CHAPTER 6: THE MANIFESTO
Chapter 6: The Manifesto
March 2017
One year after...
~VICTORIA~
Tahimik na sinabayan ko ang pagbibilang ng suot kong relo. Mag-aalas siyete na ng gabi at tatlong minuto na lamang ang hinihintay ko upang simulan ang aking plano. Kinuha ko ang cellphone at tiningnan kung ano ang nasa balita. Tatlong araw na ang nakakalipas nang nagpadala ako ng babala sa mga pulis tungkol sa plano ko.
Isang simpleng liham iyon na nagsasaad na nakatakdang magnanakaw ako ngayong gabi at ang ibinigay kong palatandaan sa kanila ay ang salitang "BLACK DIAMOND".
Sa simula ay hindi pinansin ng mga pulis ang liham kong iyon. Sa tingin nila marahil ay nagmumula lamang iyon sa isang taong walang magawa sa buhay kundi ang magpadala ng mensahe sa kanila upang pag-tripan sila. Upang mapakita sa kanila na totoo ang sinasabi ko, pinasok ko ang isa sa pinakamalaking jewelry shop ng siyudad at kinuha ang "Lily of The West". Isa iyong kwintas na gawa ng isang Iranian artist gamit ang mga mamahaling bato at nagkakahalagang mahigit kumulang tatlong milyon.
Naging alerto ang mga pulis at naging laman ng balita ang tungkol sa nakatakdang pagnanakaw ko sa "BLACK DIAMOND".
"Nervous?"
Sinulyapan ko ang lalaking nasa harapan ko. Gaya ko ay nakasuot din siya ng itim at malawak ang kanyang ngiti sa akin.
"Kailan ba ako kinabahan?" tanong ko sa kanya.
"All the time," sagot niya sa akin. "Come on, V. Sa halos isang taon nating pagsasama bilang team, I know exactly how you feel whenever we have a project."
Tama siya. Hindi sa bahaging alam niya ang nararamdaman ko kundi tama siya nang sinabi niyang isa kaming 'team' na may project. Mag-iisang taon na ang nakakalipas nang mabuo ang grupo namin. Nagsimula iyon nang tinangka kong pasukin ang isang malaking museum. Nangyari ay naroon din sila at gaya ko ay walang kaalam-alam sa mga nangyayari.
Una kong nakita sa loob ng museum ay ang lalaking nasa harap ko. Siya ay si Israel Verona o mas kilala bilang Sa-el. Mayaman siya at mula sa pamilya ng mga negosyante. Paano siya nasali sa 'team'? Ayon sa kanya ay isa siya sa mga taong nagtataka kung bakit may mga nagnanakaw. At dahil sa kuryusidad niyang iyon ay pinasok niya ang mundong kinabibilangan ko.
Hindi lamang siya basta-bastang happy-go-lucky na lalaki, magaling din siyang gumawa ng mga pampasabog at kung anu-ano pang mga bagay na nakakatulong sa amin.
"Hindi ako kinakabahan," sagot ko sa kanya at inayos ang suot kong badge kung saan may naririnig akong boses.
"Time's up. Nasa harap na ako," wika ng boses at mula iyon kay Mimo. Gaya namin ni Sa-el ay bahagi rin ng team si Crisostomo na mas kilala namin bilang Mimo. Tatlumpo't isang ng taong gulang na siya at isang hypnotist.
Natagpuan ko silang dalawa ni Sa-el na nagsusuntukan sa loob ng museum ngunit nang napag-usapan nila kung bakit sila naroon ay nagkasundo sila. Siya namang pagdating ng guard at muntikan na kaming mahuli.
Tumakbo kami sa iba't ibang direksyon at nakatakas ngunit pagdating ko sa tinitirhan ko ay isang pamilyar na brown envelope na naman ang nakita ko. Bago iyon at nang binuksan ko ay maikling liham pa rin ang laman, gaya ng naunang envelope na natanggap ko. Ang liham nagsasabing magiging bahagi ako ng team na naglalayong magnakaw ng kung anu-anong bagay na pag-aari ng iba na nasa ibang tao ngunit sa mabuting layunin.
Matapos ang ilang araw na pag-iisip ay tinanggap ko ang misyong iyon at doon ko pormal na nakilala sina Mimo at Sa-el. At sa halos isang taon naming pagtatrabaho bilang team ay naging matagumpay kami. Sino man ang nasa likod ng pagbuo sa amin, iyan ay hindi rin namin alam. Nagbibigay lamang ito ng instructions sa pamamagitan ng anonymous e-mail at nagbibigay ng perang laan para sa aming mga proyekto.
Bumaba ako at nilakad ang distansya mula sa sasakyan at sa harap ng gate ng Private Library. Papalapit din si Mimo sa guard na nakatayo. Nang tuluyan siyang makalapit ay pinitik niya ang mga daliri sa harapan ng guard at kinausap ito.
"Pasensya na pero kailangan mo munang matulog," nakangising wika niya at naglabas ng pendulum na sinundan naman ng tingin ng guard.
Pinanood ko ang guard habang nakatitig sa kumpas ng mga daliri ni Mimo at sa pendulum na tila nahihipnotismo.
"Dahil madilim na ang gabi ay matutulog ka muna..." Pinitik ni Mimo sa huling pagkakataon ang kanyang mga daliri sa harap ng lalaki at tuluyan nang nakatulog at mahinang nanghihilik pa.
"You're the best, man!" komento ni Sa-el ngunit ang mga mata ay nakatuon sa kanyang cellphone. "Let's go. The hacker already confirmed."
May pang-apat na miyembro kami sa team at iyon ay ang hacker. Bagaman aktibo ito sa mga ginagawa namin, wala pang nakakakita at nakakaalam ng pangalan niya. Tinatawag lang namin siyang 'hacker'.
Nang tuluyan nang mabuksan ang malaking pinto ay tinahak namin ang daan papasok. Napakalawak ng bulwagan na naglalaman ng mga libro at iba pang papel. Ang library na iyon ay pag-aari ng mayamang angkan ng nga Demitriv. At narito kami upang kunin ang Black Diamond.
"Basing on how quiet the place is, I figure out that the police might be guarding every jewelry store and rich people," nakangising wika ni Sa-el habang inaayos ang suot na itim na gwantes. "Can't blame them. The term Black Diamond is-"
Napatingin siya sa akin at naging alerto. Nagkubli siya sa likod ng isang shelf at nanatiling tahimik. Binigyan niya ako ng tingin na tila ba nagbabantang maging alerto. Iniwas ko ang tingin sa kanya. Sa isip ko ay tumatakbo ang ideya na malinis ang aming plano. Kahit na nagkalat ang CCTV cameras sa loob ay hindi kami mababahala dahil pinagplanuhan na namin ito nang maayos. Gaya ng nangyari noon sa Higer Museum. Sino man ang nasa likod ng lahat ng ito ay siniguradong walang bakas ng anumang pagbisita namin sa museum noon. Binura nito ang lahat ng laman ng footage dati.
Narito kami upang nakawin ang Black Diamond-isang manifesto ng mga kilalang magnanakaw limampung taon na ang nakakalipas na pinadala sa mga pulis ngunit hindi iyon ipinahayag sa publiko. Tinawag iyong Black Diamond dahil sa pangalan ng grupo ng mga magnanakaw na nagpadala niyon.
Naglahong parang bula ang mga magnanakaw ngunit hanggang ngayon ay hindi naipakita sa publiko ang manifesto. Ayon sa mga haka-haka ay naglalayong ang Black Diamond na bigyan ng maayos na pakikitungo at financial assistance ang mahihirap at kapos-palad. Hanggang ngayon ay walang makakapagpatunay na totoo ang mga iyon. May mga sabi-sabi rin na pinatay sila ng autoridad nang maipadala nila ang manifesto.
Kilala ang Black Diamond dati pa lamang dahil pareho kami ng layunin. Ilang taon din silang naging aktibo at naging pangunahing kaaway ng mga kurakot na pulitiko, lahat ng mapang-abuso sa kayamanan at kapangyarihan at maging ng mga pulis.
Nang manakaw ang manifesto ay nabili iyon ng mga Demitriv sa isang public auction sa halagang sampung milyon.
Nang magpadala kami ng notice sa mga pulis, ngunit mukhang mali ang pagkakaintindi nila sa notice na iyon. Malamang ay abala sila sa pagbabantay sa mga jewelry shops gaya ng sabi ni Sa-el. Patuloy kaming nagmatyag at nang mapagtantong ligtas ang paligid ay lumabas kami sa aming pinagkublihan at tinungo ang isang glass display kung nasaan ang Black Diamond.
"Maple wood," komento ni Sa-el habang sinisipat ang isang hexagonal na display glass. "Too bad, mawawalan na siya ng laman."
Sinimulan niyang ilabas ang mga bagay na dala niya sa loob ng kanyang bag. Iyon ay isang uri ng pampasabog na siya mismo ang nagdisenyo. Nang maiayos na niya iyon ay inutusan niya kaming lumayo sa glass display. Nakatutok lamang siya sa kanyang relo at ilang sandali lamang ay isang mahinang pagsabog na ang aming narinig.
"Good," he mumbled at agad kaming lumapit sa glass display.
Napansin ko ang bahagyang pagkunot ng noo ni Mimo habang sinisipat ang glass display. "Ngunit wala man lamang kahit isang maliit na tipak."
Sinipat ko rin iyon at tama si Mimo. Nagtatakang napatingin ako kay Sa-el. Kahit may kadiliman doon ay naaninag ko ang nakangising mukha nito.
"That's not the best part", wika niya at bahagyang tinapik ang pang-ibabang display case. Unti-unti iyong natipak hanggang sa tuluyang nabasag ang kaninang tila hindi man lamang nagalusan na glass display.
"Wow!" tila batang bulalas ni Mimo kasabay ang pagpalakpak. Lumapit siya kay Sa-el at pinitik ang kanyang mga daliri. "Paano mo-"
Tinabig ni Sa-el ang kamay ni Mimo. "Stop it, you know your mentalism doesn't work on me."
Hindi ko pinansin ang bangayan nila at inabot ang 250 pages na manifesto ng mga magnanakaw na sinasabing 'alamat' sa mundo namin-ang mundo ng mga magnanakaw. Bago ko pa man iyon tuluyang makuha ay bigla na lamang lumiwanag ang paligid at isang sigaw ang narinig namin.
"Pulis 'to! Sumuko na kayo!" sigaw ng isang pulis na kilala ko bilang si Detective Sean Moran. May kasama siyang anim na pulis at katulad niya ay may dalang mga baril ito.
"Shit!" bulalas ni Sa-el at tuluyang kinuha ang Black Diamond. Sunod-sunod ang pagputok na narinig ko at sa gulat ko ay hindi agad ako nakagalaw. Inihagis ni Sa-el ang manifesto kay Mimo na agad na tumakbo upang tahakin ang exit plan na ayon sa pinagkasunduan namin. Hinila niya ako at tumatakbong inilagan namin ang mga putok na mula sa mga pulis.
"Habulin niyo sila!"
Nagkubli si Sa-el sa isang malaking bookshelf habang hawak-hawak ako. Naririnig namin ang nga yabag ng mga pulis habang nililibot ang malawak na bulwagan. Anumang oras ay maari kaming mahuli. Malayo-layo pa ang escape route mula sa pinagtaguan namin. Napasandal ako at huminga ng malalim.
"Natatakot ka ba?" nag-aalalang tanong ni Sa-el na agad kong sinagot ng pag-iling. Bigla ko na lamang natabig ang isang makapal na aklat at parehong nanlaki ang mga mata namin. Sinubukang saluhin ni Sa-el ang libro ngunit huli na ang lahat. Lumagapak iyon sa konkretong sahig at lumilikha ng malakas na ingay. Narinig namin ang papalapit na mga yabag mula sa magkabilang gilid! Bumilis ang pagtibok ng puso ko at agad akong nag-isip ng paraan. Ilang segundo lamang ang lumipas ay biglang dumating ang mga pulis.
"Walang kikilos!" wika ng isang pulis na nagmula sa kanan at itinutok ang baril ngunit laking gulat nito nang makitang si Detective Sean ang naroon at nakatutok din ang baril sa kanya.
"What the..." Ibinaba ng detective ang hawak na baril at gayundin ang ginawa ng isang pulis. Napatingin sila sa sahig kung nasaan ang nalaglag na libro. "Nakatakas sila! Malamang sinadya nila ito upang dalhin tayo rito!"
Naiinis na tinadyakan ng detective ang pader at umalis doon. Nang makalayo-layo sila ay saka pa lamang tila naging normal ang paghinga ko.
"That was close," komento ni Sa-el at umupo mula sa pagkakadapa. Ganoon din ang ginawa ko at pinagpagan ang sarili. "Good thing we move stealthily and climbing up here for just seconds is easy," wika niya at tinanaw ang ibaba kung saan nakatayo kanina ang mga pulis. Nasa taas kami ng mga bookshelf. Kung hindi agad kami nakakilos kanina ay malamang nahuli na kami.
"Umalis na tayo," wika ko kay Sa-el at tahimik na kumilos upang bumaba doon at gayundin ang ginawa niya.
#
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro