo patungo sa elevator kung saan iilan na lang ang mga estudyante ang nag-aabang. Maswerte namang nakababa na ang iba kaya 'di na kailangan pumila at maghintay.
Si mam Liza lang ata ang tanging professor naming sumusunod sa takdang oras kaya kahit 12:35 na ng tangali'y 'di niya alintana basta kung anong oras ang time-out namin ay doon lang siya magpapalabas.
"May project pala na pinapagawa si Mam Liza."
Napakunot naman ang noo ko sa sinabi ni Claire bago kami tuluyang pumasok sa loob ng elevator pagbukas nito. Kahit maluwag naman ay nagpumilit pang mauna ng mga grupo ng mga kababaihan sa'min kahit kami ang nasa unahan. At sabay na maghahagikgikan sa loob.
"May sinabi ba si mam? wala naman akong matandaan," wika ko habang pinagmamasdan ang elevator boy sa pagpindot ng buton at pagsara ng pinto nito.
"Ground floor tayo ha," wika ng elevator boy.
"Yes po kuya!" sabay-sabay na saad ng mga babae pagtapos ay magtitingingan at naghahagikgikan ulit.
Hindi ko alam kung anong meron, basta nakakaloko sila. Pinili ko na lang silang hindi intindihin at ibinalik ang atensyon kay Claire.
"May sinabi ba talaga si mam?"
"Mayroon nga, tulog ka kasi mula noong naupo ka sa klase niya."
"Masisisi mo ba ako?" natawa na lang ako kasabay ng pagbukas ng pinto ng elevator.
"Ang kailangan mo lang kasi ay focus," tugon niya saka siya lumakad palabas. Sumunod na lang ako't napaisip sa sinabi niya. Kung focus lang din tungkol sa pag-aaral ay 'di ko kailangan pagtuunan iyon ng pansin dahil may higit akong prayoridad, bagay na pinagdiinan sa sarili.
Sa bungad pa lang ng pasilyo'y marami ng bumabati na mga estudyante na mula sa iba't ibang department kay Claire. At ang iba'y may inaabot pang regalo, pagkain at kung ano.
Unang tungtong pa lang ata namin sa unibersidad na ito'y marami na ang nagpapansin kay Claire na mga kalalakihan at ilang kababaihan na gustong makipagkaibigan.
Hindi ko rin kasing makaikakaalang maganda siya at bukod pa roon ay may kung anong halina siya na magpapagaan sa kalooban mo.
Matapos ang kaunting diskusyunan ay nagpaalam na kami't agad nagtungo na sa paborito naming kainan, ilang hakbang lang mula sa unibersidad.
Dito kahit papaano'y normal na mga college student kaming maituturing. Bukod sa mura at masarap ang mga luto ni nanay Rose ay mabait din ito sa mga costumer niya.
Maaliwalas ang lugar na para bang ika'y nasa sarili mong bahay. Hindi rin masyadong magarbo ang dekorasyon sa loob na pawang mga antique. Magmula sa mga upuan at lamesa. May indoor garden din na malikhaing dinisenyo ng apo nito na lagi niyang nababanggit.
Pagpasok sa loob ay maraming estudyante at ilang professor ang masaya't maganang kumakain, agad kong inilibot ang paningin kung may bakanteng lamesa at maswerte namang mayroon pa.
Pagpila namin sa counter ay nandiyan nanaman ang ilang mga estudyante na bumabati kay Claire hanggang sa pag-usad ng pila't pagkakataon na naming makapamili. Sa dami ng nakahain ay nahirapan kaming magdesisyon at makailang ulit pa si Claire kung anong putahe ang napili ko.
At dahil pakiramdam ko'y masyado na kaming matagal ay agad kong itinuro ang bicol express, nagpadagdag din ako ng dalawang extra rice at softdrinks habang si Claire ay pinili naman ay pinakbet, isang kanin at leche plan.
Pagkabayad ay pumuwesto kami malapit sa haliging salamin kung saan kita mo ang mga tanim na orchids sa labas nito. Hindi ko na hinintay pa si Claire sa kanyang pagdarasal at agad na akong sumubo ng kanin na may kasamang ulam.
"Salamat po sa pagkain," wika niya kasabay ng matamis na ngiti na ibinato niya sa'kin. Wala naman akong naging reaksyon at ipinagpatuloy lang ang pagkain.
"Anong next class natin?" habang patuloy sa pagnguya ng pagkain.
"Hanggang ngayon di mo pa rin kabisado ang schedule natin?"
"Nandiyan ka naman," tugon ko sabay ngisi.
Napabuntong hininga na lang siya't sumubo ng leche plan. Tila batang kinikilig naman ang hitsura niya ng malasahan ito. Sa ilang buwan na pagkain namin dito'y 'di pa rin siya nagsasawa at laging kasama sa order niya.
"Gusto mo ba?"
"Salamat na lang, mukhang kulang pa sa'yo yan e."
Balik ulit siya sa paunti-unting pagsubo ng panghimagas na may kasamang kilig at paghawi sa mahaba niyang buhok. Natatawa na lang ako habang pinagmamasdan siya.
Napadako naman ang paningin ko sa labas ng salamin sa bandang sulok, aking napansin ang isang batang nakauniporme na pang-high school at may suot na kulay abong jacket na may hood.
Bahagya kaming nagkatitigan na agad din niyang binawi at mabilis siyang umalis sa lugar. Isinawalang bahala ko na lang ito't tiningnan ang oras. Ala-una 'y medya na pala. Nakakaramdam nanaman kasi ako ng pagkaantok. Napahigab na lang ako't sabay wika,
"Tara matulog tayo sa library."
"Uy! anong matulog, magreview tayo sa vacant time natin. May quiz tayo sa psychology noh."
Napabuntong hininga na lang ako saka uminom ng isang basong tubig. Napatayo naman si Claire at nagpaalam na pupunta ng ladies room.
Sampung minutong mahigit din ang lumipas ngunit wala pa rin siya. Napapaisip na lang ako kung bakit ba napakatagal ng mga babae sa loob ng banyo.
Tatayo na sana ako para sunduin siya ng makita kong nakalabas na siya't may kausap na dalawang babae. Nagbeso-beso pa sila't sinenyasan ako ni Claire na lumapit sa kanila.
Agad akong lumapit at ipinakilala niya sa'kin ang mga senior officers ng student affairs. Sina Brenda at Louisa. At sabay-sabay nga kaming lumabas ng kainan at nagtungo ng library.
Sa pag-akyat pa lang ng ikalawang palapag ng main building ay napakarami na nilang pinagkwekwentuhan gaya ng grading system ng mga professor, rules and regulation, mga upcoming program at iba pa.
Kahit pagdating sa library ay tuloy-tuloy pa rin sila sa diskusyunan at para bang 'di mauubusan ng sasabihin. Kaysa tuluyang mabagot sa di ko masabayang usapan nila'y umidlip na lang ako't hinayaan sila.
Nakatulog na ako't lahat-lahat ay nagkwekwentuhan pa rin sila na may kasama pang hagikgikan. Napatingin na lang ako sa aking smart phone at tiningnan kung mayroong text message. At nang makitang wala mensahe'y nilibang ko na lang muna ang sarili sa paglalaro ng games.
Lagpas bente minutos din ako sa paglalaro ng makaramdam ng tawag ng kalikasan kaya nagpaalam muna ako na pupunta ng men's room. Matapos umihi'y naghilamos din ako ng mukha para matanggal kahit papaano ang antok.
Sa pagpunas ng mukha gamit ang panyo'y napansin ko ang pagbukas ng isa sa mga pinto ng cubicle habang nakatingin sa salamin ng sink. At kung hindi ako nagkakamali'y siya 'yong batang nakita ko sa may kainan. Ibinaba niya ang kanyang ulo't tumakbo palabas.
Nakapanghinala ang inakto niya kaya napasunod ako bigla, pero laking gulat ko ng wala na siya sa pasilyo. Wala rin naman siyang matatakbuhan bukod doon sapagkat nasa dulo ang banyo kung saan taliwas ang hagdan at elevator. Hindi rin naman siya magkakasya sa bintana dahil makipot iyon.
Napasilip na lang ako sa bintana't may napansin akong medyo manilaw-nilaw ang kulay at medyo makintab. Sinuri ko ito't napag-alaman na parang buhangin iyon. Mabilis akong bumalik sa library at sakto namang papalabas na sila. Nakahinga ako ng maluwag at pinilit na ngumiti.
"Ang tagal mo kasi kaya lumabas na kami para hintayin ka na lang sana sa labas."
"Ganoon ba, naghilamos pa kasi ako."
Nagpaalam na ang dalawang senior officer na may klase pa sa 3rd floor habang kami'y sa 4th floor. Pagpasok sa silid ay wala pa roon ang aming professor kaya nakapagbuklat pa si Claire ng notes niya, malamang ay di siya nakapagreview dahil sa kakadaldal ng dalawa niyang senior.
At kilala ko rin itong si Claire, alam kong nahihiya siyang tumanggi. Masyado siyang mabait at bukas sa lahat. Limang minuto rin ang nakalipas ng bumukas ang pinto at pumasok si ginoong Lopez.
"Okay class, get your quiz notebook."
Kanya-kanya kaming kuha ng quiz notebook sa bag at nagsipaghanda sa quiz. Hanggang twenty items ang ibinigay na pagsusulit na lahat ay nasagutan ko naman.
Hindi rin ako nahirapan dahil nagawa kong maalala lahat ang tinuro ni sir. Matapos nito'y agad din kaming nagcheck at kami lang ni Claire ng nakakuha ng pinakamataas na marka.
Pinuri kami ng professor dahil kahit noong umpisa pa lang ng semester ay 'di nagbabago ang marka na aming nakukuha. Nag-umpisang magturo ulit ng panibagong topic si sir na tumatagal ng isang oras kalahati.
Kumpara kay mam Liza ay makwela itong si sir Lopez kaya madali mong matututunan ang mga itinuturo niya.
Alas tres ng tanghali ng magpa-dismissed si sir kaya inaya ko ng umuwi agad-agad si Claire dahil kanina pa hindi maganda ang kutob magmula ng makita ko ang isang batang tila umaaligid.
Tiwala naman ako na plantsado lahat ng pagkakakilanlan namin na mismong si master Eve ang umaayos. Pero nais ko pa rin makisiguro dahil kung totoo man ang kutob ko'y kailangan namin na lumipat ng panibagong unibersidad o itigil na ang kalokohang ito.
Naglalakad na kami sa parking area ng unibersidad at tanaw na namin ang asul na sasakyan ko ng makaramdam ako na may tila sumusunod sa'min. Bago pa maunahan ay ipinagana ko na agad ang aking kakayahan.
Bumalik ako sa oras kung saan ako kanina nanggaling, kung saan nalipat agad ang pwesto ko sa likuran ng batang nakahood. Inilabas ko sa ang aking ang Arch; ang Serendipity at itinutok iyon sa kanya.
"Huwag mong subukang kumilos man lang dahil 'di ako mag-aatubiling kalabitin ang gatilyo," saad ko na may diin. Nanatili siyang tahimik at itinaas lang niya ang kanyang kamay.
Nagmamadaling lumapit si Claire sa kinaroroonan namin at napatingin ito sa bata. Ngumiti siya't sinenyasan ako na ibaba ang aking Arch. Sinunod ko naman siya kasabay ng pagbaba ng bata sa suot nitong hood.
Napansin ko agad ang pagbagsak ng tila buhangin mula roon. Lumipat ako sa harapan niya't nakita ko ang takot nitong mga mata habang may bumabagsak na buhangin sa gilid ng mukha nito pati sa kamay.
"Wa-wala po akong balak na masama. Gusto ko lang masolusyunan ang sakit ko," utal na wika niya.
"Anong alam mo tungkol sa'min?" tanong ko habang pinapakiramdaman din ang paligid. Kahit tirik ang araw ay napapawi naman ang init sa malamig na pag-ihip ng hangin. Nagbibigay lilim din ang mga puno roon kaya mainam pagparadahan ng sasakyan.
"Ang totoo po niyan, kinutuban ko lang. Nagbabakasaling matulungan niyo ako, kaso natatakot akong lumapit."
Hindi naman ako kumbinsido sa sagot niya pero ng tingnan ko ang mukha ni Claire ay 'di siya kakakitaan ng panghihinala o kung ano pa man. Umiiral nanaman ang pagiging mabait niya.
"Alam ba ng mga magulang mo ang nangyayari sayo?" tanong ni Claire.
"Wala na po akong magulang. Si lola na lang ang kasa-kasama ko. Hindi ko rin po masabi sa kanya kasi natatakot ako."
"Ganoon ba, hindi isang sakit ang kinahaharap mo ngayon. Sadyang 'di mo lang makontrol ang regalo na ipinagkaloob sa'yo," wika ni Claire. Bahagya siyang yumuko at tinapik ang balikat ng bata.
"Kung sasama ka sa'min, may makakatulong sa iyo hinggil sa kalagayan mo. Gusto mo ba?" dugtong pa niya.
Napatingin ako sa kanya at kunot noong napatugon,
"Hindi pwede Claire, alam mo yan. Kailangan muna natin itong ipaalam kay master."
Umaayos siya ng tindig at tumingin ng diretso sa'kin.
"Isa lang siyang bata Yowen, mas kailangan niya ang tulong natin. At kung nagdudududa ka sa pagkatao niya. Nandiyan si Scarlet at makakatulong ang kakayahan niya," paliwanag niya. Napabuntong hininga pa siya bago itinuloy ang pagsasalita.
"Hindi rin kaya ng konsensya ko na hindi siya tulungan na alam kung takot at nahihirapan ang kalooban niya."
Napailing na lang ako sa turan niya. Ito na nga bang nasa isip ko kanina pa. Hindi nanaman niya kayang makatanggi lalo pa't isang bata ang kaharap niya. Wala na rin akong nagawa dahil alam kung magpupumilit lang siya ng todo. Magiging handa na lang ako sa posibilidad na pwedeng mangyari.
Sumakay kami agad ng sasakyan at umalis sa lugar ng walang komusyon. Habang nagmamaneho'y nakikinig lang ako sa kanilang pinag-uusapan at ayon dito, ang pangalan niya ay Denver, sampung taon gulang at nag-aaral din sa unibersidad na aming pinapasukan.
Natuklasan niya ang kanyang sakit 'di umano'y tatlong buwan na ang nakakaraan. At ang iba'y personal na gaya ng dahilan ng kasawian ng kanyang magulang.
Halos dalawang kilometro rin ang layo ang lalakbayin patungo sa mansyon o mas maiging sabihin ay ekslusibo at pribadong villa ni master Eve hindi pa kasama roon ang mabigat na daloy ng trapiko na minsan kung mamalas-malasin kang abutan.
Ito talaga ang pangunahing problema sa lungsod, kaya mas gusto ko noong nasa probinsya kami dahil bukod sariwa ang hangin ay wala rin matinding trapiko ang sasalubong tuwing ika'y magmamaneho.
Sa mansyon na iyon kami pansamantalang nakatuloy kasama ng iba pang Celestial gaya namin, mga hindi pang karaniwang tao't may taglay na kakayahan at abilidad. At ang tumatayong aming lider o maituturing na naming pangalawang ina ay si master Eve.
Kasama rin siya sa hanay ng Celestial Council , sila ang nangangasiwa sa batas at pagkakabuklod ng mga Celestial sa iba't ibang panig ng mundo. Nananatili itong lihim sa madla at tanging iilang mataas na opisyal sa gobyerno lang ang nakakaalam upang hindi magdulot ng sigalot.
Pagdating sa main gate 1 ng villa ay agad kaming sinaluduhan ng mga guwardiya at pinagbuksan. Sumalubong sa'min agad ang mga matatayog na mga puno na pumapalibot sa lugar. Mainam na panlaban sa init at polusyon sa gitna ng siyudad.
Binaybay namin ang kahabaan iyon hanggang sa dumating kami sa gate A papasok sa mansyon. Doon ay naabutan naming nakatokang magbantay si Lawrence, isa ring Celestial. May dugong bampira kaya ganoon na lang ang maputlang kulay ng kanyang kutis. Napasilip ito sa sasakyan ng mapansin ang batang si Denver.
"Sino siya?" usisa niya.
"Siya nga pala si Denver, gaya rin natin siya," tugon ni Claire.
"Alam na ba ito ni Master Eve?" tanong ni Lawrence.
"Nainformed ko na," sagot ni Claire.
"Ganoon ba, sige walang problema." Pinindot nito ang hawak na remote at awtomatikong nagbukas ang gate.
"Sige kita kits na lang mamaya," saad ko.
Napangiti na lang si Lawrence. Pinaandar ko na ang sasakyan papasok sa isa pang malawak na espasyo na napapaligiran ng bermuda grass at ilang ornament na mga halaman. At sa gitna nito ay makikita ang isang malaking fountain. Narating namin ang front door ng mansyon at huminto muna ako dito. Niyayang lumabas ni Claire si Denver na sinundan pa ng paningin ko ang pag-akyat nila sa hagdan bago pinaandar ulit ang sasakyan papasok sa garahe sa bandang likod ng mansyon.
Matapos maiparada ang sasakyan ay dumiretso ako sa back door kung saan naroon ang kusina. Naabutan ko si Tita Leslie at Cindy na nagluluto ng hapunan. Kahit kailan talaga'y makalat magbaked itong si Cindy. Pero 'di rin maiitanggi na masarap ang mga gawa niya.
"Hello guys!" bungad na bati ko.
"Hi!" saad ni Cindy na abala sa paghahalo ng ilang ingredient sa mixing bowl.
"Kumusta ang schooling?" tanong ni tita Leslie habang naghihiwa ng bawang at iba pang rekado.
Napaupo ako sa stool at pinanood muna sila. Isa lang si Tita Leslie na ordinaryong tao na alam ang tungkol sa'ming Celestial. Matagal na siyang katiwala ni master Eve at mapahanggang sa ngayon ay kasa-kasama pa rin niya ito't hindi na ito nakapag-asawa.
Siya rin ang tagapagluto namin at lagi niyang pinagmamalaki ang natapos niyang degree sa culinary at pagiging balingkinitan noong kabataan niya. Pamangkin naman niya si Cindy at siya na ang tumatayong magulang nito mula ng parehong masawi sa aksidente ang mga magulang niya. Kahit ganoon ay laging nakangiti at positibo ang tingin niya sa buhay.
"Ayon boring!" sabay ko kuha ng cookies na nakahain. Papaluin pa sana ni Cindy ang kamay ko pero agad akong nakaiwas. Napangisi na lang ako't kumuha pa ng isa.
"Uy, ano ba Yowen! pasaway ka ha!" inis na saad niya.
"Puntahan ko muna si Axel."
Natawa na lang ako saka naglakad sa pinto papasok sa dining area. At magmula roon ay naglakad ako ulit sa main hall kung nasaan ang hagdan. Dumiretso ako sa kwarto ni Axel at pagbukas ko ng pinto'y naabutan ko siyang gumuguhit sa kanyang kama. Pagkakita pa lang niya sa'kin ay agad siyang napahinto sa ginagawa at napatakbo sa kinaroroonan ko. Binigyan ko siya ng mahigpit na yakap sabay gulo sa buhok niya.
"Kumusta ang araw ng baby ko?"
"Okay naman po papa, ginuhit ko po yong bago kong friend na rabbit," sabay takbo niya pabalik sa kama. Ipinakita niya sa'kin ang kanyang ginuhit at napangiti ako ng todo. Kahit sa mura niyang edad na limang taon gulang ay kakakitaan mo na siya ng talento.
"Fred po ang name niya, favorite niyang kumain ng kangkong."
"Talaga? nakakatuwa naman. Sige ituloy mo lang." Sabay balik namin sa kama para ituloy ang kanyang pagguhit.
Gaya ko ay isang Celestial din si Axel. Ako na ang tumayong magulang niya ng minsang makita ko siya sa unang misyon ko sa bansang Japan. Ang kanyang mga magulang ay walang awang pinaslang at maswerteng nakaligtas siya ng itago nila ito sa attic.
Pinaghihinalaan na kagagawan ito ng 'di pa nakikilalang grupo na gustong lipulin ang mga Celestial. Pero walang mahanap na ebidensya na maaaring kunan ng impormasyon.
Napatigil ako sa panonood ng makarinig ng katok sa pinto. Maya-maya pa'y narinig ko ang pagpihit ng saradora at dumungaw mula roon si Xyro. Nakangisi pa ang loko, kaya binato ko siya ng unan na nagawa niya ring masalo.
"Pinapatawag ka pala ni master Eve," wika niya.
"Bakit daw?"
"Hindi ko alam, baka dahil doon sa batang dala ni Claire."
Napatayo na lang ako't humalik kay Axel sa pisngi.
"Axel, punta muna kami kay master Eve ha, ituloy mo muna yang drawing mo."
Ngumiti't napatango lang ang bata saka itinuloy ang pagguhit. Sabay kaming lumabas ni Xyro sa kwarto kasabay ng pag-akbay niya sa'kin. Magkasingtangkad kami na nasa 5'10 kaya 'di siya nahirapan.
"Inom tayo mamaya!"
"Anong mayroon?" agad kong tanong.
"Wala naman, gusto ko lang magchill."
Natawa na lang ako sa turan niya. Sa tagal-tagal naming magkaibigan ay kabisado ko na ang ugali niya at paniguradong babae nanaman ang dahilan. Inalis ko ang pagkaka-akbay niya at binigyan siya ng mahinang tapik sa tiyan.
"Ang sabihin mo basted ka nanaman," natatawang saad ko.
"Anong basted! sa gwapo kong ito! don't me!"
Napahagalpak na lang ako sa sinabi niya, kahit kailan talaga ay patawa itong taong ito. Makwela at madaldal si Xyro kaya madalas kaming magkasama sa mga misyon. Kumatok muna kami bago pumasok sa opisina ni Master Eve, naroon sa loob si master katabi si Scarlet na mukhang masungit at laging nakataas ang kilay habang magkatabi naman sina Claire at ang batang si Denver. Kaswal kaming pumasok ni Xyro saka nagsalita si Master Eve.
"Nakapag-usap na kami Yowen, tayo na muna ang kukupkop sa bata. At bukas na bukas pupunta sina Claire at Scarlet sa bahay ng lola niya."
"Sige po, sasama rin ako," wika ko.
"Kahit sila na lang siguro Yowen" wika ni master Eve sabay abot sa'kin ng itim na sobre.
Isang black invitation mula sa Celestial Council. Ang selyo nito na nagsasabi na lihitimo ito't hindi basta-basta. Isang rank S misyon na tanging sa mga Sovereign na gaya ko lang ibinibigay.
Nasusukat sa ranking ang kakayahan at kalakasan mapapisikal o mental na kapasidad ng isang Celestial. Ang pinakamababa ay ang Novice class at sinundan ng Noble class, sunod ang Elite at ang pinakamataas ay ang Sovereign class.
"Pero master..."
"Pag-isipan mo muna Yowen, ayon sa intelligence report maaari kang makalakap ng impormasyon sa nawawala mong kapatid sa misyon na yan."
Napahawak ako ng maigi sa sobre at pinatitigan iyon ng mabuti. Sa loob-loob ko'y nagbabakasaling magkaroon ng kaunting linaw ang pagkawala niya. Taon na rin ang lumipas at paghahanap hanggang ngayon ay wala pa rin makakapagturo sa kinaroroonan niya.
Napatingin ako kay master saka ibinaling ang tingin kay Claire. Napangiti siya na para bang nagsasabi kaya niya ang sarili niya at huwag siyang alalahanin. Tinapik ako ni Xyro sa balikat sabay wika, "Huwag kang mag-alala tol, sasamahan ko rin sila bukas. Magbabantay ako sa university na pinapasukan niyo."
Kahit papaano'y gumaan ang loob ko, kung tatlong Elite rank ang magsasama-sama'y mas ligtas sila sa mga posibleng banta.
Mahirap na rin ang panahon ngayon lalo pa't hindi basta-bastang Celestial lang si Claire. Hindi ko man siya nais iwan pansamantala ay aking kailangan munang isantabi sapagkat hindi ako matahimik. Kailangan ko ng kasagutan para makausad.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro