1
Payapa't maaliwalas ang kapaligiran dito sa islang aming naging kanlungan. Isang malaparaisong isla na hiwalay sa kabihasnan at walang ideya kung nasaang parte ng Pilipinas o panig ng mundo. Magdadalawang taon na ang nakakalipas ng dalhin ako rito ni ama upang magsanay. At mapahanggang sa ngayon ay wala pa rin akong ni katiting na impormasyon sa nangyayari sa siyudad, kahit sa ilang kaibigan at mismong ina't kapatid.
Sinubukan kong magtanong kay ama ngunit ang tanging sagot lang niya'y nasa maayos silang kalagayan at ituon lamang ang puso't isipan sa pagpapaunlad ng sarili para sa nakatakda kong tungkulin. Dagdag pa niya mabigat ang nakaatas sa'kin na ipinapasa-pasa sa bawat henerasyon ng aming pamilya. Isang tadhanang hindi matatakasan.
Sa loob ng dalawang taon ay naging mabigat ang pagsasanay na kanyang ipinagawa kahit na masama ang panahon o lubos ang tindi ng sikat ng araw. Noong una'y 'di ko lubos maisip kung makakaya ba ng patpatin kong katawan ang lahat ng mabibigat na pisikal na pagsasanay.
Dumating pa ako sa puntong napapaiyak na lang tuwing gabi sa pagtulog dahil sa sobrang pananakit ng kalamnan at buto-buto. At hindi lang ang pisikal ang aking mas ininda pati na rin ang emosyonal na pangungulila. Pangungulila sa aking ina't kapatid pati na sa malalapit na mga kaibigan. At minsa'y napapaisip na lang kung kung bakit hindi na lang ako nagkaroon ng normal na pamumuhay at pamilya.
Sa dalawang taong pakikipagbuno'y nagbunga na ang aking pinaghirapan. Naging kuntento't may disiplina sa sarili marahil nasanay na lang ang isipan. Hindi sapat na puro pisikal lang ang aking sasanayin dapat raw may karagdagang kaalaman din ako lalo na't hindi ako nakatungtong ng high school.
At dito na nga dumating sa isla si ate Amber na limang taong mahigit ang agwat ng edad sa'kin. May katangkaran, maganda ang bilugang mata niya na bumagay sa hugis ng kanyang mukha. Hindi rin maalis ang pagngiti niya dahilan para mas mapansin pa ang kanyang dimple. Sa mga oras na iyon ay lubos akong natuwa dahil bukod kay ama at mga alaga naming hayop ay may ibang tao na akong makakausap at makakakwentuhan.
Gaya ko ay hindi rin siya ordinaryong tao o mas kilala bilang Celestial si ate Amber, dahil lagpas ang kanyang intelekwal na kapasidad sa pagkaraniwang Celestial o kahit na sa mga nakatalang pinakamatalinong tao sa buong mundo. Mahigpit at nananatiling itong lihim sa publiko para na rin sa kanyang seguridad at pamilya.
Kaya naman siya ang nagmistulang aking guro at kaibigan na nagturo sa'kin ng mga dapat ko pang matutunan. Mula sa mga teorya, sari-saring pananaliksik at dagdag pang kaalaman. Nakakahilo't nakakasakit talaga ng ulo ng sobra. Sinubukan kong magtanong sa kanya sa mga kaganapan sa sibilisasyon o kahit sa aking ina't kapatid ngunit mabilis niyang iniiba ang usapan at halatang umiiwas.
Pilit ko na lang siyang inintindi marahil ay may dahilan siya sa paglilihim sa'kin. Isang taon din ang itinagal ng aming samahan bago siya tuluyan umalis sa isla. Napaiyak pa ako habang inihahatid siya ng tingin sa yateng kanyang sinakyan hanggang sa tuluyang mawala na siya sa paningin, kasabay ng paglubog ng haring araw at pagdalamhati sa lumisang kaibigan.
Kinabukasan ay balik nanaman ako sa pang-araw-araw na gawi. Pisikal na pagsasanay na nadagdagan pa ng pagbabasa ng mga libro, gawaing bahay at iba pang maaaring paglibangan. Hanggang sa isailalim ulit ako ni ama sa panibagong pagsasanay, ito ay paghasa sa espesyal na kakayahan na tinatangi ng isang indibidwal na Celestial.
Una'y kailangan ko muna itong tuklasin at isa sa preparasyon ay ang mga mabibigat na pagsasanay pati na rin sa intelektwal. Hindi ko talaga alam kong paano sisimulan at tanging sinabi lang niya'y pakawalan ang anu mang gumugulo sa aking isipan. Pakiramdam ko tuloy nagmumukha akong tuod na nakaupo sa batuhan ng ilog habang si ama'y katabi ko na taimtim na nakapikit. Mas inaantok lang tuloy ako sa ginagawa namin.
Ganito nang ganito ang madalas namin ginagawa nitong huling mga araw. Buti na lang talaga ay 'di ako nahuhuling nakakaidlip dahil paniguradong may parusa akong matatamo. Sa totoo lang ay mas nangingibabaw ang takot kaysa sa tuwa sa kakayahan na meron ako. Dahil tiyak na ang pagtapak ko sa mundong puno ng dahas bagay na nagbibigay sa'kin ng kaba at alinlangan.
Sinubukan kong ituon ang isip sa ginagawa at paunti-unti'y nagagawa ko na ito ng padahan-dahan. Dumating nga sa puntong may kakaiba na akong naramdaman, mabigat sa balikat at parang kinakapos ako ng hininga. At sa pagdilat ko'y tumigil ang lagaslas ng tubig sa ilog. Walang naririnig na kahit ano mang tunog. Ang mga ibon, mga paru-paro at ilang insekto'y parang nakahinto lang sa ere ngunit ang nakakapagtaka ay hindi sila nahuhulog. Kahit ang paggalaw ng sanga ng mga puno sa kaninang pag-ihip ng hangin ay nakahinto rin sa iisang direksyon.
Napuno ako ng matinding pagtataka hanggang sa makaramdam na lang ng mainit na likido sa aking ilong. At nang masulyapan ko ito'y biglang umikot ang aking paningin. Pabilis nang pabilis. Para akong nakasakay sa isang tsubibo na matindi ang pag-ikot at paggalaw.
At hindi ko na alam ang sumunod na nangyari. Nagising na lang ako sa kwarto't nakaratay at may nakakabit ng iv line. Sinubukan kong bumangon ngunit sobrang nanghihina ang katawan na para bang may nakadagan sa akin na mabigat na mga bato.
Napatingin ako sa direksyon ng pinto ng marinig ko ang marahang pagbukas ng saradora. At nanlaki ang mga mata sa taong iniluwa nito. Napuno ako ng tuwa't sigla, ang kaninang di ko maiangat na katawan ay agad napasunod.
Nakangiti't nagmamadali siyang lumapit sa'kin at binigyan agad ako ng mahigpit na yakap na tinugunan ko rin ng mas mahigpit. Bumuhos ang emosyon ng mga oras na iyon at ramdam ko ang init ng kanyang pagmamahal at parang lahat ng pagod at pangungulila ng ilang taon ay naglaho. Napalitan ng 'di masukat na kasiyahan.
"Yowen anak, Kumusta ka na?" malambing niyang sambit.
"M-mabuti na po kasi nandito na kayo," utal kong tugon.
Kumawala ako sa yakap niya't binagyan si ina ng matamis na ngiti. Tinitigan ko maigi ang maamo niyang mukha, ang asul niyang mata at matangos na ilong.
"Gutom ka na siguro, dalawang araw ka ring tulog," wika niya sabay haplos ng marahan sa buhok ko.
"Ano po? dalawang araw?!" bahagyang napakunot ang noo ko sa pahayag niya.
"Ganoon na nga anak at mukhang hindi biro ang taglay mong kakayahan, kaya sana sa susunod ay magdoble ingat ka. Sobrang nag-alala talaga ako." Pilit man niyang itago ay ramdam ko ang matinding pag-alala niya dahil sa tono ng kanyang pananalita.
"Opo, mas mag-iingat po ako sa susunod." Kaya naman sumagot ako ng may kumpiyensa upang hindi siya mag-alala.
"Kasama niyo po ba si Luc?" tanong ko.
"Hindi anak, hindi siya pinayagan ng tatay mo."
Ngumiti na lang ako't tumugon,
"Ayos lang po iyon."
"Pwede mo bang sabihin sa'kin kung anong espesyal na kakayahan mo anak? gaya ba sa'kin na nakakalipad? o sa tatay mo na nakakapalit ng anyo gaya ng sa hayop?"
"Hindi ko po maipaliwanag... basta ang napansin ko na lang ay huminto ang takbo ng mga bagay-bagay. At habang nangyayari 'yon pabigat ng pabigat ang aking paghinga't pakiramdam," paliwanag ko habang pilit inaalala lahat.
Bahagyang napaisip si ina sabay hawak sa mga kamay ko.
"Mukhang ang kakayahan mo'y may kinalaman sa oras... bihira magkaroon ng ganyang uri ng kakayahan ang isang Celestial."
Napatigil ako ng ilang sandali at napaisip ng malalim. Maaaring tama si ina at kung may abilidad man akong may kinalaman sa paggalaw ng oras ay 'di ito biro.
"Delikado po ba ang kakayahan ko?"
"Hindi ko masabi anak, maaaring oo o hindi. Nakadepende na yan sa paggamit mo, dahil mahirap kalaban ang oras anak... hindi mo ito kayang takasan o iwasan. At maaaring malaki ang kapalit nito. Basta isa lang ang maipapayo ko sa'yo, gamitin mo ito sa tama at huwag umasa nang umasa lang rito."
Napatango sa pagsang-ayon at yumakap ulit ng mahigpit.
Sandali lang ang inilagi ni ina sa isla, wala pa atang tatlong araw iyon. Siniguro muna niyang nasa kondisyon na ako bago siya umalis. Hindi naman ako gaanong nalungkot sapagkat alam kong malapit na kami magkasamang muli bagay na nagpapasabik sa'kin at nagbibigay ng ibayong lakas.
Nagsimula kami ulit sa panibagong pagsasanay ngunit sa pagkakataong ito ay mas hinay-hinay lang. Sinubukan kong ituon lang sa isang bagay ang paggamit sa angking kakayahan gaya ng pagbabalik sa dating anyo ng nabasag na plurera sa pamamagitan ng pagbalik ng oras kung kailan ito maayos. Noong una'y naging matindi rin ang pagkahilo ko ngunit 'di na ito kasing lala ng dati.
Dumagdag ang oras ko sa mga stamina work-out gaya ng pagtakbo ng ilang lapse, maganda raw ito para mabuild-up pa ang stamina na taglay para sa kakayahan kong sobra kung kumain ng enerhiya.
Tinuruan din ako ni ama na gumamit ng iba't ibang klase ng baril at sandata bilang aking pangunahing opensa. Ngayon ko lang napagtanto na marami pala siyang alam tungkol sa mga baril na kalaunan ay nakahiligan ko rin. Ang nakakapagtaka ay taliwas ito sa alam kong kinahihiligan at propesyon niya; Ang pagiging beterinaryo.
Kinagulat ko ng kanyang ipakita sa likod ng mga bookshelf sa library ang ilan sa mga koleksyon niya ng mga baril. Nakakamangha. Magmula sa mga lumang baril hanggang sa mga bago at moderno ngayon.
At pumukaw sa atensyon ang isang kulay pilak na handgun na may kakaibang disenyo. Sa wari ko'y mga simbolo ito ng mga sinaunang Heran na nabasa ko sa isa sa mga libro sa silid-aklatan.
Ayon dito'y mga nilalang sila na galing sa ibang mundo na tawagin ay Ather, isang mundong mahika ang higit na umiiral. Ang isa pa sa mga nabasa ko ito raw ang dahilan kung bakit may mga taong kakaiba't espesyal na kakayahan o abilidad na narito sa ating mundo.
Hindi ko naman ito mawari kung may katotohanan ba o kathang isip lamang. Hiniling ko kay ama na gamitin ito, at ang sabi pa niya na magaling daw akong pumili sapagkat sentimental raw itong baril na minana pa niya sa kanyang lolo sa tuhod.
Noong una medyo kinabahan ako sa pagkalabit sa gatilyo habang pilit inaasinta ang lata sa 'di kalayuan. Ngunit ng aking mapaputok ito ay laking tuwa ko ng makitang masapol ang lata't tumilapon iyon. Hindi na masama para sa unang subok sabi ni ama. Habang tumatagal ay palayo nang palayo ang mga lata at nagkaroon din ng ibang pakulo para masapol ito. Nariyan ang paggalaw ng mga ito sa iba't ibang direksyon, mga harang, o kaya'y ang mismong kinatatayuan ko na ang gumagalaw.
Malapit na raw ako sa huling bahagi ng pagsasanay. Ngayon ay aktuwal akong tuturuan ni ama kung papaano lumaban. At gaya ng madalas kong reklamo'y 'di ito naging madali bagkus naging napakahirap nito kung ikukumpara ko lang sa mga pinapagawa niyang mga work-out at simpleng training.
Hindi biro ang makasalo ng sipa't suntok niya, kaya madalas akong may pasa't sugat. Buti na lang ay batak ako sa work-out kaya 'di ako basta-basta nababalian o napupuruhan ng husto. Masasabi ko talagang seryoso siya't hindi ako pinagbibigyan sa bawat pagtutuuos namin, bakas iyon sa mga mata't kilos ni ama. Sanayin ko na raw ang sarili ko sapagkat mas marami akong kakaharapin na mas mahirap o maaaring mas magaling pa sa kanya kaya dapat handa, matibay at buo ang loob.
Matagal-tagal din bago ko magawang makasabay at makipagpalitan ng mga suntok at sipa kay ama, kaya kahit hindi pa masyadong pulido ang mga galaw ay hindi na ako napupuruhan gaya ng mga unang pagtutuuos namin. Mas nadagdagan pa ang hirap ng mismong pagsasanay namin ng gumamit na siya sa ilan niyang abilidad.
Hindi iyon biro sapagkat mas domudoble pa ang lakas at bilis nito depende sa hayop na gamitin niya. Napahanga rin ako kung papaano niya magawang makapagpalit ng mabilis na tila humihinga lang siya. Ngunit napansin ko rin ang butas sa kakayahan niyang ito.
Basta alam mo ang kalakasan at kahinaan ng hayop na kanyang gamit ay 'di ka basta-basta madadale nito. At ang isa pa sa napansin ko ay ang limitado at pagitan ng oras ng pagpapalit ni ama sa panibagong hayop, bagay na nagpapahina sa kakayahan niyang ito. Kalaunan ang taktikang ito'y bihira na niyang gamitin ngunit kung may pagkakataong na kakitaan niya ako ng hina sa depensa'y di siya nag-aatubiling gamitin ang kakayahan niya dahilan para mapuruhan ako.
Kung susumahin ay ikaapat na taon na rin pala kami sa isla. Kay bilis ng panahon at 'di ko man lang ito namalayan. Nakakapanibago siya ngayon ng yayain niya akong magbonfire sa tabing dagat. Kung saan ay uminom kami ng sorbetes at nag-ihaw ng karne ng baboy ramong nahuli namin. Niregaluhan pa niya ako ng isang teleskopyo na aking ikinagalak ng todo.
Nagwika pa siya na ito raw ang pagiging alaala niya sa'kin. Tuwing nalulungkot o may bagay na gumugulo sa isip, tumingin lang ako sa kalangitan para sulyapan ang mga bituin. Doon ay nakamasid siya at ginagabayan ako ang sabi pa niya. Sobrang lalim ng mga pahayag niyang iyon na tila ba namamaalam na siya. Kaysa mag-isip ng kung ano'y mas pinagtuunan ko ng pansin ang pagsilip sa makinang na kalangitan.
Medyo napasarap ang tulog ko't di namalayan na tinanghali na ako ng gising, kaya kahit hindi pa nakakapaghilamos ay dali-dali akong bumaba, diretso sa kusina para magluto sana ng almusal. Ngunit laking gulat ng makita ko si ama na tapos ng magluto, bagay na ikinataka ko. Sinanay kasi niya akong gumising ng maaga't magluto ng almusal at kapag hindi ko iyon nagawa'y binibigyan niya ako ng parusa.
"Maupo ka na at kumain," wika niya.
Sumunod na lang ako't napakamot ng ulo habang naghahanda sa sasabihin niyang sermon. Pinagtimpla niya ako ng paboritong kong kape na may gatas at nanatiling tahimik habang kumain. Ang gaan ng awra ngayon ni ama, malayo sa dating pakiramdam noong unang dating namin sa isla. Nakakapagtaka rin na lagi siyang nakangiti at 'di makita ang salubong niyang kilay at nakakunot na noo.
"Gusto mo ba mamingwit tayo anak?"
Napatigil ako ng saglit sa pagsubo ng marinig ang kataga niyang iyon. Ano bang meron? usisa sa sarili. Hindi ko naman kaarawan o kahit sino sa'ming pamilya pero kakaiba si ama ngayon.
"Uy! ang sabi ko kung gusto mong mamingwit pagkatapos natin mag-almusal?"
Napabalik ako sa wisyo't nag-isip ng dapat sabihin.
"Hindi po ba kailangan ko pang magtraining?"
"Wala munang training ngayong araw."
Sa hindi maipaliwanag na sandali't napangiti ako nito ng abot-tainga. Sa tagal ko ba naman sa isla kasama si ama'y ngayon lang niya sinabi ang bagay na iyon. Para tuloy siyang musika sa pandinig na paulit-ulit naririnig sa isipan. Napasigaw na lang ako ng, "Gusto ko po!"
Matapos kumain ay lumarga na kami agad. Natuwa ako ng mapagtantong pinaghandaan ito ni ama. Sumang-ayon naman ang timpla ng panahon ng masilayan ko ito habang nakasunod sa paglalakad niya. Ang sarap damhin ng banayad na sikat ng araw at ang pag-ihip ng preskong hangin na dumadampi sa iyong balat.
Pakiramdam ko tuloy narito ako sa isla para magbakasyon. Di ko pansin kung nakailang kilometro na aming nilakad sapagkat mas natuwa ako sa pagmamasid, hindi pa kasi ako nakakarating sa parteng ito ng isla. Isang beses na rin kasi akong naligaw noong sinubukan kong mamasyal mag-isa at mula noon ay sa mga markadong lugar na lang ako tumutungo.
"Narito na tayo!"
Napatigil ako't napasilip sa ibabang bahagi ng burol at nanlaki ang mga mata ko sa nasaksihan. Napakagandang tanawin, mistulang balon ito na ikinukubli ng kalikasan. Ang pagtama ng araw sa tubig nito'y nakakalikha ng mga diamanteng 'di kayang sukatin ng aking sapantaha.
Napansin ko rin na may puting buhaginan sa gilid nito. Ang sabi pa ni ama'y dito raw nagtatagpo ang tubig tabang at alat. Ang isa sa ikinataka ko ay kung papaano kami bababa, kahit anong anggulo ko tingnan ay masyadong matarik ang lugar at marurupok ang mga sanga at ugat ng puno para kapitan. Hanggang sa iabot sa'kin ni ama ang kanyang ibang dalahin at nagbagong anyo siya bilang isang tigre.
Sinenyasan niya akong sumakay ngunit nag-aalangan akong tumuloy dahil sa lalim ng bangin na aming tatahakin. Nilakasan ko na lang ang loob sapagkat ayaw kong palagpasin ang ganitong klaseng adbentura na bihirang maranasan.
Sa bilang na tatlo'y walang kahirap-hirap na dumalusdos si ama pababa na tila kabisado niya ang kanyang bawat pagtalon at paghakbang. Hirap pa akong kumapit dahil sa pag-alalay ko sa mga bitbit naming gamit. Napapatambol tuloy ang dibdib ko habang pinagmamasdan ang pabilis na pabilis naming paggalaw pababa.
Napapikit na lang ako upang mabawasan ang kaba at baka tuluyang lumabas ang puso ko. Napadilat ako ng mapansing huminto na si ama. Sa pagbaba ko sa likod niya ay mas lalong nabighani ng masilayan ang malapitan ang magandang kalikasan sa ibaba.
Sobrang linaw ng tubig at malayang nakakalangoy ang mga isda. Malalago't buhay na buhay ang kalikasan dito sa baba na tila'y may buhay silang hatid sa mga matang tumitingin sa kanila. Kulang ang salitang maganda para sa ganitong kagandang likha ng Diyos. Hindi nakakasawang titigan at lasapin ang kapaligiran. Kay sarap nga naman mabuhay.
"Nagustuhan mo ba dito anak?"
Napatango na lang ako't walang maibukambibig na sasabihin. Napangiti siya't sinimulan ng ayusin ang ilang gamit namin. Agad akong tumulong at sinimulan ang pamimingwit. Naalala ko tuloy noong una kaming mamingwit kasama ang kapatid kong si Luc.
Sayang nga lang at wala siya rito dahil tiyak na matutuwa iyon lalo na't paborito niya ang mamingwit. At ang mga nahuli naming isda ay agad namin inihaw at ito ang nagsilbi naming pananghalian. Matapos kumain ay 'di namin pinaglagpas ang lumangoy.
Magdadapit hapon na ng kami'y lumisan sa lugar pero bago umalis ay siniguro muna namin wala kaming naiwan na kalat. Nagpalit ulit si ama sa isang hayop na 'di ko inasahan. Mukha kasi itong kambing pero mas matipuno ito't puti ang kulay ng balahibo. Malaki ang sungay nito bagay na nagpapa-astig dito. Hindi na ako nagtanong pa't sumakay na lang. Nagpatalon-talon ito sa mga bato paakyat na walang kahirap-hirap na para bang naglalaro lang sa parke. Pagdating namin sa itaas ay nagpalit ulit si ama ng anyo bilang isang kabayo at mabilis niyang tinakbo ang daang pabalik sa bahay.
Si ama ang nagpresintang magluto ng hapunan habang ako'y nakaupo lang at masayang pinagmamasdan siya. Matapos magluto'y pinagsaluhan namin ang adobong baboy na kanyang niluto't isa sa mga paborito kong putahe.
Nakakapanibago talaga si ama, bihira man siya magsalita pero ramdam ko ang kanyang pagmamahal sa mga kilos niya. Napapalundag tuloy ang puso ko sa kasiyahan habang pinagsisilbihan niya ako't inaalala. Hindi na ako tumanggi ng magpresintang siyang maghugas ng pinggan matapos naming kumain. Suhestiyon pa niya na mag-star gazing muna ako sa labas.
Agad ko siyang sinunod gamit ang bigay niyang teleskopyo. Sa labas ay pinagmasdan ko ang mga bituin at maswerte nakakita pa ng bulalakaw. Kahit wala naman katotohanan na matutupad ang kahilingin ay sinubukan ko pa din itong sambitin sa isipan at 'di mag-alangan. At mula sa pagguhit ng liwanag nito sa madilim na kalangitan hanggang sa mabilis na pagbagsak nito'y nakapako ang aking paningin sa taas, tanging hiling ay maging buo at balik sa dati ang takbo ng pamilya namin. Naputol ang pagmumuni-muni ng tapikin ako ni ama sa balikat sabay wika, "Mukhang malalim ang iniisip natin ha."
"Medyo lang po," natatawang tugon ko.
Ngumiti pa siya't inabot sa'kin ang isang lata ng sorbetes. At bahagayang napatingala rin sa kalangitan.
"Masayang-masaya talaga ako na naging anak ko kayo ng kapatid mo. Sa kabila ng hirap na kailangan mong danasin matiyaga ka pa rin nagtitiis."
Tila kinurot naman ang puso ko sa lintanyang iyon ni ama. Hindi ko tuloy maintindihan kung ngingiti ba o maiiyak.
"Pinagmamalaki ko talaga kayo," dagdag pa niya sabay lagok sa sorbetes na hawak.
Napangiti ako ng husto't nag-uumapaw ang kasiyahan sa'kin. Malamig man ang gabi'y 'di ko ito alintana dahil sa init na pagmamahal niya. Hindi ko man masabi sa kanya ng harapan ay isinisigaw naman ng damdamin ang kaparehong tugon; Masaya ako na siya ang aking naging ama kahit pa iba ang mundong ang aming kailangan galawan at supilin.
"Salamat po," tugon ko. Napahikab ako't napainat.
"Sige na magpahinga ka na... dahil bukas ang magiging huling araw natin," wika niya.
Nakaramdam ako ng pagkaseryoso sa tono ng kanyang boses. Isinawalang bahala ko na lang ito't naglakad papasok ng may ngiti.
"Sige po, matutulog na ako." Pumasok ako sa loob at dumiretso sa kwarto. Hiniga ko ang hapung katawan at marahang inihulog ang diwa sa mundo ng panaginip.
Bago pa pumutok ang bukang liwayway ay gising na ako't nagkakape sa kusina. Nakapagluto na din ng agahan at masiglang pinagmamasdan ang pagtama ng liwanag sa bintana. Isang bagong umaga't bagong pag-asa bulong ko sa sarili.
Masaya ako ngayon lang iniisip ang huling salita na narinig ko kay ama kagabi. Marahil ay uuwi na kami sa tunay naming bahay at doon ko gagampanan ang tungkuling nakaatas sa'kin. Narinig ko ang mga yabag ni ama papalapit sa kusina kaya't masigla ko siyang binati. Ngumiti siya bilang tugon saka kumuha ng tasa para makagkape. Sabay kaming nag-almusal at nagkwentuhan ng ilang mga bagay.
Matapos kumain at makapagpahinga'y nagpainit muna ako ng katawan sa pamamagitan ng pagtakbo ng ilang lapse. Nagstreching at hinayaan dumaloy ang masiglang dugo sa katawan. Pinuno ko ng sariwang hangin ang katawan at pinadalisay ang kaisipan.
Kaharap ko ngayon si ama't seryoso ang mukha. Ito na marahil ang huling pagtutuos namin kaya ibubuhos ko lahat ng natutunan ko sa ilang taon naming pagsasanay rito sa isla. Naputol ang katahimikan sa pagitan namin ng maghanda na siyang pumorma at sumugod. At dahil doon ay inihanda ko na rin ang sarili sa gagawin niya.
"Ibuhos mo lahat ng iyong natutunan anak, isipin mong buhay mo ang kapalit kapag natalo ka."
Sa sinabing iyon ni ama'y bahagya akong nagulat at napaisip ng malalim, dahil doon ay nawala ako sa konsentrasyon. Nakaramdam ko na lang na may tumama ng suntok sa pisngi. Nawalan ako ng balanse't natumba. Medyo nakaramdam din ng kaunting hilo habang nakalagpak sa lupa.
"Tumayo ka! kung hindi ka magseseryoso, hindi ako magdadalawang isip na patayin ka!"
Nakaramdam ako ng kaunting takot sa turan ni ama. Hindi na ito basta pagtutuos lang na palagi naming ginagawa. At alam kong doble ang ekspektasyon ni ama sa'kin, kaysa matakot o panghinaan ng loob ay taas noo akong tumayo.
Ako na mismo ang unang sumugod at binigyan si ama ng sunod-sunod na mga suntok at sipa. Nagawa niyang masalag ang iba at nakaganti rin pabalik. Ramdam ko ang bigat sa mga pinakawalan niyang suntok sa tuwing masasangga ko ito, indikasyon ng pagiging seryoso niya.
Aking ikinabigla ng masuntok ni ama na ikinatalsik ko ng malayo kahit pa nagawa ko itong masalag. At ng masilayan ko ang braso't kamay niya'y gaya ito sa isang hayop. Mabalbon at higit na malaki. Wala akong ideya na kaya pala niya iyong gawin, oo nga't nagagawa niyang magpalit ng anyo sa hayop na naisin niya pero lingid sa kaalaman ko na kahit pala isang parte lang ng hayop ay maaari niyang gayahin.
Sa isang kisap mata'y nagpalit ng anyo si ama't naging isang cheetah. Mabilis siyang tumakbo sa aking kinaroroonan at di ako hinayaang makapaghanda. Naramdaman ko na lang ay pagbaon ng mga pangil nito sa aking balikat na ikinangiwi ko ng todo.
Dati-rati'y ibinabangga lang niya ang kanyang ulo pero ngayon ay nagawa ako nitong kagatin ng walang pag-alinlangan. Bago pa tumindi ang sakit dulot ng patuloy na pagbaon nito'y mabilis akong umaksyon at bigay todong sinuntok siya sa lalamunan.
Napakawala ko ang sarili sa pagkakagat at binigyan rin si ama ng malakas na sipa na ikinatalsik niya. Nakaramdam ako ng kirot at pag-agos ng dugo sa kanan balikat habang patuloy na nakatuon ang atensyon kay ama na nakabalik na sa totoo nitong anyo. Sa wari ko sa kanya'y wala siyang balak magpatalo kahit blangko ang mababakas sa kanyang mukha. Nakakatakot. At sa dating niya'y tila nagsasabi na hindi siya nasaktan.
Muli siyang nagpalit ng anyo bilang isang agila na itinuturing na hari ng himpapawid. Ibinuka nito ang kanyang balawis at pumagaspas paitaas. Inabangan ko ang pagbulusok niya pababa para makaiwas sa mabalasik nitong mga kuko. At saka kumuha ng bato't sinubukang ipukol iyon ngunit madali niya lang itong naiwasan ng walang kahirap-hirap. Mas may pwersa sana ang pagbato kung gamit ko ang dominante kong kamay ngunit hirap akong igalaw ito dahil sa unti-unting pagmamanhid nito dulot ng pagkakagat sa'kin kanina.
Nagpatuloy ako sa pag-iwas at tumakbo sa kakahuyan para maikubli ang sarili, dahil kung magtatagal pa iyon tiyak akong mapupuruhan. Tingin ko'y balak akong pagurin ni ama at samantalahin ang sugat sa kanang braso. Habang patuloy sa pagtakbo'y biglang sumagi sa isipan ang isang bagay na dati ko pa gustong malaman kung posible. Kahit pa nag-aalangan ay lakas loob ko pa itong sinubukan. Itinuon ko ang pag-iisip sa aking sugat at pinagana ang aking kakayahan. Balak ko itong pagalingin sa pagbalik sa oras sa parte lamang ng may pinsala.
At unti-unting nawala ang sugat sa kanan braso at pati ang pagdurugo't pagkirot nito'y nalunasan din. Nang tuluyan ng gumaling ito'y bahagya kong inalalayan ang pagtakbo at pinakiramdaman ang sarili. Baka kasi bigla akong mahilo at kapusin ng hininga bagay na inaalala ko lalo pa't may huling pagsubok akong dapat gawin.
Normal ang lahat sa'kin marahil ito ang bunga ng mahabang panahon na pagsasanay. Nakaramdam ako ng tuwa ngunit panandalian ding nawala ng sumagi sa isip na maaaring nasa paligid lang si ama. Pwede siyang maging maliit na hayop na kanina pa ako minamatyagan.
Naging maingat ako sa paghakbang at mas naging mapagmatiyag. Bigla akong napahinto ng makarinig ng malakas na kaluskos sa mga halamanan na tila tumatakbo paikot sa'kin. At laking gulat na lang ng biglang may malaking oso ng nasa likuran. Sa bilis ng pangyayari'y napagtanto ko na lang na napalayo ako kay ama ng ilang metro. At kung hindi ako nagkakamali ay biglang nalipat ang pwesto ko sa di kalayuan sa tulong ng aking kakayahan. Kumaripas ng sugod ang oso't ginamit nito ang mga matatalim na mga kuko ipang ipanghampas sa'kin.
Sa kabutihang palad nama'y nagawa kong makailag ng walang kahirap-hirap at binigyan siya pabalik ng malakas at sunod-sunod na mga pag-atake. At ang pinakapuntira'y kanyang sikmura. Napabagsak siya sa ginawa ko't unti-unti ay bumalik siya sa dati niyang anyo. Titig na titig ako kay ama habang papatayo siya sa pagkakalugmok. At gaya kanina'y blangko pa rin ang ekspresyon ng kanyang mukha kahit pa putok na ang kanyang labi at may dugo sa ilong.
Ang ilang segundo na kami'y magkaharap ay para bang taon na ang itinagal. Hanggang sa may bunutin siya sa kanyang likuran na bahagyang ikinagulat ko. Ang baril na ipinamana niya sa'kin at agad niya itong inihagis sa harapan ko.
"Kunin mo!" malalim na boses na wika ni ama. Kahit medyo lito ako sa pangyayari'y sinunod ko pa rin siya.
Lumapit siya ng ilang hakbang at nagwika, "Ito na ang huli mong pagsubok anak. Alisin mo ang anu mang emosyon sa iyong puso at kalibitin ang gatilyo," walang ekspresyon niyang saad.
Tila binuhusan ako ng malamig na tubig dahilan para mahiwalay ang ispiritu ko sa katawan. At sa turan niyang iyon ay nangatal ang aking bagang at pasigaw na tumugon,
"Ano bang kalokohan ito ama!"
"Hindi ito isang kalokohan anak! tadhana natin ito, tadhana mo. Tungkuling may mabigat na responsibilidad na ipinasa pa sa'tin ng nagdaang henerasyon. Matalino ka anak at alam kong responsable ka na para sa bagay na ito."
Hindi maproseso ng aking utak ang sinabi ni ama at kung isa man ito sa mga taktika niya'y masasabi kong nagtagumpay siya.
"Mula ngayon ang buhay mo'y nakalaan na lang sa isang tao. Ang pagsubok na ito ang patunay na hindi mo na hawak ang buhay mo, wala ka na ring karapatan na magkaroon ng anu mang emosyon sapagkat magiging sagabal lamang ito sa tungkulin mo."
Ang puso kong kanina'y nagmamatigas at pilit itinatanggi ang sitwasyon ay biglang nahulog sa malalim na hukay ng kasawian. Napakagat labi na lang ako habang bumabagsak sa aking pisngi ang matinding pagdadalamhati.
"Hi-hindi ko po kaya," utal kong tugon.
"Lagi mong tatandaan lahat ng sinabi ko anak, huwag kang mag-alinlangan dahil ito ang nararapat. Ito ang dapat."
Itinaas ko ang baril at itinutok iyon kay ama. Hindi ko alam pero parang kusang gumalaw ang mga kamay sa dikta ng aking utak kahit pa taliwas iyon sa isinisigaw ng puso. Sobrang sakit ang aking nararamdaman na parang may unti-unting bumabaon na patalim sa dibdib. Hindi ako makatingin sa kanya ng diretso at sobrang nanginginig ang buo kong katawan.
"Mahal na mahal kita anak at sobra kitang ipinagmamalaki!"
Ang kaninang blangko mukha ni ama'y biglang nagbago, naging maaliwalas ito't walang bakas na kahit anu mang takot o alinlangan. Para bang matagal na niyang niyakap ang katotohanan na haharap siya sa pinto ng kamatayan.
At ako ang may dulot.
"Mahal na mahal ko rin po kayo!"
Sa huling katagang binitawan ay pinilit kong ngumiti ng walang pagsisisi kasabay noon ay ang pagkalabit ko sa gatilyo ng baril.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro