10
Magdadapit hapon nang mga oras na iyon. Naglalakad na si Luc papasok ng Vizanta Homes, ang dating village na aming tinutuluyan. Masaya pa siyang binati ng guwardiya na agad niya ring tinugunan. Sukbit ang kanyang itim na bag at nakasuot ng unipormeng pamasok na may puting polo, asul na pantalon at itim na sapatos.
Maaliwalas ang mukha niya. Walang kakaiba sa paligid at lahat ay pawang normal sa pagbaybay niya sa kahabaan ng kalye namin. Hanggang sa makarating siya sa tapat ng aming bahay ilang kanto mula sa main gate.
Nang akmang bubuksan na niya ang bakal na pinto'y halatang nataranta siya, kaya naman nagmamadali siyang buksan ito kasabay ng pagkarinig niya ng malakas na sigaw.
"Blangko..."
At doon naputol ang ipinakitang alaala ni Luc sa tulong ng kakayahan ni Scarlet. Magkakasama pa rin kaming tatlo nila Claire habang sina Denver at Luc ay pinapasok na namin sa loob upang makapagpahinga.
"Wala na akong makita, pagkatapos noon. Naputol sa iisang tagpo ang alaala niya," wika ni Scarlet.
"Papaanong nangyari iyon?" may pagtatakang tanong ko.
"Hindi ko rin alam," may iling na pagtugon ni Scarlet.
"Posible ba na nabura ang ilang bahagi ng alaala niya?" tanong ni Claire.
"Maaari... pero hindi ako nakakasiguro," sagot ni Scarlet.
"Hindi kaya kaparehas mo ng kakayahan ang may kagagawan noon sa kanya?" saad ko.
"Pwede iyang mangyari kung may nabubuhay pa sa isa sa mga kamag-anak ni Scarlet na kapareho niya rin ng kakayahan," ani Claire.
Panandalian katahimikan ang pumagitna sa'min. Lahat kami'y napaisip ng malalim. Tinatansya ang reaksyon ni Scarlet na kahit 'di ito magsalita'y banaag sa mata niya ang matinding lungkot, kahit pa lagi niyang banggit na matagal na niyang tanggap ang naging kapalaran.
Ilang sandali pa'y ngumiti na rin siya't pinilit itago ang nararamdaman, "Pero wala na silang lahat. Ang hanay ng council na mismo ang nagpatunay batay sa kanilang imbistigasyon. Ano ba kayo!"
Pagkatapos ay pare-parehas na lang kaming humugot ng malalim na buntong hininga. Marami pa rin talagang kakaibang bagay na hindi namin kayang ipaliwanag kahit mataas na ang aming mga ranggo bilang mga Celestial. Marahil ay dapat isangguni na lang namin ito, una kay master Eve.
* * *
Umikot ang oras at titig lang ako sa magandang tanawin sa baba ng burol. Kung saan nakaupo ako sa isang natumbang punong-kahoy at ninamnam ang lamig ng hangin at mapayapang tunog ng kapaligiran dulot ng mga hayop at insekto.
Alam kong nakarating na sa opisina ni ginang Zel ang balita sa ginawa ko kay ginoong Gustav at naghihintay na lang sana akong mapatawag, subalit isang sulat ang aking natanggap na naglalaman ng mensahe na wala raw siyang balak akong parusahan at kapag naulit pa ito ay saka na siya gagawa ng kaukulang aksyon.
Kalakip din ng naturang sulat ay ang isang kulay asul na envelope na may selyo. Isang class A na misyon, kung saan nakasulat ang ilang detalye. At ayon dito ay may isang kargamentong lulan ng isang trailer trak ang nais niyang aking harangin at inspeksyunin. Pinaghihinalaang kasing naglalaman ito ng mga ilegal na materyales na ginagamit sa pag-eeksperimento. Kung anu man ito ay kailangan naming matuklasan.
Balak ko sanang isama si Xyro ngunit may importante siyang gagawin kasama ng iba kong kaibigan. Humagilap ako ng kasama at si Ixen lang pupwede ng mga oras na iyon. Hindi naman sa ayaw ko siyang kasama, ayoko lang na manganib ang buhay niya lalo pa't may kutob akong maaaring maging delikado ito at ang isa pang dahilan ay napakabata pa niya para sumabak sa mapanganib na misyon. Kalauna'y wala na rin akong nagawa noong nagpumilit siya at humabol pa sa pag-alis ko.
Sa gitna ng pagmumuni-muni'y tumalon nang pababa si Ixen mula sa itaas ng puno na mistulang isang papel na walang bigat. Sumabay pa sa hangin ang mahaba at itim niyang buhok na maayos ding bumagsak paglapat ng sapatos niya sa lupa. Mistula siyang manika sa malapitan dagdag pa ang bangs niya't malaporselanang kutis na bumagay sa suot niyang modernong pananamit sa paborito niyang istilong hapon.
Nakakalungkot lang na wala na siyang pag-asang makita ang magandang imaheng aking tinatanaw, sapagkat mula pakasilang ay pinagkaitan na siya ng paningin. Kahit ganoon ay malakas naman ang kanyang pakiramdam at pandinig kaya naman nagagawa pa rin niya ang ilan sa mga bagay na higit pa sa pangkaraniwang tao o kahit sa ibang Celestial.
"Paparating na sila kuya, mga ilang minuto lang ay narito na sila," aniya.
Kaya naman tumayo na ako't pinagpag ang suot na kulay abong pantalon. At nag-inat ng mga kamay at braso pataas saka tumugon, "Ang tagal nila ha. Sige Ix, ikaw ng bahala. Mas maigi kung dumito ka lang sa malayo at pakiramdaman ang paligid."
Ngumiti muna ako sa kanya at nagsimulang maglakad ng matulin hanggang marating ang gilid ng burol. At sunod na nagpadalusdos pababa at nagpalundaglundag sa malalaking sanga ng mga punoy-kahoy hanggang lumapat ang suot na sapatos sa aspaltong daan.
Sa pamamagitan ng kakayahan ni Ixen ay makakagawa siya ng ilusyon na magsisilbing harang sa paligid upang walang makakitang ordinaryong tao at para na rin hindi makatakas ang pakay namin.
"Kuya Yowen sandali!" bulalas ni Ixen na sumunod pala sa akin at nagtanong, "Hindi ka man lang ba magmamasid muna?"
Napakunot-noo na lang akong tumingin sa direksyon niya at tumugon, "Bakit ka sumunod?! hindi ba ang bilin ko sa'yo ay doon ka lang!"
"Huwag mo na akong tratuhing bata kuya! 13 years old na ako. Saka gusto kong tulungan ka."
Napabuntong hininga na lang ako sa turan niya at napahawak ng sentindo.
"Basta diyan ka lang sa likod ko at manood."
Napabusangot na lang siya sa sinabi ko hanggang sa marinig namin ang papalakas na tunog ng makina. At habang papalapit ito'y mas lalong lumalakas ang nagagawa nitong ingay. Hanggang sa marating nito ang pakurbang daan at matumbok ang diretsong daan kung saan kami nanatiling nakatayo't naghihintay.
Naghahanda na akong gumawa ng hakbang kung magpapatuloy lang ito sa pagtakbo ngunit bago pa man makalapit sa'min ang naturang trailer trak ay tumigil na ito ng kusa. At ilang sandali pa'y lumabas sa magkabilang pinto nito ang dalawang lalaki.
Ang isa na bumaba sa driver seat ay may katangkaran na sa tansya ko ay anim na pulgada ang taas. Malaki ang pangangatawan nito't kayumanggi ang kulay ng balat. Nakasuot siya ng puting pantaas, kulay kaki na pantalon at nakabota ng itim. Kung titingnan ang tindig niya'y halatang batak sa pagbubuhat ng mabibigat na bakal. Sa unang tingin ay talagang masisindak ka sa pagkaseryoso ng mukha niya dagdag pa ang pilat niya sa pisngi.
Habang ang bumaba naman sa passenger seat ay maliit lang sa kanya ng kaunti at may katamtamang pangangatawan. Maputi ang kulay ng balat, balbas sarado at mukhang ibang lahi. Nakasuot siya ng pawang itim na kulay magmula sa jacket, panloob na damit, pantalon at kahit rubber shoes nito. Mukhang maangas ang datingan niya't pangisi-ngisi pa sa'min habang humihithit pa ng sigarilyo.
"Ano bang ginagawa niyo mga bata, alam niyo bang delikado ang humarang lang sa daan?" may malalim na tonong bigkas ng malaking lalaki.
Ngumiti naman ako't ipinakita ang aking singsing na sumisimbolo sa aking pagiging Sovereign. Pagkakita pa lang nila rito'y halatang nagulat sila ng bahagya. Nagkatinginan muna sila sa isa't isa bago ibinalik ang tingin sa'min.
Nakaramdam na ako ng kakaiba kaya naman pinaatras ko agad si Ixen sa likuran. Kasunod noon ay ang paglabas sa harap ng malaking lalaki na halos kasing laki niya na tila kawal na nakamedieval full plate armor na kulay pilak at may hawak itong espada't kalasag.
Tumakbo ito ng napakabilis sa direksyon namin kaya naman agad kong inilabas ang aking Arch at nagpakawala ng Lightning shot. Mabilis ang kanyang naging reaksyon at sinalag iyon gamit ang kanyang kalasag dahilan para sumabog ito't lumikha ng makapal at maitim na usok.
Nahawi naman ng mahaba't mabilis na talim ng isang katana ang kapal ng usok at direktang pinuntirya nito ang leeg ko. Ngunit tumagos lang ito sa'kin dahil binago ko agad ang takbo ng oras kung saan ako nakapuwesto. At biglang lumiko ang talim papunta kay Ixen na nagawa niya namang hawiin gamit ang kanyang Arch. Isang katana na kulay itim na kung tawagin niya'y Hina.
Kakaibang Arch ang gamit ng kalaban sapagkat masyadong itong manipis, malambot at kayang humaba ang kabuuang talim nito kumpara sa gamit ni Ixen kaya naman mabilis lang itong nakapagbago ng direksyon.
Sa pagkawala ng makapal na usok ay muling sumugod ang nakabaluting kawal at nagawa niyang makalapit sa'kin sabay wasiwas ng kanyang espada. Walang kahirap-hirap ko lang siyang iniwasan at binigyan ng malakas na suntok sa dibdib.
Sa ginawa ko'y nagsikalasan ang pagkakadugtong-dugtong ng mga baluti at tumilapon ang ibang parte nito sa malayo. Tama nga ang aking hinala na mga baluti lamang ito at walang taong nagsusuot. Kapuna-puna kasi ang nilikha nitong tunog ng tumama ang aking kamao dagdag pa ang gaan nito, marahil Arch ito ng malaking lalaki.
"Ku-kuya..."
Mabilis kong sinulyapan si Ixen ng marinig ko ang basag niyang boses. At kitang-kita ang panginginig niya kasabay ng pagtulo ng kanyang mga luha.
"Anong problema Ix?!" agad kong tanong.
"H-hindi ako pwedeng magkamali, Arch ni kuya iyon," mangiyak-ngiyak na tugon niya.
Napatingin ako sa lalaking nakaitim at nakangisi lang ito habang hawak ang Arch 'di umano ng kapatid ni Ixen. Isa ring katana ang hitsura nito, magkaiba nga lang ang kulay ng talim at hawakan nito kaysa sa kanya. Hindi man nakikita ni Ixen ang hitsura ng sandatang hawak ng lalaki ay marahil naramdaman naman niya ang kakaibang koneksyon at presensya nito noong mahawi niya ito. Ang nakakapataka lang ay kung papaanong gamit iyon ng lalaki iyon?
"Sinong mag-aakalang dito ko pa makikita ang huling Celestial na kukumpleto sa koleksyon ko," pakiwari niya sabay hithit niya ng sigarilyo gamit ang kanang kamay pagkatapos ay itinapon iyon.
Bahagyang niyang itinaas ang kanang kamay at lumabas ang isa pang katana na kanya ng hawak. May puting itong kulay sa hawakan at maliit na bell sa dulo. Sa nasaksihan ay nanlaki ang mata ko't hindi makapaniwala sapagkat pagkakaalam ko'y iisang Arch lamang ang maaaring taglayin ng isang tao o Celestial sa kadahilanang ito ang anyo ng iyong ispiritu na sumasalamin sa'yong pagkatao.
Sa pagwasiwas niya ng naturang sandata't pagtunog ng bell nito'y mistulang nagdeliryo si Ixen sa narinig at napatakip ng tainga. Sa paglapat ng dulo ng talim ng Arch ng lalaki sa semento'y ay biglang nagkaroon ng malaking bitak sa harapan niya kasabay ng mabilis na pag-angat ng lupa't semento patungo sa kinaroroonan namin.
Binuhat ko agad si Ixen at mabilis na umiwas sa ginawang pag-atake iyon ng kalaban. Sunod-sunod niya iyong inulit na mabilis kong iniwasan. Nang mapatingin ako sa kanya'y nakangiti pa siya't halatang masaya sa ginagawa na parang nakikipaglaro lang. Kaya naman inilabas ko rin ang aking Arch at gumanti, kung saan sunod-sunod ko siyang pinaputukan ng mga Energy shot ngunit nagawa niya iyong harangin ng umangat ang lupa sa harapan niya't nagkaroon ng malapader na harang.
Pagkakuwa'y pinaulanan naman kami ng mga palaso ng nakabaluting kawal na nagawang maitago ng presensya niya sa likod ng nagtaasang lupa. Marahil ay nabuo ulit ito sa kasagsagan ng pag-atake ng nakaitim na lalaki sa'kin. Sa kabila ng marahas na pag-atake ng isang kalaban at ganoong angulo'y nagawa ko pa ring makaiwas dahil na rin sa nagawang nitong tunog at paggalaw ng hangin sa pagpapakawala niya ng ganoong karaming palaso.
Pinilit kong tumakbo't makalayo nang hindi maipit sa pag-atake nila, sapagkat mas inaalala ko ngayon ang kalagayan ni Ixen. Nawalan kasi siya ng malay-tao kasabay ng pagkawala ng kanyang Arch at ilusyon sa paligid. At dahil doon ay kamuntikan ko pang makasalubong ang ilang sasakyang bumabagtas sa gayong rota.
Minabuti kong gamitin ang kakayahan upang panandaliang pahintuin ang takbo ng oras na may malawak na sakop upang ibalik ang mga sasakyan ng mga inosenteng tao't hindi madamay. Ngunit noong sandaling patalon na ako sa gilid ng daan para makaiwas ay nahagip ng paningin ko ang isang pamilyar na pigura, kung saan balot siya ng itim na roba't hindi kita ang mukha na minsan ko na rin nakasagupa. Kasabay ng pag-ilaw at pagkabasag ng isa sa mga kulay pulang hiyas sa tungkod nitong hawak, dahilan upang mapawalang bisa ang kakayahan ko.
Sa isang iglap ay umarangkada ng napakabilis ang mga sasakyan, nagawa kong makaiwas ngunit tila nawalan ng kontrol sa pagmamaneho ang ilang drayber ng sasakyan at nagpagewang-gewang bago tumama sa mga poste ng ilaw at mga batong barikada. Hindi rin nakapaghanda ang ilang mga kasunod nitong sasakyan na nagresulta ng matinding banggaan at karambola.
Nagdulot iyon ng isang malagim na aksidente kung saan maraming inosenteng tao ang nadamay at naging mitsa kanilang buhay. Sa pagkakataong iyon ay wala akong nagawa. Pigil hininga lang akong nakatayo at nakatingin sa pangyayari habang karga si Ixen.
Sa sandaling iyon ay nawala ang pagiging kalmado ko't agad napalitan ngitngit, kaya naman mabilis akong nagpakawala ng dalawang malakas at kombinasyon ng bala; Ang elemento ng apoy at kidlat na binalutan ko ng aking kakayahan, sapagkat alam kong maaaring proteksyunan ulit siya ng kanyang mahika gaya noong unang pagkakasagupa namin sa kanya ni Violet.
Kitang-kitang ko kung papaanong tamaan at sumabog iyon sa harap niya. Alam kong napuruhan ko siya ng biglang mahawi ang nilikha nitong apoy at usok sa paligid ng malakas at paikot na hangin. At bumungad ang isang babaeng nakaitim na bahagyang nakalutang sa lupa, may hawak itong itim na pamaypay. Kapuna-puna rin ang kulay asul niyang mata at naglalagablab na mahaba niyang niyang kulay asul na buhok.
"Masyado ka naman atang nagpapabaya, Daryll," malamig na wika ng babae.
Mula sa pagkakalutang ay lumapat ang mga paa niya sa lupa kasabay ng pagtayo ng lalaking nasusunog sa gilid niya gamit ang tungkod nito, kasunod ng pagkabasag ng isang pulang hiyas sa hawak niyang tungkod. At mula sa pagkakasunog ng kanyang suot na roba na damay pati ang buo niyang katawan na halos kita na ang kanyang bungo sa mukha. Unti-unti ring naapula ang kanyang pagkakasunog, kasabay ng paghilom ng mga pinsala nito.
"Pasensya na Riz, hindi ko naman akalain na mayroon pa lang makikialam. Maswerte pang isang Sovereign ang hahadlang kung saan parehas natin hindi napatay," tugon niya.
Tila wala naman narinig si Riz at bahagyang itinaas ang hawak na pamaypay. At naglabas ng maliit at 'di mabilang na kulay asul na bolang apoy sa harap niya. Nanlaki ang mata ko sa nasaksihan, at doon ko lang napagtanto na maaaring siya rin iyong nakita kong umatake sa'min sa ospital sa bansang Dubai. Ang isa pang nakakapagtaka ay ang espesyal niyang kakayahan, sapagkat magkatulad sila ni Xyro ngunit iba nga lang ang kulay.
Sa pagkumpas niya sa hawak na pamaypay ay biglang lumakas ang hangin at tinangay ang mga bolang apoy patungo sa direksyon namin. At habang mabilis na papalapit ito'y mas lalong tumingkad ang kulay at higit na lumalaki. Sa bawat ilang segundong papalapit ito'y ramdam ko ang nakakapasong init nito.
Lahat din ng madaanan nitong mga sasakyan at kahit mismong sementadong daan ay natutunaw. Hindi sapat ang umiwas lang basta-basta sapagkat mamaari pa rin kaming mahagip at matupok. Kaya ginamit ko agad ang kakayahan ko upang baguhin ang takbo ng aming oras at makaligtas sa pag-atake niya.
Ngunit nabalewala ang paggamit ko sa kakayahan at napawalang bisa ito sa tulong ng kasamahan niyang si Daryll sa pamamagitan ng kanyang sinambit na mahika't paggamit ng pulang hiyas sa kanyang tungkod. Sa pagsingil ng napawalang bisang kakayahan ko'y nakaradam na lang ako ng pagkalabo ng mata't bahagyang pagkahapo.
Hindi ko iyon ininda at sumugal na lang sa pagpapakawala sa aking Serendipity ng pinalakas at kombinasyong bala na maaaring pumigil sa apoy niya. Sa pagputok ng hawak na Arch ay nabalutan ng makapal na yelo ang paligid. Namanhid sa sobrang lamig at halos magkulay ube rin ang kamay at braso dahil sa sobrang baba ng temperatura.
Ang matinding salpukan ng dalawang magkasalungat na elemento ay nagdulot ng nakakabinging dagundong at pagkaguho ng malaking bahagi ng sementadong daan na nasa gilid ng bundok. Halos natakpan din ang buong kapaligiran ng pinagsasamang makapal na alikabok, tipak ng bato at puting usok.
Kaya naman ginamit ko agad ang pagkakataon iyon at hindi na nag-atubiling tumakas kasama si Ixen. Pagbalik sa mansyon ay mabilis akong tumakbo ng mabilis sa infirmary room at doon ay naabutan ko si Hikari na abala sa kanyang lamesa at tutok sa kanyang laptop. Pagkakita pa lang niya samin ay agad siyang napahinto sa ginagawa at dali-daling lumapit.
"Anong nangyari sa inyo?!" aligagang tanong niya.
"Tingnan mo muna si Ixen, bigla na lang siyang nawala sa sarili at pagkatapos ay hinimatay," saad ko sabay lapag kay Ixen sa kama.
"Hindi mabuti ang kalagayan mo Yowen! humiga ka na rin sa kabilang kama," utos niya
"Kaya ko ang sarili ko, unahin mo siyang tingnan Hikari," tugon ko at nakaramdam na lang ng panlalamig na tila ba umaakyat hanggang sa aking ulo.
Marahan niya akong hinila sa hindi apektadong braso at inalalayan sa paghiga.
"Hindi maganda ang lagay ng braso mo, mukhang nafrostbite ito," ika niya.
"Kaya kong pagalingin ang sarili ko, kaya mas una mong tingnan si Ixen," pakiusap ko.
Napabuntong hininga na lang si Hikari saka nagsalita, "Huwag ng matigas ang ulo Yowen at sumunod ka na lang, alam ko ang patungkol sa kakayahan mo. Maaaring mabuti pa ang kalagayan mo ngayon ngunit may limitasyon ito."
Hindi na ako tumugon pa't sumunod na lang sa sinasabi niya. Sa paglapat ng aking katawan sa higaan ay agad siyang lumipat ng puwesto at agad itinapat ang dalawang kamay sa apektadong bahagi. At nagsimulang magliwanag ang kanyang mga palad kasabay ng unti-unting paggaling ng napinsalang braso't kamay. Bumalik ito sa dating estado at hindi na nakaramdam ng kirot.
"Humiga ka lang muna diyan at magpahinga," saad niya at sunod naman niyang pinuntahan si Ixen.
Sinuri niya si Ixen at hinawakan sa kanyang pulsuhan sabay tingin sa kanyang suot na relo. Pagkatapos ay bahagyang hinipo ni Hikari ang noo niya't nagliwanag ulit ang kanyang palad. Nanatiling walang malay ang kaibigan ngunit kahit papaano'y gumaan ang loob ko ng makitang maaliwalas na ang hitsura ng kaibigan.
Sunod na humarap sa'kin ni Hikari at agad napansin ang pagiging blangko ng kanyang ekspresyon. Hindi rin siya gumagalaw na halos lagpas isang minuto. Nagtaka na ako agad siyang tinanong,
"May problema ba Hikari?"
Wala siyang naging reaksyon o sagot man lang hanggang sa magbago ang kapaligiran at tuluyang mawala siya sa harapan ko.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro