Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 17: MATH

Chapter 17: Math

~VICTORIA~


Masakit rin ang daplis ng bala na nasa paanan ko. Mabuti na lamang at hindi ako napuruhan kaya't nakapag-isip pa ako ng paraan upang mapaniwala si Detective Sean na sa braso ako natamaan. At sa kabutihang-palad ay nangyari ang naisip ko. Sumugod siya kahapon sa coffee shop sa pag-aakalang sa braso ako natamaan.

Kahit na nakalusot ako roon ay alam kong hindi niya ako tatantanan. Ewan ko ba sa kanya kung bakit mainit ang dugo niya sa akin. Marahil ay dahil kay Sa-el. Iniisip niyang may relasyon kami ni Sa-el kaya iyon marahil ang ayaw niya. Para sa kanya, walang ibang nababagay kay Sa-el kundi si Suzy, ang kanyang kapatid.

Natatawa ako kapag naiisip kong may relasyon kami ni Sa-el. Kaya lang naman palaging nakabuntot iyon sa akin ay dahil natatakot siyang gumawa ako ng bagay na ikakapahamak namin. May pangalan siyang iniingatan kaya kailangan naming mag-ingat para na rin sa kanya.

Hindi ko pa rin lubusang maisip ang nangyari nang gabing iyon. Bago pa lamang ako dumating ay may tama na ng baril ang pulis sa ulo at nakasentro pa sa kanyang noo. Kung sino man ang gumawa niyon, marahil ay isa siyang mahusay na sniper. Ngunit hindi kaya sinadya ni Detective Sean ang bagay na iyon upang i-frame up ako?

Kahit tila tunay ang kanyang gulantang na reaksyon, hindi ko pa rin maiwasang magduda. Paano na lamang kung desperado na talaga siyang mahuli ako kaya ginawa niya iyon?

Naputol ang pag-iisip ko nang makarinig ako ng malakas na tapik sa mesang pinupunasan ko.

"Hindi ka pinapasweldo rito upang tumunganga!"

Napaangat ako ng tingin sa nagsasalita. Iyon ay ang manager ng coffee shop. Nakapameywang na nakaharap siya sa akin habang kinikilatis ako mula ulo hanggang paa.

"Hmmm. Wala naman sa hitsura mo pero aba! Ganyan ang modus ng mga tao ngayon," wika niya. "Nakarating na sa akin ang nangyari kahapon."

Hindi na ako nagsalita pa. Ano pa ba ang sasabihin ko? Normal na iyon dahil may pakpak ang balita. Yumuko na lamang ako sa harap niya at humingi ng paumanhin.

"Pasensya na po."

Inilapag ng manager sa harapan ko ang isang sobre. "We need to do something about it. Pasensya ka na, Victoria, ngunit nais ng main na paalisin ka sa trabaho."

Tango at buntong-hininga lamang ang isinagot ko. Sa isang bahagi ng utak ko ay nag-iisip ako ng mga pwedeng pag-apply-an na trabaho. Magiging mahirap iyon sa akin dahil wala akong pinag-aralan. Hindi naman sa literal na walang pinag-aralan. Ang ibig kong sabihin ay hindi ako pormal na pumasok sa isang paaralan upang matuto.

"It may not be true ngunit lumikha iyon ng masamang impresyon para sa coffee shop," wika niya. "See? Konti na lamang ang narito."

Hindi iyon totoo. Kapag ganitong oras ay ganito talaga ang bilang ng mga customers. Kinuha niya ang sobre at inilagay iyon sa kamay ko.

"Pasensya na talaga," wika niya at tumalikod. Nang makalayo siya ay ilang segundo kong tinitigan ang sobre sa kamay ko bago bumalik sa counter.

Naiintindihan ko ang ibig nilang sabihin kaya hindi ako nagpumilit pa. Sinalubong ako ng isang kasamahan ko.

"V, okay ka lang ba?" tanong ni Mary.

Pinilit kong ngumiti sa kanya. "Ayos lang ako."

"Pasensya ka na, ha? Maliban sa ini-report ka ng guard, may CCTV eh," wika niya at hinawakan ako. "Ano na ang plano mo ngayon?"

"Maghahanap ng ibang trabaho."

"Pasensya na talaga," wika niya at napayuko. Maya maya ay bigla siyang napatingin sa akin. "Sa tingin ko ay may maitutulong ako!"

Hinubad niya ang suot na apron at hinila ako. "Sandali, 'di ba may duty ka?"

"Magde-day-off ako para sa 'yo!" sagot ni Mary. "Halika na!"

"Tekaaa-"

Bigla na lamang niya akong kinaladkad palabas ng coffee shop. Pumara siya ng taxi at agad na sumakay kami roon.

"Saan mo ba ako dadalhin?"

"Sa bagong trabaho mo," tila nasasabik niyang sagot.

"Bagong trabaho? Wala akong dalang resume o anumang credentials-"

"Ano ka ba! Okay lang! Urgent hiring kasi sabi ni Tita kaya kahit wala kang resume, ayos lang."

Hindi na lamang ako nagreklamo at nanahimik na lamang. Kailangan ko ng trabaho at ngayon ay tinutulunhan ako ni Mary para doon.

Nagulat ako nang huminto ang taxi sa harap ng isang eskwelahan. Pamilyar sa akin ang paaralan dahil ilang beses na rin akong nakapunta rito.

"D-dito? Anong gagawin natin dito?"

Nakangiting itinaas ni Mary ang kanyang mga kamay at ipinakita sa akin ang logo na nasa gate. "Welcome to Bridle University! Your new workplace!"

"Ano?!" Teka, ano ba ang pinagsasabi niya? Hinila ko siya paalis doon at kinausap. May mga iilang estudyante roon dahil ilang linggo na lamang ay magsisimula na ang klase.

"Ano ka ba! Ikaw ba ang may-ari ng eskwelahang 'yan? Makapagsalita ka parang makukuha talaga ako."

Hinawakan niya ako upang mapatigil ako sa paghila sa kanya. "Hindi! Ano ka ba, ang laki ng school na 'to! May elementary, high school at college! Ang mahal pa ng tuition! Kung ako ang may-ari nito, edi hindi na ako magtatrabaho dun sa coffee shop. Sure naman kasi na makukuha ka."

"Anong makukuha? Teka ano ba ang trabaho rito? Janitress?"

Umiling si Mary. "Hindi no! Hindi pang janitress 'yang beauty mo! Assistant librarian!"

"Ha? Pwede ba yun-"

"Hindi naman talaga assistant librarian, tunog ganun lang. Basta, tutulungan mo yung librarian sa pagbabalik ng mga libro at sa inventory. Sa pag-i-stamp na lang din at pagpo-photocopy," nakangiting sagot. "Okay naman yung rate kaso allergic ako sa library, baka pagalitan pa ako ni Tita kapag nakatulog ako. Tita ko yung librarian."

"Hindi ba may mga student assistant naman?" tanong ko.

"Hello? Ang yayaman kaya ng mga nag-aaral sa Bridle! Walang mag-i-SA riyan. At saka huwag kang mag-alala. Sa college Lib ka naman eh. Iba raw kasi ang library ng college, high school at elementary. At V balita ko, state-of-the-art ang library nila!"

Bigla akong nanlamig. Sa college ng Btidle? Hindi ba- huh! Hindi naman siguro. Isa pa ay magandang opurtunidad ito. At least, sa library ay walang Detective Sean na dadaan araw-araw upang sabihing balang araw ay mahuhuli niya rin ako.

"So ano? Go na tayo?"

Hindi man lamang hinintay ni Mary ang sagot ko at agad akong hinila papasok sa loob. Ito yata ang unang beses na nagawi ako rito na sa main gate ako dumaan. Madalas kasi ay ang bakod sa likod ang inaakyat ko. May mga bagong gusali roon at mas lalo pa iyong lumaki.

"Teka V, may problema... Hindi ko alam kung saan dito ang library ng college." Napatingin siya sa paligid. Malapit lamang ang Bridle High School at Bridle College department. Napakalaki ng eskwelahan at kung hindi ka sanay, tiyak maliligaw ka. Mas kabisado ko ang High School kaysa College dahil madalas ako roo dati. "Magtanong-tanong na lang tayo!"

Isang pamilyar na pigura ng babae ang nakita ko at tila nais kong magtago ngunit huli na ang lahat dahil ang babaeng iyon na mismo ang nilapitan ni Mary. Umayos na lamang ako ng tayo at hindi nagpahalata. Kilala ko lamang siya sa mukha dahil isa siya sa mga kaibigan ni Amber. Sa tingin ko ay hindi naman niya ako kilala dahil nagbalat-kayo ako noong dati na nagkita kami sa ospital.

"Excuse me."

Huminto ang babae sa paglalakad nang marinig si Mary. Habang hawak-hawak ako ay lumapit si Mary sa kanya at ngumiti.

"Hi! Ako nga pala si Mary. Taga-Bridle ka ba? Okay lang ba na magtanong?"

Ngumiti ang babae nang ubod ng tamis. Mas matangkad ako sa kanya at mukhang mas matanda rin ako sa kanya. Lumabas ang maliliit na biloy sa pisngi nito at hinarap kami ni Mary.

"Hello, Mary! Ako nga pala si Math Corazon, and yes I am from Bridle. Sure, ano ba ang itatanong mo?" sagot niya. Saglit na napatingin sa akin ang babae bago muling tumingin kay Mary. Sa tingin ko ay hindi nga niya ako namumukhaan.

"Kabisado mo ba ang Bridle? Hinahanap kasi namin ng kaibigan ko ang college library. Eto nga pala ang kaibigan kong si V."

Nagtama ang mga mata namin ngunit saglit lamang iyon. Isang pilit na ngiti ang ibinigay ko at agad na nag-iwas ng tingin.

"Yup, I know Bridle a lot. Dito ako gumradweyt ng high school. And oh, what a coincidence! Papunta rin ako roon, halikayo. Sabay na tayo."

Naglakad siya at sumunod kami sa kanya. "Mabuti na lang," bulong ni Mary sa akin. Gusto ko sanang sabihin sa kanya na huwag kaming sumama ngunit agad na siyang sumunod dito habang hila-hila ako.

"I know Bridle so well," wika ni Math. "Like I said, dito ako nagtapos at with flying colors pa. Nakikita niyo ba yang mga bagong dagdag na pathways? It's my parting project as an SSC President. Sayang nga eh, half lang ang naging termino ko dahil nag-take over lang ako after mamatay nung president. The student body said that I will have more legacy if mas matagal pa ang termino ko. It's not just the pathway but as well as the waste management, student lounge and peer clubs."

"Wow. Napaka-achiever mo naman," tila humahangang wika ni Mary.

"Of course, I am. Mula pa lamang noong nursery ako. My nanny said I can count one to one hundred when I was four, hindi nga lang clear yung words kasi nga ang baby ko pa," kwento niya kasabay ng kanyang tawa. "Pati noong elementary ako ang dami kong achievements."

"Wow ang galing!"

Aba, Mary! Nagiging instant fan ka yata ng babaeng iyan. Bakit parang nagyayabang siya sa pandinig ko?

"Yup, there's no contest that I joined na hindi ako nag-uwi ng medalya. Oh, ano nga pala ang gagawin niyo sa library?"

Sumabay si Mary sa paglalakad ni Math habang hawak-hawak pa rin ako. "Mag-a-apply kasi ang kaibigan ko."

"Ah, for assistant? Mabuti naman at mafi-fill na ang posisyong iyon lalo na at malapit na ang pasukan. We're really looking for someone to assist the librarian, but unfortunately, students here are not into applying for student assistant. Kung hindi lang talaga ako busy, ako na lang sana. But knowing my schedule, I think I don't have much time. Teachers here rely much on me. Siguro ay dahil nakikita nilang loyal at trustworthy ako. I'm concern about it kasi malaki ang donation ng Daddy ko for the library."

"Mukhang mahihirapan ka nga. Talaga? Magkano naman?"

"Naah, huwag mo nang alamin baka gaya ng reaksyon ng iba ang sasabihin niyo. They keep on telling me that it was a huge amount at sayang daw but I don't think so. It's a good investment actually. Hindi lamang para sa akin kundi para na rin sa lahat ng gagamit ng library," sagot ni Math.

"Uhhh! Hindi ka lang maganda at matalino. Mabait pa!" nagniningning ang mga matang wika ni Mary! Tsk! Eh parang nagbubuhat lang naman siya ng sariling bangko, ah?

"Thanks! Nandito na pala tayo," wika ni Math at tinuro ang malaking pinto.

Binuksan niya ang pinto at inilahad ang palad. "Welcome to Bridle University's library! So paano, mauna na ako? I have something to do inside, see you around!"

Muli ay isang matamis na ngiti ang pinakawalan niya. Nang mawala ito sa paningin namin ay bigla na lamang napatalon sa tuwa si Mary. "Waaaah! Ang bait niya, V! Anak mayaman pero ang bait!"

"Halika na nga!" Sa pagkakataong ito ay ako na ang humila kay Mary papasok sa library dahil mukhang tuluyan na itong nadala sa pagbubuhat ng sariling bangko ng babaeng iyon. Tunog pa lang ng pangalan, ayaw ko na sa kanya. Mas lalo na ngayong madalas niyang kasama si Calvin.

#

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro