CHAPTER 3: THE MASTER OF DISGUISE
Chapter 3: The Master of Disguise
March 2016
~ VICTORIA ~
"Tori..."
Nakatunghay lamang ako sa harap ng malaking bahay na iyon na nasa loob ng subdivision. Kasama ko si Gia at nasa mataas na pader kami ngayon at nakaupo.
"Hoy, Tori..." Saka ko lamang napansin ang pagtawag sa akin nang bahagya niya akong tinulak! Nakakalimutan ba niyang nasa taas kami ng mataas na pader?!
"Ano ba?!"
"Baka matunaw si Cal— Jeremy pala. Exclusive nga pala sa inyo ang Calvin. Baka matunaw si Jeremy diyan sa mga titig mo," nakangising wika niya. Tinapunan ko siya ng masamang tingin ngunit saglit lamang iyon dahil muling napabaling ang paningin ko kay Calvin na ngayon ay pinipingot ng kapatid na si Jewel.
"Mukhang okay lang naman siya. Halika na," wika ko at tumalon pababa. Papalubog na ang araw at kailangan na naming maghanda dahil may balak kaming gawin mamayang gabi.
Tumalon na rin pababa si Gia. "Okay naman siya— pero hindi siya mukhang okay. Tingnan mo nga ‘yong mukha niya."
"Anong problema mo sa mukha niya?"
Ibinagsak ni Gia ang kanyang balikat. "Akala ko ba ikaw ang may pinakamatalas na paningin sa ating mga magnanakaw? Bakit hindi mo makitang may problema sa pisikal na kaanyuan si Jeremy?"
Napasimangot ako sa kanya. Hindi naman niya kailangang sabihin pa na magnanakaw kami— pero, ano nga ba ang problema sa pisikal na kaanyuan ni Calvin? Ang buhok ba niya na ginamitan pa yata niya ng pomada o ano mang bagay upang mahati sa gitna at walang takas na buhok sa gilid at noo? Okay naman ah, kaysa sa ibang mga lalaki ngayon na takot ang butiki sa kisame na mahulog dahil sa sobrang tigas at tulis ng mga nakatayong buhok nila! Siguradong mamamatay sila ‘pag nagkataon!
Pananamit? Hmm, okay naman ang mga damit niya? Hindi sila sobrang yaman ngunit hindi rin naman mahirap. Hindi mumurahin ang mga damit niya at mahilig lang talaga niyang isara lahat ng butones! Ano nga naman ba ang pakinabang ng butones sa damit kung hindi mo gagamitin?
Kung ang salamin niya— dati pa man ay may malabo na itong paningin. Hindi ko maalala kung ano ang sinabi niya sa akin na karamdaman niya kung kaya't mula sa murang edad ay malabo na ang kanyang paningin.
Ang braces niya sa ngipin? Malalaki at sungki ang ngipin niya dati kaya sabi niya ay makakatulong daw iyon upang ipantay ang kanyang mga ngipin. Bilang kabuoang pagsusuri, wala talagang mali sa kanya. Para sa akin ay malapit na siya sa salitang perpekto lalo na't busilak ang kanyang kalooban.
"Hoy! Ayan ka na naman! Huwag na nga lang nating pag-usapan si Jeremy!"
Hinila na ako ni Gia palayo roon. Pinsan ko si Gia. Sabi nila ay magpinsan kami pero meron din namang nagsasabing hindi. Ang alam ko lamang ay lumaki ako kasama siya. Ang kanyang mga magulang ang nagpalaki sa akin, nag-aruga at lahat-lahat. Sabi nila ay namatay ang mga magulang ko noong isang taong gulang pa lamang ako ngunit sabi naman ng iba naming kakilala ay buhay pa ang mga magulang ko at bahagi sila ng isang grupo ng magnanakaw dati.
Namulat at lumaki ako sa poder ng mga Vera. Si Antonio Vera— na mas kilala bilang Sherlock ay isang kilalang gentleman thief. Gayundin ang asawa niyang si Rosalie— o si Irene. Dati siyang notorious na magnanakaw ngunit nagbago nang makilala at maging asawa si Antonio. Malalaking bagay ang mga ninanakaw nila ngunit hindi ko alam kung bakit hindi kami namumuhay ng marangya. Nalaman ko lamang kung bakit nang nasa tama na akong pag-iisip. Nagnanakaw sila para humingi ng commision. Ninanakaw lamang nila ang mga bagay na ninakaw lang din mula sa kasalukuyang may-ari nito. Mangyari ay babawiin nila ang bagay at hihingi lamang ng kaunting commission o kumbaga ay service fee. Minsan naman ay ninanakaw nila ang mga bagay na sa tingin nila ay hindi nararapat sa may-ari.
"Gia, ‘wag na lang kaya—"
"Ano? Ayaw mo?"
Napabuntong-hininga ako. Alam kong nagsisimula nang mainis si Gia. Nais niyang nakawin namin ang singsing ng isang babae na mula sa kabilang subdivision.
Hindi nakuha ni Gia ang kabaitan at dangal ng ama. Mukhang mas nagmana siya sa kanyang ina na kung minsan ay wala sa tamang dahilan kung bakit nagnanakaw. Madalas ay inggit ang kanyang rason.
Si Gia rin ang dahilan kung bakit naging malayo ang loob namin ni Calvin. Siya ang nagtawag ng mga kasamahan upang magnakaw sa kanilang bahay ilang taon na ang nakakaraan. Wala akong nagawa dati dahil kapag pinigilan ko sila ay sinabi ni Gia sa akin na sasabihin niya kay Calvin na ako ang may pakana niyon. Na kaya lamang ako nakikipagkaibigan sa kanya dahil nais kong malaman kung anu-ano ang mga mamahaling bagay na nasa loob ng bahay nila.
Natakot ako noong panahong iyon at walang nagawa. Hindi ako direktang humingi ng tawad kay Calvin at hindi na nagpakita pa sa kanya mula nang araw na iyon.
"Pero Gia—"
"Wala ka pala eh! Wala kang isang salita! Sabi mo kahapon oo, tutulong ka pero ngayon? Ano ba, Tori? Tumupad ka naman sa pangako mo." Nagsimula na siyang umismid. May pagkamaldita kasi ito kaya may mga pagkakataon talaga na nais ko siyang balian ng buto sa leeg. Wala akong naalala na nangako ako sa kanya.
"Gia—"
"‘Wag mo akong kausapin!"
"Gia, magagalit si Papa—"
"Ayan ka naman! Magsusumbong ka kay Papa! Hindi ka naman niya anak ah!"
Ilang beses akong napalunok. Alam ko, alam ko ang nais kong isagot sa kanya pero pinanatili kong itikom ang bibig ko. Si Gia ang tipong ayaw magpatalo sa usapan at ayaw kong kung saan-saan pa ito umabot.
"Wala ka man lang utang na loob! Kinupkop ka nina Mama at Pa—" Pinutol ko na ang sunod niyang sasabihin.
"Oo na!" Pagsuko ko. Isa sa paraan ko ng pagtanaw ng utang na loob ko sa kabaitan ng pamilya niya sa akin ay ang pagiging mabait sa kanya. Noong bata pa kami ay may mga manyika kami pero sinira niya ang sa kanya at pinagpalit ang manyika namin. Ang nangyari ay ako ang napagalitan dahil agad kong sinira ang kay bago-bagong manyika.
Mula sa nanggagalaiting anyo ay napangiti siya ng malawak. Hinawakan niya ako sa balikat kahit medyo hindi niya iyon abot. ‘Di hamak na mas matangkad ako sa kanya kahit na mas matanda siya sa akin.
"Ganyan nga! Halika na!"
Napabuga na lamang ako ng hangin at nagpahila sa kanya.
***
Hindi ako madalas na kinakabahan kapag sina Papa ang kasama ko sa pagnanakaw. Ngunit iba ngayon. Halos sumabog ang dibdib ko dahil sa sobrang kaba. Alam kong hindi ako makikilala ng kung sino man ang makakakita sa akin dahil sa ayos ko.
Suot ko ang wig at damit na hindi ko madalas na sinusuot. Dito ako magaling— sa pagbabalatkayo. Kaya ko ring baguhin ang boses ko, mula sa boses ng bata hanggang sa matanda.
Nasa likurang bahagi ako ng malaking bahay samantalang nasa loob naman sina Gia kasama ang kanyang kasintahan at dalawang kasamahan. Ako ang ginawa nilang lookout dahil ano mang oras ay maaring dumating ang may-ari ng bahay.
Sinasabayan ko ang pagbibilang ng relo ko. Halos labinlimang minuto na sila sa loob at habang tumatagal ay mas lalo lamang lumalakas ang kabog ng dibdib ko.
Isang itim na kotse ang huminto sa tapat ng bahay at bumaba mula roon ang mga may-ari ng bahay! Bigla na lamang akong kinabahan at tumakbo sa likuran. Nagsimula akong sumipol ngunit halos walang tunog na lumalabas mula sa bibig ko dahil sa sobrang kaba. Sinubukan ko ulit at sumingaw naman ang ulo ni Gia mula sa ikalawang palapag.
"Ano ba?!" Naiinis na wika niya sa mahinang boses. May mga bagay na kumikinang sa leeg at tenga niya, marahil ay sinusukat niya ang mga alahas.
"Nandiyan na sila!"
"Ano?! Bakit ngayon mo lang sinabi?"
Nagsimula na siyang mataranta at tinawag ang iba pang mga kasamahan. Kasalukuyan pang pinaparada ng mag-asawa ang kanilang kotse kaya marahil ay may sapat na oras pa upang makababa sina Gia.
Tuluyan na silang nakababa mula sa bahay at ngayon ay inaakyat naman ang pader upang makalayo roon. Bigla na lamang ipinasa ni Gia sa akin ang dalang bag na naglalaman ng kanilang mga ninakaw. Ang akala ko ay simpleng singsing lamang ang kanilang kukunin ngunit hindi ko akalain na halos punuin na nila ng alahas ang bag na ito.
"Hawakan mo, ako muna ang unang aakyat," wika ni Gia at nagsimulang umakyat. Nauna na ang kanyang boyfriend at maging ang mga kasamahan nito. Alam kong nanlalamig na ako dahil sa sobrang kaba. Lingid sa kaalaman namin ay nauna na pala ang asawa sa pagpasok sa loob ng bahay habang pinaparada ng lalaki ang kotse.
"MAGNANAKAAAW! HONEY, NINAKAWAN TAYO!" Sigaw iyon ng babae na nasa bintana at nakatingin sa amin.
Nagmamadaling umakyat si Gia at sumunod naman ako. Dahil sa sobrang kaba ay nahirapan akong gumalaw. Isang putok ng baril ang mas lalong nagpatigas sa aking katawan.
"Tumigil kayo!" Wika ng lalaki na ngayon ay nakatingin sa amin. Pinaputok niya ang kanyang baril sa ere. Hindi ba niya alam na delikado ang ginawa niya? Maaring may matamaan ng ligaw na bala!
Huminga ako ng malalim at nagsimulang umakyat. Muli ay isang putok ang umalingawngaw. Halos mahulog ako nang nasa tuktok na ako ng pader nang maabot ng lalaki ang isang paa ko.
"Wala kang takas ngayon, magnanakaw!"
Mula sa kabilang bahagi ng pader ay narinig ko si Gia. "Ihagis mo pababa sa amin ‘yang bag!"
Marahil sa takot ay naihagis ko nga pababa ang bag. Hawak-hawak pa rin ng lalaki ang isang paa ko at malamang ay parating na ang mga pulis na tinawagan ng kanyang asawa. Nakita kong tumatakbo palayo sina Gia at ang kanyang kasamahan.
Iiwan ba nila ako?!
Naghilahan kami ng lalaki at bago pa man niya maitutok sa akin ang dala niyang baril ay nasipa ko na iyon. Tuluyan ng naglaho sa kadiliman sina Gia samantalang narito pa rin ako. Ubod ng lakas na hinila ko ang paa ko upang mabitawan iyon ng lalaki ngunit kasabay niyon ay ang pagbagsak ko naman sa kabilang bahagi ng pader.
Masakit ang katawan ko dahil masama ang bagsak ko. Agad naman akong tumayo dahil naririnig ko na ang sirena ng paparating na police car. Nagtago ako sa isang eskinita at saka lamang lumabas nang lumampas na ang sasakyan. Tinanggal ko ang suot kong wig maging ang pang-itaas na kasuotan at itinira ang aking ekstrang damit sa loob niyon habang naglalakad ako pauwi.
Pagdating ko sa bahay ng mga Vera ay nakabukas ang lahat ng mga ilaw. Madalas ay tulog na sila sa ganitong oras dahil magha-hatinggabi na. Pagbukas ko ng pinto ay tumambad sa akin sina Papa Tonio, Mama Rosalie at Gia. Nasa mesa naman ang iba't ibang bagay na sa aking tingin ay ang laman ng bag na dala-dala nina Gia kani-kanina lang.
Walang ekspresyon ang mukha ni Papa samantalang masama ang tinging iginagawad ni Mama sa akin. Nakayuko naman si Gia at hindi halos makatingin sa akin.
"Tori, kanina ka pa namin hinihintay." Malamig ang boses ni Papa at nakakapangilabot iyon. Alam kong galit siya kapag ganoon ang kanyang tono.
"Hindi ka man lang ba nahiya sa amin, Tori?" Singhal ni Mama. "At dinamay mo pa si Gia!"
Nanlaki ang mga mata ko. Dinamay si Gia?! Sinabi ba niyang ako ang may pakana nito?! Bumaling ako ng tingin kay Gia ngunit nakayuko pa rin ito.
"Pero—" Hindi ko na tinuloy ang sasabihin ko. Ayaw kong lumaki pa ito. Napalaglag na lamang ang balikat ko at tumungo. "Pasensya na po. Hindi na mauulit."
"Dapat lang!" Lumingon si Mama kay Gia. "Umakyat ka na sa silid mo!"
Nakayuko man ay sumunod pa rin si Gia. Hindi pa rin niya ako tinatapunan ng tingin. Sumunod naman sa kanya si Mama at kami na lamang ni Papa ang naiwan doon.
Saglit na namayani ang katahimikan sa aming dalawa at si Papa ang unang bumasag niyon.
"Bata ka pa lamang ay nasa poder ka naman namin, Tori, kaya kilala kita. Sa tingin ko ay ako ang taong higit na nakakakilala sa iyo," malumanay niyang wika. Nanatili akong nakayuko, ayaw kong salubungin ang kanyang mga mata.
"Pasensya na po, P-papa..."
"Alam kong mas matanda sa ‘yo si Gia pero gayunpaman, sana ay wag mo siyang kunsintihin."
"Pasensya na po." Iyon lang ang nasabi ko. Malaki ang pasasalamat ko na kilala pala ako ni Papa at alam niyang hindi ko iyon magagawa. Nahihiya ako sa kanya ngayon. Malamang ay hindi ito mangyayari kung hindi ko kinunsinti si Gia.
"Matulog ka na." Tumalikod siya sa akin at nakailang hakbang pa lamang siya nang muli akong magsalita.
"May hihilingin po sana ako."
Huminto siya at lumingon sa akin. "Ano iyon?"
Ilang gabi ko na itong pinag-isipan at nakapagpasya na ako. "Nais ko na po sanang bumukod."
Hindi ko alam kung guni-guni ko lang ba iyon o may bakas talaga ng kalungkutan sa mukha ni Papa. Kung ano man iyon, buo na ang naging pasya ko.
"Kung iyan ang nais mo." Muli siyang tumalikod sa akin at nagsimulang maglakad palayo.
"Salamat po." Mahinang bulong ko at humakbang na patungo sa silid ko. Pagpasok ko ay agad akong nahiga sa kama. Masakit pa rin ang katawan ko dahil sa sama ng bagsak ko kanina ngunit kailangan kong magligpit. Bumangon ako mula sa pagkakahiga nang mapansin kong nakabukas ang bintana. Hindi ko naalala na binuksan ko ito.
Agad kong sinuri ang loob ng silid ko at naging alerto. Wala namang nagbago sa loob maliban sa isang brown na sobre na nakapatong sa mesa ko. Agad ko iyong nilapitan at nang makita ko ang pangalan ko sa likurang bahagi ay binuksan ko iyon.
Ang laman ng sobre ay isang maikling sulat:
I know what you did a while ago. Nice training from Sherlock, by the way. If you want to return everything, see me tomorrow at Higher Museum, 12 AM.
#
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro