CHAPTER 9: DAINTY DIAMOND (Part 1)
Chapter 9: Dainty Diamond (Part 1)
~VICTORIA~
NANLALAMIG ANG mga kamay ko habang naglalakad ako palapit sa entrance ng bangko. Sa gilid ng mga mata ko ay nakita ko si Mimo na nakatayo sa gilid. Nakasuot siya ng uniform na gaya ng mga suot ng mga nagtatrabaho roon. Mas hinigpitan ko pa ang pagkakahawak sa brief case na naglalaman ng mga pekeng papeles na gagamitin namin ngayon. Sa utak ko naman ay ilang beses kong binabalik-balikan ang mga itinuro sa akin ni Amber.
Sa ilang araw na pananatili niya sa bahay ko ay nakumbinsi ko siyang tulungan ako. Minsan ay naiinis ako sa presensya niya dahil nasanay akong manirahan nang mag-isa. Ngunit sa tulong niya ay mas mabilis akong natuto. Matalino siya at malaking tulong iyon sa akin. Huminga ako nang malalim at lumapit sa manager ng banko.
"Hi."
Mula sa pagkakayuko ay napaangat ng tingin sa akin ang manager. Sinigurado kong maayos ang pagkakapusod ng buhok ko. Bahagya ko pang inayos ang suot kong coat bago inilahad ang palad sa harap ng manager. Bahagya ko ring nginuya ang bubble gum na nasa bibig ko.
"I'm Attorney Linda Marasigan," inabot ko sa kanya ang inihanda kong business card. "I am in charge of the possessions of Mr. Eliazar San Jose." Inilabas ko mula sa dala kong brief case ang isang papeles na hiningi nito at inabot sa kanya.
"Let me check this for a while, Ma'am," tinipa nito saglit ang keyboard na nasa harapan bago ako muling binalingan at tinanong kung anong klaseng account ang mayroon ang 'kliyente' ko.
"He rented a safe deposit box. For months, his box was idle and that's because he is dead but as his administrator, I would like to access his box and see what items can we include in his estate," kinakabahang sagot ko ngunit pinilit ko pa ring magsalita ng normal. Sana lamang ay hindi ako ipahamak ng pag-iingles ko.
Tumango naman ito at binalingang muli ang kaniyang computer. Matapos ang ilang sandali ay nagsalita ito. "Do you have the other necessary papers, Ma'am?" tanong ng manager. Marahil ay nakumpirma na nito ang account na sadya ko subalit kailangan niya ng iba pang dokumento na magpapatunay sa aking pakay rito.
"Yes, I do," sagot ko naman sa kanya at bahagyang sinulyapan si Mimo na lumapit sa isang guard. Paniguradong ginagawa na nito ang dapat din niyang gawin.
Tiningnan niya ang mga papel na dala ko at napansin ko ang pagkunot ng kanyang noo. Alam kong nagdadalawang isip ito. Bilang manager ay kailangan niyang maging maingat.
Ngumiti ako ng matamis. "Whatever the safe deposit box contains, the successor will obtain it after the legal process."
Kahit parang nag-aalangan ay tumango pa rin ang manager. "Do you have the key with you?"
Itinaas ko ang kamay na may hawak na susi. Sa katunayan ay peke ang susing iyon. Nang mamatay ang matanda ay marahil dinala nito hanggang sa hukay ang susi ng safe deposit box dahil kahit anong hanap namin ay hindi namin iyon mahanap kaya kinailangan namin ang kakayahan ni Mimo. Dalawang linggo na ang lumipas nang nagawi siya rito at sinadyang ihipnotismo ang manager. Hindi siya umalis ng bangko na dala-dala ang susi kundi dala ang isang malambot na bagay kung saan idiniin niya ang nakuhang susi at nahulma doon ang hugis at disenyo.
Tinawag niya ang guard na nakapwesto sa safe deposit box area. Nang makalapit ito ay agad niya itong inutusan.
"Pakihatid si Attorney Marasigan sa safe deposit box na sadya niya," wika niya sa guard na agad naman akong iginiya sa loob.
Bantay sarado ang area kung nasaan ang mga safe deposit box. Mataas ang security ng bangko at may rehas pa bago ang pinto papasok sa safe deposit vault. Nang tuluyan kaming makapasok ay lumingon sa akin ang guard.
"Aling box, Ma'am?"
"Box 19", sagot ko sa kanya. Lumapit ako nang ipinasok na niya ang kanyang susi kaya't ginaya ko ang ginawa niya at ipinasok ang susi sa kabilang keychain. Bumilang ako ng tatlo at pinihit ang susi ngunit bahagyang nanlaki ang mga mata ko nang hindi iyon mabuksan. Inulit ko ang ginawa ko ngunit ganoon pa rin.
Marahil ay napansin ng guard ang panlalamig ko kaya tinanggal niya ang kanyang susi. "Sigurado po ba kayong tama ang box na ito?"
"Positive," wika ko kasabay ng pilit na ngiti. Tumango ang guard at gaya ng una naming subok ay ayaw bumukas ng safe deposit box.
Muli niyang tinanggal ang susi at nagsalita. "Iche-check ko na lang po muna sa manager."
Bago pa man siya tuluyang makatalikod ay pinigilan ko na siya. "Wait! Let's do it one last time."
Muli itong tumango at pinasok ang susing hawak niya. Kahit bahagyang nanginginig ay pinihit ko ang susi na may pwersa hanggang sa may narinig kaming tunog ng nabuksan na lock.
"See? There's no need to check with the manager," wika ko at tinanggap mula sa kanya ang box. Iginiya ulit ako ng guard papasok sa private room at sinamahan ako sa loob. Hinintay kong dumating si Mimo at ilang sandali nga ay dumating ito.
"Ma'am-" bumukas ang pinto at iniluwa si Mimo. Sa sandaling lumingon ang guard sa kanya ay agad kong itinaas ang takip ng box at kinuha ang nagniningning na bagay na naroon. Iniluwa ko ang bubble gum na nginunguya ko at nagmamadaling ibinalot doon ang maliit na dyamante at idinikit sa ilalim ng mesa. Sinigurado kong hindi makikita sa CCTV ang ginagawa ko dahil sinadya kong matakpan ng katawan ko ang galaw ng mga kamay ko.
"Bawal ka rito!" wika ng guard na hindi man lamang napansin ang mga galaw ko. Bumaling siya sa akin at bahagyang nagpaalam. "Sandali lang po, Ma'am." Muli siyang bumaling kay Mimo na nakabalatkayong empleyado ng bangko.
"P-pasensya na. Akala ko kasi... Bago lang kasi ako." Bahagya pang napakamot si Mimo at panay ang paghingi ng paumanhin bago tuluyang umalis.
Nang tuluyan na siyang umalis ay muling tumingin sa akin ang guard. "Sige na po, Ma'am."
Binuksan ko ang box na kanina'y nabuksan ko na lingid sa kaalaman ng guard. Naglalaman iyon ng mga sulat, larawan at kung anu-ano pang mga lumang sulat.
Napakamot ang guard sa kanyang noo. "Walang laman? Akala ko..." Mahina lamang ang boses niya na para bang sarili lamang niya ang kausap niya.
"Bakit po?"
Tila nahihiya itong ngumiti. "Ano po kasi, Ma'am." Napatingin siya sa paligid at hininaan ang boses. "May sabi-sabi kasing naglalaman ng isang rare na uri ng dyamante ang box na ito. Ayon pa sa mga sabi-sabi ay mula iyon sa reyna noong Victorian era pa. Pero Ma'am, secret lang po natin ito, ha? 'Wag niyo pong ipagsabi na may ikinuwento akong ganito. Eh hindi naman pala totoo."
"Saan mo naman narinig 'yan?"
"Usap-usapan po ng mga empleyado. Dahil sa sobrang tagal na ng pagiging idle ng box, mapupunta raw sa may-ari ng bangkong ito ang laman niyan."
Isinara ko ang box at iniabot iyon sa guard. "Sa kasamaang palad ay pawang mga papel lamang ang laman ng box na ito."
"Ganoon nga po, Ma'am," sagot nito at sumunod ako sa kanya palabas ng private room upang ibalik ang box. Tapos na ang trabaho ko kaya ipapaubaya ko na kay Sa-el ang mga susunod na gagawin.
Paglabas ko ng safe deposit vault ay kinapkapan ako ng guard at nang matiyak na wala akong dalang kahinahinala ay tuluyan na akong lumabas. Namataan ko si Sa-el na kausap ang manager at naghahanda na para sa kanyang parte.
#
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro