Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 15: DEAD

Chapter 15: DEAD

~VICTORIA~

MASYADONG ABALA ngayon sa coffee shop. Marami-rami rin ang pumunta rito kanina kaya kahit papaano ay nawaglit din sa isipan ko ang tungkol sa problemang kinakaharap namin. Nang malapit nang matapos ang shift ko kinagabihan ay napaupo ako matapos hubarin ang suot kong hairnet at apron.

"Haaay! Nakakapagod!" bulalas ng kasamahan kong si Aila. Umupo siya sa upuang nasa harapan ko at nag-inat. "Buti ka pa, kahit pagod ay hindi man lang naging haggard."

Simpleng ngiti lamang ang itinugon ko sa kanya at muli siyang nagsalita. "Kung mayaman lang talaga ako, hindi ako magtatrabaho rito! Hahay, magnakaw kaya ako?"

"Ano?"

"Joke lang!" wika niya at binato ako ng isang pirasong mani. "Pero kung hindi lang talaga ako makukulong, aba! Uunahan ko ang Lupin III sa pagnakaw dun sa mga ginto."

Napatingin ako sa kanya ng seryoso. "Alam mo ang tungkol sa kanila?"

Nalukot ang mukha niya. "Ano ka ba? Syempre, oo! Laman sila ng balita, 'di ba?"

Oo nga pala.

"Jusko, ang mamahal kaya nung mga ninakaw nila at eto pa ha, ang gagaling nila! Imagine, sa dami na ng ninakaw nila, hindi man lang sila nahuli!" tila humahangang wika niya. "Sana may makilala akong isa man lang sa kanila, magpapaturo talaga ako kung paano maging katulad nila."

"Gusto mong maging katulad nila?"

Dahan-dahang tumango si Aila. "In some way, oo. Kasi naman kahit magnanakaw sila, wala namang kahit sinong nasaktan, at hindi rin naman sila nandadamay ng mga tao."

Tama si Aila. Sa lahat ng mga proyekto namin ay wala pa kaming taong napinsala dahil iyon talaga ang gusto namin.

"At ito pa, Victoria, ayon sa lola ko, mas mabuti na rin daw na ninakaw nila ang mga ninakaw nila dati," wika niya sa mahinang boses at tumingin sa iilang mga customer na naroon. "Kasi, sabi ni lola, hindi naman talaga yung mga mayayamang iyon ang tunay na may-ari nun, eh. Ninakaw lang din nila, at what's worst ay pinatay pa nila ang mga tunay na may-ari."

Kahit alam ko ang tungkol doon ay nagkunwari akong nagulat sa sinabi ni Aila. "Ano? Totoo? Paano naman niya nalaman?"

"Kasi witness ang lola ko dati noong dalaga pa siya. Alam mo ba yung dyamanteng napakalaki na ninakaw dati sa pamilya Braganza? Nakita ng lola ko kung paano pinatay ni Manuel Braganza ang tunay na may-ari nun. Mahirap lang si Lola at kakampi ng mga Braganza ang pulis kaya dinala na lamang niya hanggang sa pagtanda niya ang karumal-dumal na krimeng iyon," wika niya at bahagyang nalungkot.

"Pasensya ka na, nalungkot ka tuloy."

"Okay lang, Victoria pero secret lang yun, ha?" sabi niya at tumango ako bilang tugon. "May customer oh."

Agad naman akong lumapit sa counter at hindi man lamang nag-abalang tingnan ang mga bagong dating na customer.

"Isang espresso at dalawang Americano please," wika ng isang customer na nakatayo sa harap ng counter. Nang magsalita ito ay saka pa lamang ako nag-angat ng tingin sa kanila. Maganda ang babae at napakaputi. May kasama siyang lalaki na medyo moreno ang balat at isa namang lalaking...

"Kukunin mo ba ang order namin o tititigan mo lang siya?" wika ng babae. Malambing ang boses nito ngunit may halong panganib. Hindi ko alam kung bakit ko naisip na mapanganib siya kahit na balingkinitan ang katawan nito. Maputi ang balat at tila isang hawak lamang ay magkakasugat siya.

"Stef, you're being rude again," wika ng kasama nitong lalaki na may morenong balat. Kaswal lamang ang tinging itinapon nito sa babaeng tinawag nitong Stef at sa isa pang lalaking kasama nila.

"I told you to stay in your car. Bakit hanggang dito ay kailangan niyo pa rin akong sundan?" tanong ng isang lalaking kasama nila. Siya ay walang iba kundi ang hacker. Napadpad lang ba sila rito o sinadya niya talagang magpunta rito.

Isang matamis na ngiti ang pinakawalan ng babae. "Babe-"

"Mnemosyne!"

"Ryu pala. Ryu, curious lang ako kung bakit ka bumaba rito. Who knows you've got someone here with you."

Napansin ko ang tingin ng morenong lalaki kay Ryu at sa halip na makiusyoso ay inihanda ko na lamang ang order nila. Ipinagwalang bahala ko ang pakiramdam na pinapanuod ang bawat galaw ko at nang matapos ako ay inilagay ko sa harap nila ang kanilang orders.

Matapos silang magbayad at maibigay ko ang sukli nila ay tumalikod na ang dalawa maliban na lamang sa hacker. Hinawakan niya ang styro cup at nakatingin ng diretso sa akin. Napahinto ang babae at nilingon si Ryu at ipinaglipat-lipat ang tingin sa aming dalawa.

"Ryu?"

"Mauna na kayong dalawa," tila isang hari na utos niya. Hindi ko alam kung ano ang kaugnayan nilang tatlo basta't nakakatiyak ako na sinusunod nila ang sinasabi ng hacker. Walang nagawa ang dalawa kundi ang maunang lumabas ngunit bago iyon ay isang masamang tingin ang ibinato sa akin ng babae. Nang tuluyan silang makaalis ay umalis na rin ako sa counter ngunit nagsalita si Ryu.

"Mag-usap tayo."

Ma-autoridad ang kanyang tono gaya ng ginamit niya kanina. Isang blangkong tingin ang isinagot ko sa kanya.

"It's about the problem," wika niya sa malumanay na boses. Dahan-dahan akong tumango sa kanya.

"Kung gayon ay mas mabuting mag-out muna ako sa trabaho." Hindi ko hinintay ang sagot niya at tinungo na lamang ang silid kung nasaan ang mga gamit ko. Kakaiba ang ngiti ni Aila sa akin habang ngumunguso kay Ryu. Hindi ko siya pinansin at agad na nag-out upang kausapin si Ryu.

Nang magkaharap na kami sa mesa ay isang maliit na papel ang inilapag niya sa harapan ko. Nang sulyapan ko ang papel ay naglalaman iyon ng iba't ibang mga pangalan.

"These are the names of the persons who's with us before we get drunk and cannot remember anything. Sa tingin ko ay ikaw ang may kakahayahang mangalap ng impormasyon mula sa kanila. They must have known something."

"Ano ba ang tingin mo sa akin, detective?" sarkastikong tanong ko. Napansin ko ang bahagyang pagkuyom ng kanyang kamao kasabay ng kanyang pagpikit na tila ba pinipigilan ang sarili.

"Look, sa ating apat, ikaw lamang ang hindi nalasing at walang maalala. Whoever is trying to sabotage us could only be identified by you. Surely you don't want further complications because of this right?" tanong niya.

Iniiwas ko ang tingin sa kanya at itinuon iyon sa iilang mga customer na naroon.

"I did my part. Sinubukan kong i-track ang pinagmulan ng online manifesto. Inaamin kong nahirapan ako, even though I am the best person who can do this." May halong pagyayabang ang kanyang boses. "And that's the best I've got given the short time. You do the rest."

Saglit siyang naghintay ng sagot ko ngunit mukhang siya yata ang taong may pinakamaikling pasensya kaya pagkalipas lamang ng limang segundo ay padabog na tumayo ito at iniwan ako. Oo limang segundo lamang ang haba ng kanyang pasensya. Binilang ko.

***

Magaling akong gumalaw ng walang nililikhang tunog ngunit tuwing may ninanakaw ko lang ginagawa iyon. Ngunit iba ngayon. Maingat at walang ingay ang ginagawa ko sa kailaliman ng gabi. Inakyat ko ang hindi kataasang bakod at maingat na lumundag.

Wala akong ginagawang proyekto ngayon na maaring magdala ng pera o kaya ay mamahaling bagay sa amin. Sa halip ay nasa isang espesyal na proyekto ako, sa utos ng hacker. Sinubukan kong balewalain ang utos niya ngunit paulit-ulit kong naririnig sa tainga ko ang sinabi niya kaya wala akong nagawa kundi puntahan ang taong nasa papel na ibinigay niya kanina.

Nasa isang apartment ako. Tatlong pinto lamang ang apartment na iyon ngunit natitiyak kong ang gitnang pinto ang pakay ko. Balak ko sanang pasukin iyon ngunit biglang may pumihit sa siradura kaya naging mabilis din ang pagkubli ko.

"Oo, p're! Singkwenta mil din ang nasa account ko matapos kong i-post sa internet 'yun!" wika ng lalaking lumabas at may kausap ito sa kanyang cellphone. "Oo, lalabas na ako. Iwi-withdraw ko! Magdamag tayong mag-iinuman ngayon!"

Ito nga ang nag-post ngunit ibig bang sabihin nito ay may nag-utos lamang sa kanya? Nanatili ako sa pinagtaguan ko at nakinig lamang.

"Oo nga! Sige na, pare. Ibababa ko na! Kita na lang tayo roon, ha?"

Nang ibinaba niya ang telepono at inilagay iyon sa bulsa niya ay agad akong lumabas. Nagulat ito nang makita ako at ginamit ko ang pagkakataong iyon upang hawakan siya nang mahigpit sa kanyang mga braso at muling ipasok sa loob ng apartment.

"Aray! Ahh- Sino ka?!"

"Sino ang nag-utos sa 'yo na i-publish sa internet ang Lupin III Manifesto?" diretsong tanong ko sa kanya. Sinigurado kong hindi niya ako makikilala kay nagsuot ako ng face mask na nakatakip sa kalahati ng mukha ko at tinago ko rin ang buhok ko sa ilalim ng suot kong wig.

Bigla itong ngumisi ng nakakaloko at tiningnan ako mula ulo hanggang paa. "Kahit nakatakip 'yang mukha mo, ang sarap tingnan ng katawan mo."

"Hindi iyan ang tinatanong ko."

Lumapit siya ng isang hakbang sa akin. "Ang lakas ng loob mong pumunta rito nang mag-isa at ganitong oras ng gabi." Kinagat niya ang kanyang pang-ibabang labi kasabay ng pagkindat niya at iyon na yata ang pinakanakakasukang tanawin na nakita ko. Bigla niya akong sinunggaban ngunit naging mabilis ako upang baliin ang kanyang braso at napaaray siya sa sakit.

"Ahh! Ahh.. A-aray!"

"Sabihin mo sa akin kung sino ang nag-utos sa 'yo?!" Mas hinigpitan ko pa ang pagkakahawak sa kanya hanggang sa namilipit siya sa sakit.

"Aray ano ba! Oo na! Oo na! Sasabihin ko na!" tinangka niyang kumawala sa akin ngunit nabigo siya.

"Sabihin mo na kaagad kung gusto mong makawala sa akin!"

"Hindi ko siya kilala, okay?" wika niya at nang hinila ko patalikod ang braso niya ay muli siyang napadaing. "A-aah! Hindi ko siya kilala pero alam ko kung saan siya nakatira!"

"Paano naman ako makakasigurado riyan sa pinagsasabi mo?" tanong ko sa kanya.

"Alam kong mahirap paniwaalan! Kahit nga ako, eh! Nang lapitan niya ako ay hindi ako makapaniwala! Kaya lingid sa kaalaman niya ay sinundan ko siya!"

"Saan?"

"Ibibigay ko sa 'yo ang address!"

Nakahawak pa rin ako sa kanya nang dahan-dahan siyang naglakad papalapit sa mesa at nagsulat ng address sa isang maliit na papel at iniabot iyon sa akin.

"Kapag nalaman kong niloloko mo lang ako-" sinadya kong bitinin ang sasabihin ko at napansin ko ang paglunok niya. Minsan ay nakakatakot din pala ako. "Kahit saan ka man magtago ay mahahanap pa rin kita."

Panay ang kanyang pagtango. "H-hindi... Hindi kita niloloko."

Saka ko lamang binitawan ang kamay niya at namimilipit pa rin siya sa sakit. Nagmatyag ako saglit bago tuluyang lumabas ng pinto at tinahak ang daan.

Nang puntahan ko ang address ay isa rin iyong apartment. Malaki ang apartment at patay ang ilaw ng ibang pinto maliban sa pintong nakasulat sa hawak kong papel. Iginala ko ang paningin sa kabuoan ng lokasyon. Malayo-layo ang ibang kabahayan at dahil malalim na ang gabi ay tahimik ang paligid at walang taong gumagala.

Naging sanhi iyon upang mapadali ko ang pagpasok sa loob. Aakyatin ko na sana ang di kataasang bakod ngunit napansin kong nakabukas ang gate. Hindi ko maiwasang magduda ngunit iwinaglit ko iyon sa isipan. Dumaan ako sa gate at nagmatyag muna bago pumunta sa pinto. Sinubukan kong makinig kung ano ang nangyayari sa loob ngunit tahimik lamang.

Pinihit ko ang siradura ng pinto at sumilip sa loob. Gaya ng inaasahan ko ay walang tao roon kaya hindi ako nag-alangang pumasok. Naglibot ako sa loob at wala akong napansin na kakaiba roon. Bigla na lamang akong nakarinig ng isang mahinang lagabog. Napakahina lamang niyon at dahil kapag nasa larangan ng pagnanakaw ka ay kailangan ng matalas na pandinig. Paakyat na sana ako ng hagdan nang namataan ko ang isang mesa kung saan may computer at ilang mga bahagi ng newspaper na idinikit sa dingding. Lumapit ako roon at napatda nang makita kung ano iyon.

Mga pag-aaral tungkol sa Black Diamond, mga balita na tungkol sa mga ninakaw namin at ilang mga reviews tungkol sa amin na kumakalat sa internet at ang pagkukumpara sa amin sa Black Diamond. Kung gayon, ibig sabihin ay wala talagang Lupin III at iyon ay isang scam! Kung titingnan ang mga ito, nakabase lamang sila sa mga research kaya sila nagkaroon ng mga impormasyon tungkol sa amin!

Nagmamadaling umakyat ako sa hagdan. Kung sino man ang may gawa nito, kailangan kong malaman kung ano ang pakay niya kung bakit niya iyon ginagawa.

Pagdating ko sa taas ay isang lalaking nakaupo sa isang study table ang nadatnan ko. Nakatalikod ito sa akin at nakasubsob ang ulo sa mesa. Hindi na ako nag-abalang lapitan siya at nanatili na lamang sa bukana ng pinto.

"Bakit ka naglabas ng impormasyon tungkol sa Lupin III?"

Walang sagot.

"Paano ka nagkaroon ng ideya na apat sila at ano ang nais mo?"

Wala pa ring sagot mula sa lalaki at nanatiling nakasubsob ang ulo nito.

"Bawiin mo ang inihayag mo sa internet. Hindi ko alam kung saan mo nakuha ang ideya na Lupin III ang ipinangalan mo. Kung ayaw mong maging kumplikado ang lahat, baklasin mo ang lahat ng p-in-ost mo sa internet," pananakot ko sa kanya ngunit nanatili pa rin ito sa kanyang posisyon.

Nakaramdam ako ng pagkairita kaya lumapit ako sa kanya upang hilahin siya ngunit nagulat na lamang ako sa nakita. Nakasubsob ang ulo nito sa mesa at dumadaloy ang dugo mula roon.

"A-anong...." Napaatras ako mula sa kinatatayuan at nasapo ang bibig ko nang bigla na lamang bumukas ang cabinet at lumabas doon si Detective Sean Moran na may hawak na baril at nakatutok sa akin.

"Freeze! Tanggalin mo ang suot mong maskara!" sigaw niya sa akin. "You took our bait, thank you."

Nanatili lamang akong nakatayo roon at nang inutusan niya akong itaas ang kamay ay sumunod ako.

"Inspector Roa, good job. Ngayon ay tulungan mo akong hulihin ang magnanakaw na ito. She's cunning and dangerous so I need a hand," wika niya ngunit sa akin pa rin nakaharap.

Nang wala siyang marinig na sagot ay inulit niya ang pagtawag dito.

"Inspector, tama na ang pagtutulug-tulogan, here she is. Dadalhin na natin siya sa presinto."

Wala pa ring sagot kaya lumapit siya sa kasamahang nakasubsob at hinawakan ito sa balikat gamit ang isang kamay at hinila patayo nang hindi inaalis ang paningin sa akin maging ang pagkakatutok sa baril.

Gaya ng reaksyon ko ay nagulat siya nang bigla itong natumba at napahandusay sa sahig habang walang tigil ang pag-agos ng dugo mula sa iisang sugat na dulot ng bala sa ulo na tumagos sa kanyang noo.

#

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro